Biyernes, Nobyembre 11, 2011

Nobyembre 23, Pandaigdigang Araw upang Wakasan ang Impunidad

Nobyembre 23, Pandaigdigang Araw upang Wakasan ang Impunidad
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kasabay ng ikalawang anibersaryo ng pinakamatinding atake sa mga mamamahayag sa kasaysayan, ang Maguindanao massacre sa Mindanao, ilulunsad ng iba’t ibang grupo sa buong mundo ang kauna-unahang pagkilala sa International Day to End Impunity (IDEI) sa Nobyembre 23, 2011 bilang bahagi ng pandaigdigang panawagan ng hustisya para sa lahat ng mga pinaslang dahil sa kanilang karapatang magpahayag.

Matatandaang noong Nobyembre 23, 2009, walang awang pinaslang ang 57 katao, kabilang na ang 32 mamamahayag at manggagawa sa media, sa Maguindanao, habang ang mga ito’y papunta upang samahan ang pamilya Mangudadatu at mga tagasuporta nito sa pagpa-file ng kandidatura sa pagka-gobernador ni Esmael Mangudadatu.

Noong Hunyo 2, 2011, inulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang 2011 special report na pinamagatang “Getting Away with Murder” sa pandaigdigang pulong ng International Freedom of Expression eXchange (IFEX) sa Beirut, Lebanon, kung saan tinalakay ang impunidad sa buong mundo. Doon idineklara ng mga mamamahayag ang Nobyembre 23 bilang Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Kultura ng Impunidad (International Day to End Impunity) bilang pag-alala sa kamatayan ng 32 Pilipinong mamamahayag na napatay sa Maguindanao massacre. Nasa 2011 impunity index ng CPJ ang mga bansang Pilipinas, Russia, Mexico, Bangladesh, Iraq, Somalia, Colombia, Pakistan, Brazil, Sri Lanka, Afghanistan at India. Ayon pa sa CPJ, 882 mamamahayag sa buong mundo ang pinatay mula 1992, at 36 na nitong 2011.

Ang pandaigdigang aktibidad sa Nobyembre 23 ay pinangungunahan ng International Freedom of Expression eXchange (IFEX), na nakabase sa Toronto, Canada, at isang network ng 95 na organisasyon ng mga mamamahayag sa buong mundo. Sa Pilipinas naman, ito’y pinangungunahan ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).

Ano nga ba ang impunidad? Ayon sa international law of human rights, ito’y tumutukoy sa kabiguang dalhin sa hustisya ang mga lumabag sa mga karapatang pantao, at kung gayon ay pagkakait na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng karapatang pantao. Ang impunidad ay isang kultura ng pagpatay at kawalang hustisya. Nariyan ang kaso ng pagpatay at pagdukot sa mga aktibista, o desaparesidos, na hanggang ngayon ay di pa nakikita.

Ang Pilipinas ang itinuturing na isa sa mga delikadong lugar sa mga mamamahayag sa buong mundo. Ayon sa CMFR, may 121 mamamahayag na ang pinaslang sa Pilipinas pagkatapos ng pag-aalsang Edsa noong 1986. Sa mga kasong ito, nasa 8% pa lamang ang mga kasong nareresolba.

Dapat mawakasan na ang ganitong mga karahasan at kultura ng kamatayan.

Wakasan na ang impunidad! End Impunity, Now!

Miyerkules, Nobyembre 9, 2011

Karahasan sa Kababaihan, Tigilan Na!

KARAHASAN SA KABABAIHAN, TIGILAN NA!
ni Greg Bituin Jr.

Kamakailan ay nabalita sa telebisyon ang pagdukot, panggagahasa't pagpatay noong Setyembre 23 sa estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na si Given Grace Cebanico, 19 na taong gulang. Kasunod nito'y nabalita sa pahayagang Remate ang panggagahasa at pagpatay sa isang 9-anyos na batang babaeng natagpuang patay sa loob ng isang simbahan sa Muntinlupa noong Oktubre 27. Kahindik-hindik at nakagagalit ang mga balitang ito. Wala silang kalaban-laban at kinitlan pa ng buhay. Anong uri ng mga halimaw ang may kagagawan ng mga ito?

