Huwebes, Nobyembre 28, 2013

Ang mga mapagpalayang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao"


ANG MGA MAPAGPALAYANG AWITING "BAYAN KO" AT "LIPUNANG MAKATAO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao" ang dalawa sa mga paborito't mapagpalayang awiting inaawit sa maraming pagtitipon. Ang "Bayan Ko" ay popular sa pagtitipon ng mga aktibista, lalo na yaong nasa kilusang makabayan. Ang "Lipunang Makatao" naman ay popular sa pagtitipon ng mga manggagawa't dukha, lalo na yaong nasa kilusang sosyalista.

Dalawang awiting mapagpalaya. Dalawang awiting dapat isapuso at kantahin ng sinumang mapagmahal sa kalayaan at ayaw sa lipunang mapagsamantala.

Ang awiting "Bayan Ko" ay isa sa mga tula ng makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, at naging Hari ng Balagtasan. Ang awiting ito'y nalathala sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, na pinamatnugutan ni Virgilio S. Almario, na nasa pahina 184-185.

Ayon sa talababa blg. 63 sa nasabing aklat, na nasa pahina 200: "Ang pagtaya na sinulat ang titik ng awit na ito sa taong 1929 ay batay sa isang sipi ng musikang nasa pag-iingat ng balo ni Corazon at limbag ng Perlas Music Store, Bustos, Maynila."

BAYAN KO
ni Jose Corazon de Jesus


Ang bayan kong Pilipinas,
Lupain ng ginto't bulaklak;
Pag-ibig ang sa kanyang palad,
Nag-alay ng ganda't dilag.

At sa kanyang yumi at ganda,
Dayuhan ay nahalina;
(Bayan ko ay binihag ka,
Nasadlak sa dusa!)

Ibon mang may layang lumipad,
Kulungin mo at umiiyak;
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas...

Pilipinas kong minumutya,
Pugad ng luha ko't dalita,
Aking adhika:
Makita kang sakdal laya!


Ang "Lipunang Makatao" naman ay mula sa panulat ng isang Resty Domingo na nagwagi sa unang gantimpala sa timpalak sa awit na pinamahalaan ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) noong 1988. Ito'y nilagyan ng himig nina Mar Laguna, Bobet Mendoza, Joey Asidera, at Elena Cruz. Ang instrumentalista ay sina Noel Cabangon para sa gitara (nylon, steel), synthesizer, (strings); Angelo Villegas para sa gitara (bass); at Rene Santos para sa drum set. Ang umawit naman nito ay si Razel Amisola para sa solo at ang grupong Teatro Pabrika para sa koro.

Ang liriko ng awiting ito ay sinipi mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.

LIPUNANG MAKATAO
ng Teatro Pabrika


Solo:
Luha'y dumadaloy sa mugto mong mga mata
Larawan mo'y kalungkutan at kawalan ng pag-asa
Magagandang pangarap sa buhay mo'y di makita
Nabubuhay ka sa panahong mapagsamantala.

Koro:
Gumising ka, kaibigan, ang isip mo'y buksan
Dapat mong tuklasin ang tunay na kadahilanan
Bakit may naghihirap na gaya mo sa lipunan
At sa dako roo'y hanapin ang kasagutan.

Tama ka, kaibigan, sila nga ang dahilan
Ang mapagsamantalang uri sa lipunan
Likhang yaman natin, sila ang nangangamkam
Na dapat mapasaatin at sa buong sambayanan.

Koro:
Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya
Panahon nang wakasan ang pagsasamantala
Sa diwa ng layunin tayo'y magkaisa
Lipunang makatao'y itindig ng buong sigla
Buong Sigla.

(Instrumental)
(Acapela ng koro)
(Ulitin ang koro kasama ng instrumento)

Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya.


Ang awiting "Lipunang Makatao" dahil na rin sa mapagpalayang nilalaman nito ay mas dapat kantahin sa maraming pagtitipon o pagkilos, tulad ng rali, konsyerto, talakayan, pulong-bayan, atbp. Dapat itong maisapuso, tulad ng pagsasapuso ng awiting "Bayan Ko".

Ang "Bayan Ko" ay hinggil lamang sa pagmamahal sa bayan, at ang nakikitang suliranin batay sa liriko ng awitin ay dayuhan. At upang lumaya ay dapat mawala ang mga dayuhan. Kaibang-kaiba ang awiting "Lipunang Makatao" na ang nakikitang suliranin ay ang mapagsamantalang uri sa lipunan, at hindi lang simpleng dayuhan.

Ang "Bayan Ko" ay pambansa. Ang "Lipunang Makatao" ay pandaigdigan. Ang "Bayan Ko" ay laban sa dayuhan. Ang "Lipunang Makatao" ay laban sa uring mapagsamantala. Sa "Bayan Ko", lalaya lang tayo kung mapapalayas na ang mga dayuhan, kahit naririyan ang mga Pilipinong naghaharing uri't nagsasamantala. Sa "Lipunang Makatao", lalaya tayo kung mawawala, hindi lang ang mga dayuhan, kundi higit pa roon, ay mawala ang mga Pilipinong naghaharing uri at nagsasamantala, at tuluyan nang mawakasan ang pagsasamantala ng tao sa tao. Ang "Bayan Ko" ay kinagigiliwang awitin ng mga aktibista at ng mga panggitnang uri sa lipunan, lalo na sa mga pagtitipon, tulad ng anti-pork barrel, ati-PDAF at anti-DAP. Ang "Lipunang Makatao" ay tiyak na aawitin ng mga aktibista ngunit hindi pa ng mga panggitnang uri sa lipunan.

Gayunman, hindi natin dapat paglabanin o pagpilian kung alin ang magandang awitin o magaling sa dalawa, dahil pareho silang mapagmulat at dapat nating awitin. Hindi dapat "Bayan Ko" lamang dahil hindi naman natatapos ang suliranin ng bayan pag napalayas na ang dayuhan. Dapat na taos-puso rin nating awitin ang "Lipunang Makatao" dahil hindi lamang dayuhan ang problema, kundi mga kababayan din, at higit sa lahat, ang sistemang mapagsamantala. Ayon nga sa awitin, panahon nang wakasan ang pagsasamantala, at tayo'y magkaisa't magsama-sama upang kamtin ang dakilang adhikaing ito, hindi lang para sa kasalukuyan, kundi para sa kinabukasan, at para sa mga susunod pang henerasyon.

