Lunes, Disyembre 23, 2024

Ang maikling kwento sa Taliba ng Maralita

ANG MAIKLING KWENTO SA TALIBA NG MARALITA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ilan pang isyu ng Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ang hindi pa nagawa. Subalit tinatapos ko pa rin. Kahit paunti-unti. Lalo na't apatnapu't siyam na araw akong nagbantay kay misis sa ospital.

Subalit bakit dapat gawin pa rin iyon? Una, dahil sa pagtatala ng kasaysayan ng mga mahahalagang pangyayari't pagkilos na nilahukan ng KPML. Ikalawa, dahil nalalathala dito ang mahahalagang isyu ng pabahay at kahirapan, at pagsusuri sa isyu ng maralita. Ikatlo, upang may mabasa ang mga maralitang kasapi ng KPML, at maitago nila iyon bilang testamento ng kasaysayan at pakikibaka ng mga maralita. Ikaapat, dahil nalalathala rito ang panitikang maaaring iambag sa panitikang Pilipino, tulad ng mga tula at maikling kwento.

Nitong Nobyembre lang ay kumontak sa akin ang mga estudyante ng isang pamantasan sa Batangas, at ginawa nilang thesis ang tatlo kong maikling kwentong may kaugnayan sa State of the Nation Address (SONA). Ito ang mga kwentong "SONA na naman, sana naman..." (Taliba isyu, Hulyo 16-31, 2023, pahina 18-19), "Budul-Budol sa Maralita" (Taliba Pre-SONA isyu, Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19), at "Bigong-Bigo ang Masa" (Taliba Post-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19). Napakalaking karangalang makapanayam ako ng mga estudyanteng iyon. Ibinalita naman nila sa akin na nakapasa sila sa kanilang thesis.

Mula Setyembre hanggang ngayong Disyembre na siyang backlog ng Taliba, ito ang pinagkukunutan ko ng noo. Bukod sa mga balita ay pinag-iisipan ko kung paano ko isusulat sa maikling kwento ang mga tampok na isyu ng panahong iyon. Paghahanda ko rin bilang kwentista ang pagsusulat ng mga kwento upang balang araw ay makapagsulat ng nobela, at maisaaklat iyon, na siya kong pangarap - maging ganap na nobelista.

Dalawang beses isang buwan lumalabas ang Taliba ng Maralita. Ibig sabihin, dalawampu't apat na isyu sa isang taon. Kaya kung may apat na buwan pang backlog, may walong isyu ang dapat kong tapusin. Isasama ko ang mga kuha kong litrato sa rali, pati pahayag ng mga kapatid na organisasyon, upang hindi naman ako matulala sa dami ng trabaho. Ang pagsusulat ang tungkulin ko sa organisasyon, pagsusulat ng pahayag, at ang pagkatha ng maikling kwento at tula ang kinagigiliwan kong gawin. Subalit mga kwento at tula sa pagsusulong ng pakikibaka ng mga maralita laban sa pang-aapi't pagsasamantala ng sistemang bulok, tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao at sa kalikasan.

Pinagnilayan ko't sinulat sa tula ang mithiing ito para sa tuloy-tuloy na paglalabas ng publikasyong Taliba:

adhika ko pa ring gawin ang mga isyu
ng pahayagang Taliba ng Maralita
sulatin ang balita, kumatha ng kwento
at tula, at magsuri ng isyu ng dukha

pakikibaka ng dukha'y pag-iisipan
at ilathala ano bang kanilang layon
sapagkat bawat laban ay may kasaysayan
na dapat matala sa aming publikasyon

kolum ni Pangulong Kokoy Gan ay patnubay
sa pakikibaka ng kapwa mahihirap
habang litrato ng pagkilos ay patunay
ng adhika ng dukha't kanilang pangarap

na isang lipunang wala nang pang-aapi
at pagsasamantala, ang sila'y mahango
sa hirap, kaya tuloy ang pagbaka't rali
laban sa mga kuhila't laksang hunyango

12.23.2024

Linggo, Disyembre 22, 2024

Kaysarap ng tulog ni alaga

KAYSARAP NG TULOG NI ALAGA

nakita niya ang munting kahon
at iyon ang kanyang tinulugan
marahil nga'y napagod maghapon
hinigaa'y pinagpahingahan

simpleng buhay lamang si alaga
na sa bahay na naninirahan
simpleng buhay din akong makata
na abala lagi sa tugmaan

madalas, matapos kong kumain
ngingiyaw siya't mangangalabit
bibigyan siya ng makakain
pag busog na'y di na humihirit

kay alaga, maraming salamat
mga daga'y nagpulasang lahat

- gregoriovbituinjr.
12.22.2024

Di agad mabuksan

DI AGAD MABUKSAN

may nagregalo, kayhirap buksan
ang panahon ko'y naubos lamang
sa pagbubukas na pahirapan
uhaw ka na'y di mo pa mabuksan

buti ito'y bigay lang sa amin
ang tulad nito'y di ko bibilhin
basahan ay ginamit ko na rin
ngunit sadyang kayhirap pihitin

pakanan, pakaliwa, paano?
isip-isip, anong gagawin ko?
o baka mahina na ang pulso
kaya di ko na mapihit ito

o baka ako na'y nanghihina
lalo't sa mundo na'y tumatanda
higpit ng kapit ay di magawa
laman ay di malasahang sadya

pagpapalakas pa'y kailangan
nitong mga buto ko't katawan
baka pag malakas na'y mabuksan 
ang bote't laman nito'y matikman

- gregoriovbituinjr.
12.22.2024

Bituka't hasang ng pritong isda

BITUKA'T HASANG NG PRITONG ISDA

bata pa'y batid ko nang magtanggal
ng bituka't hasang ng galunggong
ngunit nang tumanda na't tumagal
di ko na tinatanggal pa iyon

dahil kami'y may alagang pusa
bituka't hasang ay piniprito
upang ipakain sa alaga
dobleng gawain talaga ito

pag nagpiprito na ako ngayon
ng isda, sinasama'y bituka 
at hasang upang ang ipalamon
sa pusa'y luto, di hilaw, di ba?

ginagawa ko na iyong sabay
upang tipid na rin sa gastusin
iyon man lang sa kanya'y mabigay
nang siya'y di magutom sa amin

- gregoriovbituinjr.
12.22.2024

Sabado, Disyembre 21, 2024

Ang luma't bago kong sombrero

ANG LUMA KO'T BAGONG SOMBRERO

may luma't bago akong sombrero
ang una'y pangrali araw-araw
pangalawa'y may tatak na bago
pagkat Luke Forward ang tinatanaw

tunog Look Forward sa hinaharap
upang makamit ang adhikain
kung paano tupdin ang pangarap
na pagsasamantala'y supilin

sombrerong mayroong panawagan
upang maipagwagi si Ka Luke
sa Senado'y maupong tuluyan
kinatawan ng masa'y maluklok

luma'y beterano na sa rali
proteksyon sa ulo, init, lamig
sombrerong matagal na nagsilbi
upang obrero'y magkapitbisig

tunay akong nagpapasalamat
sa sombrerong proteksyon talaga
upang kumilos laban sa ugat
ng pag-api't bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
12.21.2024

Biyernes, Disyembre 20, 2024

Di kinuhang basura ng namamaskong basurero

DI KINUHANG BASURA NG NAMAMASKONG BASURERO

basura raw, sabay abot ng sobre
kahit barya lang ay maglagay kami
ganyan ang gawa, magpapasko kasi
kasi pasko ay bigayan daw, sabi

magbigay ng anumang kaya natin
pag di naglagay ay baka di kunin
ang basura mo, aba'y kayhirap din
gayong sila nama'y may sasahurin

kanina lang, basura'y di kinuha
wala kasi akong barya sa bulsa
nakaalis na ang trak ng basura
inipon kong basura'y nariyan pa

di ko mabigay ang sandaang piso
may lakad ako't pamasahe ito
sa bahay, maghahanap pang totoo
kahit bente pesos, ibibigay ko

kaunting barya'y ating ibahagi
kunin lang ang basura'y ating hingi
upang kalinisa'y mapanatili
bente pesos man ay malaking munti

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024

Ang rebulto ni Galicano C. Apacible sa Balayan, Batangas

Rebulto ni Galicano C. Apacible, manggagamot, at propagandista mula Balayan, Batangas. Kasama ni Rizal nang itatag ang El CompaƱerismo, lihim na samahang pulitikal na itinatag sa Maynila noong 1890s.

Halina't basahin ang nakasulat sa marker:

GALICANO C. APACIBLE
(1864-1949)

Manggagamot, propagandista, diplomatiko, mambabatas at makabayan. Ipinanganak sa Balayan, Batangas 26 Hunyo 1864. Kasama si Dr. Jose Rizal at iba pang mga mag-aaral na Filipino, itinatag sa Maynila ang El CompaƱerismo, isang lihim na samahang pulitikal noong 1890s. Isa sa mga nagtatag ng pahayagang propagandistang La Solidaridad noong 1889. Pangulo ng Asociacion Solidaridad Filipina sa Barcelona noong 1888 at ng Komite Sentral ng mga Filipino sa Hongkong noong 1898. Tagapayo ng Mataas na Konseho ng mga Rebolusyonaryong Filipino at kinatawan ng Republika ng Pilipinas sa Tsina, 1989-1899. Natatanging sugo sa Amerika at Europa, 1900-1901. Isa sa mga tagapagtatag ng Lapiang Nacionalista, 1906. Gobernador ng Batangas, 1908-1909; Kinatawan ng Batangas sa Asamblea ng Pilipinas, 1910-1916; Kalihim ng Pagsasaka at Likas na Yaman, 1917-1921. Yumao 22 Marso 1949.

Ang mga litrato ay kuha ng makatang gala sa Balayan, Batangas, Disyembre 19, 2024. Sumaglit muna sa Balayan upang kausapin ang aking ina. Lumuwas din ng Maynila kinagabihan.

GALICANO C. APACIBLE

kasama ni Rizal at isa ring bayani
ngalan niya'y Galicano C. Apacible
isinilang parehong taon ni Mabini
parehong Batangenyo ang dalawang are

si Apacible ay isang diplomatiko
manggagamot at propagandistang totoo
kasama ni Rizal at iba pang Filipino
ay tinatag nila ang El CompaƱerismo

na lihim na samahang pulitikal noon
siya'y naging pangulo ng Asociacion
sa Barcelona't Komite Sentral sa Hongkong
sa Mataas na Konseho ng Rebolusyong

Filipino at kinatawan din sa Tsina
tanging sugo rin sa Amerika't Europa
nagtatag din ng Lapiang Nacionalista
kinatawan ng Batangas sa Asamblea

ng bansa, Gobernador din ng lalawigan
Kalihim ng Pagsasaka't Likas na Yaman
tulad ni tatay, isinilang sa Balayan
si Apacible ay bayani rin ng bayan

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024

Ang rebulto ni Mabini sa Balayan, Batangas

Rebulto ni Gat Apolinario Mabini sa Balayan, Batangas. Ang nakasulat sa marker: 

APOLINARIO MABINI y MARANAN
23 July 1864 - 13 May 1903

Isa sa mga bayani ng Pilipinas, abogado, tagapayo ng pangulo, at punong katiwala (o punong ministro) ng pamahalaan na kumatha sa mga alituntunin ng Konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas. Siya ay kilala bilang "Dakilang Lumpo" o "Dakilang Paralitiko" at "Utak ng Rebolusyon."

Kuha sa Balayan, Batangas, Disyembre 19, 2024.

Sumaglit muna sa Balayan upang kausapin ang aking ina. Lumuwas din ng Maynila kinagabihan.