Napakarami nang karahasan sa mga kababaihan. Nariyan ang pisikal na karahasan, tulad ng pananakit at pagpatay; sekswal na karahasan, tulad ng panghihipo lalo na pag nalalasing, panggagahasa, pagtrato sa babae bilang sekswal na bagay o sex object, paggamit ng malalaswang salita; sikolohikal na karahasan, tulad ng pangangaliwa at pagmamanman (stalking); at pinansyal na pang-aabuso, tulad ng pagbawi ng sustentong pinansyal.

Dahil sa ganitong mga karahasan sa kababaihan, may dalawa nang pandaigdigang araw ng kababaihan na ginugunita sa buong mundo bilang paalala na ang mga kababaihan ay taong may dangal at hindi dapat dinadahas. Ang una at mas kilala ay ang International Women's Day tuwing Marso 8, at ang ikalawa'y ang International Day for the Elimination of Violence Against Women tuwing Nobyembre 25. Sa dalawang ito'y mas madugo ang kasaysayan ng Nobyembre 25.

Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan o International Women’s Day tuwing Marso 8 ay unang idineklara sa ikalawang Pandaigdigang Kumperensya ng Manggagawang Kababaihan sa Copenhagen na dinaluhan ng 100 kababaihan mula sa labimpitong bansa. Ipinanukala ito ni Clara Zetkin ng Social Democratic Party sa Alemanya na magkaroon ng ispesyal na araw para idulog ng kababaihan sa buong mundo ang kanilang mga karapatan.

Ang Nobyembre 25 naman ay idineklara ng United Nations (UN) noong 1999 bilang paggunita sa tatlong pinaslang na magkakapatid na babaeng Mirabal. Noong Nobyembre 25, 1960, sa utos ng diktador na si Rafael Trujillo ng Dominican Republic ay pinaslang sina Patria Mercedes Mirabal, María Argentina Minerva Mirabal at Antonia María Teresa Mirabal. Ang magkakapatid na babaeng ito'y nakibaka upang wakasan ang diktadurya ni Trujillo. Mula 1981 ay ginugunita ng mga aktibista para sa karapatan ng kababaihan ang Nobyembre 25 bilang paggunita sa tatlong babaeng ito. At noong Disyembre 17, 1999, idineklara ng UN General Assembly ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Mula rito'y itinatag na rin ng mga kababaihan ang 16 Days of Activism Against Gender Violence mula Nobyembre 25 (International Day for the Elimination of Violence Against Women) hanggang Disyembre 10 (International Human Rights Day) upang simbolikong idiin na ang mga karahasan sa kababaihan ay paglabag sa karapatang pantao.

Matatamaan na rin sa 16 na araw na ito ang Nobyembre 29 na kilalang International Women Human Rights Defenders Day, at Disyembre 6 na anibersaryo naman ng Montreal Massacre, kung saan pinaslang noong Disyembre 6, 1989 ang labing-apat na kababaihan sa Engineering Building ng École Polytechnique sa Montreal sa Canada.

Ang mga makasaysayang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi dapat kababaihan lamang ang gumugunita kundi ang mga kalalakihan din. Pagkat meron din silang inang pinagkautangan ng buhay, asawang nagbigay ng kanilang mga anak, mga kapatid na babae, anak na babae, at mga kaibigang babae. Anupa't kalahati ng buong mundo'y pawang kababaihan.

Kaya hindi lamang tuwing Marso 8 dapat maging aktibo sa pakikibaka ang mga kababaihan kundi sa Nobyembre 25 din, at sa 16 na araw mula rito hanggang Disyembre 10, upang igiit, kilalanin at respetuhin ang kanilang mga karapatan. Sana, sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito’y mabawasan na ang mga karahasan sa kababaihan, lalo na sa mga bata. Ang pagsasabatas ng Republic Act No. 9262 (2004) o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act ay isa nang malaking hakbang upang bigyang proteksyon ang mga kababaihan at kanilang mga anak na nakararanas ng pang-aabuso o karahasan. Kailangang tumungo sa karapatang pantao at pagrespeto sa kapwa ang oryentasyon ng lahat sa kababaihan. At higit sa lahat, hindi dapat masayang ang mga araw ng paggunitang ito sa mga kababaihan sa buong mundo at sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito upang kilalanin ang karapatan ng kababaihan sa buhay, dignidad, at pantay na pagtrato. Itigil na ang mga karahasan sa kababaihan!

