Linggo, Hunyo 13, 2010

Ang Akdang Anti-Dühring ni Engels

ANG AKDANG ANTI-DÜHRING NI ENGELS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa maraming sulatin ng rebolusyonaryong si Friedrich Engels ang Herrn Eugen Dührings Umwälzung der Wissenschaft (sa Ingles ay Herr Eugen Dühring's Revolution in Science), na mas kilala ngayon sa katawagang Anti-Dühring, na nalathala noong 1878.

Ano ba ang aklat na ito at bakit isinulat ito ni Engels? Ang sulating ito ang isa sa mga mayor na kontribusyon ni Engels sa pagsulong ng teorya ng Marxismo. Ang Anti-Dühring ay upak ni Engels sa sinulat ng Alemang si Eugen Dühring, na nagsulat ng sarili niyang bersyon ng sosyalismo, na binalak ipalit sa Marxismo. Ngunit dahil si Karl Marx noong panahong iyon ay abala at nakatutok sa pagsusulat ng Das Kapital, si Engels ang siyang pangunahing nagsulat laban sa akda ni Dühring bilang pagtatanggol sa Marxismo.

Sa liham ni Engels kay Marx, sinabi niyang ang Anti-Dühring ay isang pagtatangkang "likhain ang isang komprehensibong pagsusuri sa ating ideya hinggil sa mga problemang pilosopikal, natural na agham at pangkasaysayan.

Bahagi ng Anti-Dühring ay nalathalang hiwalay noong 1880 bilang akdang pinamagatang "Sosyalismo: Utopyano at Syentipiko".

Sino si Eugen Dühring?

Sino nga ba itong si Eugen Dühring? Ayon sa pananaliksik, si Eugen Karl Dühring ay isang pilosoper na Aleman at ekonomista, at isang sosyalista ngunit may matinding pagbatikos sa Marxismo.

Ipinanganak siya sa Berlin, Prussia noong Enero 12, 1833. Matapos ang abugasya'y nagtrabaho bilang abogado sa Berlin hanggang 1859. Noong 1864, siya'y naging guro sa Unibersidad ng Berlin, bagamat hindi regular na kasapi ng pakuldad. Ngunit dahil sa pakikipagtalo sa mga kaguruan, siya'y natanggalan ng lisensyang magturo noong 1874.

Ang ilan sa mga sinulat ni Dühring ay ang Kapital und Arbeit (1865); Der Wert des Lebens (1865); Naturliche Dialektik (1865); Kritische Geschichte der Philosophie (1869); Kritische Geschichte der allgemeinen Principien der Mechanik (1872), na isa sa mga pinakamatagumpay niyang akda; Kursus der National und Sozialokonomie (1873); Kursus der Philosophie (1875), na sa sumunod na edisyon ay pinamagatan niyang Wirklichkeitsphilosophie; Logik und Wissenschaftstheorie (1878); at Der Ersatz der Religion durch Vollkommeneres (1883). Inilathala rin niya ang Die Judenfrage als Frage der Racenschaedlichkeit (1881, Ang mga Partido at ang Usaping Hudyo), at iba pang antisemitikong mga sulatin.

Ayon sa mga pananaliksik, walang sulatin si Dühring na matatagpuan sa wikang Ingles. At siya'y natatandaan lamang dahil sa sinulat ni Engels na kritiko na pinamagatan ngang Anti-Dühring. Sinulat ito ni Engels bilang sagot sa mga ideya ni Dühring. Si Dühring din ang pinakakilalang kinatawan ng sosyalismo sa panahong iyon na inatake rin ni Nietzsche sa mga sulatin nito.

Maraming iskolar ang naniniwalang ang pagkaimbento ni Dühring sa salitang antisemitismo ang nakakumbinsi kay Theodore Herzl na tanging Zionismo lamang ang tugon sa mga problemang kanilang nararanasan. Lagi itong sinusulat ni Herzl: "Lalabanan ko ang antisemitismo sa lugar kung saan ito nagsimula - sa bansang Alemanya at Austria."

Sina Marx at Engels sa Anti-Dühring

Nakilala nina Marx at Engels si Propesor Dühring sa pagsusuri nito sa Das Kapital noong Disyembre 1867, kung saan nalathala ito sa Ergänzungsblätter. Dahil dito’y nagpalitan ng liham sina Marx at Engels hinggil kay Dühring mula Enero hanggang Marso 1868.

Noong Marso 1874, naglabas ng artikulo ang isang di nagpakilalang awtor (na sa aktwal ay sinulat ng isang Agosto Bebel, na tagasunod ni Dühring) sa dyaryong Volksstaat ng Social-Democratic Workers’ Party na positibong tinatalakay ang isa sa mga aklat ni Dühring.

