Sabado, Disyembre 17, 2011

“Ang Nagpoprotesta” Bilang 2011 Person of the Year ng Time magazine


“Ang Nagpoprotesta” Bilang 2011 Person of the Year ng Time magazine
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang inspirasyon para sa ating mga nakikibaka, sa parlyamento man ng lansangan o saanmang lugar, ang pagkakadeklara sa bawat nagpoprotesta sa lansangan bilang Person of the Year ng Time magazine ngayong 2011. Isang inspirasyong lalong nagbibigay-sigla sa mga nakikibaka na nagpapatunay na ang tapat na hangarin para sa pagbabago ay wasto at makabuluhan sa kabila ng mga sakripisyong pinagdaanan, sa kabila ng mga nabubong pawis at dugo upang mapalaya ang sambayanan.

Walang indibidwal na mukha ang tinaguriang "Ang Nagpoprotesta (The Protester)" pagkat ito'y nakapatungkol sa mga mamamayang nakibaka para sa paglaya mula sa diktadura at mula sa pagkaganid ng mga korporasyon, paglayang inaasam ng mayorya, lalo na yaong tinaguriang siyamnapu't siyam na bahagdan o ninety nine percent (99%). Bagamat may di kilalang tao na nalathala sa front page ng Time magazine, siya'y simbolo lamang ng libu-libo, kundi man milyun-milyong mga nakikibaka sa iba't ibang bansa laban sa mga mapagsamantala at mapang-api sa kani-kanilang bayan.

Pumangalawa sa "The Protester" si Admiral William McRaven, pinuno ng Special Operations Command Amerika na siyang nakapatay sa pinuno ng Al Qaeda na si Osama bin Laden. Pumangatlo ang magsisining na si Ai Weiwei, kung saan ang 81-araw niyang pagkadetine sa isang lihim na kulungan ay nagpasiklab ng pandaigdigang kilos-protesta. Pang-apat naman ang Chairman ng Komite sa Budget sa Kongreso ng Amerika na si Paul Ryan. Kasama rin sa talaan si Kate Middleton, Dukesa ng Cambridge, na naging asawa ni Prince William ng Great Britain.

Kung babalikan natin ang nakaraang mga pangyayari nitong 2011, napakaraming kilos-protesta ang naganap, na siyang nagpabago at nakaapekto sa takbo ng pulitika at ekonomya ng maraming bansa at ng kanilang mamamayan. Kumbaga'y nagbigay ng bagong direksyon ang pakikibaka ng mamamayan ng mundo nitong taon, nakilala ng masa ang kanilang kapangyarihan. Pinakita ng maraming mamamayan ng mundo hindi lamang ang kanilang boses at panawagan kundi ang kakayahan nilang baguhin ang mundo. Inilabas ng sambayanan ang kanilang galit sa kasakiman ng mga korporasyon at pananatili ng mga diktador sa kani-kanilang bansa. Kumilos ang sambayanan para sa pagbabago. Pinakita ng mamamayan ang kanilang lakas.

Mula sa tinaguriang Arab Spring, kilusang Occupy Wall Street, Spanish Indignados, at ang nangyayari ngayong pagkilos ng mamamayan sa Rusya laban kay Vladimir Putin, ang mukha ng protesta ang nasa pabalat ng Time magazine bilang 2011 Person of theYear. Sumiklab ang mga rebolusyon ng sambayanan sa mga bansang Tunisia at Egypt at pinatalsik ang kanilang pangulo, nagkaroon ng digmaang sibil sa Libya na ikinabagsak ni Moammar Gaddafi; pag-aalsa ng mamamayan sa Bahrain, Syria, at Yemen, na nagresulta sa pagbibitiw ng prime minister ng Yemen; patuloy na malalaking protesta ng mamamayan sa Algeria, Iraq, Jordan, Kuwait, Morocco, Lebanon, Mauritania, Saudi Arabia, Sudan, at Kanluraning Sahara. Sumiklab din ang pag-aalsa ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-okupa sa Wall Street, na siyang pangunahing lugar-pinansyal ng Amerika. Sinundan ito ng mga kilos-protesta sa iba't ibang bansa, tulad ng mga Indignados sa bansang Spain, ang protesta ng mamamayan ng Greece, Italy, Germany, United Kingdom, Ireland, Slovenia, Finland, Chile, Portugal, at marami pang iba.

May komon sa bawat protestang ito, at ito'y ang nagkakaisa nilang tinig at pagkilos para sa pagbabago. Nais ng mamamayan ng radikal na pagbabago, bagamat karamihan sa kanila ay di kumakatawan sa anumang tradisyunal na partido. Sadyang galit na ang mamamayan, pagkat ang 1% ng mayayaman ang kumakawawa sa 99% ng naghihirap na mamamayan ng mundo. Anupa't ang taong 2011 ay isang makasaysayang taon na di na makakatkat sa kasaysayan, pagkat ang inspirasyong dinala nito sa puso at isipan ng mga mapagmahal sa kalayaan, ang kanilang galit sa kasakiman sa tubo ng mga korporasyon at sistemang kapitalismo, ang kanilang sakripisyo para sa pagbabago, ay patuloy na nagbubunga at nauunawaan ng maraming mamamayan ng daigdig.

Kaya tama lamang ang pagkakapili ng Time magazine at pagkilala nito sa mga karaniwang masa sa kanilang mahalagang papel sa pagbabago ng lipunan at nakaimpluwensya sa pulitika at ekonomya ng kani-kanilang bansa. Kaiba ito sa ginawa nila noon. Sa unang "people power" na naganap sa Pilipinas noong 1986, si dating Pangulong Cory Aquino ang nalagay sa pabalat ng Time magazine imbes na ang taumbayan. Kahit ang mga historyador noon ay pulos indibidwal na lider, imbes na taumbayan, ang bayani sa kasaysayan, tulad nina Rizal at Bonifacio. Ngayon lang kinilala ang kolektibong papel ng taumbayan sa pagbabago ng lipunan. At sinimulan ito ng Time magazine.

Biyernes, Nobyembre 11, 2011

Nobyembre 23, Pandaigdigang Araw upang Wakasan ang Impunidad

Nobyembre 23, Pandaigdigang Araw upang Wakasan ang Impunidad
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kasabay ng ikalawang anibersaryo ng pinakamatinding atake sa mga mamamahayag sa kasaysayan, ang Maguindanao massacre sa Mindanao, ilulunsad ng iba’t ibang grupo sa buong mundo ang kauna-unahang pagkilala sa International Day to End Impunity (IDEI) sa Nobyembre 23, 2011 bilang bahagi ng pandaigdigang panawagan ng hustisya para sa lahat ng mga pinaslang dahil sa kanilang karapatang magpahayag.

Matatandaang noong Nobyembre 23, 2009, walang awang pinaslang ang 57 katao, kabilang na ang 32 mamamahayag at manggagawa sa media, sa Maguindanao, habang ang mga ito’y papunta upang samahan ang pamilya Mangudadatu at mga tagasuporta nito sa pagpa-file ng kandidatura sa pagka-gobernador ni Esmael Mangudadatu.