APOLINARIO MABINI

isa sa ating mga bayani
si Gat Apolinario Mabini
mula sa lalawigang Batangas
bayaning tanyag sa Pilipinas
siya'y tagapayo ng pangulo,
at gumampan ding punong ministro
kinatha'y mga alituntunin
ng unang Saligang Batas natin
siya'y "Dakilang Paralitiko"
tinatawag ding "Dakilang Lumpo"
kilalang "Utak ng Rebolusyon"
sa kasaysayan ng ating nasyon
kay Mabini, Mabuhay! Mabuhay!
taospuso kaming nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024

Martes, Disyembre 17, 2024

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL

may abiso sa sahig ng traysikel
kong sinakyan: "Bawal manigarilyo"
tagos sa puso't diwa'y umukilkil
kahit sa makatang di nagbibisyo

kundi ang magsulat ng kwento't tula
minsan paksa'y yaong nasa hinagap
bisyo'y pagninilay at tumingala
sa kisame o kaya'y alapaap

anong masasabi ng nagyoyosi
na may paalala doon sa sahig
tunay iyong mahalagang mensahe
ipinaskil ang di maisatinig

salamat at may paalalang ganyan
habang patungo sa paroroonan

- gregoriovbituinjr.
12.17.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/wwAHJD8msl/ 

Lunes, Disyembre 16, 2024

Ang apat na Pepe

ANG APAT NA PEPE 

bida si FPJ sa Pepeng Kaliwete
at si Ramon Revilla sa Pepeng Kuryente
kilala ring partner ni Pilar ay si Pepe 
mas tanyag na Pepe si Rizal na bayani

sa kamalayang Pinoy ay naroon sila
lalo't taga-dekada otsenta't nobenta
tatlo sa kanila'y sikat sa pelikula,
sa panitikang bayan, isa'y sa historya

mga Pepe, maraming salamat sa inyo
kabataan nami'y naging bahagi kayo
sa mga maaksyong pelikula ay hero
bida kayong tumatak sa puso ng tao

bida si Rizal, pambansang bayani natin
si Senador Revilla'y naglingkod sa atin
si FPJ ay tumakbong pangulo man din
si Pepe't Pilar nasa panitikan natin

- gregoriovbituinjr.
12.16.2024

Linggo, Disyembre 15, 2024

Mga korte ng limang piso

MGA KORTE NG LIMANG PISO

dumudukot ako ng baryang pamasahe
at tatlong limang piso'y nakuha ko rine
na agad napansin kong iba-ibang korte

tatlong magkaiba ang limang pisong iyon
dalawa'y bilog, magkaibang kulay niyon
habang isa'y siyam ang gilid o nonagon

may pambili na ako ng saging na saba
pag pinambayad ko sa dyip ang tatlong barya
aba, ako'y may dalawang pisong sukli pa

iba-iba mang korte'y mahalagang sadya
sa komersyo't palitang-kalakal ng madla
pambili ninuman kahit pa ika'y dukha

nasa bagong limang piso ba'y kilala mo?
ang bayaning nakaukit sa limang piso
ay ang magiting na Gat Andres Bonifacio

- gregoriovbituinjr.
12.15.2024

Okra dyus

OKRA DYUS

naglaga ako ng okra
bente pesos ang halaga
dalawang tali lang naman
na sampung okra ang laman

sabi'y tunggain ko lang daw
ang pinaglagaang sabaw
inumin iyong parang dyus
nang lumusog akong lubos

inilagay ko sa baso
sa sang-iglap tinungga ko
anong bilis kong nilunok
sinaid sa isang lagok

naisip kong tamang landas
katawan ay mapalakas
okra naman ay inulam
ko kaninang mag-agahan

- gregoriovbituinjr.
12.15.2024

Sabado, Disyembre 14, 2024

Huli nga ba sa balita?

HULI NGA BA SA BALITA?

magkaibang petsa ngunit isang balita
sa magkaibang pahayagan nalathala
masasabi bang isa'y huli sa balita?
o inulit lang ang ulat na nalathala?

sa pahayagang Bulgar, Disyembre a-trese
sa dyaryong Sagad naman, Disyembre katorse
hinggil sa aksidente sa Boy Scout Jamboree
headline iyon sa dalawang dyaryong nasabi

pinaksa'y Boy Scouts na nakuryente't namatay
tent ay sumabit sa live wire na nakalaylay
mga balitang gayon ay nakalulumbay
na disgrasya'y dumatal sa kanilang tunay

kung balita'y pakasusuriin mong sukat
kulang sa detalye ang unang naiulat
mga biktima'y walang pangalang nasulat
sa ikalawa, may detalyeng makakatkat

ulat sa Sagad ay di pa huling totoo
kung inulat ay madetalye't sigurado
kung baga, inapdeyt at follow-up sa kaso
na maaari ring serye kung titingnan mo

- gregoriovbituinjr.
12.14.2024

* ulat mula sa pahayagang Sagad, Disyembre 14, 2024, p.1 at 2; ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 13, 2024, p.1 at 2

Tsaang oregano

TSAANG OREGANO 

lumago na ang tanim ni misis na oregano
kung saan dahon naman niyon ay pinipitas ko
upang sa takure ay pakuluan ngang totoo

at kapag maligamgam na'y saka ko iinumin
na parang tsaa, pampalusog sa katawan man din
ah, kalusugan, aba'y dapat ka naming isipin

tsaa itong maraming benepisyo sa katawan
buti't naisipan ni misis na itanim iyan
siyang tunay, kaylalago na nila sa bakuran

sa mga saliksik, pang-alis ng toxic substances,
panlaban daw sa implamasyon, hika, diabetes,
pagbuburis, bakterya, cancer at iba pang istres

kaya tsaang oregano ay dagdag sa arsenal
ng kalusugan matapos lumabas ng ospital
pandagdag lakas, upang di rin agad hinihingal

kaya ngayon, sa tsaang ito ako  na'y masugid
na tagapagtaguyod lalo't may tanim sa gilid
tara nang magtsaang oregano, mga kapatid

- gregoriovbituinjr.
12.14.2024

* buris - nagtutubig na tae

Biyernes, Disyembre 13, 2024

Tatlong Boy Scouts, nakuryente, patay

TATLONG BOY SCOUTS, NAKURYENTE, PATAY

ang sinapit ng tatlong Boy Scouts ay kaytindi
nang sila'y mamatay dahil daw nakuryente
anang ulat, nangyari sa Zamboanga City
sa nagaganap doong Citywide Jamboree

labinlimang Boy Scouts ang nilipat umano
ang tent nila nang metal na bahagi nito
ay sumabit sa live wire, disgrasyang totoo
na ikinamatay ng nabanggit na tatlo

dumaloy sa katawan ng mga biktima
ang lakas ng boltahe, kaybata pa nila
upang madisgrasya sa nasabing sakuna
Jamboree'y kinansela dahil sa trahedya

pangyayaring ito'y sadyang nakalulungkot?
sa trahedyang naganap ba'y may mananagot?
panahon lang ba ang dito'y makagagamot?
upang trahedyang ito'y tuluyang malimot?

di ba't tinuturo sa Boy Scouts ang survival?
at dapat ay handa sa anumang daratal?
pakikiramay ang tangi kong mauusal
sa kanilang pamilya't mga nagmamahal

- gregoriovbituinjr.
12.13.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 13, 2024, headline at pahina 2

Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Pagdatal sa tahanan

PAGDATAL SA TAHANAN

pang-apatnapu't siyam na araw, higit sambuwan
mula sa ospital, umuwi kami ng tahanan
alas-onse y medya kagabi kami dumating
upang si misis sa kanyang sakit ay magpagaling

pagdating, sinalubong agad kami ni alaga
tila batid niyang parating kami't tuwang tuwa
salamat kay alagang pusa at walang mabait
na sa aming tahanan ay naninira ng gamit

salamat din sa maraming kasama't kaibigan
na tumulong sa amin sa oras ng kagipitan
tanda ko ang araw na iyong araw na sagrado
Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao

salamat at sa tahanan ay muling nakabalik
at makata'y nakatulang walang patumpik-tumpik
ay, nakakapagod din ang sandaling paglalakbay
mabuti't nakauwi kaming loob ay palagay

- gregoriovbituinjr.
12.11.2024

* bidyo kuha ng makatang gala ng gabi ng Disyembre 10, 2024, 11:37 pm
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://fb.watch/wqePxLeyPD/ 

Martes, Disyembre 10, 2024

Huling gabi na sa ospital

HULING GABI NA SA OSPITAL

pang-apatnapu't siyam na gabi
sa ospital, narito pa kami
huling gabi na ito, ay, huli
salamat at uuwi na kami

nawa dito'y di kami bumalik
ni misis, sa bahay na'y pumanhik
paggaling niya'y tangi kong hibik
na sa tula'y aking itititik

tapos na ang apatnapu't siyam
na araw at gabi sa ospital
hibik ko'y tuluyan nang maparam
ang iniinda niyang kaytagal

masasabi ko'y pasasalamat
sa nagsitulong, sa lahat-lahat
nangyaring ito'y nakapagmulat
sa aking kayraming nadalumat

- gregoriovbituinjr.
12.10.2024

Apatnapu't siyam na araw sa ospital

APATNAPU'T SIYAM NA ARAW SA OSPITAL

pang-apatnapu't siyam na araw at gabi
sa ospital na ito't pauwi na kami
silid na ito'y ginawa ko nang aklatan
habang bantay kay misis na may karamdaman

mapapaluha ka sa presyong tila ginto
sa gastos sa ospital, para kang natanso
aba'y sadyang tumpak ang kasabihang iyon
"Bawal magkasakit" sa patalastas noon

at ngayong Araw ng Karapatang Pantao
ang huling araw at gabi na namin dito
hinihintay lang ang mga reseta't bilin
ng mga doktor bago kami paalisin

dugong malapot sa bituka'y pinalabnaw
sunod na pagtistis ay mayoma naman daw
na panibago rin naming paghahandaan
lalo ang gastusin, malaking kabayaran

- gregoriovbituinjr.
12.10.2024

Lunes, Disyembre 9, 2024

Respeto sa mga babaeng chess players

RESPETO SA MGA BABAENG CHESS PLAYERS

naabutan natin ang labanang Kasparov-Karpov
na talagang bibilib ka sa mga chess grandmasters
nang minsang tinalo ni Judith Polgar si Kasparov
nagbago ang tingin sa kababaihang chess players

babaeng chess players ay nakilala mula noon
pinatunayan nilang chess ay di lang panlalaki
lalo sa mga internasyunal na kumpetisyon
may world chess championship din para sa mga babae

Paikidze-Barnes, Dorsa Derakhshani, Sara Khadem
sila'y mga chess players na nagprotestang mag-hijab
upang maglaro ng chess, bansa nila'y katawanin
sa iba't ibang bansa, laro nila'y maaalab

sa ating bansa, nag-iisa si Janelle Mae Frayna
bilang natatanging chess grandmaster ng Pilipinas
sina Arianne Caoili at Jan Jodilyn Fronda pa
na Pinay chess masters na laro'y kagila-gilalas

sa mga babaeng chess players, kami'y nagpupugay
kayo'y mga Gabriela't Oriang sa larong ahedres
tangi kong masasabi, mabuhay kayo! Mabuhay!
kayo ang mga Queen na mamate sa Hari ng chess!

- gregoriovbituinjr.
12.09.2024

* litrato mula sa isang fb page

Ang tula, ayon sa palaisipan

ANG TULA, AYON SA PALAISIPAN

sa Una Pahalang: isiping pawa
ano bang binibigkas ng makata?
na agad ko namang sinagot: TULA
lalo na't malimit kong kinakatha

gayong tula'y bihira kong bigkasin
batid kong walang didinig sa akin
maliban kung nasa rali't tawagin
ay bibigkas ng rubdob ang damdamin

makata akong kung magsulat: payak
hinggil sa maraming paksang palasak
tulad niring sugat na nagnanaknak
pluma'y tangan, palad ko'y naglilipak

nagbibilang ng taludtod at pantig
tiyak may tugma't sukat bawat pintig
nitong pusong kaysarap kung umibig
at tula'y bibigkasin kong may himig

- gregoriovbituinjr.
12.09.2024

* mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 9, 2024, p.11