Huwebes, Mayo 28, 2009

Ang Karapatan Natin sa Sapat na Pabahay

ANG KARAPATAN NATIN SA SAPAT NA PABAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya?

Marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Ngunit ano ba ang batayan natin para masabi nating sapat na ang pabahay?

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights.

Unahin muna natin ang GC4, na tumatalakay sa pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Ayon naman sa Seksyon 10 ng General Comment No. 7, hingil sa forced eviction: "Ang mga kababaihan, kabataan, matatanda, lumad, at iba pang indibidwal o grupo ay nagdurusa sa mga gawaing pwersahang ebiksyon. Pangunahing tinatamaan ang kababaihan sa lahat ng grupo at nakakaranas sila ng iba't ibang uri ng diskriminasyon, at sila'y bulnerable sa karahasan at abusong sekswal kung sila'y nawawalan ng tahanan."

Sa Seksyon 15 ng GC7 ay binabanggit ang ilang gabay para matiyak na hindi nasasagkaan ang karapatang pantao sakaling may forced eviction:

1. Oportunidad na magkaroon ng tunay na konsultasyon sa mga apektado;

2. Sapat at makatwirang abiso sa lahat ng mga tao hinggil sa petsa ng ebiksyon;

3. Impormasyon hinggil sa ebiksyon, at kung saan gagamitin ang lupa o bahay na tatanggalin, na dapat na malaman ng mga apektado sa sapat na panahon;

4. Dapat na may opisyal o kinatawan ng gobyerno na naroroon mismo sa panahon ng ebiksyon;

5. Lahat ng mga taong magsasagawa ng ebiksyon ay dapat na sapat ang pagkakakilanlan;

6. Hindi dapat isagawa ang ebiksyon kapag masama ang lagay ng panahon o sa gabi, maliban na lamang kung umaayon ang mga apektado;

7. Pagkakaroon ng mga legal na remedyo;

8. Kung posible, pagbibigay ng tulong legal sa mga taong nangangailangan nito at naghahanap ng tulong mula sa korte.

Dapat na makatao ang mga nagdedemolis o mismong oryentasyon ng gobyerno hingil sa demolisyon at ebiksyon. Dahil ang mga maralita ay tao din, at hindi hayop na basta na lamang tatanggalan ng tirahan.