Lunes, Marso 23, 2015

10 Punto Laban sa Pagmimina


10 PUNTO LABAN SA PAGMIMINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan na akong nakasama sa rali sa harap ng tanggapan ng isang kilalang korporasyong nangunguna sa pagmimina. Noong Marso 12, 2014, kasama ako sa grupong Sanlakas na nagrali sa harapan ng tanggapan ng Philex Mining Corporation sa #27 Brixton St., Brgy, Capitolio, Pasig City upang kondenahin ang 19 na taon ng disgrasya sa mamamayan dulot ng walang habas na pagmimina.

Ipinahayag pa ng Sanlakas, kasama ang Alyansa Tigil Mina (ATM), na dapat magkaroon ng katarungan ang mga biktima ng malawakang pagmimina at dapat nang palitan ang RA 7942 o Mining Act of 1995, at palitan ito ng AMMB (Alternative Mineral Resources Bill) na nakasalang ngayon sa Kongreso. Makikita sa mga plakard ang mga panawagang tulad ng: "Notice of Closure for Philex Mining Corporation!", "Ibasura ang Mining Act of 1995 (RA 7942), at "Katarungan sa lahat ng biktima ng disgrasya ng pagmimina!"

Noon namang Agosto 15, 2014 ay sumama rin ang inyong lingkod sa rali sa harap ng tanggapan ng internasyunal na kumpanyang Glencore sa Ortigas. Dala ang panawagang "Glencore: World-Class Human Rights Abuser!", ang nasabing pagkilos ay bilang paggunita sa naganap na masaker ng 34 na manggagawa sa minahan noong Agosto 16, 2012 sa Lonmin Mining Property sa Marikana, South Africa. Hinihiling ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod ngunit ang natanggap nila'y punglo, kamatayan.

Ang Lonmin Mining Property ng South Africa ay pag-aari ng kumpanyang Glencore, na siya rin umanong may-ari ng Sagittarius Mines sa Tampakan, South Cotabato dito sa bansa. May masaker ding nangyari sa Tampakan dahil sa mariing pagtutol ng mga katutubo sa pagmimina sa kanilang lugar. Ang nangyaring iyon sa Marikana ay naging isang dokumentaryong pinamagatang "Miners Shot Down" na ipinalabas na sa maraming bansa, at ipinalabas din dito sa Pilipinas noong Agosto 13, 2014. Iniugnay rin ang nangyaring iyon sa naganap na masaker sa Tampakan sa South Cotabato noong Oktubre 2012, kung saan pinaslang ang pamilyang Kapeon na tutol sa pagmimina sa kanilang lugar. Ang Agosto 16 ng bawat taon ay idineklarang Global Day of Remembrance (Pandaigdigang Araw ng Paggunita) sa mga pinaslang na manggagawa sa Marikana. 

Nitong Nobyembre 19-21, 2014 ay nakasama ako sa 3-araw na environmental and workers rights training sa isang anti-mining area sa Zambales. Ako ang kinuhang tagatala ng mga usapan o minutero ng buong tatlong araw na pagsasanay ng mga manggagawa mula sa iba't ibang minahan sa Zambales. Ang kanilang isyu - sila ay tinanggal sa trabaho, at kung may trabaho man, hindi sila regular, mababa ang sahod, at walang TIN, SSS, at PhilHealth. Sa ikatlong araw ng aktibidad na ito'y naitatag ang Mining Workers for the Environment Association (MWEA). Ito'y binubuo ng mga manggagawa mula sa apat na malalaking kumpanya sa pagmimina, na Benguet Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals Inc. (EMI), Zambales Diversified Metals Corporation (ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining Corporation / LnL Archipelagic Minerals, Inc. (FMC/LAMI). Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS) sa pangunguna ni Dr. Ben Molino, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Alyansa Tigil Mina (ATM), at dumating din doon bilang tagapagsalita si Mr. Max de Mesa ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA). Kinabukasan, Nobyembre 22, 2014, ay inilunsad naman ang isang talakayan sa umaga, na pinamagatan nilang "Ang Kapaligiran, ang Batas at Pagmimina, at Kagalingan ng Mamamayan".

Nito lang Marso 10, 2015 ay dalawang dekada na ang Batas Republika 7942, na mas kilala bilang Mining Act of 1995 ng Pilipinas. Isa umano itong batas na magdudulot ng paglago ng ekonomya, sustenableng pag-unlad, oportunidad na magkatrabaho ang marami, at lubusang magamit ang yamang mineral ng bansa. Ngunit hindi iyon ang naganap. Ang mga pangako’y napako, dahil na rin marahil pangako iyong walang katiyakan at nakabatay sa pagwasak ng ating kapaligiran Pagkat dalawampung taon na ay hindi pag-unlad ang nakamit ng bansa, kundi pagkawasak ng kalikasan, pagkaapi, pagkataboy, at kamatayan ng mga katutubong naninirahan sa paligid ng minahan.

Ano na nga bang kinahinatnan ng mga imbestigasyon sa naganap sa Marcopper sa Marinduque? Sa iba pang lugar ng pagmimina, tulad sa Didipio?

Sa mga nangyayaring iyon, may inilatag na sampung punto ng karapatang pantao hinggil sa pagmimina (Ten-Point Human Rights Agenda on Mining) ang iba't ibang grupong makakalikasan, sa pangunguna ng Alyansa Tigil Mina (ATM). 

Ang sampung punto o kahilingan, o gabay sa pagkilos, ay ang mga sumusunod, pati na ang kanilang paliwanag:

1. IBASURA ANG MINING ACT OF 1995! ISABATAS ANG ALTERNATIVE MINERALS MANAGEMENT BILL (AMMB)! Hindi buti kundi pagkawasak ng likas-yaman ang dulot ng pagpapatupad ng Batas Republika 7942 (o ang Batas sa Pagmimina ng 1995). May depekto ang batas na ito, at hindi nito kinikilala ang karapatan ng pamayanan, lokal na pamahalaan, at mga katutubo na epektibong makalahok sa pagpapasya kung tatanggapin ang pagmimina o hindi. Kinakailangan ng isang bagong batas sa pagmimina na magtataguyod hindi lamang ng karapatang pang-ekonomya ng mga Pilipino sa pamamagitan ng makatarungang pagbabahaginan ng mga benepisyong galing sa mga mineral, kundi isang makatwirang paraan ng pagpapahalaga at pamamahala ng ating mga mineral patungo sa pambansang industriyalisasyon

2. ITIGIL ANG MALAWAKANG PAGMIMINA! Tuluyan nang winawasak ng malawakang pagmimina ang kalikasan, binabago na ang kapaligiran, at pati na pamumuhay ng mga tao, bukod pa sa ito'y nagiging dahilan ng maraming pang-aabuso at paglabas sa karapatang pantao. Ang mga malawakang pagmiminang ito ay inaari at pinatatakbo ng mga lokal at transnasyunal na korporasyon sa pamamagitan ng paggamit ng dahas, panlilinlang, pang-uuto, panunuhol, mga pwersang paramilitar at kahit na pagpatay upang mapatahimik lamang ang mga tumututol sa mga proyektong pagmimina. Malaki rin ang negatibong epekto ng malawakang pagminina sa buhay at kabuhayan ng mga pamayanang nakapaligid dito, tulad ng pagkataboy sa tirahan, di-tiyak na trabaho, pagkawala ng kultura, pagkawasak ng kapaligiran.

3. IGALANG, PROTEKTAHAN AT IPATUPAD ANG KARAPATAN SA SARILING PAGPAPASYA NG MGA LUMAD (FPIC)! Isa sa mga matitinding isyu laban sa pagmimina ay ang kabiguan nitong humingi sa mga katutubo ng malaya, una, at ganap na pagsang-ayon, o yaong FPIC (free, prior and informed consent), na nakalatag sa IPRA (Indigenous People's Rights Act).

4. PROTEKTAHAN ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATANG PANTAO NG MGA KABABAIHAN AT MGA LUMAD NA BABAE SA MGA LUGAR NG PAGMIMINA! Ang mga kababaihan, taganayon man o lumad, ang siyang pangunahing nakaharap sa labanan, lalo na sa pakikibaka upang protektahan ang pamayanan laban sa salot ng pagmimina. Dama nilang tungkulin nilang ipagtanggol ang pamayanan upang manatiling buhay sila at ang kanilang lugar. Ngunit may banta sa kanilang kaligtasan. Nariyan ang pagpaslang noong Oktubre 2012 kay Juvy Capion na isang lider ng tribung B’laan.

5. ITIGIL ANG PAGSASAMANTALA SA MGA MANGGAGAWA SA MGA LUGAR NG PAGMIMINA! Hindi lamang ang kalikasan ang pinagsasamantalahan ng pagmimina kundi maging ang ating mga manggagawa. Nakalantad sa maruming kapaligiran, tulad ng maruming hangin at kakulangan ng proteksyon sa paggawa, ang mga manggagawa sa minahan. Nariyan pa ang tinatawag na unfair labor practice (ULP) o hindi makatarungang patakaran sa paggawa, tulad ng salot na kontraktwalisasyon at kakulangan ng pasahod. Ayon umano sa International Solidarity Mission on Mining (ISMM), kumikita ng higit sa P36 milyon ang mga kumpanya sa pagmimina sa dalawang araw na pagtatrabaho ng mga manggagawang Pinoy sa minahan na nakatatanggap lamang ng P233 na sahod kada araw, na sadyang kalahati lamang ng P466 na minimum na pasahod kada araw na natatanggap ng isang manggagawa sa National Capital Region. Dinudurog din ang pagtatayo ng mga unyon ng manggagawang nagkakaisa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

6. PROTEKTAHAN ANG KALIKASAN AT ANG KARAPATAN SA ISANG LIGTAS, MAKATARUNGAN AT BALANSENG EKOLOHIYA! Maraming mga aplikasyon sa pagmimina, pati na mga proyekto, ang nasa nalalabing kagubatan ng Pilipinas. Nagdudulot ito ng malaking suliranin pagkat 18% na lang ng buong kagubatan ang natitira, gayong ang ideyal na bahagdan dapat ay nasa 50% para sa isang maayos na kapaligiran. Ang mga kontrata ng pagmimina ay may mga probisyong nagbibigay ng karapatan sa mga minahan na magtroso sa mga lugar na minimina. Ang maramihang pagpuputol ng puno at pananalanta nila sa kagubatan, ang paglilihis sa pinagkukunang tubig, at paglalagay ng imprastruktura sa mga lugar na ito ay nakasisira sa balanse ng kalikasan. Nanganganib ang kalikasan dahil sa pangwawasak ng pagmimina. Dahil sa lalong pag-unti ng mga puno ay mas mahihirapan tayong umangkop at masolusyonan ang banta ng nagbabagong klima, kaya ang mga dukha'y nahaharap sa panganib na dulot ng mga kalamidad, tulad ng bagyo, baha, at pagguho ng lupa.

7. ITIGIL ANG MGA PAMAMASLANG! PROTEKTAHAN ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATANG PANTAO! Ang paglaganap ng operasyon ng pagmimina sa bansa ay kinakitaan ng pamamaslang sa mga Human Rights Defenders (HRDs) sa larangan ng kanilang pagtindig laban sa malawakang pagmimina, at pagtataguyod ng adbokasya para protektahan ang kalikasan. Ang ilan sa mga kilalang taong napaslang ay sina Fr. Fausto Tentorio ng Hilagang Cotabato at Dr. Gerry Ortega ng Palawan. Gayundin naman, may mga pinaslang ding mga hindi kilala ngunit nakibaka para sa kalikasan, tulad ng nangyari kina Genesis Ambason ng Agusan del Sur, Francisco Canayong ng Leyte, Armin Marin ng Romblon, Gensun Agustin ng Cagayan, Datu Roy Bagtikan Gallego ng Surigao Sur at marami pang iba. Ang mga nakikitang direktang responsable sa pamamaslang ay ang mga pribadong ahensya ng mga gwardya ng kumpanya, ang mga militar at mga grupong paramilitar, ngunit kasama rin nilang responsable sa pamamaslang ang mga may-ari ng mga minahan at ang pamahalaan.

8. ITIGIL ANG PAGTATABOY SA MGA TAGANAYON! Protektahan ang karapatan sa pagkain, tubig, at pagkukunan ng ikabubuhay. Ngunit dahil sa kakulangan ng konsultasyon at di-pagsisiwalat sa taumbayan ng impormasyon, ang malawakang pagmimina ay karaniwang nagtataboy sa mga lumad at iba pang nakatira sa lugar na binigyan ng permisong magmina. Maraming dokumentadong kaso ang nagpapakita na ang mga operasyon ng mga nagmimina ay nagdudulot ng takot, pagkabalisa at mga labanan sa mga apektadong lugar. Pag nagsimula nang minahin ang isang lugar, malaking panganib na ang dulot nito sa pagkukunan ng maiinom na tubig, tulad ng ilog, sapa, batis at balon. Napakaraming tubig ang kinakailangan ng mga nagmimina sa kanilang operasyon at dumudumi pa ang tubig, na siyang dahilan upang maapektuhang todo ang produksyon ng pagkain at kalusugan ng mga naninirahan. Ang pagkataboy at paglikas ng mga kababaihan sa lugar ay nagdudulot ng malaking aalalahanin dahil maaari silang maging biktima ng sex trafficking.

9. ITIGIL ANG MILITARISASYON AT PAGPAPADALA NG MGA PWERSANG PANDEPENSA PARA SA NEGOSYO! Ang pagpasok ng mga kumpanya ng pagmimina sa mga pamayanan ay nagdulot ng militarisasyon sa mga lugar ng katutubo. Madalas na nagpapadala roon ng mga tropang militar upang depensahan nito ang mga kumpanya ng pagmimina at magdulot ng takot sa mga tagaroong ayaw sa pagmimina, dahil winawasak nito ang kanilang lugar, kalikasan at kabuhayan. Gayundin naman, nagbuo ng sariling pwersang paramilitar ang mga kumpanya ng pagmimina. Nagdulot ito ng kamatayan at pagkawasak, at di mabilang na paglabag sa karapatang pantao.

10. KATARUNGAN SA LAHAT NG MGA BIKTIMA NG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO DAHIL SA ISYU NG PAGMIMINA! Wakasan ang mapagsamantalang pag-unlad! Ang pag-unlad ay nagiging mapagsamantalang pag-unlad kung ang mamamayan ay nagiging biktima na, at hindi mga benepisyaryo; kapag binabalewala ang kapakanan at partisipasyon ng mamamayan sa pagpaplano ng pag-unlad ng kanilang pamayanan; at kapag ang mamamayan ay itinuturing lang na pain upang tumubo, imbes na sentro ng pag-unlad. Niyuyurakan ng mapagsamantalang pag-unlad ang karapatang pantao ng ating mamamayan sa lahat ng aspeto – sa pang-ekonomya, pampulitika, pangkultura.

Marso 22, 2015

Mga pinaghalawan:
http://alyansatigilmina.net/gallery/tao-muna-hindi-mina-campaign-national-launch/
http://sanlakasfamily.blogspot.com/2014/03/sanlakas-nagrali-sa-tanggapan-ng-philex.html
http://kilusangmasa.blogspot.com/2014/08/kumpanyang-glencore-world-class-human.html
http://alyansatigilmina.net/2015/03/10/atm-statement-for-anti-mining-solidarity-week-9-13-march-2015/

Miyerkules, Marso 18, 2015

Ang tulang "KAY CELIA" ng makatang sina Ben Jonson at Francisco Balagtas

ANG TULANG "KAY CELIA" NG MAKATANG SINA BEN JONSON AT FRANCISCO BALAGTAS 
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sino ba si Celia? At bakit kayraming mga makatang siya ang pinag-aalayan ng pagsinta? Tunghayan natin ang dalawang makata, isang Ingles at isang Filipino, na nag-alay ng tula sa babaeng nagngangalang Celia.

Noong taon 1616 nakatha ang Song: To Celia ng makatang Ingles na si Ben Jonson (1572-1637). Noong 1836 naman tinatayang nakatha ni Francisco Balagtas (1788-1862) ang Florante at Laura kung saan inalay niya ito sa isang nagngangalang Celia. May 22 saknong ang tulang Kay Celia ni Balagtas, bago ang 6 na saknong na Sa Babasa Nito, at ang 399 na saknong na Florante at Laura.

Nakita ko ang "Song: To Celia" ni Ben Jonson sa aklat na Discovering Literature, nina Hans P. Guth at Gabriele L. Rico, pahina 902, na inilathala ng A Blare Press Book. Ang pinangsanggunian ko naman ng "Kay Célia" ay mula sa bagong edisyon (2003) ng aklat na Florante at Laura ni Balagtas na may mga pagsusuri at anotasyon ni Virgilio S. Almario, pambansang alagad ng sining para sa panitikan, pahina 47-50. Ibinatay ito sa limbag noong 1861 ng Imprenta de Ramirez y Girauder.

Ayon sa talasalitaan sa pahina 139 ng Florante at Laura, Bagong Edisyon (2003) ni Virgilio S. Almario, si Celia ay "sinasabing palayaw ni Balagtas sa kanyang mutyang si Maria Asuncion Rivera; ngunit maaaring isang pagtawag din kay Sta. Cecilia na musa ng musika." Parehong tinuturing na awit ang tula nina Balagtas at ng banyagang makatang si Ben Jonson. At marahil ay maganda ring alay ang mga iyon sa musa ng musika na si Sta. Cecilia. Ang "Kay Celia" ni Balagtas ay napakahusay namang isinalin sa wikang Ingles ng makatang Marne Kilates. 

Ayon pa sa pananaliksik, si Celia ay isang mahalagang tauhan din sa dulang As You Like It ng makatang Ingles na si William Shakespeare, na nang taon nang naisulat ni Ben Jonson ang kanyang tulang Song: To Celia, ay taon din ng kamatayan ni Shakespeare. Dagdag pa rito, ang Celia umano ay mula sa wikang Latin na "caelum", na nangangahulugang "langit". At dahil nagmula rin ito sa Cecilia, maaari din itong mangahulugang "bulag" o "musika", (Wikipedia).

Halina't namnamin natin ang mga tulang alay nila sa kani-kanilang Celia.

SONG: TO CELIA (1616)
Ben Jonson 

Drink to me only with thine eyes,
And I will pledge with mine;
Or leave a kiss but in the cup,
And I'll not look for wine.
The thirst that from the soul doth rise,
Doth ask a drink divine:
But might I of Jove's nectar sup,
I would not change for thine.

I sent thee late a rosy wreath,
Not so much honoring thee,
As giving it a hope, that there
It could not withered be.
But thou thereon didst only breath,
And senst it back to me;
Since when it grows and smells, i swear,
Not of thyself, but thee.

AWIT: KAY CELIA
Ni Ben Jonson
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Tagayan mo ako ng iyong mga mata lamang
At ako'y mamamanata nitong abang sarili;
O mag-iwan kaya ng halik subalit sa tasa,
At ako'y hindi na maghahagilap pa ng basi.
Ang uhaw na mula sa aking kaluluwa'y buhat
Sa inaasam-asam na basing may pagkasanto:
Subalit ako man sa lagdò ni Jove'y hihigop
Ako'y hindi magbabago alang-alang sa iyo.

Pinadalhan kita nito lang ng rosas na putong,
Ito'y hindi upang ikaw ay bigyang-karangalan,
Na animo'y nagbibigay ng pag-asa, na roon
Ay hindi na nga malalanta-lanta pang tuluyan.
Ngunit ikaw kapagdaka'y humihinga na lamang,
At iyong ibinalik iyon sa aba mong lingkod;
Subalit nang lumago iyon at humalimuyak,
Ako'y sumusumpa, hindi roon, kundi sa iyo.

Ito ang pagpapakilala kay Ben Jonson, batay sa Biographies of Poets sa nasabi ring aklat, pahina 1803: "Ben Jonson (1572-1637), callled by one critic 'the most scholarly of all Elizabethan playwrights,' worked for a time at bricklaying, his stepfather's trade. Jonson's real love, however, was the theather, and after military service he became attached to a company of actors as player and playwright. His 'Every Man in His Humour' was performed in 1598, with Shakespeare in the cast. Jonson also wrote love lyrics and songs for his many plays and masques."

Ito naman ang tulang "Kay Celia" ni Francisco Balagtas, na maaari ding inaawit, dahil ang turing nga sa buong Florante at Laura ay isang awit. Binubuo ito ng dalawampu't dalawang saknong, at narito ang unang anim na saknong:

KAY CÉLIA
ni Francisco Balagtas

1 Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Céliang namugad sa dibdib?

2 Yaong Céliang laging pinanganganibang
baka makalimot sa pag-iibigan,
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.

3 Makaligtaan ko kayang di basahin
nagdaang panahon ng suyuan namin?
Kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?

4 Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan bangkay ko'y maidlip.

5. Ngayong namamanglaw sa pangungulila,
ang ginagawa kong pag-aliw sa dusa:
nagdaang panaho'y inaalala,
sa iyong larawa'y ninitang ginhawa.

6 Sa larawang guhit ng sa sintang pinsel
kusang inilimbag sa puso't panimdim,
nag-iisang sanglang naiwan sa akin
at di mananakaw magpahanggang libing.

Ang Célia na si Maria Asuncion Rivera ng Pandacan sa Maynila ang Céliang pinatutungkulan ni Balagtas, na mapapatunayan na rin sa ika-22 saknong ng kanyang "Kay Célia":

22 Ikaw na bulaklak niring dili-dili,
Céliang sagisag mo'y ang eMe A eRe;
sa birheng mag-ina'y ipamintakasi
ang tapat mong lingkod na si eFe Be.

Célia. Iniiibig ng dalawang makata. Inspirasyon ng mga makata. Pinag-aalayan nila ng tunay na pag-ibig, ng pagsintang animo'y abot hanggang langit. At marahil may iba pang makatang nag-alay din ng kanilang tula sa sinisinta nilang nagngangalan ding Celia.

Dahil dito'y naisipan kong lumikha rin ng sariling bersyon ng tulang "Kay Célia":

KAY CELIA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Sino ang Célia nina Balagtas at Jonson?
Tila sila'y magandang dilag ng kahapon!
Natititik sa diwa't puso nilang yaon
Ang Céliang walang kamatayan ng panahon!

Ang ngalang Célia ba'y simbolo ng siphayo?
O ito'y tatak ng sanlaksang panibugho?
Tulad nila'y may Célia akong nasa puso
Na buong pag-ibig ang ipinangangako!

Ang Célia'y simbolo, iba man ang pangalan
Ng babaing sinisinta't iniingatan
Kung diwata siya ng buong kagiliwan
O, kaysarap ibigin ng Céliang naturan.

Sa Célia ng makatang Jonson at Balagtas
Ang pagsinta nga'y inspirasyong walang kupas
Na maaaring mawala sa maling landas
Ngunit sa sugatang puso pa rin ay lunas.

Lunes, Pebrero 9, 2015

Silang mga marginalized


SILANG MGA MARGINALIZED
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang margin ang siyang patlang sa gilid ng papel, na karaniwang sa isang short bond paper ay tig-isang pulgada ang liit o laki, habang malapad naman ng anim at kalahating pulgada pahalang at siyam na pulgada pababa ang kabuuan ng papel na masusulatan.

Dito marahil nagsimula ang salitang marginalize, tulad ng pagkakagamit sa salitang marginalized sector. Sila yaong wala sa sentro kundi nasa gilid-gilid, na kumbaga sa pantalon ay nasa laylayan.

Marginalized sector. Nasa gilid. Wala sa sentro. Wala sa gitna. Tulad ng mga maralitang walang sariling tahanan dahil nasa gilid ng tulay, nasa gilid ng kanal, nasa gilid ng riles ng tren, nasa gilid ng mga gusali.

Kaya marahil may mga salitang Pobre's Park, na umano'y mga dukhang nakatira sa Forbes Park. Nariyan din ang Dasmariñas Gilid, na umano'y mga iskwater na nasa gilid ng Dasmariñas Village.

Laging itsapuwera sa gitna, kaya laging nasa gilid. Hindi pinapapasok sa gitna dahil makakagulo lang, kaya hanggang sa gilid lamang sila, marginalized, animo'y walang karapatang pumagitna, walang karapatang pantao gayong pareho silang tao ng nasa gitna.

Itinuring na marginalized sector, kahit sila ang higit na nakararami sa lipunan, ang mga dukha, magsasaka, mangingisda, manggagawa, kabataan, kababaihan, lumad o katutubo, bagamat walang eksaktong depinisyon ito sa batas, lalo na sa Batas Republika Blg. 7941, o mas kilalang "Party-List System Act" na umano'y batas para sa mga marginalized sector.

Isang beses lang nabanggit ang salitang marginalize sa batas na ito. Ayon sa Sec. 2 nito: "The State shall promote proportional representation in the election of representatives to the House of Representatives through a party-list system of registered national, regional and sectoral parties or organizations or coalitions thereof, which will enable Filipino citizens belonging to marginalized and under-represented sectors, organizations and parties, and who lack well-defined political constituencies but who could contribute to the formulation and enactment of appropriate legislation that will benefit the nation as a whole, to become members of the House of Representatives."

Kadikit ng salitang marginalized ang under-represented, na dahil sa salitang "and" at hindi "or" ay ibig sabihin ay yaong nasa gilid na o wala sa sentro ng lipunan, ay bihira pang may kumakatawan sa kanila sa pamahalaan.

Sa Sec. 5 ng batas ay tinukoy ang sinasabing marginalized: "...provided, that the sectors shall include labor, peasant, fisherfolk, urban poor, indigenous cultural communities, elderly, handicapped, women, youth, veterans, overseas workers, and professionals."

Malabo ang tinutukoy na marginalize sa batas, dahil hindi naman lahat ay estapuwera, tulad ng professionals. Paano naging marginalize ang professionals? Mga professional nga sila, eh. Ibig sabihin, may sinasabi. May boses.

Ang mga marginalize ay yaong mga walang boses sa pamahalaan, pagkat ang mga may boses lamang o may kapangyarihang magsalita ay yaong nasa sentro, tulad ng mga mayayaman, elitista, at burgis sa lipunan. Kaya nga pag nagnakaw ng isang balot ng tinapay ang maralita, kung ikukumpara sa mga pulitikong nagnakaw ng pera ng bayan, ay agad nakukulong ang nagnakaw na dukha kahit isang balot lang iyon ng tinapay. Etsapuwera kasi sa lipunan ang mga dukha, hindi kasama sa altasosyedad, mga hampaslupang dapat itapon sa mga malalayong relokasyon.

Ayon sa Merriam-webster dictionary, ang marginalize ay pandiwa (verb) na nangangahulugan ng "to put or keep (someone) in a powerless or unimportant position within a society or group" (dalhin o panatilihin ang sinuman sa isang hindi mahalagang posisyon sa isang lipunan o grupo".

Sa British dictionary naman, ito'y pandiwa rin na ang kahulugan ay "to relegate to the fringes, out of the mainstream; make seem unimportant" o isiksik sa gilid at palitawing walang halaga.

Sa Word Origin and History, ng Dictionary.com, ang marginalize ay pandiwa rin na nangangahulugang "1832, "to make marginal notes," from marginal + -ize. The meaning "force into a position of powerlessness". Kumbaga sa isang papel na may sulat, ang komento ay nasa gilid ng papel, o margin. Komentong pansarili lamang ng tumitingin pagkat wala sa sentro o kabuuan ng papel o sulatin. Walang kapangyarihan o hindi makatatayo bilang kasama ng buong papel dahil nga marginal notes lamang o nasa gilid.

Walang eksaktong kahulugan kundi tinukoy lamang sa blog ng Human Rights Promotion (http://humanrightspromotions.blog.com/sectoral-rights/marginalized-sectors/) kung sino ang mga nasa marginalized sectors. Ayon sa blog na ito: "The marginalized sectors include the self employed or those working in family workshops, jeepney drivers, rural workers like fisherfolks and farmers.  The nature and operation of their work are beyond the scope and reach of government legislation and regulations on labor as there are no employer-employee relationships."

Idinagdag pa nila kung ano ang mga karapatan ng mga marginalized sector. Rights of the Marginalized Sectors: (a) Right to dignity; (b) Right to a Just compensation and observance of rest periods, and holidays; (c) Right to share in the fruits of production; (d) Right to organize; (e) Freedom from exploitation and harassment; (f) Right to Join the mainstream of society; at (g) Right to redress grievances.

Ayon pa rin sa blog, ito naman ang kanilang mga "Issues and concerns: (a) absence of sufficient or alternative employment opportunities; (b) harassment; (c) exploitation; (d) lack of social and political status; (e) lack of standard sets in labor laws; (f) exposure to occupation hazards; (g) absence of organize union; at (h) low production and low wages.

Ngunit ang mabigat na katanungan dito ay bakit nga ba may marginalized, o bakit may mga taong imbes na sa Forbes Park ay sa Pobre's Park nabubuhay? Bakit may naninirahan sa Alabang Gilid, imbes na sa Alabang Village? Bakit kailangang may mga taong etsapuwera? At bakit may mga nasa sentro  gayong hindi naman sila mga hari at reyna? At bakit ba kailangan pang may hari at reyna, gayong pare-pareho naman tayong tao na may pantay na karapatan sa lipunan? Bakit may mga nasa gilid, at walang karapatan sa daigdig na ito?

Napakarami ng marginalize sa lipunan, ngunit kaunti ang kanilang natatanggap na benepisyo, kundi man wala, mula sa lipunang ito. Gayong kung wala sila'y hindi mabubuhay ng maayos ang lipunang ito.

Bakit marginalize ang mga manggagawa sa lipunan gayong sila ang bumubuhay sa lipunang ito? bakit marginalize ang mga magsasaka gayong kung wala sila ay hindi makakakain ang mga tao sa lipunang ito? Bakit ang mga hindi marginalize ang silang nakikinabang sa pawis na likha ng marginalize?

Kumbaga sa isang papel na may margin na isang pulgada ang apat na gilid, bakit nasa gilid at hindi binibigyan ng halaga ang mga anakpawis na bumubuhay sa lipunan? Bakit wala silang kapangyarihan gayong sila ang mayorya sa lipunan.

Marahil, panahon nang ang margin sa isang short bond paper ay maging apat na pulgada bawat gilid, upang ang matira sa mga nasa sentro ay yaong kalahating pulgada ang lapad at tatlong pulgada pababa na lamang. O kaya naman, tanggalin na ng mga nasa marginalized ang margin at okupahin na ang buong papel, dahil sila naman ang bumubuhay sa lipunang ito.

Miyerkules, Pebrero 4, 2015

2 Tula: Republikang Basahan, at Republikang Trapo


REPUBLIKANG BASAHAN (1945)
Teodoro Agoncillo

Republika baga itong busabos ka ng dayuhan?
Ang tingin sa tanikala'y busilak ng kalayaan?

Kasarinlan baga itong ang bibig mo'y nakasusi,
Ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari?

Ang buhay mo'y walang patid na hibla ng pagtataksil
Sa sarili, lipi't angkan, sa bayan mong dumaraing!

Kalayaan! Republika! Ang bayani'y dinudusta.
Kalayaan pala itong mamatay nang abang-aba!

Kasarinlan pala itong ni hindi mo masarili
Ang dangal ng tahanan mong ibo't pugad ng pagkasi.

Malaya ka, bakit hindi? Sa bitayan ikaw'y manhik,
At magbigting mahinahon sa sarili na ring lubid!

Kalayaan - ito pala'y mayro'n na ring tinutubo
Sa puhunang dila't laway, at hindi sa luha't dugo!

Humimbing kang mapayapa, mabuhay kang nangangarap,
Sa ganyan lang mauulol ang sarili sa magdamag.

Lumakad ka, hilain mo ang kadenang may kalansing,
Na sa taynga ng busabos ay musikang naglalambing!

Limutin mo ang nagdaan, ang sarili ay taglayin,
Subalit ang iniisip ay huwag mong bibigkasin!

Magsanay ka sa pagpukpok, sa pagpala at paghukay,
Pagkat ikaw ang gagawa ng kabaong kung mamatay.

Purihin mo ang bayaning may dalisay na adhika,
Ngunit huwag paparisan ang kanilang gawi't gawa.

Republika na nga itong ang sa inyo'y hindi iyo,
Timawa ka at dayuhan sa lupain at bayan mo!

Kalayaan! Malaya ka, oo na nga, bakit hindi?
Sa patak ng iyong luha'y malaya kang mamighati!