Noong Hunyo 2, 2011, inulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang 2011 special report na pinamagatang “Getting Away with Murder” sa pandaigdigang pulong ng International Freedom of Expression eXchange (IFEX) sa Beirut, Lebanon, kung saan tinalakay ang impunidad sa buong mundo. Doon idineklara ng mga mamamahayag ang Nobyembre 23 bilang Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Kultura ng Impunidad (International Day to End Impunity) bilang pag-alala sa kamatayan ng 32 Pilipinong mamamahayag na napatay sa Maguindanao massacre. Nasa 2011 impunity index ng CPJ ang mga bansang Pilipinas, Russia, Mexico, Bangladesh, Iraq, Somalia, Colombia, Pakistan, Brazil, Sri Lanka, Afghanistan at India. Ayon pa sa CPJ, 882 mamamahayag sa buong mundo ang pinatay mula 1992, at 36 na nitong 2011.

Ang pandaigdigang aktibidad sa Nobyembre 23 ay pinangungunahan ng International Freedom of Expression eXchange (IFEX), na nakabase sa Toronto, Canada, at isang network ng 95 na organisasyon ng mga mamamahayag sa buong mundo. Sa Pilipinas naman, ito’y pinangungunahan ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).

Ano nga ba ang impunidad? Ayon sa international law of human rights, ito’y tumutukoy sa kabiguang dalhin sa hustisya ang mga lumabag sa mga karapatang pantao, at kung gayon ay pagkakait na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng karapatang pantao. Ang impunidad ay isang kultura ng pagpatay at kawalang hustisya. Nariyan ang kaso ng pagpatay at pagdukot sa mga aktibista, o desaparesidos, na hanggang ngayon ay di pa nakikita.

Ang Pilipinas ang itinuturing na isa sa mga delikadong lugar sa mga mamamahayag sa buong mundo. Ayon sa CMFR, may 121 mamamahayag na ang pinaslang sa Pilipinas pagkatapos ng pag-aalsang Edsa noong 1986. Sa mga kasong ito, nasa 8% pa lamang ang mga kasong nareresolba.

Dapat mawakasan na ang ganitong mga karahasan at kultura ng kamatayan.

Wakasan na ang impunidad! End Impunity, Now!

Miyerkules, Nobyembre 9, 2011

Karahasan sa Kababaihan, Tigilan Na!

KARAHASAN SA KABABAIHAN, TIGILAN NA!
ni Greg Bituin Jr.

Kamakailan ay nabalita sa telebisyon ang pagdukot, panggagahasa't pagpatay noong Setyembre 23 sa estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na si Given Grace Cebanico, 19 na taong gulang. Kasunod nito'y nabalita sa pahayagang Remate ang panggagahasa at pagpatay sa isang 9-anyos na batang babaeng natagpuang patay sa loob ng isang simbahan sa Muntinlupa noong Oktubre 27. Kahindik-hindik at nakagagalit ang mga balitang ito. Wala silang kalaban-laban at kinitlan pa ng buhay. Anong uri ng mga halimaw ang may kagagawan ng mga ito?

Napakarami nang karahasan sa mga kababaihan. Nariyan ang pisikal na karahasan, tulad ng pananakit at pagpatay; sekswal na karahasan, tulad ng panghihipo lalo na pag nalalasing, panggagahasa, pagtrato sa babae bilang sekswal na bagay o sex object, paggamit ng malalaswang salita; sikolohikal na karahasan, tulad ng pangangaliwa at pagmamanman (stalking); at pinansyal na pang-aabuso, tulad ng pagbawi ng sustentong pinansyal.

Dahil sa ganitong mga karahasan sa kababaihan, may dalawa nang pandaigdigang araw ng kababaihan na ginugunita sa buong mundo bilang paalala na ang mga kababaihan ay taong may dangal at hindi dapat dinadahas. Ang una at mas kilala ay ang International Women's Day tuwing Marso 8, at ang ikalawa'y ang International Day for the Elimination of Violence Against Women tuwing Nobyembre 25. Sa dalawang ito'y mas madugo ang kasaysayan ng Nobyembre 25.

Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan o International Women’s Day tuwing Marso 8 ay unang idineklara sa ikalawang Pandaigdigang Kumperensya ng Manggagawang Kababaihan sa Copenhagen na dinaluhan ng 100 kababaihan mula sa labimpitong bansa. Ipinanukala ito ni Clara Zetkin ng Social Democratic Party sa Alemanya na magkaroon ng ispesyal na araw para idulog ng kababaihan sa buong mundo ang kanilang mga karapatan.

Ang Nobyembre 25 naman ay idineklara ng United Nations (UN) noong 1999 bilang paggunita sa tatlong pinaslang na magkakapatid na babaeng Mirabal. Noong Nobyembre 25, 1960, sa utos ng diktador na si Rafael Trujillo ng Dominican Republic ay pinaslang sina Patria Mercedes Mirabal, María Argentina Minerva Mirabal at Antonia María Teresa Mirabal. Ang magkakapatid na babaeng ito'y nakibaka upang wakasan ang diktadurya ni Trujillo. Mula 1981 ay ginugunita ng mga aktibista para sa karapatan ng kababaihan ang Nobyembre 25 bilang paggunita sa tatlong babaeng ito. At noong Disyembre 17, 1999, idineklara ng UN General Assembly ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Mula rito'y itinatag na rin ng mga kababaihan ang 16 Days of Activism Against Gender Violence mula Nobyembre 25 (International Day for the Elimination of Violence Against Women) hanggang Disyembre 10 (International Human Rights Day) upang simbolikong idiin na ang mga karahasan sa kababaihan ay paglabag sa karapatang pantao.

Matatamaan na rin sa 16 na araw na ito ang Nobyembre 29 na kilalang International Women Human Rights Defenders Day, at Disyembre 6 na anibersaryo naman ng Montreal Massacre, kung saan pinaslang noong Disyembre 6, 1989 ang labing-apat na kababaihan sa Engineering Building ng École Polytechnique sa Montreal sa Canada.

Ang mga makasaysayang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi dapat kababaihan lamang ang gumugunita kundi ang mga kalalakihan din. Pagkat meron din silang inang pinagkautangan ng buhay, asawang nagbigay ng kanilang mga anak, mga kapatid na babae, anak na babae, at mga kaibigang babae. Anupa't kalahati ng buong mundo'y pawang kababaihan.

Kaya hindi lamang tuwing Marso 8 dapat maging aktibo sa pakikibaka ang mga kababaihan kundi sa Nobyembre 25 din, at sa 16 na araw mula rito hanggang Disyembre 10, upang igiit, kilalanin at respetuhin ang kanilang mga karapatan. Sana, sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito’y mabawasan na ang mga karahasan sa kababaihan, lalo na sa mga bata. Ang pagsasabatas ng Republic Act No. 9262 (2004) o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act ay isa nang malaking hakbang upang bigyang proteksyon ang mga kababaihan at kanilang mga anak na nakararanas ng pang-aabuso o karahasan. Kailangang tumungo sa karapatang pantao at pagrespeto sa kapwa ang oryentasyon ng lahat sa kababaihan. At higit sa lahat, hindi dapat masayang ang mga araw ng paggunitang ito sa mga kababaihan sa buong mundo at sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito upang kilalanin ang karapatan ng kababaihan sa buhay, dignidad, at pantay na pagtrato. Itigil na ang mga karahasan sa kababaihan!

Hustisya kay Given Grace at sa lahat ng mga babaeng biktima ng karahasan!

Mabuhay ang ating mga ina, asawa, kapatid at anak na babae! Mabuhay ang mga kababaihan!

Lunes, Nobyembre 7, 2011

Mga Agos sa Disyerto: Isang Pagsusuri

MGA AGOS SA DISYERTO: ISANG PAGSUSURI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang pag-alon ng Mga Agos sa Disyerto ang nagbukas ng bagong yugto ng panitikang Pilipino na nakabatay sa totoong kalagayan ng nakararami sa lipunan - ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan at kabataan. Ang mga maiikling kwento sa Mga Agos sa Disyerto ay inakda nina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, Edgardo Reyes at Rogelio Sikat. Sa mga manunulat na ito'y tanging si Ordoñez pa lang ang aking nakadaupang-palad at nagbigay sa akin ng huli niyang libro ng mga tula sa launching nito.

Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.

Mabisa ang mga paglalarawan sabuhay ng karaniwang tao. Lumitaw ang grupong Mga Agos sa Disyerto sa panahong tigang ang panitikang Pilipino sa mga agos ng totoong nangyayari sa lipunan, sa panahong pulos pag-iibigan at romansa ang nangingibabaw na panitikan, dahil ito ang nais ng komersyal. Binali nila ito at sinundan nila ang yapak ng mga nauna sa kanila, tulad ni Rizal na may-akda ng Noli at Fili, ni Amado V. Hernandez na may-akda ng marami ring maiikling kwento at kilalang nobelang "Mga Ibong Mandaragit" (na dumugtong sa El Fili ni Rizal) at "Luha ng Buwaya", ni Lazaro Francisco na may-akda ng nobelang satire na "Maganda pa ang Daigdig" at "Daluyong", at marami pang iba.

Batay sa mga totoong pangyayari at may mabisang paglalarawan ng tunggalian ng uri, ang mga akda sa aklat na Mga Agos sa Disyerto ay sadyang taga sa panahon, mga paglalarawan ng mga pangyayaring hanggang ngayon ay umiiral pa, lalo na ang kahirapan at pagmamalupit ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Mga kwentong hindi pumasa sa magasing Liwayway ngunit nanalo ng Palanca, at nailathala sa magasin ng kolehiyo, tulad ng The Quezonian ng MLQU.

Gayunpaman, bagamat mabisa ang mga paglalarawan, kulang upang kumbinsihin ang mambabasa upang baguhin nila ang api nilang kalagayan, baguhin ang bulok na sistema, baguhin ang mapagsamantalang lipunan. Marahil, hindi sakop ng panitikan ang ideyolohikal na pakikibaka. Ngunit may pangangailangang gamitin ang panitikan upang ilarawan ang masahol na kalagayan ng mahihirap sa ilalim ng kapitalistang sistema, at kasabay nito’y makapangumbinsi at manawagan ang panitikan ng pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan, paksain kahit pampulitikang ekonomya, kung bakit sosyalismo at di unyonismo ang landas ng paglaya, bakit walang dapat magmay-ari ng lupa’t pabrika, bakit kailangan ng sosyalistang rebolusyon, atbp.

Ang panitikan ay nagbabago, umuunlad. At ang mga kwentista'y mas nagiging matalas na rin sa pagsusuri sa lipunan. Kung noon ay palasak sa mga kwento ang malapyudal at malakolonyal na lipunan, ngayon naman ay naging tungkulin na ng mga manunulat na ilagay sa kwento ang mga pagsusuri ngayon batay sa kongkretong kalagayan ng kapitalistang lipunan. Nasapol ito mismo ni Rogelio Ordonez sa kanyang maikling kathang "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" nang kanyang tinalakay dito kung paanong ang isang bukirin ay naging pabrika, ang mga magsasaka'y naging manggagawa, pati na mga problema sa pabrika tulad ng kawalan ng umento sa sahod at ang pangamba sa pag-uunyon.

Sa ngayon, may panibagong hamon sa mga seryosong manunulat, ang ilarawan sa kanilang mga maikling kwento ang tunay na kalagayan ng mga aping sektor ng lipunan, laluna ang uring manggagawa, sa ilalim ng kapitalistang lipunang umiiral ngayon, at ang pangangailangan ng isang bagong sistemang ipapalit sa kapitalismo - ang sosyalismo. At ang mahalaga, mailathala ito sa mga magasin, at sa kalaunan ay maisalibro ito sa darating na panahon upang magamit din ng mga mag-aaral sa sekundarya at sa kolehiyo. Sa ngayon, tanging ang nobelang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos ang tumatalakay sa sosyalismo. Nasundan ito ng mahabang tulang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng Manggagawa) (1936) ni Lino Gopez Dizon. Ngunit sa pagsingit ng kaisipang pambansang demokratiko sa panitikan ay hindi na nasundan ang mga akdang may sosyalistang adhikain, na batay sa pagkakaisa ng uring proletaryado.

Ito ang kailangan ngayon ng bayan upang makatulong sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Mula sa Mga Agos sa Disyerto ay durugtungan natin ito ng mga kwentong magmumulat sa masa patungo sa ating sosyalistang adhikain.

Sa panahong disyerto pa ang panitikan, unti-unti natin itong tatamnan at didiligan upang maging lupaing masasaka, na mapapayabong ang mga tanim upang balang araw ay maani natin ang isang totoong lipunang makatao. Hanggang sa ito’y di na disyerto kundi isa nang lupaing sagana dahil wala nang panginoong maylupa't kapitalistang nag-aangkin ng likas yaman at huhuthot sa lakas-paggawa ng manggagawa. At sinisimulan na ito ngayon.

Siyanga pala, maraming salamat sa isang kasamang nagbigay ng aklat na Mga Agos sa Disyerto na kabilang sa mga binigay niyang halos dalawampung aklat pampanitikan, na pawang nasa sariling wika. Mabuhay ka, kasama!

Kabaliwan ng Sistemang Demolisyon at Kabalintunaan ng Relokasyon

KABALIWAN NG SISTEMANG DEMOLISYON AT KABALINTUNAAN NG RELOKASYON
ni Greg Bituin Jr.

Ilang beses na nating napanood sa telebisyon ang pakikipagbatuhan ng mga maralita sa mga demolition team. Sa Mariana at North Triangle sa QC, sa Laperal Compound sa Makati, sa R10 sa Navotas, at sa marami pang lugar sa kalunsuran. Nagkakabatuhan. Bato na ang naging sandata ng maralita upang ipagtanggol ang kanilang tahanan, upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Bato, imbes na M16, AK-47 o kalibre 45. Batong pananggalang nila sa kanilang karapatan. Batong pandepensa sa niyuyurakan nilang pagkatao at dignidad. Batong pamukpok sa ulo ng gobyerno para magising ito sa tungkulin nitong bigyan ng maayos na tahanan ang bawat mamamayan, kasama ang maralita.

Mararahas daw ang mga maralita. Dahas daw ang pambabato ng mga ito sa mga nagdedemomolis. Ulol talaga ang mga nagkokomentong iyon. Sila kaya ang tanggalan ng tahanan ng mga maralita kung hindi rin nila ipagtanggol ang kanilang tahanan. Alangan namang di lumaban ang maralita, at sabihan nila ang mga nagdedemolis ng "Sige po, wasakin nyo na po ang bahay namin, sirain nyo na po ang kinabukasan ng aming mga anak, at titira na lang po kami sa kalsada."

Di kasalanan ng maralita kung mambato sila. Sagad na nga sila sa sakripisyo at paghihikahos, tatanggalan pa sila ng bahay. Kahit sino ang tanggalan mo ng tahanan, tiyak na lalaban, tulad ng mga maralitang nakikipagbatuhan. Depensa nila ang mga bato, ekspresyon nila ng galit ang pakikipagbatuhan sa demolition team. Dahil karahasan din ang ginagawa sa kanila - ang karahasang idemolis ang kanilang bahay at kinabukasan.

Bakit kailangang umabot pa sa batuhan?

