BAYANIHAN SA DYIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bata pa ako'y kinagisnan ko na ang bayanihan sa dyip. Noon, lalo na sa paaralan, inilalarawan ang bayanihan na pagtutulungan ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng sama-samang pagbubuhat ng bahay upang ilipat sa isang lugar. Walang bayad kundi pakain lamang. Pakikisama, pagtutulungan.
Ako mismo'y saksi noong bata pa ako, marahil ay apat o limang taong gulang pa lamang, nang binuhat ng aking mga kamag-anak ang kalahati ng bahay ng mga tatang, ng may layong sampu o labindalawang metro, marahil ay mga limampu o animnapung hakbang. Ang binuhat na bahay ang siyang naging tahanan ng aking Tiyo Pablo, na nakatatandang kapatid ng aking ama. Nangyari iyon sa nayon ng aking ama sa lalawigan ng Batangas.
Subalit dito sa lungsod ng Maynila, mas nakita ko kung paano nga ba ang bayanihan. Doon sa araw-araw kong pagsakay sa dyip patungo at pauwi mula sa paaralan. Madalas kong sakyan noon ay ang dyip na biyaheng Balic-Balic - Quiapo at Quiapo - Pier papunta at pabalik mula sa eskwelahan.
Dito sa lungsod, karaniwang walang konduktor, di gaya sa bus, o sa malalayong ruta ng dyip tulad ng biyaheng Cubao-Antipolo. Magbabayad ka ng pamasahe mo, at iaabot mo sa tsuper. Subalit kapag malayo ka sa tsuper, ang pera mo'y aabutin ng kapwa pasahero mula sa iyo at pasa-pasang iaabot hanggang makarating sa tsuper ng dyip. Sa pagsusukli naman ay gayon din, iaabot ng drayber sa mga pasahero ang sukli mo hanggang sa makarating sa iyo. At maiaabot sa iyo ang pamasahe mo nang eksakto, kung gaano ang sukli ng tsuper. Kumbaga ay may tiwalaan sa kapwa pasahero, at walang nangungupit ng sukli.
Oo, tiwalaan ang isa sa mga sangkap ng bayanihan sa dyip. Ang mismong akto ng pag-aabot ng bayad at sukli ng tsuper at kapwa pasahero ay isa nang bayanihan na kusang dumadaloy sa bawat isa. Sa munti mang pagkilos ay kitang-kita ang pagtutulungan at bayanihan ng bawat isa.
Kung sakali namang nasiraan ang dyip, ibabalik ng tsuper ang ibinayad ng mga pasahero. Tiwalaan pa rin. Ibinabalik ang ibinayad ng pasahero sapagkat di ka naman naihatid sa paroroonan mo at upang iyon naman ang gamitin mong pamasahe sa dyip na susunod mong sakyan. Walang nakasulat na patakaran, subalit alam ng tsuper at mga pasahero ang gayong kaayusan.
Kung sakali namang kailangang itulak ang dyip dahil tumigil, magkukusang bumaba ang ilang pasahero upang itulak ang dyip hanggang sa ito'y umandar muli at sila'y muling makabiyahe. Masaya naman ang mga pasaherong nakatulong upang umandar ang dyip nang walang hinihintay na kapalit. Bagamat ito'y abala minsan, lalo na sa mahuhuli sa trabaho.
Sadyang ang bayanihan ay nasa kultura na natin, at nagagamit sa iba't ibang pagkakataon. Kahit na ang kuyog, na isang anyo ng pagkilos upang kamtin ang katarungan, ay isa ring bayanihan ng taumbayan. Halimbawa na lamang, may masamang taong nakagawa ng krimen, at kinuyog ito ng taumbayan. Nagbayanihan ang taumbayan upang saklolohan ang nabiktima ng krimen. Kumbaga'y ramdam ng taumbayan na kailangan nilang magkaisa sa pagkakataong iyon upang masawata ang mga pusakal na baka sila rin ang mabiktima ng mga ito balang araw.
Sa unang halimbawa ng bayanihan, yung pagbubuhat ng bahay, karaniwan nang magkakakilala ang mga nagtutulong-tulong na magbuhat ng bahay. Sa ikalawang halimbawa naman, sa loob ng dyip, hindi naman magkakakilala ang mga pasahero. Subalit kitang-kita natin dito ang bayanihan, lalo na sa pag-aabot ng bayad at sukli. Sa ikatlong halimbawa, sa kuyog, may magkakakilala man o hindi magkakakilala ngunit biglang nagkaisa.
Gayundin naman, ang dyip bilang simbolo rin ng pagkamalikhain ng mga Pinoy, ay pinatingkad pang lalo ng bayanihan. Bagamat maliit na kabutihan kung maituturing ang pag-aabot ng bayad at sukli sa kapwa pasahero, ito'y isang magandang halimbawa ng bayanihan na hindi natin dapat makalimutan, bagkus ay ibahagi at ipakilala pa sa higit na nakararami.