Hustisya kay Given Grace at sa lahat ng mga babaeng biktima ng karahasan!

Mabuhay ang ating mga ina, asawa, kapatid at anak na babae! Mabuhay ang mga kababaihan!

Lunes, Nobyembre 7, 2011

Mga Agos sa Disyerto: Isang Pagsusuri

MGA AGOS SA DISYERTO: ISANG PAGSUSURI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang pag-alon ng Mga Agos sa Disyerto ang nagbukas ng bagong yugto ng panitikang Pilipino na nakabatay sa totoong kalagayan ng nakararami sa lipunan - ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan at kabataan. Ang mga maiikling kwento sa Mga Agos sa Disyerto ay inakda nina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, Edgardo Reyes at Rogelio Sikat. Sa mga manunulat na ito'y tanging si Ordoñez pa lang ang aking nakadaupang-palad at nagbigay sa akin ng huli niyang libro ng mga tula sa launching nito.

Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.

Mabisa ang mga paglalarawan sabuhay ng karaniwang tao. Lumitaw ang grupong Mga Agos sa Disyerto sa panahong tigang ang panitikang Pilipino sa mga agos ng totoong nangyayari sa lipunan, sa panahong pulos pag-iibigan at romansa ang nangingibabaw na panitikan, dahil ito ang nais ng komersyal. Binali nila ito at sinundan nila ang yapak ng mga nauna sa kanila, tulad ni Rizal na may-akda ng Noli at Fili, ni Amado V. Hernandez na may-akda ng marami ring maiikling kwento at kilalang nobelang "Mga Ibong Mandaragit" (na dumugtong sa El Fili ni Rizal) at "Luha ng Buwaya", ni Lazaro Francisco na may-akda ng nobelang satire na "Maganda pa ang Daigdig" at "Daluyong", at marami pang iba.

Batay sa mga totoong pangyayari at may mabisang paglalarawan ng tunggalian ng uri, ang mga akda sa aklat na Mga Agos sa Disyerto ay sadyang taga sa panahon, mga paglalarawan ng mga pangyayaring hanggang ngayon ay umiiral pa, lalo na ang kahirapan at pagmamalupit ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Mga kwentong hindi pumasa sa magasing Liwayway ngunit nanalo ng Palanca, at nailathala sa magasin ng kolehiyo, tulad ng The Quezonian ng MLQU.

Gayunpaman, bagamat mabisa ang mga paglalarawan, kulang upang kumbinsihin ang mambabasa upang baguhin nila ang api nilang kalagayan, baguhin ang bulok na sistema, baguhin ang mapagsamantalang lipunan. Marahil, hindi sakop ng panitikan ang ideyolohikal na pakikibaka. Ngunit may pangangailangang gamitin ang panitikan upang ilarawan ang masahol na kalagayan ng mahihirap sa ilalim ng kapitalistang sistema, at kasabay nito’y makapangumbinsi at manawagan ang panitikan ng pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan, paksain kahit pampulitikang ekonomya, kung bakit sosyalismo at di unyonismo ang landas ng paglaya, bakit walang dapat magmay-ari ng lupa’t pabrika, bakit kailangan ng sosyalistang rebolusyon, atbp.

Ang panitikan ay nagbabago, umuunlad. At ang mga kwentista'y mas nagiging matalas na rin sa pagsusuri sa lipunan. Kung noon ay palasak sa mga kwento ang malapyudal at malakolonyal na lipunan, ngayon naman ay naging tungkulin na ng mga manunulat na ilagay sa kwento ang mga pagsusuri ngayon batay sa kongkretong kalagayan ng kapitalistang lipunan. Nasapol ito mismo ni Rogelio Ordonez sa kanyang maikling kathang "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" nang kanyang tinalakay dito kung paanong ang isang bukirin ay naging pabrika, ang mga magsasaka'y naging manggagawa, pati na mga problema sa pabrika tulad ng kawalan ng umento sa sahod at ang pangamba sa pag-uunyon.

