Miyerkules, Hunyo 20, 2012

Ang aklat ng pagsasalin

ANG AKLAT NG PAGSASALIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang mapagpalayang araw itong nakaraang Hunyo 16 para sa akin. Dahil nagkaroon ako ng libro hinggil sa pagsasalin (translation) na sinulat mismo ng mga Pilipino at nakasulat sa sariling wika. Noong Hunyo 11, inanunsyo ng aking kaibigang manunulat na si Beverly Siy sa grupong Panitikan sa facebook na may Book for Sale sa Chef's Bistro, na nagkakahalaga lang ng P35 isa, agad kong nakita ang kailangan kong aklat. Nilathala niya sa FB ang iba't ibang pamagat ng mga aklat at nakadikit ang presyong P35. 

Unang-una sa talaan ay nakasulat: P35.00 patnubay sa pagsasalin, virgilio almario, teo antonio, mario miclat, etc. Ito lang ang napili ko sa talaan, kaya nagpadala agad ako ng mensahe sa kanya na gusto kong mabili ang libro. Syempre, hard-to-find book iyon. Bihira sa mga bookstores.

Si Beverly Siy, o Bebang sa kanyang mga kaibigan, ay isang magaling na manunulat at makata. Katunayan, ang kanyang huling libro, ang "It's a Men's World" kung baga sa pelikula, ay patok sa takilya. Best-seller ito, ika nga. Isa siya sa pasimuno ng Book for Sale na iyon, at ang kikitain sa aktibidad na iyon ay para kay Ava, isang kapwa manunulat na nangangailangan ng suportang pinansya para sa kanyang pagpapagamot. Di ko kilala si Ava ngunit ang makatulong sa kapwa manunulat sa oras ng pangangailangan nito ay mahalaga at napakalaking bagay na.

Hunyo 16 ng katanghaliang tapat, mga bandang alas-dose y media, nang makarating ako sa Chef's Bistro, na nasa Sct. Gandia, malapit sa Tomas Morato sa Lungsod Quezon.  Marahil dahil oras ng pananghalian iyon. Nagkita kami ni Bebang at siya pala ang tumatao sa isang booth ng book for sale. May apat pang may paninda ring libro.Kaunti lang ang tao, hindi nga siksikan. Agad kong nilapitan si Bebang at hinanap ang libro. Sabi niyang nakangiti, bumili muna ako ng libro sa ibang booth, kaya nilapitan ko muna yung ibang booth at naghanap. Napili ko ang librong Sudoku, P35, at isang college workbook sa algebra, P5 lang. Saka ako nagbalik kay Bebang at binayaran ang libro. Kaya sa kabuuan, nalagasan ako ng P75 ngunit sulit naman. Pagkabili ko ng mga aklat, agad kong pinuntahan ang nakaiskedyul kong pagdalo sa isang talakayan, mula ikalawa hanggang ikalima ng hapon. Dahil sa trapik at malakas na ulan, nakarating ako sa tinutuluyan ko ng bandang ikapito ng gabi. Agad kong binuklat ang aklat at binasa.

Ang aklat na ito'y may pamagat na "Patnubay sa Pagsasalin", at sa bandang itaas nito ay nakasulat ang "Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining" o sa wikang Ingles ay National Commission for Culture and the Arts. (NCCA). Sa gawing kanan, ibabang bahagi ay nakasulat ang mga pangalan ng sampung may-akda: Virgilio S. Almario, Teo T. Antonio, Aurora E. Batnag, Paz M. Belvez, Pamfilo D. Catacataca, Andres Cristobal Cruz, Clemencia C. Espiritu, Teresita F. Fortunato, Maria Victoria A. Gugol, at Mario I. Miclat. May 174 pahina ang buong pagtalakay hinggil sa pagsasalin, may anim na kabanata, talasanggunian, at dalawang apendiks.

Masarap basahin ang anim na kabanata dahil magaan ang pagkakasulat sa sariling wika. Ang anim na kabanata'y ang mga sumusunod: 1. Kasaysayan ng Pagsasalin; 2. Mga Simulain at Pagsasalin; 3. Kaalamang Pangwika; 4. Paghahanda sa Pagsasalin; 5. Aktuwal na Pagsasalin; at 6. Ebalwasyon ng Pagsasalin. Malaking tulong sa akin ang aklat, lalo na sa aking gawaing pagsasalin.

Noong taon 2007 ay nakapaglathala ako ng dalawang libro ng pagsasalin hinggil sa mga sulatin ng rebolusyonaryong si Che Guevara. Wala akong nabasang gabay sa pagsasalin nang magsimula ako sa gawaing ito, maliban sa isang diksyunaryo - ang makapal na librong English-Tagalog dictionary ni Fr. Leo James English na nabili ko ng ilang taon na. Bandang 2010 ay nawala na lang ang diksyunaryong ito sa aking lalagyan at walang makapagsabi kung nasaan ito o kung sinong humiram. May kumuhang hindi nagpaalam at hindi na ito naibalik sa akin. Gayunpaman, patuloy pa rin ako sa gawaing pagsasalin.

Gumawa na rin ako ng sariling blog sa internet ng mga naisalin kong artikulo nina Marx, Engels, Lenin, Ka Popoy, at iba pa. May iba't ibang organisasyon din ang kinokontak ako para maisalin mula sa wikang Ingles ang kanilang ilang dokumento upang mas maunawaan ito ng mga kasapi nilang masang maralita. Kahit press statement, press release at mga polyeto sa rali, pero mas ginagamit ko na sa mga polyeto ang paraan ko ng pagsusulat, imbes na eksaktong pagsasalin ng akda.

Sa isa ngang pambansang samahan ng maralita kung saan boluntaryo akong tumutulong sa gawaing impormasyon at pahayagan, pag nagbigay ka ng Ingles na babasahin, sasabihin pa sa akin ng mga lider-maralita, "Paki-Tagalog mo naman ito." Pati na ang counter-thesis ni Ka Popoy Lagman ay naisalin ko na rin sa wikang Filipino. Nasimulan ko na ring isalin sa wikang Filipino ang "The Housing Question" ni Friedrich Engels dahil kahilingan ito ng ilang lider-maralita. Ang unang limang kabanata ng Sining ng Digma ni Sun Tzu ay naisalin ko na rin.

May isinasalin din akong dalawang klasikong libro ng mga kilalang manunulat, ang isa rito ay nagkamit ng Nobel Prize for Literature. Kaya kinausap ko si Bebang na may isinasalin akong dalawang aklat, ngunit hindi ko sinabi sa kanya kung ano eksakto ang mga iyon. Kaya pinayuhan niya ako. Magpaalam muna ako sa awtor ng isasalin kong aklat, o kung klasiko naman, pwede namang isalin ito. At para makatiyak ako, pinasapi niya ako sa Filipinas Copyright Licensing Society, Inc. (FILCOLS), at agad naman akong pumirma.

Palagay ko naman, may karapatan akong pumirma at maging kasapi. Dahil bukod sa itinayo ko at pinamamahalaang Aklatang Obrero Publishing Collective, nakapaglathala na ako ng mga aklat ko ng mga tula, kwento at sanaysay, tulad ng Fire in the Pen, Asin sa Sugat, Mga Sugat sa Kalamnan, at Tula.45, Markang Putik, at Taludtod at Makina. Nailathala ko na rin ang mga sulatin ng maraming kasama sa pakikibaka, tulad ng tatlong aklat ng sulatin ni Ka Popoy Lagman, na dati kong boss sa kilusang sosyalista, isang libro ng mga kasama hinggil sa kanya, at anim na libro ng katipunan ng panitikan ng mga kasama sa kilusang sosyalista.

Kaya ang aklat ng pagsasalin na aking nabili sa murang halagang P35 lamang ay napakamahal na sa akin, hindi dahil sa presyo kundi sa halaga nito sa aking gawain, upang mas magkaroon pa ako ng mas malalim na pag-unawa sa gawaing pagsasalin. Kaya maraming salamat, kaibigang Bebang, dahil talagang malaking tulong sa akin ang nasabing aklat.