Martes, Mayo 11, 2010

Ang aswang na nagnakaw ng manok

ANG ASWANG NA NAGNAKAW NG MANOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naikwento sa akin ito ng isang kasamang babae na napunta na sa lugar ng relokasyon. Dati siyang nakatira sa lungsod at nademolis na ang kanilang tirahan. Kasama siya sa mga napalipat sa relokasyon sa isang kalapit na probinsya.

Grabe ang sitwasyon sa mga relokasyon. Inilayo ka na sa trabaho mo, wala pang kuryente at tubig sa pinaglipatan mong relokasyon. Kumbaga'y talagang hirap ang kalagayan ng mga maralitang nalilipat sa relokasyon.

Kailangang hindi sila magutom. Kailangan nilang magtanim-tanim, ngunit hindi agad tutubo ng ilang araw lang ang kanilang mga tanim. Kaya dapat nilang gumawa ng paraan kung paano makakakain ang kanilang pamilya. 

Mayroon din namang nag-alaga ng mga manok, ngunit hindi naman agad nila kinakatay ito dahil balak nilang ibenta para may pambili sila ng bigas. Mahirap naman kung pulos manok lang ang kakainin nila araw-araw, bukod sa mauubos ang manok ay nakakaumay na pulos manok na iba't ibang luto ang kanilang kinakain. 

Meron namang wala talagang makain, walang tanim na gulay at walang alagang manok o hayop. Sila ang mga hirap talaga sa buhay. Dati silang mangingisda sa Lungsod ng Navotas na itinapon sa bundok ng Towerville sa Bulacan. Sanay silang mangisda ngunit wala silang mapangisdaan sa bundok. Talagang ibang diskarte ang dapat gawin.

May isang kwento ang isang kasamang babae na nalipat sa relokasyong iyon na magandang pagnilayan. Dahil nang ikinwento niya iyon, naisip ko ang ilang mga paniniwala sa probinsya na ikinapapahamak nila. Tulad na lang ng ikinwento niya sa akin nang manakawan ng ilang manok ang kanyang kapitbahay.

Isang gabi, ang kanyang kapitbahay na may mga alagang manok ang natakot sa tinig na animo'y aswang. Dahil hatinggabi na at halos pawang tulog na ang lahat, nagtalukbong siya ng kumot. Naisip niyang magtago upang hindi makain ng aswang. Ilang beses rin niyang narinig ang tinig na iyon noong nasa probinsya pa siya.

Mataas na ang araw nang gumising siya at magbangon. Nagmumog at naghilamos. Kinain ang natirang bahaw at tuyo na ulam niya ng nakaraang gabi. Paglabas niya ng bahay at pakakainin sana ang mga manok, nakita niyang wala nang manok sa kulungan. Limang manok na bantreks iyon, kulay puti. Medyo malaki na ang mga iyon at balak nga niyang ibenta sa susunod na linggo.

Nagtanong-tanong siya sa mga kapitbahay kung nasaan napunta ang kanyang mga manok. Sino ang kumuha? Sino ang nagnakaw? Walang makapagsabi. Sinumbong niya sa opisina ng baranggay ang nangyari. Tinanong siya kung wala ba siyang napunang kakaiba ng gabing nagdaan.

Ikinwento lang ng may-ari ng manok na parang dinalaw siya ng aswang kagabi, dahil narinig niya ang boses ng aswang ng tulad ng naririnig niya sa pinanggalingang probinsya. Nagtalukbong siya sa takot hanggang bumangon siya ng sumikat na ang araw. Wala nang aswang pag sikat ng araw.

Sabi ng isang kagawad ng baranggay, "Naku, naloko ka. Ninakawan ka ng aswang na sinasabi mo."

Nag-imbestiga ang baranggay kung sino ang mga nagkatay o kumakain ng manok sa komunidad. May nakapagturo, ngunit hindi naman umamin ang tinuro dahil binili daw nila iyon sa palengke.

Di na natagpuan kung sino ang kumuha ng kanyang mga alagang manok. Naglaho na iyong parang bula.

Kaya ang payo ng kagawad ng baranggay sa kanya, at sa iba pang mga tao roon, "Huwag kayong magpapaniwala sa mga pamahiin. Kesyo may aswang, tikbalang, o anumang nilalang na nakakatakot, dahil hindi naman iyan totoo. Kung hindi ka sana nagpadala ng takot, hindi ka sana nanakawan ng manok."

Isang aral ang kwentong iyon sa maraming mga napunta sa relokasyon, na dahil sa hirap ng buhay sa relokasyon, ay gagawa't gagawa ng paraan ang mga tao upang makakain lamang. Kahit na takutin ang kapitbahay at magkunwaring aswang sa kapitbahay na naniniwala sa aswang.

Miyerkules, Mayo 5, 2010

Una Kong Pamamalaam

Mayo 3, 2010, Lunes ng gabi, sinubukan kong sulatin ang tulang "Una Kong Pamamaalam" na nagmula sa inspirasyong inilatag ng "Huling Paalam" ni Gat Jose Rizal. Sa aking mga nababasa, maraming katanungan noon ang madla kung tunay nga bang kayang isulat ni Dr. Rizal ang kanyang "Ultimo Adios" ilang oras lamang bago siya bitayin sa Bagumbayan. Para sa iba, baka ilang araw na itong naisulat ni Rizal at hindi isang gabi lamang.

Sa pakiwari ko, kayang isulat ni Dr. Rizal ang kanyang tulang iyon sa mga huling oras ng kanyang buhay, basta't ito'y mula sa puso at alam na alam niya ang nais niyang sabihin.

Nang isulat ko ang tulang "Una Kong Pamamaalam" ay nilikha ko ito ng isang gabi lamang. Hindi ko alam na magagawa ko iyon nang ilang oras lamang. Ang nalikha ko ay isang tulang may labing-apat na saknong, at limang taludtod bawat saknong, tulad ng istruktura ng "Mi Ultimo Adios" ng ating pambansang bayani. Gayunman, nagkaiba kami sa bilang ng pantig bawat taludtod. Ang nalikha ko'y may dalawampung pantig bawat taludtod, at ito'y walang sesura, o hati sa gitna.

Kayang likhain ang gayong kahabang tula, tulad ng "Huling Paalam" ni Dr. Rizal, basta't nasa puso mo ang iyong isinusulat at inspirado kang isulat iyon. Halina't namnamin ang tula kong "Una Kong Pamamaalam" bilang patunay ng aking mga tinuran.


UNA KONG PAMAMAALAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

1
Malugod kong inihahandog sa sambayanan ang buhay ko’t bisig
Upang baguhin ang lipunan at sa sinuman ay di palulupig
Kalakip ang prinsipyong sa pagkakapantay ng lahat nasasalig
Kasama ng maraming aktibistang sariling dugo’y idinilig
Ito ako, mga kaibigan, kasama, pamilya, iniibig

2
Ako’y nalulugmok habang nakikitang ang bayan ay nagdurusa
Habang nagpapasasa sa yaman ang iilang trapo’t elitista
Magpapatuloy akong lingkod nyo sa larangan ng pakikibaka
Habang tangan-tangan ko sa puso’t diwa ang prinsipyong sosyalista
Ako’y handang mamatay sa paglaban sa uring mapagsamantala

3
Mamamatay akong nababanaag ko ang tagumpay ng obrero
Laban sa kasakiman nitong masibang sistemang kapitalismo
Mamamatay akong nakikibaka laban sa kayraming berdugo
Na nagpapayaman sa dugo’t pawis ng manggagawa’t dukhang tao
Aktibista akong lalaban hanggang dulo, lalabang taas-noo

4
Noong ako’y musmos pa’t bagong nagkakaisip, aking pinangarap
Na upang umunlad sa buhay na ito, ako’y sadyang magsisikap
Magsisipag ako sa trabaho’t babatahin ang lahat ng hirap
Ngunit habang lumalaki’y napagtanto kong kayraming mapagpanggap
Habang sanlaksa ang dukhang kahit konting ginhawa’y di maapuhap

5
Sa eskwelahan, pinag-aralan ko ang historya’t matematika
Pinag-aralan pati na agham, wika, panitikan, at iba pa
Natutunan kong nabibili ang edukasyon ng mga maykaya
Kaybaba ng sahod ng manggagawa, walang lupa ang magsasaka
Ang babae’y api, demolisyon sa dukha, habol ang manininda

6
Sa mura kong isipan noon, kayraming umuukilkil na tanong
Bakit kayrami ng dukha, at may iilang nagpapasasang buhong
Kaya sa paglaon, sa mga naghihirap, pinili kong tumulong
Laban sa kasakiman ng iilan na bayan na ang nilalamon
Sa kabulukan nila, ang sigaw ng pagbabago’y nagsilbing hamon

7
Sa sarili kong paraan, tumulong akong sa puso’y may ligaya
Hanggang sa kalaunan, ang lipunang ito’y pinag-aralan ko na
Sumama ako sa mga rali at naging ganap na aktibista
Pinasok ang paaralan, mga komunidad at mga pabrika
Sa puso’t diwa’y sigaw: babaguhin natin ang bulok na sistema

8
Nag-organisa’t nagsulat akong sa puso’y may namumuong galit
Sa sistema ng lipunang sa ating kapwa tao’y sadyang kaylupit
Napakaraming isyung laging ang tanong ko sa isipan ay bakit
Bakit tinanggal kayo sa pabrika, bakit ang lupa nyo’y inilit
Bakit nauso ang kontraktwalisasyon, bakit mundo’y pawang pasakit

9
Tiniis kong lahat kahit mawalay pa sa kinagisnang pamilya
Tiniis pati pagod, bugbog at pukpok sa gaya kong aktibista
Tiniis ang gutom, kawalang pera, basta’t makaugnay sa masa
Dahil ako’y aktibistang nakibaka upang kamtin ang hustisya
Para sa manggagawa’t dukha tungo sa pagbabago ng sistema

10
Halina’t pagsikapan nating itayo ang lipunang makatao
Gibain na natin ang mga dahilan ng kaapihan sa mundo
Pangunahing wawasakin ang relasyon sa pag-aaring pribado
At iaangat sa pedestal ang hukbong mapagpalayang obrero
Habang dinudurog ang mga labi ng sistemang kapitalismo

11
Pagpupugay sa lumilikha ng yaman, kayong uring manggagawa
Magkaisang tuluyan kayong ang taguri’y hukbong mapagpalaya
Magkabuklod kayong lagutin ang nakapulupot na tanikala
Magkapitbisig kayong durugin ang elitista’t burgesyang diwa
Pagkat nasa mga kamay nyo ang pag-asa ng masang kinawawa

12
Sa tunggaliang ito’y may mga magagapi’t may magtatagumpay
Ngunit kung sakali mang sa labanang ito’y tanghalin akong bangkay
Ako’y nakahanda na sa pagtigil sa mahaba kong paglalakbay
Pagkat natapos na rin sa wakas ang buhay kong sakbibi ng lumbay
Sa oras na iyon, panahon nang katawan kong pagal ay humimlay

13
Di na mahalaga kung mga tulad ko’y tuluyang malimutan na
Basta’t mabuhay pa rin ang pangarap nating sosyalismo sa masa
Kung sakaling mabuhay ako dahil sa tula ng pakikibaka
Ipinagpapasalamat ko itong labis sa mga nagbabasa
Na ako pala’y nakatulong magmulat kahit sa mundo’y wala na

14
Paalam, mga kasama, kapatid, kapamilya, at kaibigan
Mananatili akong sosyalista sa aking puso at isipan
Mamamatay akong aktibista, kahit na ako’y abang lilisan
Taas-kamao akong aalis nang walang bahid ng kahihiyan
Paalam, paalam, magpatuloy man ang mga rali sa lansangan

Maynila, Mayo 3, 2010