ANG MGA MAPAGPALAYANG AWITING "BAYAN KO" AT "LIPUNANG MAKATAO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Ang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao" ang dalawa sa mga paborito't mapagpalayang awiting inaawit sa maraming pagtitipon. Ang "Bayan Ko" ay popular sa pagtitipon ng mga aktibista, lalo na yaong nasa kilusang makabayan. Ang "Lipunang Makatao" naman ay popular sa pagtitipon ng mga manggagawa't dukha, lalo na yaong nasa kilusang sosyalista.
Dalawang awiting mapagpalaya. Dalawang awiting dapat isapuso at kantahin ng sinumang mapagmahal sa kalayaan at ayaw sa lipunang mapagsamantala.
Ang awiting "Bayan Ko" ay isa sa mga tula ng makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, at naging Hari ng Balagtasan. Ang awiting ito'y nalathala sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, na pinamatnugutan ni Virgilio S. Almario, na nasa pahina 184-185.
Ayon sa talababa blg. 63 sa nasabing aklat, na nasa pahina 200: "Ang pagtaya na sinulat ang titik ng awit na ito sa taong 1929 ay batay sa isang sipi ng musikang nasa pag-iingat ng balo ni Corazon at limbag ng Perlas Music Store, Bustos, Maynila."
BAYAN KO
ni Jose Corazon de Jesus
Ang bayan kong Pilipinas,
Lupain ng ginto't bulaklak;
Pag-ibig ang sa kanyang palad,
Nag-alay ng ganda't dilag.
At sa kanyang yumi at ganda,
Dayuhan ay nahalina;
(Bayan ko ay binihag ka,
Nasadlak sa dusa!)
Ibon mang may layang lumipad,
Kulungin mo at umiiyak;
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas...
Pilipinas kong minumutya,
Pugad ng luha ko't dalita,
Aking adhika:
Makita kang sakdal laya!
Ang "Lipunang Makatao" naman ay mula sa panulat ng isang Resty Domingo na nagwagi sa unang gantimpala sa timpalak sa awit na pinamahalaan ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) noong 1988. Ito'y nilagyan ng himig nina Mar Laguna, Bobet Mendoza, Joey Asidera, at Elena Cruz. Ang instrumentalista ay sina Noel Cabangon para sa gitara (nylon, steel), synthesizer, (strings); Angelo Villegas para sa gitara (bass); at Rene Santos para sa drum set. Ang umawit naman nito ay si Razel Amisola para sa solo at ang grupong Teatro Pabrika para sa koro.
Ang liriko ng awiting ito ay sinipi mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.
LIPUNANG MAKATAO
ng Teatro Pabrika
Solo:
Luha'y dumadaloy sa mugto mong mga mata
Larawan mo'y kalungkutan at kawalan ng pag-asa
Magagandang pangarap sa buhay mo'y di makita
Nabubuhay ka sa panahong mapagsamantala.
Koro:
Gumising ka, kaibigan, ang isip mo'y buksan
Dapat mong tuklasin ang tunay na kadahilanan
Bakit may naghihirap na gaya mo sa lipunan
At sa dako roo'y hanapin ang kasagutan.
Tama ka, kaibigan, sila nga ang dahilan
Ang mapagsamantalang uri sa lipunan
Likhang yaman natin, sila ang nangangamkam
Na dapat mapasaatin at sa buong sambayanan.
Koro:
Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya
Panahon nang wakasan ang pagsasamantala
Sa diwa ng layunin tayo'y magkaisa
Lipunang makatao'y itindig ng buong sigla
Buong Sigla.
(Instrumental)
(Acapela ng koro)
(Ulitin ang koro kasama ng instrumento)
Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya.
Ang awiting "Lipunang Makatao" dahil na rin sa mapagpalayang nilalaman nito ay mas dapat kantahin sa maraming pagtitipon o pagkilos, tulad ng rali, konsyerto, talakayan, pulong-bayan, atbp. Dapat itong maisapuso, tulad ng pagsasapuso ng awiting "Bayan Ko".
Ang "Bayan Ko" ay hinggil lamang sa pagmamahal sa bayan, at ang nakikitang suliranin batay sa liriko ng awitin ay dayuhan. At upang lumaya ay dapat mawala ang mga dayuhan. Kaibang-kaiba ang awiting "Lipunang Makatao" na ang nakikitang suliranin ay ang mapagsamantalang uri sa lipunan, at hindi lang simpleng dayuhan.
Ang "Bayan Ko" ay pambansa. Ang "Lipunang Makatao" ay pandaigdigan. Ang "Bayan Ko" ay laban sa dayuhan. Ang "Lipunang Makatao" ay laban sa uring mapagsamantala. Sa "Bayan Ko", lalaya lang tayo kung mapapalayas na ang mga dayuhan, kahit naririyan ang mga Pilipinong naghaharing uri't nagsasamantala. Sa "Lipunang Makatao", lalaya tayo kung mawawala, hindi lang ang mga dayuhan, kundi higit pa roon, ay mawala ang mga Pilipinong naghaharing uri at nagsasamantala, at tuluyan nang mawakasan ang pagsasamantala ng tao sa tao. Ang "Bayan Ko" ay kinagigiliwang awitin ng mga aktibista at ng mga panggitnang uri sa lipunan, lalo na sa mga pagtitipon, tulad ng anti-pork barrel, ati-PDAF at anti-DAP. Ang "Lipunang Makatao" ay tiyak na aawitin ng mga aktibista ngunit hindi pa ng mga panggitnang uri sa lipunan.
Gayunman, hindi natin dapat paglabanin o pagpilian kung alin ang magandang awitin o magaling sa dalawa, dahil pareho silang mapagmulat at dapat nating awitin. Hindi dapat "Bayan Ko" lamang dahil hindi naman natatapos ang suliranin ng bayan pag napalayas na ang dayuhan. Dapat na taos-puso rin nating awitin ang "Lipunang Makatao" dahil hindi lamang dayuhan ang problema, kundi mga kababayan din, at higit sa lahat, ang sistemang mapagsamantala. Ayon nga sa awitin, panahon nang wakasan ang pagsasamantala, at tayo'y magkaisa't magsama-sama upang kamtin ang dakilang adhikaing ito, hindi lang para sa kasalukuyan, kundi para sa kinabukasan, at para sa mga susunod pang henerasyon.
Magandang pagnilayan natin ang kaibahan ng bayan at lipunan sa nakasulat sa aklat na "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman:
"Marami ang nag-aakalang ang “bansa” ang mismong “lipunan”. Ito ang turo ng gubyerno at iskwelahan. Kung ang “lipunan” ay siya mismong “bansa”, natural, hindi na pag-uusapan kung gusto nating maging myembro. Pero ang “bansa” at “lipunan” ay di iisa’t parehas na bagay. Ang “bansa” ay binubuo ng nagkakaisang lahi. Ang “lipunan” ay binubuo ng magkakaibang uri. Wala sa lahi ang pagkakaiba sa uri. Wala sa dugo ang tatak ng uri. Wala sa kalikasan ng bansa kundi nasa sistema ng lipunan. Walang kinalaman ang ating pagiging Pilipino sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin. Mayaman o mahirap, tayo’y Pilipino. Isinilang sa isang bansa. May diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pagawaan o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan. Pati pagkamakatao. Ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri."
Mungkahi kong sa bawat mapagpalayang pagtitipon ay hindi lamang "Bayan Ko" ang inaawit kundi huwag ding kalimutang awitin ang "Lipunang Makatao" upang mas maipatagos pa natin sa mas marami pa na hindi lamang pagmamahal sa bayan ang mahalaga, kundi ang pagpawi sa uring mapagsamantala at pagtatayo ng isang lipunang makatao.
Halina't awitin natin ang dalawang mapagpalayang awiting ito sa maraming pagtitipon, at ipaabot din natin sa mas marami pa ang kahulugan at kahalagahan ng dalawang ito sa kamulatan ng bawat isa tungo sa pagkakaroon ng mas maunlad na pagbabago sa bansa at sa lipunan, nang kasama ang lahat sa pag-unlad at hindi lamang ang iilan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento