Martes, Abril 3, 2012

Pinatawad ko na sila

PINATAWAD KO NA SILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwan na sa mga manunulat, lalo na't siya rin ay makata, na isulat at isiwalat ang kanyang mga nakikita at napupuna sa kanyang kapaligiran, at sa lipunan niyang ginagalawan. Hindi lang iyon mula sa isip, kundi maging sa kanyang nadarama.

Kaya kung galit ka, minsan ay naisusulat mo iyon, na kahit malay ka ay di mo namamalayan. Na sa kalaunan ay pagsisisihan mo at bakit mo ba iyon naisulat, na siyang nagpalala pa ng problema.

Kailangang magpatawad. Kailangang patawarin na ang lahat ng nagkasala sa iyo kung nais mong makapagsulat ng maayos. Ito'y upang maging obhetibo ka sa iyong mga paksa, upang walang poot na lumabas sa iyong panulat.

Ganito ang aking ginawa ilang panahon na rin ang nagdaan. Ako'y nagpatawad. Pinatawad ko na ang mga taong nagkasala sa akin, gaano man kasakit sa aking damdamin ang kanilang ginawa. Dahil kung malinis ang iyong budhi, wala kang poot na basta na lamang isusulat na sa bandang huli'y iyong pagsisisihan.

Kailangang patawarin ko ang mga taong bumugbog sa akin noong ako'y bata pa. Kailangang patawarin ko ang mga gagong umapi sa akin. Kailangang patawarin ko ang mga nang-onse o nandaya sa akin. Kailangan kong patawarin ang mga nangutang sa akin na hanggang ngayon ay di na nakapagbayad, dahil di na sila makita o dahil mas mahirap pa sila kaysa akin. Noon ay sinasabi ko pa na ang utang nila ay abuloy ko na lang pag namatay sila. Mali pala iyon.

Pinatawad ko na ang mga nanungayaw sa akin. Pinatawad ko na ang mga pulis na nanakit sa akin sa rali. Pinatawad ko na ang mga kasamang nakagawa ng pagkakasala sa akin. Pinatawad ko na ang mga kaibigang nang-iwan sa akin sa ere. Pinatawad ko na ang mga siga sa kanto na minsan ay nangikil sa akin. Pinatawad ko na ang mga kapustahan ko sa tses o sa anumang laro na hindi nagbayad sa akin. Pinatawad ko na ang tindero sa Quiapo na nagpalit ng aking P100 at sinabing P20 lang daw ang aking ibinigay, gayong wala naman akong P20 sa bulsa, at kaya ako bumili sa kanya ay para mapabaryahan na rin ang aking P100 dahil wala akong baryang pamasahe. Pinatawad ko na ang karibal ko noon sa isang babae na nagpadugo ng aking ilong sa aming suntukan, bagamat may pasa rin siya. Pinatawad ko na ang tsuper na nakaaway ko dahil hindi ako sinuklian ng tama.

Mahirap alagaan ang kimkim na poot. Para kang nag-aalaga ng leyon o tigre sa dibdib. Kailangan na itong mawala  bago pa ito maging apoy o granadang bigla na lang sasabog.

Nagpatawad ako dahil hindi naman mabigat na krimen o heinous crime ang kanilang ginawa sa akin. Dahil kung ganoon nga, ibang usapan na iyon. Kailangan ng husgado at kailangan mong makamit ang hustisyang nararapat para sa iyo. Kumbaga, hindi iyon mga mortal sin, kundi pawang mga venial sin.

Nagpatawad ako dahil na rin sa pagyakap ko sa Kartilya ng Katipunan nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto, na pawang gabay sa pakikitungo sa kapwa at disiplina sa sarili.

Higit sa lahat, nagpatawad ako alang-alang sa aking mga akda at aakdain pa. Na bilang manunulat ay aking maisulat ng wasto, ng obhetibo, ng walang halong poot, ang bawat akda. Mahirap ang may kargang mabigat sa damdamin dahil hindi ka makapag-isip ng tama, at nagiging repleksyon lamang ang iyong mga akda ng iyong galit sa mundo at poot sa sarili. Kailangang tanggalin lahat ng bagahe. At malaking bagahe ang poot. Kailangang magpatawad. Kailangan.

Totoo naman na paminsan-minsan ay may emosyon ang iyong mga akda, lalo na sa kwento at tula. Lalo na't tumatalakay ka sa ilang maseselang paksa na may emosyon, upang maging buhay na buhay sa mambabasa ang iyong akda. Ngunit emosyon iyon ng mga tauhan mo sa iyong akda, hindi iyon emosyon mo. Hindi iyon salamin ng iyong poot o pag-uugali. Ang galit sa iyong kwento ay galit ng tauhan dahil sa iyong ginawang banghay (plot) ng kwento. Kailangang may damdamin ang bawat tauhan, dahil hindi sila mga robot..

Kaya sa aking mga kwento, sanaysay at tula, pinilit kong iwasan kung ano mang poot na maaaring lumabas, maliban na lamang kung ang poot na iyon ang mismong aking paksa sa akda. Kaya bago ko ilabas ang akda ay pinatutulog ko muna ng ilang araw para pag binalikan ko ay masuri ang kaayusan at kahandaan nito para sa mambabasa.

Mahalaga ang pagpapatawad. Mahalagang walang tinik na nakabara sa iyong lalamunan. Mahalagang malinis ang iyong budhi, at kung hindi pa man, ay magpatawad upang wala na itong anumang banil na nakakabigat sa damdamin.

Masarap magsulat nang wala kang kinikimkim na galit sa iyong kapwa. Maliwanag ang iyong utak at malinis ang iyong budhi. Tanda ito ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at kailangan ito ng isang manunulat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento