Dapat Aquino Patalsikin!
Nalublob na sa maraming krimen ang
pangulong hindi na nagsisilbi sa sambayanan kundi sa interes na lang ng kanyang
mga kauri. Nalublob na sa maraming isyu ang anak ng dalawang itinuturing na
bayani ng bayan. Habang lublob pa rin sa putik ng kahirapan ang sambayanan.
Ang huling kontrobersyang naglublob kay
Aquino ay ang Disbursement Acceleration Program (DAP). Ito ang mga
pondong galing sa kaban ng bayan na ginawang savings ng ehekutibo dahil hindi
ginamit ng mga ahensyang pinaglaanan ng pondo. Aba'y Dinakma Ang
Pondo! At ang DAP na ito'y
nagtila Distributing Aquino's Pork. Nauna sa isyung ito ang Priority Development
Assistance Fund (PDAF), isa sa sistema ng pork barrel na ginamit ng mga
kongresista't senador para sa sariling interes.
Ayon sa Korte Suprema, unconstitutional
ang ilang probisyon ng DAP. Ibig sabihin, Deklaradong
Ang Pork na ito ay lumalabag sa Saligang Batas.
Dumepensa
Ang Palasyo. Hindi raw masama ang DAP dahil napunta naman daw sa
mabuti ang pondo. Tulad ng may malaking pondo para sa paninirahan, ngunit hindi
ginamit sa maralitang walang tirahan, kinuha ang pondo, ginawang savings, upang
magamit daw para sa pabahay ng maralita. Tulad ng pagbabawas ng kalahati sa
P10,000 dapat tanggapin ng mga guro. P5,000 na lang sa guro at ang natirang
P5,000 ay ginawang savings para ilaan sa iba. Kawawang guro!
Defending
Aquino's Presidency. Nagtalumpati ang pangulo at sinabing mali ang
13-0, 1-abstain, na desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP.
Pinasaringan niya ang Korte Suprema. Gumanti ang mga kaalyado ng pangulo, at
balak distrungkahin ang pondo ng hudikatura - ang Judicial Development Fund o
JDF. “Dahil Ako'y Pangulo, dapat makinig kayo!" ang ipinahiwatig na
mensaheng ipinaaabot ni Noynoy.
Ano ang epekto ng mga pinaggagagawang
ito ng Pork Barrel King sa sambayanan?
Dukha
Ang Pilipino. Ang mga numerong nagsasabing umangat na ang
ekonomya ay hanggang papel lamang. Hindi naman ito naramdaman ng karaniwang
Pilipino. Sa katunayan, nagtaasan pa nga ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang isang kilong bawang, na nagkakahalaga noong nakaraang taon ng P60-P70 kada
kilo ay sumirit ng ilang triple at naging P350-P400 kada kilo. Nagtaasan din
ang presyo ng bigas, karne, isda, kuryente at tubig, habang hindi naman tumaas
ang sahod ng karaniwang manggagawa.
Dinemolis
Ang Paninirahan. Maraming mga maralita ang tinanggalan ng
paninirahan mula sa danger zone ay dinala sa death zone, tulad sa relokasyon sa
Calauan, Laguna, sa mga bundok ng Tanay o Baras sa Rizal, sa San Jose del Monte
o Bocaue sa Bulacan at ang iba nama’y sa Trece Martires sa Cavite. Dinemolis
ang maraming maralitang nakatira sa estero, ilalim ng tulay at malapit sa ilog,
lalo na sa 8 major waterways ng San Juan, Pasig, Tullahan, Manggahan floodway,
Maricaban creek, Maypajo, Estero Tripa de Galina, at Estero de Sunog Apog.
Ngunit ano ang ibinigay na relokasyon? Hindi maaring tirhan ang mga relocation
sites, ang karamihan sa mga ito ay minadaling itayo. Walang sapat na suplay ng tubig
at kuryente, walang ring mga drainage, at
kilo-kilometro pa ang layo ng pinakamalapit na paaralan, pagamutan, at
palengke.
Dininig
Ay Pribatisasyon. Isinapribado na sa panahon ni Aquino ang
maraming serbisyong publiko. Kamakailan lang ay naging pag-aari na ng Koreano
ang Angat Dam na pinagkukunan ng Metro Manila. Ang Meralco ay pag-aari na ng
isang tycoon sa Indonesia. Balak pang isapribado ang 71 pampublikong ospital,
tulad ng Philippine Children's Medical Center sa Lungsod Quezon. Tinatanggal na
sa kamay ng pamahalaan ang dapat niyang serbisyo upang ibenta sa mga pribadong
korporasyon, na kadalasan ay dayuhang kapitalista.
Dinistrungka
Ang Panata. "Kayo ang Boss Ko" ang sabi niya noong
maupo sa pwesto, ngunit hindi pala ang masa ang kanyang boss kundi ang mga
kapitalista at naghaharing uri sa lipunan. "Dadalhin ko kayo sa tuwid na
daan" ngunit ang tuwid na daan pala'y patungo sa impyerno. Hindi pa rin
matanaw ng sambayanan ang pagkaalpas nila sa kumunoy ng karukhaan. "Kung
walang corrupt, walang mahirap" na ang ibig sabihin, "kung maraming
mahirap, marami pa ring corrupt". Ayon sa survey ng SWS nito lamang Enero,
nasa 55% ang nagsabing naghihirap pa rin sila.
Diktador
Ang Postura. Nais ni Pangulong Aquino na baguhin ang Saligang
Batas at Dapat Ay Palawigin ang kanyang termino. Kabaligtaran ito sa kasaysayan
at paninindigan ng kanyang ama't ina noong kapanahunan ng mga ito. Nilabanan ni
Ninoy Aquino ang nais na ikatlong termino ni Marcos, na upang mapalawig ang
termino ay binago ang Saligang Batas. Sa panahon naman ni Cory, ginawang isang
anim na taon lamang ang termino ng pangulo sa bagong Saligang Batas. Nilabanan
nina Ninoy at Cory ang diktadura, ngunit si Noynoy na kanilang anak,
nag-aastang maging diktador!
Dusa
At Pahirap. Mas dininig pa ng pangulo ang bulong ng mga
kapitalistang ipalaganap ang salot na kontraktwalisasyon at mababang sahod sa
mga manggagawa. Patuloy ang mga demolisyon ng bahay ng maralita. Patuloy ang
mataas na presyo ng mga batayang pangangailangan ng tao, tulad ng bigas, karne,
isda, kuryente, tubig, Patuloy ang pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo.
Panahon nang manawagan dapat nang tapusin ang mga dusa at pahirap na ito.
Dakpin
Ang Pusakal. Hindi lang sina Tanda at BonJing ang dapat makulong
dahil sila'y nasa oposisyon, kundi lahat ng sangkot sa katiwalian,
mapa-administrasyon man o oposisyon. Sinumang mapatunayang may kasalanan ay
dapat makulong sa bilangguan at hindi sa ospital.
Hindi na siya nakatupad sa kanyang mga pangako
sa sambayanan, nais pa niyang baguhin ang Saligang Batas at palawigin ang
termino. Hindi na siya nagsisilbi sa sambayanang Pilipino, nais pa niyang
isapribado ang mga serbisyong pampubliko. Kailangang palitan na ang pamahalaang
Aquino ng isang gobyernong maglilingkod sa sambayanan at hindi sa iilan. Isang
gobyernong para sa sambayanan, at pinatatakbo ng sambayanan. Panahon na! Dapat Aquino Patalsikin!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento