Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Kapansin-pansin ang kaibahan ng ispeling ng salitang "kurus"
noon sa ginagamit na "krus" ngayon. Dati, ito ay dalawang pantig,
ngunit ngayon, ito'y isang pantig na lamang. Marahil ay literal na
isinalin ito ng mga bagong manunulat mula sa salitang Ingles na "cross"
na isa rin lang pantig. O kaya naman ay nagmula na ito sa sugal na kara
krus.
Nang nagsaliksik ako sa internet ng kopya ng klasikong tulang Manggagawa ni
Jose Corazon de Jesus upang muling ilathala sa isang publikasyong
pangmanggagawa, napansin kong nagkulang ng isang pantig ang ika-12
taludtod ng tula. Kaya agad kong sinaliksik ang mismong aklat, at
napansin kong ang ispeling ng "krus" sa internet ay "kurus"
sa orihinal. Mali ang pagkakakopya ng mga hindi nakakaunawa sa tugma't
sukat sa panulaang Pilipino, basta kopya lang ng kopya, at hindi
nagsusuri, na may patakarang bilang ang bawat taludtod. Kahit nang
ginawa itong awit ay binago na rin ito't ginawang krus.
Ang tulang Manggagawa ay binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod.
MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus
Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 98
Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".
Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.
- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91
Kurus din
ang ginamit ng kilalang manunulat, nobelista, makata at dating
bilanggong si Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng
Sining noong 1973.
ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez
Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.
-
ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado
V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling,
pahina 370
Iba naman ang ginamit na ispeling ni Gat Amado V. Hernandez sa 5 saknong niyang tulang Ang Kuros, mula rin sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 159. Gayunman, dalawang pantig pa rin ang salitang iyon.
Tunghayan naman natin ang tula ng dalawa pang kilalang makata nang bago pa lusubin ng Hapon ang bansa. Tulad ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan at Ang Panahon, ito'y lalabindalawahing pantig din sa bawat taludtod at may sesura sa ikaanim na pantig bawat taludtod.
ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes
Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.
- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167
TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen
Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!
- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, pahina 53
Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.
Kaya
napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga
tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa
panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat
pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Bagamat sa ngayon ay may mga
tulang malayang taludturan dahil sa pag-aaklas ng mga bagong makata sa
tugma't sukat at paglaganap ng modernismo sa panulaan, dapat maunawaang
iba ang pagkabaybay at bilang ng pantig ng mga salita noon at ngayon, at
hindi natin ito basta-basta na lang binabago.