Una, dahil sa kabaliwan ng sistemang demolisyon. Wala itong pagsasaalang-alang sa buhay at dignidad ng maralita. Ang alam lang ng nagdedemolis ay mapalayas ang maralita at bahala na ang mga ito sa buhay nila, tutal masakit sila sa mata ng mga mayayaman.

Ikalawa, dahil di nagsusuri ang mga matatalino sa gobyerno. Basta nakitang barungbarong ang tahanan ng maralita, ang problema agad nila ay bahay, kaya ang solusyon ay palayasin o kaya naman ay bibigyan ng bahay na malayo sa hanapbuhay ng maralita. Kung magsusuri lang sana ang gobyerno, matatanto nilang nagtitirik ng bahay ang maralita kung saan malapit sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, malapit sa trabaho, malapit sa pagkukunan ng ilalaman sa tiyan ng pamilya. Umalis sila ng probinsya dahil walang trabaho roon at dito sa lungsod nakahanap ng ikinabubuhay nila.

Ikatlo, dahil hindi kinakausap nang maayos ang mga maralita nang may pagsasaalang-alang sa kanilang buhay at kinabukasan. Ni hindi man lamang inunawa na ang kanilang kailangan ay hindi lang bahay, kundi trabaho at serbisyong panlipunan. Dapat unawain na hindi lang bahay ang problema ng maralita kundi ang kahirapan. Kaya sa bawat usapin ng maralita, dapat tandaang magkasama lagi ang kanilang tatlong mahahalagang usapin - ang pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Dahil isa lang diyan ang mawala ay problema na sa maralita.

Kabalintunaan din ang relokasyon sa malalayong lugar.

Una, ineengganyo ang mga maralita na magpa-relocate na dahil mas maganda raw ang buhay ng maralita pagdating sa relokasyon. Ngunit kabaligtaran ang nangyayari, mas naghihirap ang maralita sa relokasyon. Patunay dito ang naganap sa relokasyon sa Pandakaqui, Pampanga at sa Calauan, Laguna, na ayon sa ilang saksi ay nagaganap, halimbawa, ang bentahan ng puri kapalit ng kilong bigas.

Ikalawa, bibigyan ng bahay ngunit inilayo sa trabaho. Dahil di nila makain ang bahay, ang tendensiya, marami sa maralita ang nagbebenta ng ibinigay na bahay na malayo sa kanilang trabaho, upang magtirik muli ng bahay at muling maging iskwater sa lugar na malapit sa kanilang trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay. Dapat maunawaan ninuman, lalo na ng mga taong gobyerno, na kaya nagtayo ng bahay ang maralita sa kinatitirikan nila ngayon ay dahil malapit ito sa kanilang trabaho. Ang ilayo sila sa kanilang trabaho upang i-relocate sa malayo ay talagang nakakagalit at hindi katanggap-tanggap.

Ikatlo, ang ibinigay na bahay ay pababayaran ng mahal sa maralitang katiting na nga lang ang kinikita, ang bahay pa'y batay sa market value at escalating scheme (itinakdang pagtaas ng presyo sa takdang panahon), at hindi batay sa kakayahan ng maralita.

Ikaapat, ang totoong kahulugan ng relokasyon ay dislokasyon. Giniba na ang bahay, pinalayas pa, inilayo pa sa trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay, kaya tiyak na lalong gutom at kahirapan ang inaabot ng mga maralitang pamilya.

Kaya makatarungan ang panawagan ng maralita na in-city housing dahil malapit sa kanilang trabaho, at onsite development dahil dapat kasama ang maralita sa pag-unlad, hindi lang pag-unlad ng kalsada at mga negosyo. Panawagan ng maralita na imbes na sa market value nakabatay ang halaga ng pabahay, dapat ibatay ito sa kakayahan ng maralitang magbayad. Mungkahi nga'y sampung bahagdan (10%) lamang ng kita isang buwan ng maralita ang dapat ilaan sa pabahay, at hindi batay sa presyong nais ng kapitalista, o market value, dahil nga walang kakayahang magbayad ang maralita, kulang pa sa pagkain ang kanilang kinikita'y pagbabayarin pa sa pabahay. Halimbawa, dalawang libong piso (P2,000.00) ang buwanang kita ng isang mahirap na pamilya, P200 lang ang dapat ibayad nila sa bahay, at hindi dapat maipambayad ang salaping nakalaan na sa edukasyon, pagkain, kuryente, tubig at iba pang bayarin. Hindi dapat batay sa market value ang bahay, dahil karapatan ang pabahay at hindi negosyo.

Kinikilala pa ba ng kasalukuyang lipunan na ang mga maralita’y mga tao ring tulad nila? Kung laging etsapwera ang maralita, nararapat lamang magkaisa sila’t lumaban at tuluyan nang baguhin ang mapang-aping lipunang ito. Dapat magkaisa ang lahat ng maralita bilang iisang uri at lusawin na ang konseptong demolisyon at relokasyon!

Hangga't nagaganap ang batuhan sa demolisyon, hangga't inilalayo ang maralita sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, masasabi nga nating sadyang baliw ang sistemang demolisyon at sadyang balintuna ang iskemang relokasyon, dahil wala na ito sa katwiran at walang paggalang sa karapatang pantao at dignidad ng maralita. Hangga't may marahas na demolisyon at sapilitang relokasyon, magkakaroon muli ng batuhan bilang depensa ng maralita sa kanilang karapatan sa paninirahan. At marahil hindi lang mga demolition team at mga kalalakihan ang magkakasakitan, masasaktan din ang mga kababaihan at kabataang sapilitang inaagawan ng karapatang mabuhay ng may dignidad.

Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

Habilin

HABILIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa malao't madali'y aabutin ko rin ang oras ng paghihingalo, ang huling kabit ng aking hininga. Pagkat lahat naman ng tao ay darating doon. Yayao upang permanente nang ihimlay ang kahit di pa pagod na isip at katawan.Mula sa sinapupunan tungo sa libingan. Ang buhay ng tao'y alpha at omega, may simula at may wakas.

Hiling ko'y huwag ipagkait sa akin, sa huling sandali, ang pagbibigay ng mga kasama ng luksang parangal na kinagawian nang gawin ng kilusang mapagpalaya para sa mga kasamang namatay. Kahit sa maikli kong buhay ay pinatunayan ko, hanggang ngayon, ang aking katapatan sa adhikain tungo sa pagkakapantay-pantay at pagpawi ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon na siyang dahilan ng kahirapan ng sambayanan.

Payak na puntod lang ang nais ko, hindi marangal na libing. Payak na libing na tulad ng libing ng karaniwang mahihirap. Ang kabaong ay yari lamang sa tabla. Sa lamay ay naroon ang ilang kaibigan at mga kakilala, naglalaro ng dama, tses, o kaya'y baraha. Umiinom ng mainit-init na kapeng barako at pandesal o mga biskwit.

Kahit sa huling hantungan, nais kong maging tapat sa masa at sa uring manggagawang kahit papaano'y aking pinaglingkuran sa abot ng aking makakaya, sa kilusang sosyalistang aking nakasama sa loob ng mahigit dalawang dekada. Dahil ang buhay ko'y buhay ng isang aktibista, buhay ng isang rebolusyonaryo. Higit sa kalahati ng buhay ko'y ipinaglingkod ko sa kilusang sosyalista.

Ang ayaw ko lamang ay matulad pa ako sa mga desaparesido, o yaong mga dinukot at nangawala at hindi na nakita ang kanilang bangkay. Dahil ang pagiging desaparesido ay katumbas ng paghihirap ng kalooban ng mga nagmamahal sa nawawala. Mahabang laban pa ang susuungin ng mga nabubuhay upang makuha lamang ang iyong bangkay at mabigyan ng maayos na libing.

Gayunman, ang mga tulad kong aktibista'y maaaring mamatay na lang ng walang puntod. Marahil ay di ko na rin kailangan ng kabaong. Ngunit mas nais ng mga nabubuhay pa na may kabaong upang makita man lamang ako sa huli kong hantungan. Mas nais kong maging pataba sa halaman ang aking mga labi upang kahit papaano'y may pakinabang pa sa sambayanan. Sa aking kolum sa publikasyong The Featinean, isyu ng July-October 1996, p. 29, ay ito ang aking isinulat: "I wish that if I would die, my corpse would not be buried inside the casket but honorably laid in the soil so that in the cycle of life, I can still contribute. My dead body can help make new life, make plants grow, so that others may continue to live."

Marami akong aklat na isinulat. Mga katipunan ng iba't iba kong akda. Nawa'y may magpatuloy pa ng pagsasaaklat ng aking mga tula. At mapansin din ng National Book Store, kung saan ito ang kinalakihan ko, ang aking mga tula at kanilang mailimbag. Marahil mailimbag din ito ng University of the Philippines Press, DLSU Press, UST Press, o AdMU Press. Mahigit dalawang libo na ang aking tula sa internet, 2,000 tula para sa sambayanan, sari-saring paksa, sari-saring himutok, sari-saring pamukaw ng isip, sari-saring taludtod ng pag-asa, sari-saring saknong ng paglaya.

Ang iba pang mga aklat na nabili ko, panitikan at pulitika, na gawa ng iba't ibang paborito kong awtor,  at mga saliksik, ay inihahabilin ko na sa aking mga kapatid na nagnanais nito at sa tanggapan ng mga samahang kinilusan ko.

May isinulat na rin akong mahabang tula na pinamagatan kong "Una Kong Pamamaalam" na nais kong basahin ng isang kasama o kapamilya bago ako ihimlay sa huling hantungan. At magpa-xerox na rin ng marami nito para sa mga nais magkaroon ng sipi ng tula. Nalathala na ang tula kong ito sa aklat kong "Markang Putik" at maaari din itong makita sa internet, sa kawing na http://matangapoy.wordpress.com/2010/05/12/una-kong-pamamaalam/.

Ang huling habilin ko lamang ay magkaroon ang bawat isa ng kopya ng Kartilya ng Katipunan at ito'y kanilang basahin, namnamin at isabuhay. Maaari itong sabay nang ipamigay kasama ng tula kong "Una Kong Pamamaalam".

Ang nais kong tugtugin sa libing ay ang "Lipunang Makatao" ng Teatro Pabrika, ang "Pag-ibig Ko'y Ikaw" ni Regine Velasquez, at ang "You Raise Me Up" ni Josh Groban. Tatlong awitin lang na paulit-ulit. Paborito ko si Martin Nievera dahil mga kanta niya ang madalas kong awitin dahil bagay sa aking boses, ngunit wala akong mapiling awit niya para sa okasyong ito.

Ang nais ko sa puntod ay hindi kurus kundi maso. Huwag sana itong ipagkait sa akin. Isinulat at ipinaliwanag ko na ito noon sa isang tula na pinamagatan kong "Maso ang Nais Ko sa Puntod".

MASO ANG NAIS KO SA PUNTOD
13 pantig bawat taludtod

maso, hindi kurus, ang nais ko sa puntod
pagkat ito’y tanda ng aking paglilingkod
sa uring manggagawang todo ang pagkayod
mabuhay lamang kahit kaybaba ng sahod

maso, hindi kurus sa puntod ang nais ko
pagkat ito’y tanda ng tangan kong prinsipyo
na lipunang ito’y lipunan ng obrero
di ng ganid na sistemang kapitalismo

maso ang nais ko sa puntod, hindi kurus
pagkat ito’y tandang naglingkod akong lubos
sa mga manggagawa’t mamamayang kapos
upang sa araw-araw sila’y makaraos

maso’t di kurus sa puntod ang aking nais
pagkat ito’y tanda ng prinsipyong malinis
hangad na sistema’y di maging labis-labis
at mapalitang tunay ang lipunang lihis

Ito naman ang isinulat ko na nais kong mailagay sa aking lapida. Nalathala ito sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8. 

TAGLAGAS
9 pantig bawat taludtod

Kung sakali’t ako’y lumutang
sa sariling dugo’t tuluyang
inangkin ng lupa, hiling kong
sa lapida’y maukit itong
soneto ko ng luha’t tuwa:
“Dito’y himbing na nahihimlay
ang makata ng rebolusyon,
at abalang iginagala
sa daigdig ng talinghaga
ang mapaglaro niyang diwa’t
masalimuot na haraya,
habang humahabi ng saknong
at mapagpalayang taludtod
para sa uring manggagawa
at sa masa ng sambayanan.
At sa pagdatal ng taglagas
siya’y babangon sa pag-idlip
upang ituloy ang paglikha
sa iba namang katauhan."

Mabuhay ang kilusang masa!  Mabuhay ang kilusang sosyalista! Tuloy ang laban!

Biyernes, Oktubre 14, 2011

Nang magpasiya akong maging tibak

NANG MAGPASYA AKONG MAGING TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako ay mahilig na akong magbasa. Hayskul ako ay naging tambayan ko na ang National Book Store sa Morayta at sa Avenida, habang nadadalaw ko rin ang Goodwill Bookstore. Bandang 1987 ay natagpuan ko na ang Popular Bookstore sa Doroteo Jose St., sa Maynila. Doon ay sari-saring mumurahing libro at magasin ang aking binili. Mga babasahing hindi ko karaniwang nakikita sa National Book Store.

Nakapag-ipon ako ng mga libro. Noong Hulyo 1988-Enero 1989 ay nasa ibang bansa ako, at pagbalik ko sa bansa ay naging manggagawa ako ng isang kumpanya ng electronics sa Alabang. Mahilig pa rin akong magbasa. Hanggang sa mabasa ko ang iba't ibang aklat tulad ng GTU (Genuine Trade Union), Ulos, Aklas, National Midweek, Blood in their Banner, War of the Flea, at samutsaring magasin na nabili ko sa Popular Book Store.

Dahil sa pagbabasa ko ay namulat ako sa mga nangyayari sa lipunan. Hanggang sa muntik na akong tumakbong pangulo ng unyon noong 1991. Subalit dahil bata ng manager ang tiyuhin ko sa kabilang kumpanya, kinausap siya't kinausap naman ako ng aking tiyo. Sa huling pasahan ng aplikasyon, di ako nakapagpasa, dahil nilasing ako ng aking tiyo, kaya ang bise-presidente ko sana ang siyang pumirma sa aplikasyon bilang pangulo ng unyon. Sa botohan sa unyon, nanalo ang aming manok, at natalo ang dating pangulo.

Oktubre 2, 1991, kaarawan ko, ako ang nagsalita sa harapan ng mga katrabaho ko, matapos ang umagang ehersisyo na isinasagawa ng kumpanya araw-araw. Nabulabog ang management sa aking mga binasang kalagayan ng mga manggagawa. Iyon ang una kong pagtatangka na ipagtanggol ang mga manggagawa. Dalawa ang inihanda kong papel. Ang una'y binasa ng HR (human resources) personnel, na hindi naman naibalik sa akin. Ang ikalawa, na itinago ko sa bulsa, ang aking binasa.

Pumasok ako ng kumpanya mula Pebrero 6, 1989, at nag-resign noong Pebrero 6, 1992, eksaktong tatlong taon ng aking pagtatrabaho bilang machine operator sa kumpanya. Hunyo 1992 ay muli akong nag-enrol sa FEATI University. Enero 1993 nang makapasok ako sa The Featinean, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng unibersidad, bilang staffwriter. At doon ako niligawan ng dalawang organisador, isang taga-LFS (League of Filipino Students) national, si Sofi (o Sopronio), at ang isa ay mula sa LFS-NCR (ang tsapter ng LFS sa Metro Manila, si Dennis Labo (dahil malabo na ang mata). Ako naman ang pinadalo ng aming editor sa pulong na ipinatawag ng NUSP-NCR (National Union of Students of the Philippines), at sa pulong sa UP Manila ay nakilala ko roon ang iba't ibang lider estudyante, kasama na si Tado Jimenez, na naging kilalang komedyante sa kalaunan. Sa kalaunan ay itinayo nila noong Pebrero 1994 ang counterpart ng NUSP, ang National Federation of Student Councils (NFSC).

Nobyembre 30, 1993, ang LFS-NCR ay natransporma bilang Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) sa isang malaking pagtitipon ng mga estudyante't aktibista mula sa iba't ibang paaralan.

Disyembre 26, 1993 ang iskedyul kong pagsama kay Sofi sa bundok dahil kaarawan ni Mao Zedong, isang kilalang lider ng Tsina, at anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP), subalit hindi sumang-ayon si kasamang Dennis, dahil ako'y nasa Kamalayan na, at isa sa tagapagtaguyod ng Kamalayan sa FEATI University.

Mayo 24, 1994 ay nakasama ako sa isang lightning rally sa Makati upang ipagdiwang ang ikasampung taon ng isang mapagpalayang organisasyon. Labindalawa ang nahuli ng mga pulis, at kabilang ako sa mga nawawala na na-flash ang aming mga pangalan sa telebisyon. Doon nalaman ng aking mga magulang ang hinggil sa aking pagiging aktibista. Dalawang araw matapos iyon ay nahuli naman ang isa naming lider, si Ka Popoy Lagman.

Agosto 17, 1994 ay ipinaabot na sa akin na ako'y kandidatong kasapi na ng isang lihim na organisasyon. Ganap akong sumumpa sa partido. Hanggang ngayon ay ganap na kasapi pa rin ako nito. Lihim kaya dapat ay hindi ko sinasabi rito, subalit nais kong maunawaan ako ng aking pamilya, kaya minsan ay kailangang isulat. Kasama na sa sinumpaan ko ang pagkakaroon ng simpleng pamumuhay, pagtulong sa kapwa, pag-oorganisa ng mga mangggawa bilang uri, at pagpapalaganap ng sosyalismo, lalo na ang teorya ng Marxismo-Leninismo, gawaing intelligence para sa partido, at seguridad ng mga kasama at ng organisasyon. Kaya tuwing Agosto 17 ay nag-iinom akong mag-isa, o kaya'y kasama ko ang aking kolektibo, upang ipagdiwang ang aking anibersaryo sa samahan.

Setyembre 1994 ay naging opisyales ako ng Kamalayan, bilang Basic Masses Integration (BMI) officer, saklaw ang buong rehiyon ng Metro Manila at Rizal, hanggang Hulyo 1995 nang ilunsad nito ang ispesyal na kongreso. Narekrut ako sa ilalim at naglingkod sa gawaing propaganda bilang bahagi ng pwersang insureksyunal. At noong Agosto 1996 ay nahikayat ng aking dating kasamang babae na sumapi at maglingkod sa Sanlakas, kaya napunta ako ng Sanlakas bilang staff mula Agosto 1996 hanggang Oktubre 2001.

Noong 1997, features and literary editor ako ng The Featinean, nang ako'y magpaalam sa pamamagitan ng aking kolum. Nagpasya na akong lumabas sa paaralan at mabuhay bilang aktibista at rebolusyonaryo hanggang kamatayan. Nagpasiya akong maglingkod sa masa ng sambayanan at sa uring manggagawa. Nagpasiya akong isapraktika ang mga teorya ng Marxismo at Leninismo na aking niyakap sa kaibuturan. Nagpasiya akong magpultaym, at wala sa aking bokabularyo ang salitang "laylo", na lagi kong ipinangangaral na huwag gagawin. Nasa pananaw ko na hindi isang aktibidad lamang sa kolehiyo ang aktibismo kundi habambuhay itong bokasyon na dapat isapraktika at isabuhay.

Mayo 2000 ay bugbog-sarado ako at nakulong dahil sa isang rali sa harap ng Senado, kaugnay ng isyu ng Visiting Forces Agreement (VFA). Sa lahat ng mga pagkahuli ko bilang aktibista, iyon ang pinakamatingkad dahil napanood ako sa telebisyon at nalaman ng aking mga magulang ang nangyari. Ang iba kong pagkahuli dahil sa paglilingkod sa bayan ay agad namang naisaayos ng mga abugado ng aming organisasyon.

Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008 ay staff ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isang pambansang samahan ng mga maralita. Naging manunulat din ako ng kanilang pahayagang Taliba ng Maralita. Mula 2008 hanggang sa kasalukuyan ay naglilingkod ako bilang staff ng pangunahing organisasyong pangmanggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Noong 1998-1999 ay nakapagsulat ako sa magasing Tambuli ng BMP. At mula 2003 hanggang bandang 2009 ay nagsusulat ako sa pahayagang Obrero ng BMP.

Noong 2011 ay naging bahagi ako ng pahayagang Ang Sosyalista na nakaisang labas lamang, at noong 2012 naman ay naging manunulat at tagadisenyo ako ng magasing Ang Masa na nakawalong labas naman. Habang paminsan-minsan ay nagsusulat ako ng polyeto, at namamahagi nito.

Hanggang ngayon, patuloy akong nakikiisa mula sa puso ko't diwa sa pakikibaka ng mga manggagawa. Isinisiwalat ko at ipinapaunawa sa mga manggagawa ang mga aral nina Karl Marx, Friedrich Engels, Vladimir Lenin, Filemon Lagman, Che Guevara, Fidel Castro, at iba pang rebolusyonaryo. Nakikipag-ugnayan ako sa iba't ibang mapagpalayang organisasyon hinggil sa mga usaping ito.

Nang itinayo ko ang Aklatang Obrero Publishing Collective, naging tungkulin na nito na ipalaganap ang teorya ng Marxismo at Leninismo sa lahat ng mga manggagawa. At ito ang aking niyakap na tungkulin bilang aktibista, rebolusyonaryo, at propagandista.

Miyerkules, Setyembre 14, 2011

Isang Aklat at ang Rebulto ni Sakay: Ilang Personal na Tala

ISANG AKLAT AT ANG REBULTO NI SAKAY: ILANG PERSONAL NA TALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwang tinatalakay sa mga aklat-pangkasaysayan ang kadakilaan at kagitingan ng mga bayaning sina Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio, kung saan ang kanilang mga rebulto ang karaniwang makikita sa iba't ibang panig ng bansa.

Bihira ring matalakay ang rebolusyong Pilipino sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, at ang mga bayani noon ay itinuring pang bandido ng mga dayuhan at di kinilala ng sariling kababayan, tulad na lang ni Macario Sakay. Si Sakay ang nagpatuloy ng tungkulin ng KKK na itinatag ni Andres Bonifacio.