Noong Pebrero 1 at Abril 21, 1875, kinumbinsi ni Karl Liebknecht si Engels na labanan si Dühring ng sabayan sa pahina ng dyaryong Volksstaat. Noong Pebrero 1876, nilathala ni Engels sa Volksstaat ang kanyang unang upak sa pamamagitan ng artikulong “Ang Vodka ng Pruso sa Parlyamentong Aleman (Prussian Vodka in the German Reichstag)”.

Noong Mayo 24, 1876, sa liham ni Engels kay Marx, sinabi niyang malaki ang dahilan upang simulan ang kampanya laban sa pagkalat ng pananaw ni Dühring. Kinabukasan, tumugon si Marx at sinabing dapat matalas na punahin mismo si Dühring. Kaya isinantabi muna ni Engels ang kanyang akdang sa kalaunan ay makikilalang "Dyalektika ng Kalikasan (Dialectics of Nature)". Pagkalipas ng apat na araw, binalangkas na niya kay Marx ang pangkalahatang istratehiyang kanyang gagawin laban kay Dühring. Dalawang taon ang kanyang ginugol sa pagsusulat ng nasabing aklat.

Ang Nilalaman

Nahahati sa tatlong bahagi ang anti-Dühring:

Unang bahagi: Pilosopiya - Sinulat ito sa pagitan ng Setyembre 1876 at Enero 1877. Nalathala ito bilang serye ng mga artikulo na pinamagatang Herrn Eugen Dühring's Umwälzung der Philosophie sa Vorwärts sa pagitan ng Enero at May 1877. Sa kalaunan, sa pagsisimula ng 1878, na may unang hiwalay na edisyon, ang unang dalawang kabanata ng bahaging ito ay ginawang independyenteng pagpapakilala sa kabuuang tatlong bahagi.

Ikalawang bahagi: Pampulitikang Ekonomya - Sinulat mula Hunyo hanggang Agosto 1877. (Ang huling kabanata nito'y sinulat niMarx.) Nalathala sa pamagat na Herrn Eugen Dühring's Umwälzung der politischen Oekonomie sa Wissenschaftliche Beilage at sa karagdagang pahina sa Vorwärts sa pagitan ng Hulyo at Disyembre 1877.

Ikatlong bahagi: Sosyalismo - Sinulat sa pagitan ng Agosto 1877 at Abril 1878. Nalathala bilang Herrn Eugen Dühring's Umwälzung des Sozialismus sa karagdagang pahina sa Vorwärts sa pagitan ng Mayo at Hulyo 1878.

Tumanggap ng maraming pagtutol mula sa mga alagad ni Dühring ang serye ng mga artikulo sa Vorwärts. Kaya sa Kongreso ng Sosyalistang Partido ng Manggagawa sa Alemanya noong Mayo 27, 1877, tinangka nilang ipagbawal ang paglalathala nito sa dyaryo ng Partido. Ito ang pangunahing dahilan ng pagkaantala ng publikasyon.

Noong Hulyo 1877,ang Unang Bahagi ay nalathala bilang polyeto. Noong Hulyo 1878, ang Ikalawa at Ikatlong Bahagi naman ay pinagsama bilang ikalawang polyeto.

Noong Hulyo 1878, nalathala bilang isang aklat ang kabuuang sulatin, na dinagdagan ng paunang salita ni Engels. Noong 1878, isinabatas sa Alemanya ang isang Anti-Socialist Law at ipinagbawal ang Anti-Dühring kasama ng iba pang akda ni Engels. Noong 1886, lumabas ang ikalawang edisyon ng Anti-Dühring sa Zurich. Ang ikatlong edisyon, na may pagbabago at dagdag na pahina, ay nalathala naman sa Stuttgart noong 1894, matapos na mapawalangbisa ang Anti-Socialist Law (1890). Ito ang huling edisyon sa panahon ni Engels. Sa kauna-unahang pagkakataon, isinalin ito sa wikang Ingles noong 1907 sa Chicago.

Noong 1880, sa kahilingan ni Paul Lafargue, binuod ni Engels ang tatlong bahagi ng Anti-Dühring at nalikha ang isa sa pinakasikat na sulatin sa buong mundo - ang Sosyalismo: Utopyano at Syentipiko.

Bakit dapat pag-aralan natin ang Anti-Dühring?

Marapat na basahin at unawain ng mga bagong aktibista ngayon ang Anti-Dühring. Dangan nga lamang at wala pang nasusulat na bersyon nito sa wikang Filipino, kaya marapat lamang na ito’y isalin sa sariling wika upang mas higit na maunawaan ng mga aktibista ngayon at ng mga manggagawa ang mga aral ni Engels, at paano ba niya dinepensahan ang Marxismo sa sinumang nagnanais na wasakin ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento