Martes, Abril 6, 2010

Ang Gutom ng Makatang Huseng Batute at Ako

ANG GUTOM NG MAKATANG HUSENG BATUTE AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Namatay di sa gutom, kundi sa pagkasira ng bituka dahil sa pagpapabayang magutom, ang makatang si Jose Corazon de Jesus, na kilala rin bilang si Huseng Batute.


Ganito isinalaysay ng kritikong si Virgilio S. Almario ang kamatayan ni Huseng Batute, na tinawag niyang Corazon: "Bago pumasok ang taong 1932 ay malimit idaing ni Corazon ang paghapdi ng tiyan. Sang-ayon kay Aling Sion, bunga ito ng kanyang madalas na pagpapalipas ng gutom. May ugali si Corazon na hindi kumakain hanggang makatapos ng kanyang pagtatanghal. Walang alinlangan, samakatwid, na nabutas ang kanyang bituka dahil sa pagtitiis ng kalam ng sikmura tuwing gabing siya'y tutula. Kung iisiping ibinibimbin ang kanyang paglabas sa tanghalan hanggang sa hatinggabi para masabik ang manonood sa halimbawa'y koronasyon ay talagang matatagal ang panahong ipinaghintay ng kanyang bituka bago malamnan!"

"Ilang beses na ipinasok sa ospital si Corazon. Ipinayo ng doktor na tistisin ang kanyang ulser. Ngunit sang-ayon din kay Aling Sion, hindi nakinig sa manggagamot ang makata. May takot pa diumano sa operasyon si Corazon mula nang mapanood ang pagtistis sa ama. Hanggang isang araw, umuwi siyang nahihilo't naliligo sa pawis. Hintakot na tumawag ng doktor si Aling Sion at noon din ay ipinasok sa ospital ang walang ulirat na si Corazon."

"Ipinasiyang operahin ang makata kinabukasan. Ngunit nang dumalaw sa ospital kinaumagahan ang kanyang maybahay ay balisa na ang mga nagbabantay. Tumigas na parang tabla ang kanyang tiyan at sa ganap na 12:40 ng hapon, Mayo 26, 1932, ay nawalan ang madla ng isang batang-bata pang Hari ng Balagtasan."

Sa pagkakasalaysay ni Almario, naging pabaya si Jose Corazon de Jesus sa kanyang kalusugan, lalo na sa pagpapalipas lagi ng gutom, na naging dahilan ng pagkasira ng kanyang bituka. Ngunit may palagay akong hindi lamang si Corazon ang makatang ganito. Marami pang makata at manunulat ang nalilipasan ng gutom. Bakit?

Ganito kasi ang aking karanasan. Ilang beses akong nakatunganga sa kompyuter o sa papel habang hawak ang bolpen at nagsusulat ng mga taludtod, tapos ay bigla na lang akong tatawagin para kumain. Naaasar ako kadalasan dahil nga nasisira ang konsentrasyon ko sa pagsusulat. Gayunman, alam kong hindi nila ako maintindihan. Kung bakit kasi pag gutom ka saka kadalasang lumilitaw sa haraya ang musa ng panitik. Madalas na di makasunod ang ilang makata sa tamang oras ng pagkain, lalo’t sumasabay ito sa panahong lumilikha ang makata ng taludtod, saknong o sanaysay, pagkat nasisira ang konsentrasyon, natatakot na baka mawala ang mga magagandang salitang naglalaro sa utak ng makata sa panahong iyon. Kaya agad niyang isinusulat ang anumang mga kataga o pariralang nasa kanyang isip. Saka na lang maiisip kumain pag talagang ramdam na ang pagkagutom.

Ilang beses na ba akong natutulog sa gabi ng di kumakain ng hapunan, at gigising ng madaling araw na iinom na lamang ng tubig pag naubusan na ng pagkain? Ah, di ko na mabilang. Napakaraming beses na. Ngunit ang kapalit ng marami kong beses na pagkagutom ay pagkasulat ng maraming hindi naman basurang tula, kundi sadyang maipagmamalaki ko rin balang araw. Kadalasan din kaya di nakakakain ng tama sa oras ay dahil sa kakulangan ng salapi, na habang naglalakad ka pauwi ay wala ka man lamang mabiling kutkutin tulad ng mani, tsitsaron, putoseko, ensaymada o mais kahit merong naglalako. Wala kasing pambili.

Isa pa sa mga pekulyar sa aking karanasan ay habang nagsusulat o kaya'y nagbabasa ako nang malamlam ang ilaw, at sasabihan akong doon ako sa maliwanag magbasa o magsulat. Sa malamlam na ilaw kadalasan akong dinadalaw ng musa ng panitik, at pag maliwanag ang ilaw ay hindi naman ako basta makapagsulat. Inaagaw ng liwanag ng ilaw ang atensyon ng musa ng panitik, kaya imbes na ako'y makapagsulat ay sa ibang bagay ko na nababaling ang aking atensyon, tulad na lang ng tuwinang panonood ng telebisyon.

Ang akala rin ng iba, pag nakatunganga sa bintana ang isang manunulat o makata, nagpapahinga lang ito dahil pagod kaya nakatunganga sa kawalan. Ang di nila alam, sa panahong nakatunganga sa kawalan o kaya’y nakatingala sa kisame ang makata ay saka siya nagtatrabaho. Kaya kadalasan pagharap ko na sa kompyuter ay agad kong natatapos ang isang sulatin, tulad ng tula o sanaysay, dahil nabalangkas ko na sa isip ang aking mga susulatin habang nakatunganga sa kawalan.

Marahil ganyan talaga ang maging makata. Tulad ni Huseng Batute, ang karanasan ng makatang tulad ko ay kakaiba. Ngunit sa pagbabasa ko ng talambuhay ni Huseng Batute, napukaw ang isip ko sa aking kalusugan. Hindi ko pala dapat pabayaang di ako nakakakain at balewalain ang gutom habang kumakatha. Gayunman, alam kong marami pa ring pagkakataong hindi ako makakakain ng tama sa oras dahil sa tuwinang pagdalaw ng musa ng panitik sa aking haraya sa panahong hindi ko siya hinahanap.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento