Martes, Abril 29, 2008

Hindi Bakasyon ang Mayo Uno

HINDI BAKASYON ANG MAYO UNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami akong mga kakilala na nag-aanyaya sa akin sa mga lakaran, o kaya’y magbakasyon, o sa anumang aktibidad dahil holiday daw ang Mayo Uno. Totoo ngang idineklarang holiday ang Mayo Uno bawat taon pero hindi ibig sabihin nito na bakasyon na tayo. Holiday ang Mayo Uno dahil ginugunita natin ang isang araw bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat mahigit labinlimang taon ko nang ginugunita ang Mayo Uno kasama ang mga manggagawa, at hindi ako nagbabakasyon sa araw na ito dahil sa dami ng gawain dito. Nakapagpapahinga o nakapagbabakasyon lamang ako, pati ang aking mga kasama, sa ibang araw maliban sa Mayo Uno, kung paanong abala rin kami sa iba pang holiday tulad ng Araw ni Gat Andres Bonifacio (Nobyembre 30) at Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (Marso 8). Bilang pagkilala sa kababaihan sa malaking ambag nito sa lipunan, hindi lamang mga babae ang dapat gumunita nito kundi mga kalalakihan din, paggunita rin ito sa ating inang nagluwal sa atin. Ang holiday na nakapagbabakasyon lamang ako, at ng aking mga kasama, ay ang Hunyo 12, pagkat hindi kami naniniwalang ito’y tunay na kalayaan, kundi pekeng kalayaan ayon sa mga dokumento ng kasaysayan. Ayon sa Acta de Independencia na nilagdaan noong Hunyo 12, 1898, lumaya ang Pilipinas mula sa Kastila upang magpailalim sa “mighty and humane American nation”.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat halos isang buwan din naming pinaghahandaan ang birthday na ito ng mga manggagawa, na siyang gumagawa ng ekonomya ng bansa. Kung walang manggagawa, tatakbo ba ang mga pabrika, mabubusog ba ang mga mayayaman, tutubo ba ng limpak-limpak ang mga kapitalista, uunlad ba ang bansa? Mabubuhay ang lipunan kahit walang kapitalista ngunit hindi mabubuhay ang lipunan kung walang manggagawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat sa sagradong araw na ito para sa mga manggagawa ay inaalala natin ang mga sakripisyo ng mga martir na manggagawang namatay sa Haymarket Square sa Chicago, Illinois noong Mayo 4, 1886, (ang ikaapat na araw ng welga) para ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa bawat araw. Noong Oktubre 1884, isang kumbensyon ang ginanap ng Federation of Organized Trades and Labor Unions (FOTLU) sa Amerika at Canada at napagpasyahang sa Mayo 1, 1886 ay isabatas ang walong oras na paggawa bawat araw. Noong panahong iyon, labindalawa hanggang labing-anim na oras ang paggawa bawat araw. Noong Mayo 1, 1886, isang malawakang welga sa buong Amerika ang isinagawa ng mga manggagawa bilang pagsuporta sa kahilingang walong oas na paggawa bawat araw. May 10,000 manggagawa ang nagrali sa New York; 11,000 sa Detroit; 10,000 sa Wisconsin, at 40,000 manggagawa sa Chicago na siyang sentro ng kilusang ito. May hiwalay pang welga sa Chicago ang may 10,000 manggagawa sa kakahuyan, habang may 80,000 katao naman ang sumama sa welga sa Michigan Avenue. Ang tinatayang sumatotal ng lahat ng nagwelga ay nasa 300,000 hanggang kalahating milyon. Noong Mayo 3, nagkagulo sa Chicago nang inatake ng mga pulis ang mga manggagawang welgista malapit sa planta ng McCormich Harvesting Machine Co., kung saan apat ang namatay at marami ang nasugatan.

Dahil sa nangyaring ito, noong Mayo 1, 1889, hiniling ng American Federation of Labor sa unang kongreso ng Ikalawang Internasyunal na Kilusang Manggagawa sa Paris, France, na isagawa ang isang pandaigdigang welga sa Mayo 1, 1890 para sa walong oras na paggawa. Ito’y inayunan naman ng mga kinatawan ng mga kilusang paggawa mula sa iba’t ibang bansa. Ang ikalawa pang layunin nito ay upang gunitain ang alaala ng mga martir na manggagawang nakibaka para sa walong oras na paggawa na namatay sa Haymarket Square sa Chicago, Illinois. Maraming gumunita at kumilala sa Mayo 1, 1890 bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, kasama na ang iba pang bansa, kabilang ang dalawampu’t apat na lunsod sa Europa, bansang Cuba, Peru at Chile.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat kailangan nating ipagdiwang at kilalanin ang sakripisyo ng mga manggagawa sa buong daigdig, at tayo’y makiisa sa lahat ng manggagawa sa mundo para sa pagbabago ng lipunan, kapayapaan, at pagkakapantay-pantay ng lahat. Sa ating bansa, ang unang pagdiriwang ng Mayo Uno ay noong 1903 nang isinagawa ng 100,000 manggagawa sa pamumuno ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF) ang isang malawakang pagkilos sa lansangan patungong MalacaƱang kung saan isinisigaw ng mga manggagawang Pilipino na “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat marami pa tayong dapat gawin upang tiyaking ang lipunang itong kinatatayuan natin ngayon ay tiyakin nating mabago para sa kapakinabangan ng lahat, lalo na ng mga susunod na henerasyon, at hindi ng iilan lamang. Sa ngayon, ang mga manggagawa’y nagiging biktima ng salot na kontraktwalisasyon, o five-months, five-months contract, imbes na dapat ay maging regular na siyang manggagawa. Laganap ang kaswalisasyon at agency employment upang mapanatiling mababa ang sahod ng manggagawa, imbes na sundin ang living wage provision na nakasaad sa Konstitusyon, at alisan ng batayan ang mga manggagawa sa kanilang karapatang mag-unyon. Winawasak naman ang mga nakatayo nang unyon sa pamamagitan ng retrenchment, closures o pagpataw ng Assumption of Jurisdiction (AJ) at madeklarang ilegal ang mga welga ng manggagawa. Ang mga regular na manggagawa ay pinapalitan ng mga batang kontraktwal o agency employees na walang mga benepisyong tulad ng regular na manggagawa. At kapag nasa edad na ng 25-taon pataas, over-age na, pahirapan nang makapasok sa pabrika o trabaho. Tulad ng mga naunang gobyernong umiral sa bansa, mas nakatuon ang mga programa’t patakaran ng bansa sa pagsasakatuparan ng mga dikta ng WTO-IMF-World Bank upang pangalagaan ang interes ng uring kapitalista. Sa pamamagitan ng mga polisiyang ito, nagkukumpetensya ang mga kapitalista sa pagpiga sa lakas-paggawa ng mga manggagawa sa pamamagitan ng murang pasahod o murang presyo ng lakas-paggawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat dapat nang mamulat ang mga manggagawa sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan. Hindi malaman ng manggagawang Pilipino, pati na mga kababayang maralita, kung saan kukuha ng pandugtong ng ikabubuhay kinabukasan. Halos trenta porsyento (30%) ang itinaas ng presyo ng pangunahing produkto tulad ng bigas at langis sa mga nagdaang buwan, habang nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa. Ngunit mas kalunus-lunos ang kalagayan ng mga walang pinagkukunan ng regular na hanapbuhay. Hindi pa tapos ang laban ng manggagawa pagkat patuloy pa silang inaalipin ng kapital. Panahon nang magkaisa ang uring manggagawa at itayo ang kanilang sariling gobyerno. Workers control!!!

Ikaw, magbabakasyon ka pa ba tuwing Mayo Uno? Halina’t sa Mayo Uno ng bawat taon, ating kilalanin ang kadakilaan ng uring manggagawa sa buong daigdig. Halina’t sumama sa mga pagtitipon ng mga manggagawa sa Mayo Uno, makipagtalakayan sa kanila, at ipaglaban ang ating mga karapatan.

Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa! Walang mawawala sa inyo kundi ang tanikala ng pagkaalipin!