Linggo, Agosto 28, 2011

Aktibismo, Kolektibismo at ang Voltes V Generation

AKTIBISMO, KOLEKTIBISMO AT ANG VOLTES V GENERATION
ni Gregorio V. Bituin Jr.


Minsan, sinabihan ako ng isang may katandaan na ring kasama.  Isa raw akong "martial law baby" dahil panahon ni Marcos nang ipanganak ako at magkamalay sa mundo. Pero mas nais pa namin sa aming henerasyon na tawagin kaming "Voltes V (five) Generation" kaysa "martial law babies". Wala pa kasi kaming muwang noon sa impact ng martial law ni Marcos kaya di namin manamnam ang katawagang "martial law babies" maliban sa petsa. Mas kilala namin ang aming henerasyon bilang "Voltes V Generation" dahil namulat kami sa kalagayan ng bayan nang tinanggal ni Marcos noong 1979 ang cartoons na Voltes V na kinasasabikan naming panoorin bilang mga kabataan. Nadamay na rin dito ang iba pang palabas tulad ng Mazinger Z, Daimos, at Mekanda Robot.

Talagang nagngitngit kaming mga kabataan noon kay Marcos. Biro mo, gusto lang naman naming manood ng cartoons na Voltes V, at mga katulad nito, tapos tatanggalin lang ni Marcos. Ang sabi sa balita, tinanggal daw ito ni Marcos na ang idinadahilan ay tinuturuan daw ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, upang magrebelde.

Robot na bakal ang bidang Voltes V. Ito’y pinagdugtong-dugtong na sasakyang panghimpapawid ng limang katao, na pag nag-volt-in ay magiging malaking robot, si Voltes V. Ang lima ay sina Steve Armstrong, Big Bert, Little John, Mark Gordon at ang nag-iisang babae na si Jamie Robinson. Ang layunin nila’y depensahan ang sangkatauhan laban sa mga pwersa ng mananakop, sa pangunguna ng may sungay na si Prince Zardos, at ang kanyang mga beast fighters. Ang panlaban ni Voltes V ay ang ultramagnetic top, chain knuckle, gatling missiles, flamethrower, voltes bazooka, ultramagnetic whip, at ang laser sword, na hinihiwa ang katawan ng mga kalaban nilang robot at halimaw o beast fighters sa pormang V. Uso pa noon ang larong tex na Voltes V.

Mahirap kalimutan ang Voltes V na kung tutuusin ay di lang pambata, kundi pang-aktibista. Umukit ito sa pananaw at pagkatao ng isang henerasyon. Iba-iba lang marahil kami ng interpretasyon, ngunit nagkakaisang natalo ng Voltes V Generation, kasama ang iba pang magigiting na Pinoy, ang diktadurya ni Marcos. Nakabalik muli sa telebisyon ang Voltes V noong 1986 nang bumagsak na si Marcos. Maraming mga konsepto sa Voltes V na hanggang ngayon ay maaari pa ring magamit sa pakikibaka upang ipanalo ang laban, lalo na ang palasak na "Let's volt in!"

Ang kasaysayan ng Voltes V ay tulad din ng kasaysayan ng Katipunan. Sinakop ng Boazanian empire ang buong mundo sa pamamagitan ng kanilang hukbong "beast fighters". Sinakop ng iba't ibang imperyo ang Pilipinas. Tulad ng pagsakop at pagsasamantala ng mga Kastila gamit ang kanilang espada at krus para masakop ang bansa. Tulad ng pagsakop at pagsasamantala ng mga Amerikano gamit ang kanilang konsepto ng demokrasya at wika. Tulad ng pagsakop at pagsasamantala ng mga Hapon gamit ang kanilang teknolohiya. Tulad ng pagbaba ng batas-militar na lumigalig sa sambayanan.

Ang Voltes V ang samahan ng mga rebolusyonaryong nagkakaisang ibagsak ang mga mananakop. Nuong panahon ng mga Kastila, nag-volt in ang mga manggagawa't magsasaka upang buuin ang Katipunan, at ilang taon lamang mula nang sila ay itatag at tuluy-tuloy na nakibaka, ay lumaya ang Pilipinas sa pangil ng mga Kastila.

Nuong panahon ng mga Amerikano, nag-volt in ang mga natirang rebolusyonaryo ng Katipunan, tulad ng pinamunuan nina Macario Sakay, Santiago Alvarez, Miguel Malvar, pati na ang mga tauhan ni Heneral Lucban ng Balangiga, Samar upang durugin ang mga tropang Amerikano, ngunit mas matinding makinarya ang ginamit ng ala-Boazanian empire na Amerika upang gapiin ang mga Pilipino.

Nuong panahon ng mga Hapon, nag-volt in ang mga manggagawa't magsasaka sa pamamagitan ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) o mas kilala bilang Huk, upang labanan at durugin ang mga tropa ng Hapon.

Nuong panahon ni Marcos, tinanggal ang palabas na Voltes V dahil nag-aakala si Marcos na naoorganisa na kaming mga kabataan upang maging malay laban sa diktadurya, na kung kaming mga kabataan ang mag-volt in ay ikababagsak ng kanyang paghahari. Sa isip yata niya, ang let’s volt-in ay let’s revolt. Magkasintunog kasi.

Dahil matindi ang aral na inukit ng Voltes V sa aming kamalayan bilang Pilipino, bilang kabataan, marami sa mga kabataang bahagi ng Voltes V Generation ang naging bahagi ng pagpapabagsak ng diktadurya ni Prince Zardos ng planetang Boazan. At tuluyang pagbagsak ng Boazanian empire, oo, ang pagbagsak ng diktadurya ni Marcos. Katunayan, nakasama ako ng tatay ko at ng mga kasamahan niya nang mamigay sila ng pagkain nuong pag-aalsa sa Edsa nung 1986. Doon na kami nagkita-kita ng mga kababata ko.

Ang panawagang "Let's volt in" ay katulad din ng konsepto ng kolektibismo. Sama-sama, walang iwanan ang mga magkakasama. Kolektibong kumikilos, may iisang direksyon, upang gapiin ang kalaban. Ganito ang konsepto ng mga aktibista. Pag nagsama-sama sila sa pakikibaka, tinitiyak nilang kolektibo silang kumikilos, marangal at prinsipyado, at unawa nila ang direksyon ng kanilang pakikibaka, nang sa gayon ay matiyak ang tagumpay nila sa laban.

Pamilyar ako sa salitang “curfew” noon, ngunit di sa kalupitan ng martial law. Nakatutuwang gunitain na hindi pa dahil sa martial law, kundi dahil tinanggal ni Marcos ang paborito naming Voltes V, kaya namulat kami sa kalagayan ng bayan.