Kasama si Lucio De Vega, binitay sila ng mga Amerikano noong Setyembre 13, 1907 matapos siyang malinlang ng lider-obrerong si Dominador Gomez at tuluyang madakip ng mga Amerikano.

Makalipas ang eksaktong isangdaang taon pagkabitay nila, inilunsad sa ikalawang palapag ng Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS) ng Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila, ang aklat na "Macario Sakay: Bayani" na isinulat ng inyong abang lingkod. Ang nasabing aklat ay bilang pag-alala sa ambag ni Macario Sakay sa rebolusyon. Inilathala ito ng grupong Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) na pinamumunuan nina Prof. Bernard Karganilla ng UP Manila at ni Prof. Ed Aurelio C. Reyes, na siyang pasimuno ng Kamalaysayan at tinatawag ng marami na Sir Ding. Malugod kaming tinanggap doon ni Dean Reynaldo Imperial, na siyang dekano ng UP CAS. Nasaksihan din ng aking ama at ng isa kong kapatid na babae ang paglulunsad ng aklat.

Sinulat ko bilang Pambungad sa aklat, na may petsang Agosto 21, 2007: “Nawa'y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya'y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.”

Isa iyong kahilingan at kampanya na hindi ko naisip na agad na masasakatuparan. Marahil ay mahaba pa ang lalakbayin o kailangan pa ng madugong rebolusyon ng bayan para ang mga manggagawa't dalitang uupo sa poder ang siyang magdedeklara na isang bayani ang mga tulad ni Sakay na hindi namanginoon sa mga dayo at mga mapagsamantalang uri sa lipunan, kundi ipinaglaban ang karapatan ng kanilang mga kababayan at kapwa tao. Isang taon ang lumipas mula nang ilunsad ang aklat, naitayo at napasinayaan ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga sa Tondo, Maynila.

Ang kabuuan ng aklat ay ini-upload ni Sir Ding sa internet, na makikita sa kawing na http://kamalaysayan.8m.net/aklat-sakay.html. Gayunman, hindi niya roon isinama ang kanyang sinulat na paunang salita. Kay Sir Ding, maraming salamat. Nais ko ring ipaalam sa lahat na si Sir Ding Reyes ang nagdisenyo ng pabalat ng aklat na may mukha ni Sakay.

Nais kong sipiin ang "Paunang Salita ng Kamalaysayan" na may lagda ni Sir Ding na nasa pahina 4 ng aklat:

"Si Macario Sakay at si Greg"

"Walang kapaguran ang matulis na pluma ng kaibigan at kapwa ko manunulat na si Gregorio V. Bituin Jr. Mula pa noong staffmember pa siya ng Featinean ay lagi na lang siyang may bagong panulat na nakapupukaw ng pag-iisip sa samu't saring paksain. At nagagalak kaming bumubuo ng pamunuan ng Kamalaysayan na nakahiligan din ni Greg ang pananaliksik sa mga paksang pangkasaysayan, bukod sa kapaligiran, sining, agham, at matematika (paborito niya). At natutuwa kami na minarapat niyang magsaliksik at magsulat ukol kay Macario Sakay, isa sa napakarami nating mga dakilang bayani, na pilit siniraan ng mga kolonyalistang Amerikano at ng mga kabalat nating kakampi nila. Kaya't pilit namin maihabol ang isinulat na ito ni Greg upang mailabas sa eksaktong sentenaryo ng pagkamatay ni Sakay. Itinuturing naming karapat-dapat lang naming sikapin ito sapagkat  ang sentenaryo ay sentenaryo, si Sakay ay si Sakay, at si Greg ay si  Greg."

"Ikinararangal naming irekomenda para sa pagbabasa ng lahat ng mga tunay na Anak ng Bayan ang munting aklat na ito. Tiyak kaming  malaking kaalaman ang mapupulot dito."

"- Ed Aurelio C. Reyes, Pasimuno,
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
Agosto 24, 2007"

Isinulat ng aktibistang si Ric Reyes sa kanyang kolum na Bandoleros sa unang isyu ng pahayagang Ang Sosyalista (Hulyo 2010, p.2): “Hanggang ngayon, walang bantayog na itinayo para sa mga martir na ito liban sa isang monumento ni Heneral Sakay sa isang sulok ng Maynila.”

Ngunit paano nga ba nagkaroon ng monumento si Sakay sa Maynila, at kailan ito inilagay doon?

Ilang buwan matapos ilunsad ang aklat, tinawagan ako ni Sir Ding Reyes dahil nais daw akong makausap ng magtatayo ng rebulto ni Sakay. Itinatanong daw kung ano ang height ni Sakay para sa gagawing rebulto. Ibig sabihin, kung gaano talaga siya katangkad, pati sukat ng baywang, dibdib, kung gaano kahaba ang buhok, ang kanyang suot, ang siyang iuukit na rebulto. Ngunit di ako agad nakatugon dahil wala iyon sa aking saliksik. Ngunit naghanap pa rin ako ng materyales. Nagbakasakali akong may masaliksik ngunit nang magkita kaming muli ni Sir Ding ay may nakausap na daw hinggil sa height ni Sakay.

Ang pagtatayo ng rebulto ni Sakay ay ikinampanya ng Kamalaysayan kay Mayor Alfredo Lim ng Maynila, na ayon kay Sir Ding, si Mayor Lim mismo ay kasapi ng Kamalaysayan. Kasapi rin ng Kamalaysayan sina Ric Reyes at ang inyong abang lingkod. Sa Kamalaysayan ko natutunan ang Kartilya ng Katipunan at ang pagsasabuhay nito. Kaya pag nagkikita kami ni Sir Ding at ng iba pang kasapi ng Kamalaysayan, ang batian namin ay "Mabuhay ka at ang ating panata!"

Setyembre 13, 2007, inilunsad ang aklat kong “Macario Sakay, Bayani” sa UP Manila. Dumalo roon ang mga mag-aaral ng UP, ang kanilang mga guro, si Sir Ding, ako, ang aking ama, ang aking kapatid na babae, at ilang kaibigang mahiligin sa kasaysayan. Sa aklat at sa mga dumalo sa paglulunsad ng aklat ay nanawagan akong dapat magkaroon ng rebulto si Macario Sakay, pati na ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan. Setyembre 13, 2008, pinangunahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang inaugurasyon ng rebulto ni Macario Sakay sa Plaza Morga, Santa Maria St., sa Tondo, Maynila.

Ilang araw bago iyon, noong Setyembre 8, 2008, sa ikalawang sesyong regular ng senado, naglabas ng Senate Resolution No. 623 sina Senador Francis Pangilinan at Senador Aquilino Pimentel Jr. na pinamagatan itong “A resolution expressing the sense of the Senate honoring the sacrifice of Macario Sakay and all other Filipinos who gave up their lives in the Philippine-American War for our Freedom”, at sa dulo ng resolusyon ay nakasulat, “After one hundred and one years, a life-size statue of Sakay will be unveiled at Plaza Morga Tondo by the Manila Historical Heritage Commission.”

Naglabas muli ang Senado ng Resolution No. 121 na pinamagatan din tulad ng SR 623 na nilagdaan ni Senador Manny Villar, ang pangulo ng Senado, at may lagda rin si Emma Lirio-Reyes, Sekretaryo ng Senado, na pinagtibay noong Setyembre 16, 2008.