Sa simoy ng mga hangin sa parang at mga bundok,
Palipasin mo ang sukal ng loob mong kumikirot.

Kasarinlan! Republika! Kayo baga'y nauulol,
Sa ang inyong kalayaa'y tabla na rin ng kabaong?

Republika! Kasarinlan! Mandi'y hindi nadarama,
Ang paglaya'y sa matapang at sa kanyon bumubuga!

Bawat hakbang na gawin mo sa Templo ng Kalayaan
Ay hakbang na papalapit sa bunganga ng libingan!

Ang paglaya'y nakukuha sa tulis ng isang sibat,
Ang tabak ay tumatalim sa pingki ng kapwa tabak.

Ang paglaya'y isang tining ng nagsamang dugo't luha,
Sa saro ng kagitinga'y bayani lang ang tutungga.

Bawat sinag ng paglayang sa karimlan ay habulin,
Isang punyal sa dibdib mo, isang kislap ng patalim!



REPUBLIKANG TRAPO (2015)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Republika baga itong busabos tayo ng trapo?
Ang tingin sa tanikala'y uliran ng pagbabago?

Kasarinlan baga itong ang trapo ang naghahari
Habang inaapi naman ang hindi nila kauri

Ang buhay ng dukha'y laging naroroon sa hilahil
Mga ibinotong trapo sa bayan ay nagtataksil.

Kalayaan! Republika! Naghahari'y dinastiya!
Kalayaan lamang ito sa naghaharing burgesya

Pagmasdan mo't dinastiya'y naglipana sa gobyerno
Bayan ba'y may napapala sa paghahari ng trapo

Namamahala sa tao'y bakit iisang pamilya
Ganito ang nangyayari sa iba’t ibang probinsya

Ang tatay ay kongresista, ang anak niya'y senador
Asawa'y siyang alkalde, kapatid ay gobernador

Kada eleksyon na lamang ay wala nang pagbabago
Kilalang apelyido lang ang lagi nang nananalo

Wala kasing pagpilian pag dumatal ang halalan
Pulos kasi mayayaman ang nagsisipagtakbuhan

Ang dukha ba dahil dukha'y di maaaring tumakbo
May puso sa paglilingkod, wala ba silang talino

Ang mga trapong may pera, dahil ba nakapag-aral
Dadalhin na tayo nito sa kaunlarang pedestal

Ngunit hindi, dukha pa rin iyang mga mahihirap
Pangarap nilang pag-ahon, nananatiling pangarap

Subalit laging pangako ng trapo pag kampanyahan
Iboto sila'y aahon ang dukha sa kahirapan

Pag-ahon na ba sa hirap kung di binayarang tama
Ang pinagpagurang sahod nitong mga manggagawa

Pag-ahon na ba sa hirap kung ang dukha'y tinataboy
Winawasak ang tahanan, dukha'y nagiging palaboy

Pag-ahon na ba sa hirap kung pamasahe't bilihin
Ay patuloy sa pagtaas, lalo't presyo ng pagkain

Pag-ahon na ba sa hirap ang mahal na edukasyon
Bata pa'y manggagawa na, walang aral, walang baon

Ngunit trapo'y naroroon, sa masa'y ngingiti-ngiti
Lalo't apelyido nila't pamilya'y nabotong muli

Kung trapo ang pinagpala, tao ba'y may napapala
Ang trapo'y tusong kuhila, serbisyo'y di ginagawa

Ngunit tao'y malaya daw, depensa ng mga trapo
Paglayang iyan ay iyo, bahala ka sa buhay mo

Ngunit paglaya ba yaong wala kang pagpipilian
Iboboto'y mga hangal, kandidatong mayayaman

Sa kasaysayan ng bansa, ang masa'y anong napala
Karukhaan ba'y naibsan, ano't kayrami pang dukha

Pagdating ng kampanyahan, trapo'y kayraming pangako
Sa hirap, ang mga dukha'y kanila raw mahahango

Parating ganito na lang, ganito bawat eleksyon
Pangako'y pinako't dukha'y sa dusa ibinabaon

Pag-aralan ang lipunan, bakit trapo'y nahahalal
Dukha'y naghihirap pa rin, at naghahari'y kapital

Kunwari tayo'y malaya sa halalan ng burgesya
Pinipili'y ang papalit, bagong magsasamantala

Kung ganito ang sistema, masa'y walang pakinabang
Republikang trapo'y bulok kaya't dapat nang palitan

Kaya manggagawa, kayong sa lipunan bumubuhay
Magkaisa pagkat kayo'y may lakas na tinataglay

Ang maso'y inyong hawakan, doon sa trapo'y ipukpok
Durugin ang tanikala, lalo ang sistemang bulok

Halina't ating wakasan itong republikang trapo
At sama-samang itayo ang lipunang makatao.

- 2 Pebrero 2015