Magandang pagnilayan natin ang kaibahan ng bayan at lipunan sa nakasulat sa aklat na "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman:

"Marami ang nag-aakalang ang “bansa” ang mismong “lipunan”. Ito ang turo ng gubyerno at iskwelahan. Kung ang “lipunan” ay siya mismong “bansa”, natural, hindi na pag-uusapan kung gusto nating maging myembro. Pero ang “bansa” at “lipunan” ay di iisa’t parehas na bagay. Ang “bansa” ay binubuo ng nagkakaisang lahi. Ang “lipunan” ay binubuo ng magkakaibang uri. Wala sa lahi ang pagkakaiba sa uri. Wala sa dugo ang tatak ng uri. Wala sa kalikasan ng bansa kundi nasa sistema ng lipunan. Walang kinalaman ang ating pagiging Pilipino sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin. Mayaman o mahirap, tayo’y Pilipino. Isinilang sa isang bansa. May diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pagawaan o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan. Pati pagkamakatao. Ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri."

Mungkahi kong sa bawat mapagpalayang pagtitipon ay hindi lamang "Bayan Ko" ang inaawit kundi huwag ding kalimutang awitin ang "Lipunang Makatao" upang mas maipatagos pa natin sa mas marami pa na hindi lamang pagmamahal sa bayan ang mahalaga, kundi ang pagpawi sa uring mapagsamantala at pagtatayo ng isang lipunang makatao.

Halina't awitin natin ang dalawang mapagpalayang awiting ito sa maraming pagtitipon, at ipaabot din natin sa mas marami pa ang kahulugan at kahalagahan ng dalawang ito sa kamulatan ng bawat isa tungo sa pagkakaroon ng mas maunlad na pagbabago sa bansa at sa lipunan, nang kasama ang lahat sa pag-unlad at hindi lamang ang iilan.

Linggo, Oktubre 13, 2013

Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad


Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong buwan matapos ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa maraming lugar sa Pilipinas noong Setyembre 26, 2009, idineklara naman ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (United Nations General Assembly) noong Disyembre 21, 2009 na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction). Layunin ng paggunitang ito na maiangat ang kamalayan kung ano ang mga isinasagawang paraan ng mamamayan, saanmang bansa sila naroroon, upang mabawasan ang panganib na kakaharapin nila kung sakaling dumating ang mga kalamidad. Ang mga kalamidad na binabanggit ay tulad ng bagyo, biglaang pagbaha, pagpasok ng tubig sa bahay, lindol, buhawi, ipu-ipo at iba pang likas na kalamidad.

Gayunman, noong una'y bahagya akong naguluhan sa termino, dahil mas kilala natin ang katagang DRR o disaster risk reduction, na karaniwang ibinibigay na programa sa ilang samahan dito sa Pilipinas. Disaster risk reduction o pagbawas sa panganib na dulot ng kalamidad, at hindi disaster reduction na pagbawas sa kalamidad. Hindi kasi natin mababawasan ang kalamidad dahil ito'y kalikasan at hindi gawa ng tao. Ang kaya nating bawasan bilang tao ay ang epekto ng kalamidad sa tao. Kung dati ay binabaha ang iyong tahanan, aba'y taasan mo ang lupang tinutuntungan ng iyong bahay, o kaya'y lumipat ka ng tahanan. Pero bakit nga ba disaster reduction ang mas piniling katawagan sa pandaigdigang araw na iyon, imbes na disaster risk reduction. Nais ko itong hanapan ng sagot. Marahil, ang DRR ay paraan upang mabawasan ang panganib habang ang disaster reduction ay paglalarawan sa isang nakaambang panganib.

Batay sa Resolusyon Bilang 44/236 noong Disyembre 22, 1989 ng PKNB, idineklara nila ang ikalawang Miyerkules ng Oktubre bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang mga Likas na Panganib (International Day for Natural Disaster Reduction), ngunit ito'y inobserbahan lamang sa loob ng sampung taon, mula 1990 hanggang 1999 dahil ang dekadang ito'y idineklarang Pandaigdigang Dekada upang Mabawasan ang mga Kalamidad (International Decade for Natural Disaster Reduction). Gayunpaman, umikli ang katawagan sa pandaigdigang araw na iyon nang sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 64/200 noong Disyembre 21, 2009, pinagtibay ng PKNB na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay paggunita sa Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction).

Iba't iba ang tema ng bawat taon mula nang italaga ang pandaigdigang araw na ito noong 2009. Isa-isahin natin.

Tema ng 2009 - "Ligtas ang mga ospital sa kalamidad" (Hospitals safe from disaster). Napakahalagang ligtas ang mga ospital dahil sa iba't ibang kalamidad sa Pilipinas, Vietnam, Tsina, Samoa, Indonesia at Silangang Aprika, na hindi lamang buhay ang mga nawala, kundi nasira din ang mga pasilidad at imprastrakturang pangkalusugan. Kaya minungkahi ng UN sa lahat na magtayo ng mga bagong ospital na hindi kayang yanigin ng mga kalamidad

Tema ng 2010 - "Naghahanda na ang aking Lungsod!" (My city is getting ready!) Ipinanawagan ng UN sa mga kasapi nito na dapat silang maging aktibo sa pagprotekta sa mga lungsod laban sa mga kalamidad. Nang taong iyin, maraming bansa ang sinalanta ng mga kalamidad, tulad ng lindol sa mga bansang Haiti, Chile, at New Zealand; pagbaha at bagyo sa Pilipinas, Pakistan, Silangang Europa, Mozambique, ay ilan pang lugar sa Aprika; ang mga pagkasunog ng kagubatan sa Rusya; at pagputok ng bulkan sa Indonesia at Iceland, kung saan nagdulot ito ng maramihang pagkawasak ng lugar, at matinding hirap sa mga tao.

Tema ng 2011 - "Ang mga Bata at Kabataan ay Katuwang sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad: Humakbang tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Children and Young People are partners for Disaster Risk Reduction: Step Up for Disaster Risk Reduction!) Tatlong kabataan ang naging tagapagsalita sa Pandaigdigang Plataporma tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Global Platform for Disaster Risk Reduction) sa Geneva na dinaluhan ng 2,600 kinatawan mula sa iba't ibang bansa.Ang tatlong batang ito'y sina Andre, edad 16, at Alicia, 14, ng Pilipinas, at Johnson, 17, mula sa Kenya. Dito'y inilunsad nila ang limang puntong Kasulatang Pinagkayarian ng mga Kabataan tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad (Children's Charter for Disaster Risk Reduction), na mula sa konsultasyon sa mahigit 600 kabataan mula sa 21 bansa.

Ang limang puntong ito sa Kasulatan ay ang mga sumusunod: (1) Dapat ligtas ang mga paaralan - at hindi nagagambala ang pag-aaral. (2) Pangunahin ang proteksyon sa mga bata, bago, habang, at matapos ang kalamidad. (3) Ang mga bata at kabataan ay may karapatang lumahok at makakuha ng impormasyong kinakailangan nila. (4) Dapat ligtas ang anumang imprastraktura sa komunidad, at ang pagtulong at pagtatayo muli ng mga nawasak ay dapat makatulong upang mabawasan ang panganib ng kalamidad. (5) Ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay dapat makarating sa mga matinding tatamaan ng kalamidad.

Tema ng 2012 - "Ang mga kababaihan at batang babae ay may kapangyarihang magtaguyod ng pagbabago." (Women and girls are powerful agents of change.) Ang kawalan ng pagkakantay dahil sa magkaibang kasarian ang naglalagay sa mga babae, bata at sa buong pamayanan sa panganib pag dumating na ang kalamidad. Kaya marapat lamang ang edukasyon upang maging pantay ang pagtingin sa bawat isa, at isama ang mga kababaihan at batang babae sa buhay ng lipunan. Ito'y dahil wala namang pinipiling kasarian ang kalamidad, kaya dapat lahat ay maging kasama sa paghahanda, lalo na ang mga kababaihan at batang babae. Sila'y mga epektibong daluyan ng impormasyon upang lahat ay magkaunawaan at magkatulungan, lalo na sa oras ng kalamidad.

Tema ng 2013 - "Pamumuhay kasama yaong may kapansanan at kalamidad (Living with Disability and Disasters). Ang mga taong may kapansanan ay hindi ligtas sa kalamidad, dahil sa kanilang kalagayan at karamihan sa kanila'y mahihirap, ay may kakulangang makakuha ng edukasyon, maayos na kalusugan, tirahan, pagkain at paggawa, bago pa tumama ang kalamidad. Karaniwang wala silang mahalagang papel sa proseso ng pagpaplano paano mababawasan ang panganib ng kalamidad, mapigil ang kalamidad o kaya'y magtayo ng masiglang pamayanan. Karaniwan din ay hindi sila nakakatanggap ng tulong na kailangan nila kapag may kalamidad, at hindi rin kaagad sila nakakabangon.

Ayon nga kay Ban Ki-moon, Pangkalatang Kalihim ng Nagkakaisang Bansa, "Nakakapagligtas ng buhay ang paglahok. At pinatatatag nito ang mga taong may kapansanan upang angkinin nila ang kanilang sariling kaligtasan - pati na ang kanilang pamayanan." (Inclusion saves lives. And it empowers persons with disabilities to take ownership of their own safety – and that of their community.)

May ilang mga dokumentong mahahalaga hinggil sa pagbabawas ng panganib ng kalamidad. Nariyan ang Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig (Yokohama Strategy and Plan of Action for a Safer World) ng 1994, ang Balangkas ng Pagkilos para sa Pagpapatupad ng Pandaigdigang Istratehiya tungo sa Pagbabawas ng Kalamidad (Framework for Action for the Implementation of the International Strategy for Disaster Reduction) ng 2001, ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) mula 2005-2015, at marami pang resolusyon ng Pangkalahatang Kapulungan.

Ang dokumentong Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig ang resulta ng pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Yokohama, Japan noong Mayo 23-27, 1994. Inilatag nito ang ilang patakaran hinggil sa pagpigil sa kalamidad, kahandaan at pagbabawas (mitigasyon). Ang unang bahagi ng dokumento ay naglalarawan ng mga alituntunin kung saan nakabatay ang istratehiya ng pagbabawas ng panganib. Ang ikalawang bahagi ang pinagkaisahang gabay ng pagkilos ng mga kasaping estado ng Nagkakaisang Bansa. At ang ikatlo naman ang naglalatag ng mga bagay hinggil sa mga susunod pang pagkilos.

Ito namang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) ang unang planong nagpapaliwanag, naglalarawan, at nagbibigay ng detalye sa kinakailangang mga pagkilos ng iba't ibang sektor at siyang kumikilos upang mabawasan ang mga mawawala sa kalamidad. Layunin nitong mabawasan ang mga pagkamatay dulot ng kalamidad at mabawasan din ang mga maaapektuhan sa usaping panlipunan, pang-ekonomya't pangkapaligiran kapag nariyan na ang kalamidad. Naisagawa ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo sa isang pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Lungsod ng Kobe, sa lalawigan ng Hyogo, sa bansang Japan, mula Enero 18 hanggang 22, 2005. May nakasaad na limang puntong nakapaloob sa Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo. Ito'y ang mga sumusunod:

1. Pagtiyak na ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay isang pambansa at isang lokal na prayoridad nang may matatag na batayang institusyonal sa pagsasakatuparan nito.

2. Tukuyin, suriin at subaybayan ang mga panganib ng kalamidad at patindihin ang maagang babala ng kalamidad.

3. Gamitin ang kaalaman, pagkamalikhain at edukasyon upang itatag ang isang kultura ng kaligtasan at katatagan sa lahat ng antas.

4. Pagbabawas ng mga batayang salik ng panganib.

5. Pagpapatibay ng kahandaan sa kalamidad para sa epektibong pagtugon sa lahat ng antas.

Napakarami nang bagyong nanalanta sa ating bayan, at napakarami nang tao ang nagbuwis ng buhay. Sa datos ng ating PAGASA, nariyan ang bagyong Uring noong Nobyembre, 1991 na 5,080 katao ang namatay, 292 ang nasaktan, habang may nawawalang 1,264 katao; bagyong Nitang noong Setyembre 1984, na 1,029 ang namatay, 2,681 ang nasaktan, at 464 ang nawawala. Sa mga nawasak ng bagyo, nariyan ang bagyong Rosing noong 1995 na sumira sa imprastrakturang nagkakahalaga ng P1.726B at agrikulturang nagkakahalaga ng P9.037B. Ang bagyong Loleng naman noong 1998 ay sumira ng imprastrakturang nagkakahalaga ng P6.787B at agrikulturang P3.695B.

Sa nakaraang dekada naman, umabot sa 337 ang namatay sa Ondoy (ABS-CBN, 100909), 102 namatay sa mga bagyong Pedring at Quiel (GMA News, 101011), 278 ang namatay sa bagyong Sendong sa Mindanao (Inquirer, 121711), 98 ang namatay sa Habagat (ABS-SBN, 081312). Umabot ng 1,621 ang namatay sa lindol noong Hulyo 16, 1990, at 847 naman ang namatay sa pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991 kung saan 364 komunidad at 2.1 milyong katao ang apektado.

Malaki ang nawawala. Ari-arian at buhay, kaya dapat nating maging handa kung sakali mang dumating ang mga kalamidad. Kailangang magsuri at maging mapanlikha upang maging akma ang mga gagawing solusyon. Ang mahalaga, mabawasan ang maaapektuhan ng kalamidad dahil nagawa natin ang nararapat, tulad ng adaptasyon, o pag-aangkop sa sitwasyon upang mabawasan ang panganib, tulad ng paglipat sa mataas na lugar pag nagbaha o pagpapatibay ng bahay kung sakaling marupok na ang mga haligi nito.

Kailangang laging handang kumilos ang mga awtoridad at mga tao sa komunidad, lalo na yaong nasa nanganganib na lugar, at may kaalaman sila at kapabilidad para sa epektibong paggampan sakaling nariyan na ang kalamidad. Lalo na sa Pilipinas na taun-taon na lamang ay dinadalaw ng bagyo't binabaha. Kailangan nating laging maging handa, hindi lamang simpleng mga pag-angat ng gamit sa ating mga tahanan sakaling magbaha, kundi ang kahandaan ng kalooban at kaalaman, kung sakaling tayo na ang sinasalanta ng kalamidad, at kahandaang tumulong sa iba pang sinalanta. Napakahalaga ng bayanihan ng taumbayan sa panahong ito ng kalamidad.

Ang Oktubre 13 bilang pandaigdigang araw ay dapat magpagunita sa atin ng taal na diwa ng bayanihan, kahandaan, pagtutulungan, at pakikipagkapwa-tao. Mahalaga ang bawat buhay, kaya mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa sa anumang mga kalamidad pang darating. Kailangang maging handa ng bawat isa sa mga darating pang kalamidad. Higit sa lahat, magtulungan at magbayanihan tayo upang masagip natin ang anumang buhay na maaaring mawala dahil sa kalamidad.

Mga pinagsanggunian:
http://www.un.org/en/events/disasterreductionday/, http://www.unisdr.org/2013/iddr/, http://kidlat.pagasa.dost.gov.ph/cab/tc_frame.htm, http://en.wikipedia.org/wiki/Typhoons_in_the_Philippines, http://www.abs-cbnnews.com/nation/10/09/09/death-toll-ondoy-rises-337, http://www.gmanetwork.com/news/story/234832/news/nation/pedring-quiel-death-toll-hits-102-ndrrmc, http://newsinfo.inquirer.net/112849/180-dead-nearly-400-missing-in-storm, http://rp1.abs-cbnnews.com/nation/08/13/12/95-killed-34-million-affected-habagat-rains, http://en.wikipedia.org/wiki/Mount_Pinatubo

Biyernes, Oktubre 11, 2013

Ang Limang Pandaigdigang Deklarasyon sa Kababaihan


ANG LIMANG PANDAIGDIGANG DEKLARASYON SA KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Pilipinas, ang kadalasang malakihang raling nagaganap taun-taon ay tuwing Marso 8 (Pandaigdigang Araw ng Kababaihan), Mayo 1 (Pandaigdigang Araw ng Paggawa), SONA (State of the Nation Address) tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo, at ang Nobyembre 30 (Kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio). Sa dalawang pandaigdigang araw na nabanggit, wala ang Mayo Uno bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa kalendaryo ng Nagkakaisang Bansa (United Nations). Bakit kaya? 

Gayunman, nakatala roon ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. At hindi lamang isang deklarasyon hinggil sa kababaihan ang nasa kalendaryo ng UN, may iba pa. At ito'y ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day) tuwing Hunyo 23, ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women) tuwing Oktubre 15, ang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence Against Women) tuwing Nobyembre 25, at ang pinakabago'y ang Pandaigdigang Araw para sa Batang Babae (International Day for the Girl Child) tuwing Oktubre 11.

Napakahalaga ng mga deklarasyong ito hinggil sa kababaihan, dahil halos kalahati ng populasyon ng mundo ay pawang mga babae. Pinahahalagahan natin ang mga babae dahil bawat isa sa ating narito sa kasalukuyan, maging ang ating mga ninuno, ay nanggaling sa tiyan ng bawat ina, babae.

Isa-isahin natin ang kasaysayan o pinanggalingan ng pagdedeklara ng araw na ito.

