NANG MAGPASYA AKONG MAGING TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bata pa ako ay mahilig na akong magbasa. Hayskul ako ay naging tambayan ko na ang National Book Store sa Morayta at sa Avenida, habang nadadalaw ko rin ang Goodwill Bookstore. Bandang 1987 ay natagpuan ko na ang Popular Bookstore sa Doroteo Jose St., sa Maynila. Doon ay sari-saring mumurahing libro at magasin ang aking binili. Mga babasahing hindi ko karaniwang nakikita sa National Book Store.
Nakapag-ipon ako ng mga libro. Noong Hulyo 1988-Enero 1989 ay nasa ibang bansa ako, at pagbalik ko sa bansa ay naging manggagawa ako ng isang kumpanya ng electronics sa Alabang. Mahilig pa rin akong magbasa. Hanggang sa mabasa ko ang iba't ibang aklat tulad ng GTU (Genuine Trade Union), Ulos, Aklas, National Midweek, Blood in their Banner, War of the Flea, at samutsaring magasin na nabili ko sa Popular Book Store.
Dahil sa pagbabasa ko ay namulat ako sa mga nangyayari sa lipunan. Hanggang sa muntik na akong tumakbong pangulo ng unyon noong 1991. Subalit dahil bata ng manager ang tiyuhin ko sa kabilang kumpanya, kinausap siya't kinausap naman ako ng aking tiyo. Sa huling pasahan ng aplikasyon, di ako nakapagpasa, dahil nilasing ako ng aking tiyo, kaya ang bise-presidente ko sana ang siyang pumirma sa aplikasyon bilang pangulo ng unyon. Sa botohan sa unyon, nanalo ang aming manok, at natalo ang dating pangulo.
Oktubre 2, 1991, kaarawan ko, ako ang nagsalita sa harapan ng mga katrabaho ko, matapos ang umagang ehersisyo na isinasagawa ng kumpanya araw-araw. Nabulabog ang management sa aking mga binasang kalagayan ng mga manggagawa. Iyon ang una kong pagtatangka na ipagtanggol ang mga manggagawa. Dalawa ang inihanda kong papel. Ang una'y binasa ng HR (human resources) personnel, na hindi naman naibalik sa akin. Ang ikalawa, na itinago ko sa bulsa, ang aking binasa.
Pumasok ako ng kumpanya mula Pebrero 6, 1989, at nag-resign noong Pebrero 6, 1992, eksaktong tatlong taon ng aking pagtatrabaho bilang machine operator sa kumpanya. Hunyo 1992 ay muli akong nag-enrol sa FEATI University. Enero 1993 nang makapasok ako sa The Featinean, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng unibersidad, bilang staffwriter. At doon ako niligawan ng dalawang organisador, isang taga-LFS (League of Filipino Students) national, si Sofi (o Sopronio), at ang isa ay mula sa LFS-NCR (ang tsapter ng LFS sa Metro Manila, si Dennis Labo (dahil malabo na ang mata). Ako naman ang pinadalo ng aming editor sa pulong na ipinatawag ng NUSP-NCR (National Union of Students of the Philippines), at sa pulong sa UP Manila ay nakilala ko roon ang iba't ibang lider estudyante, kasama na si Tado Jimenez, na naging kilalang komedyante sa kalaunan. Sa kalaunan ay itinayo nila noong Pebrero 1994 ang counterpart ng NUSP, ang National Federation of Student Councils (NFSC).
Nobyembre 30, 1993, ang LFS-NCR ay natransporma bilang Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) sa isang malaking pagtitipon ng mga estudyante't aktibista mula sa iba't ibang paaralan.
Disyembre 26, 1993 ang iskedyul kong pagsama kay Sofi sa bundok dahil kaarawan ni Mao Zedong, isang kilalang lider ng Tsina, at anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP), subalit hindi sumang-ayon si kasamang Dennis, dahil ako'y nasa Kamalayan na, at isa sa tagapagtaguyod ng Kamalayan sa FEATI University.
Mayo 24, 1994 ay nakasama ako sa isang lightning rally sa Makati upang ipagdiwang ang ikasampung taon ng isang mapagpalayang organisasyon. Labindalawa ang nahuli ng mga pulis, at kabilang ako sa mga nawawala na na-flash ang aming mga pangalan sa telebisyon. Doon nalaman ng aking mga magulang ang hinggil sa aking pagiging aktibista. Dalawang araw matapos iyon ay nahuli naman ang isa naming lider, si Ka Popoy Lagman.