Sa ngayon, may panibagong hamon sa mga seryosong manunulat, ang ilarawan sa kanilang mga maikling kwento ang tunay na kalagayan ng mga aping sektor ng lipunan, laluna ang uring manggagawa, sa ilalim ng kapitalistang lipunang umiiral ngayon, at ang pangangailangan ng isang bagong sistemang ipapalit sa kapitalismo - ang sosyalismo. At ang mahalaga, mailathala ito sa mga magasin, at sa kalaunan ay maisalibro ito sa darating na panahon upang magamit din ng mga mag-aaral sa sekundarya at sa kolehiyo. Sa ngayon, tanging ang nobelang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos ang tumatalakay sa sosyalismo. Nasundan ito ng mahabang tulang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng Manggagawa) (1936) ni Lino Gopez Dizon. Ngunit sa pagsingit ng kaisipang pambansang demokratiko sa panitikan ay hindi na nasundan ang mga akdang may sosyalistang adhikain, na batay sa pagkakaisa ng uring proletaryado.

Ito ang kailangan ngayon ng bayan upang makatulong sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Mula sa Mga Agos sa Disyerto ay durugtungan natin ito ng mga kwentong magmumulat sa masa patungo sa ating sosyalistang adhikain.

Sa panahong disyerto pa ang panitikan, unti-unti natin itong tatamnan at didiligan upang maging lupaing masasaka, na mapapayabong ang mga tanim upang balang araw ay maani natin ang isang totoong lipunang makatao. Hanggang sa ito’y di na disyerto kundi isa nang lupaing sagana dahil wala nang panginoong maylupa't kapitalistang nag-aangkin ng likas yaman at huhuthot sa lakas-paggawa ng manggagawa. At sinisimulan na ito ngayon.

Siyanga pala, maraming salamat sa isang kasamang nagbigay ng aklat na Mga Agos sa Disyerto na kabilang sa mga binigay niyang halos dalawampung aklat pampanitikan, na pawang nasa sariling wika. Mabuhay ka, kasama!

Kabaliwan ng Sistemang Demolisyon at Kabalintunaan ng Relokasyon

KABALIWAN NG SISTEMANG DEMOLISYON AT KABALINTUNAAN NG RELOKASYON
ni Greg Bituin Jr.

Ilang beses na nating napanood sa telebisyon ang pakikipagbatuhan ng mga maralita sa mga demolition team. Sa Mariana at North Triangle sa QC, sa Laperal Compound sa Makati, sa R10 sa Navotas, at sa marami pang lugar sa kalunsuran. Nagkakabatuhan. Bato na ang naging sandata ng maralita upang ipagtanggol ang kanilang tahanan, upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Bato, imbes na M16, AK-47 o kalibre 45. Batong pananggalang nila sa kanilang karapatan. Batong pandepensa sa niyuyurakan nilang pagkatao at dignidad. Batong pamukpok sa ulo ng gobyerno para magising ito sa tungkulin nitong bigyan ng maayos na tahanan ang bawat mamamayan, kasama ang maralita.

Mararahas daw ang mga maralita. Dahas daw ang pambabato ng mga ito sa mga nagdedemomolis. Ulol talaga ang mga nagkokomentong iyon. Sila kaya ang tanggalan ng tahanan ng mga maralita kung hindi rin nila ipagtanggol ang kanilang tahanan. Alangan namang di lumaban ang maralita, at sabihan nila ang mga nagdedemolis ng "Sige po, wasakin nyo na po ang bahay namin, sirain nyo na po ang kinabukasan ng aming mga anak, at titira na lang po kami sa kalsada."

Di kasalanan ng maralita kung mambato sila. Sagad na nga sila sa sakripisyo at paghihikahos, tatanggalan pa sila ng bahay. Kahit sino ang tanggalan mo ng tahanan, tiyak na lalaban, tulad ng mga maralitang nakikipagbatuhan. Depensa nila ang mga bato, ekspresyon nila ng galit ang pakikipagbatuhan sa demolition team. Dahil karahasan din ang ginagawa sa kanila - ang karahasang idemolis ang kanilang bahay at kinabukasan.

Bakit kailangang umabot pa sa batuhan?

Una, dahil sa kabaliwan ng sistemang demolisyon. Wala itong pagsasaalang-alang sa buhay at dignidad ng maralita. Ang alam lang ng nagdedemolis ay mapalayas ang maralita at bahala na ang mga ito sa buhay nila, tutal masakit sila sa mata ng mga mayayaman.

Ikalawa, dahil di nagsusuri ang mga matatalino sa gobyerno. Basta nakitang barungbarong ang tahanan ng maralita, ang problema agad nila ay bahay, kaya ang solusyon ay palayasin o kaya naman ay bibigyan ng bahay na malayo sa hanapbuhay ng maralita. Kung magsusuri lang sana ang gobyerno, matatanto nilang nagtitirik ng bahay ang maralita kung saan malapit sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, malapit sa trabaho, malapit sa pagkukunan ng ilalaman sa tiyan ng pamilya. Umalis sila ng probinsya dahil walang trabaho roon at dito sa lungsod nakahanap ng ikinabubuhay nila.

Ikatlo, dahil hindi kinakausap nang maayos ang mga maralita nang may pagsasaalang-alang sa kanilang buhay at kinabukasan. Ni hindi man lamang inunawa na ang kanilang kailangan ay hindi lang bahay, kundi trabaho at serbisyong panlipunan. Dapat unawain na hindi lang bahay ang problema ng maralita kundi ang kahirapan. Kaya sa bawat usapin ng maralita, dapat tandaang magkasama lagi ang kanilang tatlong mahahalagang usapin - ang pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Dahil isa lang diyan ang mawala ay problema na sa maralita.

Kabalintunaan din ang relokasyon sa malalayong lugar.

Una, ineengganyo ang mga maralita na magpa-relocate na dahil mas maganda raw ang buhay ng maralita pagdating sa relokasyon. Ngunit kabaligtaran ang nangyayari, mas naghihirap ang maralita sa relokasyon. Patunay dito ang naganap sa relokasyon sa Pandakaqui, Pampanga at sa Calauan, Laguna, na ayon sa ilang saksi ay nagaganap, halimbawa, ang bentahan ng puri kapalit ng kilong bigas.

Ikalawa, bibigyan ng bahay ngunit inilayo sa trabaho. Dahil di nila makain ang bahay, ang tendensiya, marami sa maralita ang nagbebenta ng ibinigay na bahay na malayo sa kanilang trabaho, upang magtirik muli ng bahay at muling maging iskwater sa lugar na malapit sa kanilang trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay. Dapat maunawaan ninuman, lalo na ng mga taong gobyerno, na kaya nagtayo ng bahay ang maralita sa kinatitirikan nila ngayon ay dahil malapit ito sa kanilang trabaho. Ang ilayo sila sa kanilang trabaho upang i-relocate sa malayo ay talagang nakakagalit at hindi katanggap-tanggap.

Ikatlo, ang ibinigay na bahay ay pababayaran ng mahal sa maralitang katiting na nga lang ang kinikita, ang bahay pa'y batay sa market value at escalating scheme (itinakdang pagtaas ng presyo sa takdang panahon), at hindi batay sa kakayahan ng maralita.

Ikaapat, ang totoong kahulugan ng relokasyon ay dislokasyon. Giniba na ang bahay, pinalayas pa, inilayo pa sa trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay, kaya tiyak na lalong gutom at kahirapan ang inaabot ng mga maralitang pamilya.

Kaya makatarungan ang panawagan ng maralita na in-city housing dahil malapit sa kanilang trabaho, at onsite development dahil dapat kasama ang maralita sa pag-unlad, hindi lang pag-unlad ng kalsada at mga negosyo. Panawagan ng maralita na imbes na sa market value nakabatay ang halaga ng pabahay, dapat ibatay ito sa kakayahan ng maralitang magbayad. Mungkahi nga'y sampung bahagdan (10%) lamang ng kita isang buwan ng maralita ang dapat ilaan sa pabahay, at hindi batay sa presyong nais ng kapitalista, o market value, dahil nga walang kakayahang magbayad ang maralita, kulang pa sa pagkain ang kanilang kinikita'y pagbabayarin pa sa pabahay. Halimbawa, dalawang libong piso (P2,000.00) ang buwanang kita ng isang mahirap na pamilya, P200 lang ang dapat ibayad nila sa bahay, at hindi dapat maipambayad ang salaping nakalaan na sa edukasyon, pagkain, kuryente, tubig at iba pang bayarin. Hindi dapat batay sa market value ang bahay, dahil karapatan ang pabahay at hindi negosyo.