Masasabi kong wala akong kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay. Ang kinalaman ko lang ay sinulat ko ang aklat bilang ambag sa sentenaryo ni Sakay, at ibinenta ito kung saan may mga pagtitipon hinggil sa kasaysayan o anumang pagtitipong pulitikal. At marahil ay nadinig ng marami ang panawagan ko sa aklat na magkaroon ng rebulto si Sakay sa Maynila. Malaki ang naitulong ng Kamalaysayan upang maisakatuparan ang adhikaing ito. Sa kanila'y taos-puso kong pasasalamat. Mabuhay ang Kamalaysayan!

Masarap ang pakiramdam na kahit wala akong direktang kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay ay natupad naman ang isang pangarap bilang tanda ng pagkilala sa mga sakripisyo ng mga Katipunerong nagpatuloy ng laban upang mapalaya ang ating mga kababayan mula sa kuko ng mga mananakop.

Gayunman, may isa pang kampanya ang dapat gawin. At ito ang aking mungkahi. Ang Taft Avenue sa Maynila, na nakapangalan pa sa isang dayuhan, ay ipangalan kay Macario Sakay. Kaya ito'y magiging Macario Sakay Avenue. Kasabay nito'y kilalanin din siyang bayani at ilathala sa mga aklat-pampaaralan. Ngunit ang mga kampanyang ito'y hindi ko magagawang mag-isa, dapat maraming makiisa sa layuning ito.

Sabado, Setyembre 10, 2011

Sermon ni Inay: "Pag nagutom ka, kasalanan mo"

SERMON NI INAY: "PAG NAGUTOM KA, KASALANAN MO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Pag nagutom ka, kasalanan mo." Hindi ito pasigaw, kundi malambing na sermon o payo ni Mommy sa akin. Tama si Mommy, kaya bata pa lang kami ay tinuruan na niya kaming mga anak niya kung paano mabuhay. Natutong makisama, maglinis ng bahay, magluto ng sinaing, maglaba ng aming sariling damit, magbilang ng tama ng bayad at sukli, umuwi ng maaga, pumili ng kaibigang matitino, ilagay ang alak sa tiyan at huwag sa ulo, umiwas sa gulo, magsimba.

Kami'y pinag-aral ng aming mga magulang sa maaayos na paaralan. Kaya inaasahan nilang kakayanin namin ang tumayo sa sariling mga paa.

Isang araw, habang nagninilay-nilay at nakatunganga sa kisame, biglang dinalaw ng mga sermon ni Mommy ang aking tila inaagiw na isipan. Nais ko kasing magsulat noon para iambag sa patimpalak-Palanca. Nagunita ko ang paalala ng aking ina. 

Katatapos ko lang basahin noon ang isang sanaysay kung paano ba namatay ang makatang si Huseng Batute. Namatay siya, hindi pa sa gutom, kundi nalipasan ng gutom kahit may pagkain naman. Pareho kaming makata, at namatay si Huseng Batute o Jose Corazon de Jesus, dahil sa pananakit ng tiyan, at walang laman ang bituka. Doon ko naalala ang bilin ng aking mahal na ina. "Pag nagutom ka, kasalanan mo."

Ang mga salitang ito ang nagbunsod sa akin upang itayo ang Aklatang Obrero Publishing Collective, na unang nakapaglathala ng aklat noong Oktubre 2006. Mag-iisang dekada na rin akong naglilimbag ng mga aklat, na karamihan ay mga koleksyon ko ng tula. Bagamat marami rin akong inilathala na mga antolohiya ng mga sanaysay at tula ng mga manggagawa at maralita.

Nag-isip ako. Ano bang kakayahan mayroon ako upang mabuhay. Pagsusulat? Kailangang mag-aplay sa diyaryo. Paggawa ng tula? Walang pera sa tula, maliban kung mailalathala ka ng lingguhang magasing Liwayway, o iba pang magasin o babasahin. Ngunit kayraming nagpapasa. Daan-daan kung hindi man libo. Mapalad ka na kung malathala ka ng isang beses sa halagang P500 lamang. Hindi iyon sapat upang makabuhay.

Kailangan kong maging malikhain. Kung hindi, baka walang mangyari sa akin. Ayoko namang manghingi ng salapi sa tatay at nanay ko, dahil may sarili na akong buhay. Lalo na't maaalala ko ang mga sermon ni Mommy. Kaya sinuri ko ang kakayahan ko. May kakayahan akong mag-type. Kabisado ko ang microsoft word at pagemaker. Tiyak may pakinabang ang kakayahan kong ito kung gagamitin ko lang ng tama. Di ko pa naisip noon kung paano gumawa ng libro, dahil mukhang magastos, masalimuot ang paggawa, at di ko alam yung proseso ng pagbu-bookbind.

Hanggang mapuna ko sa ilang mga libro kung paano ito na-bookbind, at nakita ko rin minsan sa Recto kung paano ba sila nagbu-bookbind. Baka dito ako pwedeng magsimula. Paano naman ang cover? Nakita kong pwede naman palang tingi-tingi ang pagpapagawa ng cover na colored. Alam ko na. Dagdag pa yung karanasan ko sa paggawa ng dyaryo at magasin dahil dalawang taon akong naging features and literary editor ng publikasyon ng mag-aaral sa kolehiyo, at pagli-layout ng pahayagan ng manggagawa, kaya malakas ang loob ko.

Kaya sinimulan kong ipunin kung ano ang pwede kong i-type, i-layout at ilibro. Nagsulat ako ng liham sa mga kakilala ko na nananawagang pwede kong hingiin na ang mga dati nilang gawang tula, sanaysay, awit at maikling kwento. Aba'y pinagbigyan naman nila ako, habang ang ibang artikulo ay mula sa mga dati ko nang inipon. Naipon ko sa panahong di ko alam na kakailanganin ko pala. Wala akong sariling gamit pero meron akong diskarte. Nakigamit ako ng computer, at nire-type doon ang mga artikulong naipon ko at naipasa sa akin.

Minsan gabi hanggang madaling araw ko ito ginagawa. Isinisingit ko habang nagle-layout ng pahayagang Obrero ng manggagawa ang pag-layout ko ng libro. Ni-layout ko at nilagyan ng mga litrato, ang anumang natutunan ko sa paggawa ng pahayagang Obrero ay ginamit ko sa paggawa ng libro, nag-print ako ng isang kopya, inedit isa-isa baka may makalusot, at nung okey na, pinagawa ko sa labas. Nagawa ko'y dalawampung kopya ng kauna-unahang isyu ng MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, na umabot ng isandaang pahina, at ang size ay katumbas ng kalahati ng short bond paper. Oktubre 2006 nang ito'y malathala at ako na ang tumayong editor ng kalipunang ito ng panitikang manggagawa.

Mula noon, nagsimula na ang paglalathala ko ng sari-saring libro, at may kumakausap pa sa akin dahil nais nilang malathala rin sila. Isinaaklat ko na rin pati mga kolum at sanaysay ko na nalathala sa magasing pangkolehiyo.

Kaya kahit munting bisnes lamang itong aking itinayong Aklatang Obrero Publishing Collective, umaabot na ng mahigit apatnapung pamagat ng aklat na ang nasa talaan ng mga aklat na aking nalathala. At kalahati rito ay ang koleksyon ng aking mga tula.

Malaking aral sa akin ang sermon ni Mommy, dahil kung hindi, baka gutom ang abutin ko. Maraming salamat sa pagkamalikhain na namana ko sa aking ama't ina. Natuto akong magkaroon ng munting pagkakakitaan, na siya namang ginagamit ko sa araw-araw, habang patuloy pa rin akong nagsusulat, kumakatha ng tula, at nakikibaka sa kalsada.