TANGINA, DI PUTA SI INA!
ni Greg Bituin Jr.
"Putang
ina mo!" Malutong itong sinabi sa akin ng isang siga sa aming lugar sa
Balic-Balic, nang magkabalyahan kami sa aming laro ng basketball. Agad
nagpanting ang tainga ko sa sinabi niya at muntik na kaming mag-upakan.
Buti na lang at kami'y inawat. Biro mo, sasabihin niyang puta ang ina
ko, gayong hindi naman nagputa si ina para buhayin kaming anim na
magkakapatid. "Tangna. Di puta si ina!" Halos ganito ang pagkakasabi ko
sa kanya sapul nang mangyari ito ilang taon na ang nakararaan (nasa high
school pa ako noon).
Nagmumura
ang isang tao sa maraming kadahilanan: May kagalit o kaaway, nagagalit
sa nangyayari sa kanya, sa kanyang kapaligiran o sa lipunang
ginagalawan, naiinis siya sa sarili o kaya'y nabuburyong. Pero bakit
idinadamay ang ating ina sa pagmumura? Di ba pwedeng dehins kasama si
ermat? Di ba pwedeng "gago" o "tarantado" na lamang? O kaya'y "salot"? O
"hayop"?
Sa
malalimang pagsusuri, kung isinasama sa pagmumura ang ating ina, ito'y
dahil ipinapakita lamang na sadyang malaki ang impluwensya ng ina sa
pagpapalaki ng anak, dahil ang ina ang siyang tagapag-alaga,
tagapagpakain, tagahubog ng ugali at unang guro ng bata. At karaniwang
pananaw na kung ano ang ugali ng anak, ito'y dahil sa ina. Dahil kung
masama o bastos ang ugali ng anak, ito'y dahil "puta" ang ina, o kaya'y
masamang babae.
Saan
ba nagmula ang "putang ina"? May isang teorya ang mga matatanda. Noong
bago mag-WWII, hindi pa uso ang "putang ina". Mas uso pa raw noon ang
"imbi", "sukab", "lilo", o "tampalasan". At karaniwan, nakapatungkol
lamang ito sa indibidwal na tao na kagalit ng nagmura. Nagmula lang daw
ang "putang ina" noong may base militar pa ng mga Kano sa Subic at
Clark.
At
dahil umano karamihan ng mga batang iniwan ng kanilang amang Kano ay
naging marahas (dahil broken family) o nakagawa ng krimen, ang bintang
agad ng iba'y dahil "puta" ang ina, kaya't walang naiturong magaling sa
anak. Dito umano nag-umpisa ang pagmumura ng "putang ina" (sa Ingles,
ito'y "mother fucker"; ang "anak ng puta" naman ay "son of a bitch").
Mula
"putang ina" ay napaikli pa ito sa "tangina". Sa ngayon, maaari itong
ihilera ng mga linggwista bilang bahagi ng salitang kanto (pabalbal o
slang), tulad ng bog-tsi, semplang, ermat, utol, syota, nenok, boga,
timbog, hoyo, dedo, at yosi.
Palasak
na ang pagmumurang ito sa kulturang Pilipino na kahit sa sine ay
mapapakinggan mo, at mababasa sa ilang mga nobela, sanaysay at maikling
kwento. Minsan, naging pagbati na rin ito. "Tangina, pare, ang ganda ng
tsiks." Ang "putang ina" ay naging pampalit sa "wow". Naging tatak na
rin ito ng kamachohan.
Si
ina. Babae. Doon tayo sa kanya nanggaling. Nagtataka nga ako kung bakit
wala pa akong narinig na lider-kababaihan na nagpo-protesta hinggil sa
pagmumurang ito, gayong babae ang pinatutungkulan nito.
Sa
kasalukuyan, ang "putang ina" ay pumaimbulog na rin mula personal
patungong pulitikal. "Putang inang VAT 'yan. Putang ina, pataas ng
pataas ang presyo ng mga bilihin, pero kami, limang kahig, isang tuka pa
rin. Putang inang gobyerno ni Arroyo!"
Tangina,
mawawala lang siguro ang pagmumurang ito pag nabago ang lipunan. Pag
nabago na ang kultura ng pagtingin sa ating mga ina. Pag nagbago na ang
pagtingin sa kababaihan. Pag wala nang kapitalistang mang-aapi ng
manggagawa. Pag wala nang teroristang mandedemolis ng bahay ng maralita
at paninda ng vendors. Pag hindi na nagtatayugan ang presyo ng
pangunahing mga bilihin.
Pero habang kapitalismo pa ang sistema ng lipunan, palagay ko, patuloy pa ring may magmumura ng "putang ina".
Pero kung ako ang tatanungin, hindi ko na idadamay si ina, o sinumang ina, sa pagmumura.
Dahil
ang pwede kong sabihin, lalo na sa mga kapitalista at gobyernong
pahirap sa masa, sila'y mga "imbi", "sukab", "lilo", o "tampalasan".
- Unang nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 21, Mayo 2005, p.11 at nalathala rin sa librong "BIYAHENG BALIC-BALIC: Apoy at Ligalig ng Isang Lagalag ng Maynila" ng may-akda