Marso 8

Mga sosyalista ang nagpasimula ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women's Day). Gayunman, sari-sari ang mga petsa bago naitalaga ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Noong 1909, ang unang Pambansang Araw ng Kababaihan ay pinagdiwang sa Estados Unidos sa petsang Pebrero 28. Itinalaga ang petsang ito ng Sosyalistang Partido ng Amerika bilang parangal sa welga ng kababaihang mananahi sa Nuweba York, kung saan nagprotesta ang mga kababaihan laban sa hindi magandang kalagayan sa pabrika. Noong 1910, sa pulong ng Pandaigdigang Sosyalista (Socialist International) na dinaluhan ng mahigit 100 kababaihan mula sa 17 bansa, idineklara nila ang isang Araw ng mga Kababaihan na pandaigdigan ang sakop, bilang parangal sa mga kilusan para sa karapatan ng kababaihan at upang makamit ang karapatan ng kababaihang maghalal at mahalal. Ginamit din ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang mekanismo upang iprotesta ang Unang Daigdigang Digmaan (WWI). At noong Marso 8 ng 1917 sa Rusya, nagprotesta't nag-aklas ang mga kababaihan para sa "Pagkain at Kapayapaan" na tumapat sa Marso 8 sa kalendaryong Gregorian, bagamat ginagamit ng Rusya sa panahong iyon ay kalendaryong Julian na tumapat sa Pebrero. Noong 1975, na siyang Pandaigdigang Taon ng Kababaihan (International Women's Year), sinimulan nang ipagdiwang ng UN ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8. 

Hunyo 23 

Ayon sa tala ng UN, libu-libong kababaihan ang mga nakaligtas sa dyenosidyo sa bansang Rwanda noong 1994 (1994 Rwandan genocide), mga kababaihang pawang namatayan ng asawa dahil sa digmaan. Lahat ay matinding natigatig, marami ang nagahasa, ang ilan ay nagkaroon ng HIV at marami sa kanila ang nakasaksi sa pagpatay sa kanilang pamilya. Mula 1994, nakikibaka na ang mga babaeng ito at ang mga organisasyong tumutulong sa kanila upang mabago ang pakikitungo sa mga kababaihan sa Rwanda, itinaguyod ang pagkakaroon ng madaliang pagkakaroon ng serbisyong medikal, pinansyal at pagpapayo, pati na rin pagbabago sa mga batas hinggil sa pag-aari, kasal, at karapatan sa mana ng kababaihan. Mula sa mga pangyayaring ito, idineklara ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (UN General Assembly) nitong Disyembre 21, 2010, sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 61/189, ang Hunyo 23 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day). Ayon kay UN Sec Gen. Ban Ki-moon,"Walang babaeng dapat mawalan ng karapatan pag namatay ang kanyang asawa - ngunit tinatayang 115 milyong balo o biyuda ang nabubuhay sa karalitaan, at 81 milyon naman ang pisikal na naaabuso. Maaaring mangyari rin ito sa mga babaeng may asawang mas matatandang lalaki. Gamitin natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda upang itaguyod ang karapatan ng lahat ng mga balo o biyuda upang gumaan ang kanilang buhay at mapagtanto nila ang kanilang malaking kakayahang makapag-ambag pa sa ating daigdig.

Oktubre 11

Nitong Disyembre 19, 2011, sa ika-89 na pulong plenaryo ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN General Assembly) ay pinagtibay ang resolusyon Bilang 66/170 na nagdedeklarang ang Oktubre 11 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw ng Batang Babae (International Day of the Girl Child). Ito'y bilang pagkilala sa karapatan ng mga batang babae at sa mga panibagong hamon na kanilang kakaharapin, pagtataguyod ng kakayahan ng mga batang babae, at pagtiyak na ang kanilang karapatan ay tunay na nasasaalang-alang. Kinikilala ng UN na may mga diskriminasyon pa ring nangyayari sa mga batang babae sa maraming panig ng mundo. 

Bagamat ang karapatan ng mga batang babae ay nakapaloob na sa Convention on the Rights of the Child, at sa paglaki nila'y sa iba pang pandaigdigang deklarasyon ng kababaihan, hindi sila hiwalay o hindi dapat inihihiwalay sa karapatan ng kababaihan sa kabuuan, ngunit binibigyang diin lamang o pokus ang mga batang babae sa deklarasyong ito, lalo na sa aspekto ng edukasyon, at karapatan ng mga bata. 

Oktubre 15

Noong Disyembre 18, 2007, sa pamamagitan ng Resolusyon 62/136, pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN GA) ang pagtatalaga sa Oktubre 15 bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women). Ito'y bilang pagkilala sa matinding papel at ambag ng mga kababaihan sa kanayunan, kasama na ang mga lumad o katutubo, sa paglilinang ng kaunlaran sa agrikultura at nayon, pagpapaunlad ng seguridad sa pagkain, at pagpawi ng kahirapan sa kanayunan. Ang tema ng ika-57 sesyon ng Komisyon sa Kalagayan ng Kababaihan (nitong Marso 4-15, 2013) ay: "Pagpawi at pagpigil sa lahat ng uri ng karahasan laban sa mga kababaihan at batang babae."

Nobyembre 25

Noong 1960, pinaslang ng diktadurya ni Rafael Trijillo ang tatlong magkakapatid na babaeng sina Patria Mercedes Mirabal (Pebrero 27, 1924-Nobyembre 25, 1960), María Argentina Minerva Mirabal (Marso 12, 1926-Nobyembre 25, 1960), at Antonia María Teresa Mirabal (Ocktubre 15, 1935-Nobyembre 25, 1960). Ang natira na lamang sa magkapatid ay si Bélgica Adela "Dedé" Mirabal-Reyes (isinilang - Marso 1, 1925). Mula 1981, idineklara na ng mga kababaihang aktibista ang Nobyembre 25 bilang araw laban sa karahasan. Noong Disyembre 20, 1993, pinagtibay ng PKNB ang Resolusyon Blg. 48/104 na siyang Pahayag para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (Declaration on the Elimination of Violence against Women).Naging ganap itong pandaigdigang araw noong Disyembre 17, 1999 sa pamamagitan ng Resolusyon 54/134 ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa nang ideklara nito ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence against Women).

Ilang pagninilay

Bagamat halos lahat ng deklaradong pandaigdigang araw sa UN ay pangkalahatan, babae man o lalaki, ang mga pandaigdigang araw para sa kababaihan ay hindi lamang para sa mga babae, kundi para rin sa kalalakihan, upang magkaunawaan ang bawat isa. Binigyang diin lamang dito ang pagtataguyod sa karapatan ng kasariang sa matagal na panahon ng pagsulong ng lipunan ay napabayaan at halos hindi natatamasa ang kanilang karapatan.

Sa palagay ko, dapat isama rin ang Mother's Day sa mga pandaigdigang deklarasyon, pagkat wala pa ito sa talaan ng United Nations. Gayunman, bagamat ito'y hindi pa nakaukit sa pandaigdigang deklarasyon, tiyak na nakaukit ito sa puso ng bawat isang nagmamahal sa ating mga ina.

Sa Pilipinas ngayon, mas kilala ng kababaihan ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan dahil taon-taon itong ginagawa. Kita ito sa malalaking rali ng kababaihan sa araw na ito. Bago lamang ang ilan pang deklarasyon. Bagamat nasimulan na rin sa Pilipinas ang pagkilala sa Nobyembre 25 ay bihira pa rin ang nakakaalam ng araw na ito. Gayunman, nasimulan na rin ilang taon na ang nakararaan ang mga malawakang pagkilos ng kababaihan pag sumasapit ang Nobyembre patungong Mendiola, sa lugar ng makasaysayang protesta. 

Bagamat bago pa lamang ang deklarasyon ng Oktubre 11 para sa mga batang babae, Oktubre 15 para sa mga babae sa kanayunan, at Hunyo 23 para sa mga biyuda, dapat bigyan din ang mga petsang ito ng kapantay na halaga, tulad ng Marso 8 at Nobyembre 25. Kailangan din itong gunitain bilang pagkilala sa mga babae, anuman ang katayuan nito sa buhay, bilang pantay ng lahat ng tao sa karapatan at hindi dapat nakakaranas ng karahasan. Kailangan pa ang mga deklarasyong ito sa ngayon habang marami pang nagaganap na karahasan sa kababaihan bilang paalala sa bawat isa ang paggalang sa karapatang pantao.

Ang mga pandaigdigang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi lamang dapat kababaihan ang gumunita at magsikilos, kundi kaming mga kalalakihan din. Pagkat ang bawat karapatan ay dapat tamasahin ng lahat ng tao, anuman ang kanyang kasarian upang matiyak nating ang daigdig na ito'y may paggalang sa bawat isa, iginagalang ang dignidad at pagkatao ng bawat isa, at hindi dinarahas, hindi niyuyurakan, o binabalewala ninuman. Higit sa lahat, ang bawat isa'y nagpapakatao, nakikipagkapwa-tao at iginagalang ang dangal at pagkatao ng bawat isa.

Lunes, Setyembre 16, 2013

Dapat Aquino Patalsikin (DAP)

Dapat Aquino Patalsikin!

Nalublob na sa maraming krimen ang pangulong hindi na nagsisilbi sa sambayanan kundi sa interes na lang ng kanyang mga kauri. Nalublob na sa maraming isyu ang anak ng dalawang itinuturing na bayani ng bayan. Habang lublob pa rin sa putik ng kahirapan ang sambayanan.
Ang huling kontrobersyang naglublob kay Aquino ay ang Disbursement Acceleration Program (DAP). Ito ang mga pondong galing sa kaban ng bayan na ginawang savings ng ehekutibo dahil hindi ginamit ng mga ahensyang pinaglaanan ng pondo. Aba'y Dinakma Ang Pondo! At ang DAP na ito'y nagtila Distributing Aquino's Pork. Nauna sa isyung ito ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), isa sa sistema ng pork barrel na ginamit ng mga kongresista't senador para sa sariling interes.
Ayon sa Korte Suprema, unconstitutional ang ilang probisyon ng DAP. Ibig sabihin, Deklaradong Ang Pork na ito ay lumalabag sa Saligang Batas.
Dumepensa Ang Palasyo. Hindi raw masama ang DAP dahil napunta naman daw sa mabuti ang pondo. Tulad ng may malaking pondo para sa paninirahan, ngunit hindi ginamit sa maralitang walang tirahan, kinuha ang pondo, ginawang savings, upang magamit daw para sa pabahay ng maralita. Tulad ng pagbabawas ng kalahati sa P10,000 dapat tanggapin ng mga guro. P5,000 na lang sa guro at ang natirang P5,000 ay ginawang savings para ilaan sa iba. Kawawang guro!
Defending Aquino's Presidency. Nagtalumpati ang pangulo at sinabing mali ang 13-0, 1-abstain, na desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP. Pinasaringan niya ang Korte Suprema. Gumanti ang mga kaalyado ng pangulo, at balak distrungkahin ang pondo ng hudikatura - ang Judicial Development Fund o JDF. “Dahil Ako'y Pangulo, dapat makinig kayo!" ang ipinahiwatig na mensaheng ipinaaabot ni Noynoy.
Ano ang epekto ng mga pinaggagagawang ito ng Pork Barrel King sa sambayanan?
Dukha Ang Pilipino. Ang mga numerong nagsasabing umangat na ang ekonomya ay hanggang papel lamang. Hindi naman ito naramdaman ng karaniwang Pilipino. Sa katunayan, nagtaasan pa nga ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang isang kilong bawang, na nagkakahalaga noong nakaraang taon ng P60-P70 kada kilo ay sumirit ng ilang triple at naging P350-P400 kada kilo. Nagtaasan din ang presyo ng bigas, karne, isda, kuryente at tubig, habang hindi naman tumaas ang sahod ng karaniwang manggagawa.
Dinemolis Ang Paninirahan. Maraming mga maralita ang tinanggalan ng paninirahan mula sa danger zone ay dinala sa death zone, tulad sa relokasyon sa Calauan, Laguna, sa mga bundok ng Tanay o Baras sa Rizal, sa San Jose del Monte o Bocaue sa Bulacan at ang iba nama’y sa Trece Martires sa Cavite. Dinemolis ang maraming maralitang nakatira sa estero, ilalim ng tulay at malapit sa ilog, lalo na sa 8 major waterways ng San Juan, Pasig, Tullahan, Manggahan floodway, Maricaban creek, Maypajo, Estero Tripa de Galina, at Estero de Sunog Apog. Ngunit ano ang ibinigay na relokasyon? Hindi maaring tirhan ang mga relocation sites, ang karamihan sa mga ito ay minadaling itayo. Walang sapat na suplay ng tubig at kuryente, walang ring mga drainage, at  kilo-kilometro pa ang layo ng pinakamalapit na paaralan, pagamutan, at palengke.
Dininig Ay Pribatisasyon. Isinapribado na sa panahon ni Aquino ang maraming serbisyong publiko. Kamakailan lang ay naging pag-aari na ng Koreano ang Angat Dam na pinagkukunan ng Metro Manila. Ang Meralco ay pag-aari na ng isang tycoon sa Indonesia. Balak pang isapribado ang 71 pampublikong ospital, tulad ng Philippine Children's Medical Center sa Lungsod Quezon. Tinatanggal na sa kamay ng pamahalaan ang dapat niyang serbisyo upang ibenta sa mga pribadong korporasyon, na kadalasan ay dayuhang kapitalista.
Dinistrungka Ang Panata. "Kayo ang Boss Ko" ang sabi niya noong maupo sa pwesto, ngunit hindi pala ang masa ang kanyang boss kundi ang mga kapitalista at naghaharing uri sa lipunan. "Dadalhin ko kayo sa tuwid na daan" ngunit ang tuwid na daan pala'y patungo sa impyerno. Hindi pa rin matanaw ng sambayanan ang pagkaalpas nila sa kumunoy ng karukhaan. "Kung walang corrupt, walang mahirap" na ang ibig sabihin, "kung maraming mahirap, marami pa ring corrupt". Ayon sa survey ng SWS nito lamang Enero, nasa 55% ang nagsabing naghihirap pa rin sila.
Diktador Ang Postura. Nais ni Pangulong Aquino na baguhin ang Saligang Batas at Dapat Ay Palawigin ang kanyang termino. Kabaligtaran ito sa kasaysayan at paninindigan ng kanyang ama't ina noong kapanahunan ng mga ito. Nilabanan ni Ninoy Aquino ang nais na ikatlong termino ni Marcos, na upang mapalawig ang termino ay binago ang Saligang Batas. Sa panahon naman ni Cory, ginawang isang anim na taon lamang ang termino ng pangulo sa bagong Saligang Batas. Nilabanan nina Ninoy at Cory ang diktadura, ngunit si Noynoy na kanilang anak, nag-aastang maging diktador!
Dusa At Pahirap. Mas dininig pa ng pangulo ang bulong ng mga kapitalistang ipalaganap ang salot na kontraktwalisasyon at mababang sahod sa mga manggagawa. Patuloy ang mga demolisyon ng bahay ng maralita. Patuloy ang mataas na presyo ng mga batayang pangangailangan ng tao, tulad ng bigas, karne, isda, kuryente, tubig, Patuloy ang pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo. Panahon nang manawagan dapat nang tapusin ang mga dusa at pahirap na ito.
Dakpin Ang Pusakal. Hindi lang sina Tanda at BonJing ang dapat makulong dahil sila'y nasa oposisyon, kundi lahat ng sangkot sa katiwalian, mapa-administrasyon man o oposisyon. Sinumang mapatunayang may kasalanan ay dapat makulong sa bilangguan at hindi sa ospital.

Hindi na siya nakatupad sa kanyang mga pangako sa sambayanan, nais pa niyang baguhin ang Saligang Batas at palawigin ang termino. Hindi na siya nagsisilbi sa sambayanang Pilipino, nais pa niyang isapribado ang mga serbisyong pampubliko. Kailangang palitan na ang pamahalaang Aquino ng isang gobyernong maglilingkod sa sambayanan at hindi sa iilan. Isang gobyernong para sa sambayanan, at pinatatakbo ng sambayanan. Panahon na! Dapat Aquino Patalsikin!

Huwebes, Agosto 29, 2013

Ang Internasyunalismo ng Kartilya ng Katipunan

ANG INTERNASYUNALISMO NG KARTILYA NG KATIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi lang pam-Pinoy ang Kartilya ng Katipunan. Magagamit ito ng sinuman, anuman ang kanyang nasyunalidad, upang mapabuti ang kanyang kalagayan, pagkat ang Kartilya ay mga alituntunin ng kagandahang asal na dapat isapuso ng sinuman. Ang Kartilya ng Katipunan ay nakapaloob sa polyetong "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito" na inilabas noon ng Katipunan bilang gabay sa pangangalap ng mga katipunerong lalaban para sa kalayaan ng bayan.

Kaya Aleman ka man, Pranses, Indones, Malay, o anupamang lahi, ay magagamit ang Kartilyang ito. Dahil wala namang naka-ispesipiko na pam-Pinoy lang ito. Nang isinalin ito sa wikang Ingles, o anupamang wika o diyalekto, at huwag lalagyan ng pamagat o pinanggalingan nito, mahihinuha mong ito'y unibersal o panlahat ng tao. Nakalahad sa ibaba ang sipi ng Kartilya ng Katipunan na may salin sa wikang Ingles, na inayos ng Kamalaysayan noong Hulyo 1992 para sa Katipunan, Sandaan!, at isinalin sa English ng yumaong Paula Carolina Santos-Malay. (mula sa kawing na http://kartilya-katipunan.blogspot.com/ at sa http://filipinos4life.faithweb.com/K-review.htm)

Kaya ang isinulat noon ni Emilio Jacinto na Kartilya ng Katipunan ay di lang pambansa, kundi pandaigdigan, pang-unibersal. Ibig sabihin, internasyunalismo ang Kartilya ng Katipunan, at hindi lamang para sa mga makabayang Pinoy. ito'y mga gabay ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Nagkataon lang na Katipunero ang nagsulat nito, at dito tayo sa bansang ito isinilang. Kaya kung susuriin natin ang Kartilya ng Katipunan, ito'y gabay na magagamit kahit na ng hindi kasapi ng Katipunan. Tulad ngayon na hindi na umiiral ang Katipunan na itinayo ni Bonifacio, ngunit ang mga aral nito ay mapaghahalawan pa natin ng aral, at matatagpuang hindi lang ito pambansa kundi pangkalahatan.