Kinikilala pa ba ng kasalukuyang lipunan na ang mga maralita’y mga tao ring tulad nila? Kung laging etsapwera ang maralita, nararapat lamang magkaisa sila’t lumaban at tuluyan nang baguhin ang mapang-aping lipunang ito. Dapat magkaisa ang lahat ng maralita bilang iisang uri at lusawin na ang konseptong demolisyon at relokasyon!

Hangga't nagaganap ang batuhan sa demolisyon, hangga't inilalayo ang maralita sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, masasabi nga nating sadyang baliw ang sistemang demolisyon at sadyang balintuna ang iskemang relokasyon, dahil wala na ito sa katwiran at walang paggalang sa karapatang pantao at dignidad ng maralita. Hangga't may marahas na demolisyon at sapilitang relokasyon, magkakaroon muli ng batuhan bilang depensa ng maralita sa kanilang karapatan sa paninirahan. At marahil hindi lang mga demolition team at mga kalalakihan ang magkakasakitan, masasaktan din ang mga kababaihan at kabataang sapilitang inaagawan ng karapatang mabuhay ng may dignidad.

Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

Habilin

HABILIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa malao't madali'y aabutin ko rin ang oras ng paghihingalo, ang huling kabit ng aking hininga. Pagkat lahat naman ng tao ay darating doon. Yayao upang permanente nang ihimlay ang kahit di pa pagod na isip at katawan.Mula sa sinapupunan tungo sa libingan. Ang buhay ng tao'y alpha at omega, may simula at may wakas.

Hiling ko'y huwag ipagkait sa akin, sa huling sandali, ang pagbibigay ng mga kasama ng luksang parangal na kinagawian nang gawin ng kilusang mapagpalaya para sa mga kasamang namatay. Kahit sa maikli kong buhay ay pinatunayan ko, hanggang ngayon, ang aking katapatan sa adhikain tungo sa pagkakapantay-pantay at pagpawi ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon na siyang dahilan ng kahirapan ng sambayanan.

Payak na puntod lang ang nais ko, hindi marangal na libing. Payak na libing na tulad ng libing ng karaniwang mahihirap. Ang kabaong ay yari lamang sa tabla. Sa lamay ay naroon ang ilang kaibigan at mga kakilala, naglalaro ng dama, tses, o kaya'y baraha. Umiinom ng mainit-init na kapeng barako at pandesal o mga biskwit.

Kahit sa huling hantungan, nais kong maging tapat sa masa at sa uring manggagawang kahit papaano'y aking pinaglingkuran sa abot ng aking makakaya, sa kilusang sosyalistang aking nakasama sa loob ng mahigit dalawang dekada. Dahil ang buhay ko'y buhay ng isang aktibista, buhay ng isang rebolusyonaryo. Higit sa kalahati ng buhay ko'y ipinaglingkod ko sa kilusang sosyalista.

Ang ayaw ko lamang ay matulad pa ako sa mga desaparesido, o yaong mga dinukot at nangawala at hindi na nakita ang kanilang bangkay. Dahil ang pagiging desaparesido ay katumbas ng paghihirap ng kalooban ng mga nagmamahal sa nawawala. Mahabang laban pa ang susuungin ng mga nabubuhay upang makuha lamang ang iyong bangkay at mabigyan ng maayos na libing.

Gayunman, ang mga tulad kong aktibista'y maaaring mamatay na lang ng walang puntod. Marahil ay di ko na rin kailangan ng kabaong. Ngunit mas nais ng mga nabubuhay pa na may kabaong upang makita man lamang ako sa huli kong hantungan. Mas nais kong maging pataba sa halaman ang aking mga labi upang kahit papaano'y may pakinabang pa sa sambayanan. Sa aking kolum sa publikasyong The Featinean, isyu ng July-October 1996, p. 29, ay ito ang aking isinulat: "I wish that if I would die, my corpse would not be buried inside the casket but honorably laid in the soil so that in the cycle of life, I can still contribute. My dead body can help make new life, make plants grow, so that others may continue to live."

