BAKIT KUSANG NAGLA-LOCK ANG PINTO NG CR?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sarili ko itong karanasan sa isang opisina, kung saan isa ako sa taong bahay doon, at staff ng opisina.
Nagtataka
ang mga kasamahan ko kung bakit laging nagla-lock ang pinto ng banyo o
CR. Pagkatapos nilang maligo, tumae kaya o kahit umihi lamang, agad na
nasasara ang pinto ng CR. Kaya yung kasunod na gagamit ay hindi
makagamit. May nagmumulto ba sa CR kaya kusang nagla-lock ang pintuan?
Kailangang tawagin ang mayhawak ng susi kapag nala-lock ang CR. At ako
ang mayhawak ng susi na lagi nilang tinatawag.
Ang
lock ng CR ay iyong pabilog na para ma-lock siya ay pipindutin mo ang
gitna nito para ma-lock, pero nasa loob ka ng CR. Pipihitin mo iyon pag
labas mo para mawala sa pagka-lock. Pag nasa labas ka ng CR ay kailangan
mo na ng susi. Hindi naman sasadyaing i-lock ng nasa loob at lumabas na
ng CR ang pinto dahil alam niyang may iba pang gagamit. Ang pwede,
lumabas siya sa CR nang hindi na sinasara ang pinto.
Nakakainis,
dahil marami akong ginagawa bilang staff, at dahil ako ang mayhawak ng
susi ng CR, lagi akong tinatawag dahil lang para buksan ang CR. Grabe.
Pero dapat malutas ang problemang iyon.
Palibhasa,
hindi ako naniniwala sa multo, napag-isipan ko minsan kung bakit ba
iyon kusang nagsasara. Minsang nakaupo ako sa inodoro, napatitig ako sa
lock ng CR. Paano ba marereolba ang pagkaka-lock nito. Bago ako lumabas
ng CR, tiningnan ko kung pagpihit ko ba ng lock ay hindi na ito
nagluluwag kundi pirmi nang naka-lock. Kung ganoon ang nangyayari, dapat
palitan na ang lock dahil sira na ito.
Pero
pagpihit ko ng lock, bigla itong magki-klik at lumuluwag naman ang
lock. Ibig sabihin, kahit masara ang pinto, makakapasok ang susunod na
gagamit ng CR dahil hindi naman naka-lock ang pinto. Pero paano nga ba
nala-lock ng kusa ang lock ng pinto? Nakita ko rin sa walas ang
problema.
Iyun
palang lock ng pinto pag tumatama sa tiles ng CR ay kusang nagsasara.
Ilang beses ko itong sinubukan. Itinatama ko ang pinto ng CR sa tiles o
dingding ng CR. Sumasara ito. Alam ko na ang problema. Paano ko naman
ito sinolusyunan?
Kumuha
ako ng ilang karton ng pad paper at ginupit ko ang mga iyon.
Pinagpatong-patong ko ang mga iyon, at idinikit ng masking tape sa tiles
na tinatamaan ng lock ng pinto kaya kusang sumasara. Nagsilbi ang mga
kartong iyon bilang bumper upang hindi na magsara ng kusa ang pinto at
huwag ituring na may nagmumulto sa kubeta.
Isang
araw lang iyon tumagal dahil tinanggal din ng aking kasama sa opisina.
Tinawag na naman ako na nag-lock muli ang pinto. Akala niya'y basura
lang iyong nakadikit at hindi niya naunawaan na bumper iyon para hindi
mag-lock ng kusa ang pinto.
Kaya
muli akong kumuha ng karton at idinikit kong muli sa tiles ng CR. Pero
sinulatan ko na iyon, at nakasulat: DOOR BUMPER sa itaas, at PARA DI
KUSANG MAGSARA ANG PINTO sa bandang ibaba.
Mula
noon, hindi na nagsasara ng kusa ang lock ng pinto dahil may bumper na
karton na roon, at naunawaan na rin ng mga kasama sa opisina at mga
bumibisita roon kung bakit may door bumper na doon sa CR, at wala naman
talagang multo doon kaya hindi na kusang nagla-lock ang pinto.