Agosto 17, 1994 ay ipinaabot na sa akin na ako'y kandidatong kasapi na ng isang lihim na organisasyon. Ganap akong sumumpa sa partido. Hanggang ngayon ay ganap na kasapi pa rin ako nito. Lihim kaya dapat ay hindi ko sinasabi rito, subalit nais kong maunawaan ako ng aking pamilya, kaya minsan ay kailangang isulat. Kasama na sa sinumpaan ko ang pagkakaroon ng simpleng pamumuhay, pagtulong sa kapwa, pag-oorganisa ng mga mangggawa bilang uri, at pagpapalaganap ng sosyalismo, lalo na ang teorya ng Marxismo-Leninismo, gawaing intelligence para sa partido, at seguridad ng mga kasama at ng organisasyon. Kaya tuwing Agosto 17 ay nag-iinom akong mag-isa, o kaya'y kasama ko ang aking kolektibo, upang ipagdiwang ang aking anibersaryo sa samahan.
Setyembre 1994 ay naging opisyales ako ng Kamalayan, bilang Basic Masses Integration (BMI) officer, saklaw ang buong rehiyon ng Metro Manila at Rizal, hanggang Hulyo 1995 nang ilunsad nito ang ispesyal na kongreso. Narekrut ako sa ilalim at naglingkod sa gawaing propaganda bilang bahagi ng pwersang insureksyunal. At noong Agosto 1996 ay nahikayat ng aking dating kasamang babae na sumapi at maglingkod sa Sanlakas, kaya napunta ako ng Sanlakas bilang staff mula Agosto 1996 hanggang Oktubre 2001.
Noong 1997, features and literary editor ako ng The Featinean, nang ako'y magpaalam sa pamamagitan ng aking kolum. Nagpasya na akong lumabas sa paaralan at mabuhay bilang aktibista at rebolusyonaryo hanggang kamatayan. Nagpasiya akong maglingkod sa masa ng sambayanan at sa uring manggagawa. Nagpasiya akong isapraktika ang mga teorya ng Marxismo at Leninismo na aking niyakap sa kaibuturan. Nagpasiya akong magpultaym, at wala sa aking bokabularyo ang salitang "laylo", na lagi kong ipinangangaral na huwag gagawin. Nasa pananaw ko na hindi isang aktibidad lamang sa kolehiyo ang aktibismo kundi habambuhay itong bokasyon na dapat isapraktika at isabuhay.
Mayo 2000 ay bugbog-sarado ako at nakulong dahil sa isang rali sa harap ng Senado, kaugnay ng isyu ng Visiting Forces Agreement (VFA). Sa lahat ng mga pagkahuli ko bilang aktibista, iyon ang pinakamatingkad dahil napanood ako sa telebisyon at nalaman ng aking mga magulang ang nangyari. Ang iba kong pagkahuli dahil sa paglilingkod sa bayan ay agad namang naisaayos ng mga abugado ng aming organisasyon.
Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008 ay staff ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isang pambansang samahan ng mga maralita. Naging manunulat din ako ng kanilang pahayagang Taliba ng Maralita. Mula 2008 hanggang sa kasalukuyan ay naglilingkod ako bilang staff ng pangunahing organisasyong pangmanggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Noong 1998-1999 ay nakapagsulat ako sa magasing Tambuli ng BMP. At mula 2003 hanggang bandang 2009 ay nagsusulat ako sa pahayagang Obrero ng BMP.
Noong 2011 ay naging bahagi ako ng pahayagang Ang Sosyalista na nakaisang labas lamang, at noong 2012 naman ay naging manunulat at tagadisenyo ako ng magasing Ang Masa na nakawalong labas naman. Habang paminsan-minsan ay nagsusulat ako ng polyeto, at namamahagi nito.
Hanggang ngayon, patuloy akong nakikiisa mula sa puso ko't diwa sa pakikibaka ng mga manggagawa. Isinisiwalat ko at ipinapaunawa sa mga manggagawa ang mga aral nina Karl Marx, Friedrich Engels, Vladimir Lenin, Filemon Lagman, Che Guevara, Fidel Castro, at iba pang rebolusyonaryo. Nakikipag-ugnayan ako sa iba't ibang mapagpalayang organisasyon hinggil sa mga usaping ito.
Nang itinayo ko ang Aklatang Obrero Publishing Collective, naging tungkulin na nito na ipalaganap ang teorya ng Marxismo at Leninismo sa lahat ng mga manggagawa. At ito ang aking niyakap na tungkulin bilang aktibista, rebolusyonaryo, at propagandista.