Marami akong aklat na isinulat. Mga katipunan ng iba't iba kong akda. Nawa'y may magpatuloy pa ng pagsasaaklat ng aking mga tula. At mapansin din ng National Book Store, kung saan ito ang kinalakihan ko, ang aking mga tula at kanilang mailimbag. Marahil mailimbag din ito ng University of the Philippines Press, DLSU Press, UST Press, o AdMU Press. Mahigit dalawang libo na ang aking tula sa internet, 2,000 tula para sa sambayanan, sari-saring paksa, sari-saring himutok, sari-saring pamukaw ng isip, sari-saring taludtod ng pag-asa, sari-saring saknong ng paglaya.

Ang iba pang mga aklat na nabili ko, panitikan at pulitika, na gawa ng iba't ibang paborito kong awtor,  at mga saliksik, ay inihahabilin ko na sa aking mga kapatid na nagnanais nito at sa tanggapan ng mga samahang kinilusan ko.

May isinulat na rin akong mahabang tula na pinamagatan kong "Una Kong Pamamaalam" na nais kong basahin ng isang kasama o kapamilya bago ako ihimlay sa huling hantungan. At magpa-xerox na rin ng marami nito para sa mga nais magkaroon ng sipi ng tula. Nalathala na ang tula kong ito sa aklat kong "Markang Putik" at maaari din itong makita sa internet, sa kawing na http://matangapoy.wordpress.com/2010/05/12/una-kong-pamamaalam/.

Ang huling habilin ko lamang ay magkaroon ang bawat isa ng kopya ng Kartilya ng Katipunan at ito'y kanilang basahin, namnamin at isabuhay. Maaari itong sabay nang ipamigay kasama ng tula kong "Una Kong Pamamaalam".

Ang nais kong tugtugin sa libing ay ang "Lipunang Makatao" ng Teatro Pabrika, ang "Pag-ibig Ko'y Ikaw" ni Regine Velasquez, at ang "You Raise Me Up" ni Josh Groban. Tatlong awitin lang na paulit-ulit. Paborito ko si Martin Nievera dahil mga kanta niya ang madalas kong awitin dahil bagay sa aking boses, ngunit wala akong mapiling awit niya para sa okasyong ito.

Ang nais ko sa puntod ay hindi kurus kundi maso. Huwag sana itong ipagkait sa akin. Isinulat at ipinaliwanag ko na ito noon sa isang tula na pinamagatan kong "Maso ang Nais Ko sa Puntod".

MASO ANG NAIS KO SA PUNTOD
13 pantig bawat taludtod

maso, hindi kurus, ang nais ko sa puntod
pagkat ito’y tanda ng aking paglilingkod
sa uring manggagawang todo ang pagkayod
mabuhay lamang kahit kaybaba ng sahod

maso, hindi kurus sa puntod ang nais ko
pagkat ito’y tanda ng tangan kong prinsipyo
na lipunang ito’y lipunan ng obrero
di ng ganid na sistemang kapitalismo

maso ang nais ko sa puntod, hindi kurus
pagkat ito’y tandang naglingkod akong lubos
sa mga manggagawa’t mamamayang kapos
upang sa araw-araw sila’y makaraos

maso’t di kurus sa puntod ang aking nais
pagkat ito’y tanda ng prinsipyong malinis
hangad na sistema’y di maging labis-labis
at mapalitang tunay ang lipunang lihis

Ito naman ang isinulat ko na nais kong mailagay sa aking lapida. Nalathala ito sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8. 

TAGLAGAS
9 pantig bawat taludtod

Kung sakali’t ako’y lumutang
sa sariling dugo’t tuluyang
inangkin ng lupa, hiling kong
sa lapida’y maukit itong
soneto ko ng luha’t tuwa:
“Dito’y himbing na nahihimlay
ang makata ng rebolusyon,
at abalang iginagala
sa daigdig ng talinghaga
ang mapaglaro niyang diwa’t
masalimuot na haraya,
habang humahabi ng saknong
at mapagpalayang taludtod
para sa uring manggagawa
at sa masa ng sambayanan.
At sa pagdatal ng taglagas
siya’y babangon sa pag-idlip
upang ituloy ang paglikha
sa iba namang katauhan."

Mabuhay ang kilusang masa!  Mabuhay ang kilusang sosyalista! Tuloy ang laban!