Kung maipapalaganap ang bersyong Ingles ng Kartilya ng Katipunan, lalo na sa mga taga-ibang bansa, tiyak na matutuwa ang marami sa mga ito, at maaaari nilang angkinin. Sa gayon, ang unibersalidad ng Kartilya ng Katipunan ay magiging ganap. At ito ang isa sa dapat nating gawin: ipalaganap ang Kartilya ng Katipunan sa daigdig at may salin sa iba't ibang wika upang mas tumagos ito sa puso't diwa ng higit na nakararami.

Halina't namnamin natin ang timyas ng mga pananalitang gabay ng Kartilya ng Katipunan sa ating pagkatao at mula doon ay atin itong isapuso't isadiwa. Pagnilayan din natin ang salin nito sa wikang Ingles na maaari rin nating ipamahagi sa mga kaibigang banyaga, o sa mga dayuhan.

1. “Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi (man) damong makamandag." (A life that is not dedicated to a noble cause is like a tree without a shade or a poisonous weed.)

2. "Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan." (A deed lacks nobility if it is motivated by self-interest and not be a sincere desire to help.)

3. "Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuwiran." (True piety consists of being charitable, loving one's fellowmen, and being judicious in behavior, speech and deed.)

4. "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mang­yayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao." (All [persons] are equal, regardless of the color of their skin. While one could have more schooling, wealth or beauty than another, all that does not make one more human than anybody else.)

5. "Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri." (A person with a noble character values honor above self-interest, while a person with a base character values self-interest above honor.)

6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." (To a [person] of honor, his/her word is a pledge.)

7. "Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring mag­balik; ngunit panahong nagdaan na'y di na muli pang magda­daan." (Don't waste time; lost wealth can be retrireved, but time lost is lost forever.)

8. "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi." (Defend the oppressed and fight the oppressor)

9. "Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim." (The wise man is careful in all he has to say and is discreet about things that need to be kept secret.)

10. "Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang uma­akay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." (Ang simula nito'y obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, ang katumbas nito ay ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa samâ, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.") (In the thorny path of life, the man leads the way and his wife and children follow. If the leader goes the way of perdition, so do the followers.)

11. "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasang­gulan.” (Never regard a woman as an object for you to trifle with; rather you should consider her as a partner and helpmate. Give proper considerations to a woman's frailty and never forget that your own mother, who brought you forth and nurtured you from infancy, is herself such a person.)

12. "Ang di mo ibig gawin (ng iba) sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba." (Don't do to the wife, children and brothers and sisters of others what you do not want done to your wife, children and brothers and sisters.)

13. "Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangu­ngusap, may dangal at puri, yaong di nagpa­paapi't di nakikiapi; yaong marunong mag­dam­dam at marunong lumingap sa bayang tinubuan." (A (person's) worth is not measured by his/her station in life, neither by the height of his nose nor the fairness of skin, and certainly not by whether he is a priest claiming to be God's deputy. Even if he is a tribesman/tribeswoman from the hills and speaks only his/her own tongue, a (person) is honorable if he/she possesses a good character, is true to his/her word, has fine perceptions and is loyal to his/her native land.)

14. "Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang mag­kakalahi't magkakapatid, ng ligayang walang kata­pusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan." (When these teachings shall have been propagated and the glorious sun of freedom begins to shine on these poor islands to enlighten a united race and people, then all the loves lost, all the struggle and sacrifices shall not have been in vain.)

Biyernes, Agosto 23, 2013

Kung Bakit Salbahe ang Salitang "Salvage"


KUNG BAKIT SALBAHE ANG SALITANG "SALVAGE"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wikang Ingles ang salitang "salvage" na ang ibig sabihin ay "save" o isalba, sagipin, iligtas. Ginagamit ito lalo na sa pagsagip ng isang barko. Ngunit sa wikang Filipino, hindi pagsagip, pagligtas at pagsalba ang ibig sabihin ng salitang "salvage" kundi ang kabaligtaran nito - pagpatay, pagpaslang, pagsalbahe sa katauhan at katawan ng isang tao. Sa kahulugang ligal, ang "salvage" ay "summary execution" o "extrajudicial killing". Sa ating bansa lamang masasabi na ang salitang "salvage" ay nangangahulugang pagpaslang.

Nang sumadsad ang barkong USS Guardian ng US Navy sa Tubbataha Reef sa Palawan hanggang sa pagtanggal ng barko nitong Marso 30, 2013, narinig natin ang pag-uusap hinggil sa pag-salvage ng barko, na ibig sabihin ay pagsalba. Tingnan natin ang balitang ito: "(CNN) -- The Guardian is gone. What was left of the former U.S. Navy minesweeper was lifted off a Philippine reef on Saturday. "As the hull has been removed, the team is now shifting their effort to collecting minor debris that remains on the reef," the head of the salvage operation, Navy Capt. Mark Matthews, said in a statement. "Every salvage operation presents unique challenges. It has been difficult to extract the Guardian without causing further damage to the reef, but the U.S. Navy and SMIT salvage team with support from other companies and the government of the Philippines have really done a superb job. I could not be more proud," Matthews said. (Minesweeper lifted from Philippine reef, By Brad Lendon, CNN March 30, 2013 http://edition.cnn.com/2013/03/30/world/us-navy-ship-reef/index.html)

Ganito naman ang balita sa Pilipinas: "MANILA, Philippines—The salvage team working on the USS Guardian, which ran aground in Tubbataha Reef, removed the warship’s last remaining section early Saturday afternoon after being stuck on the Unesco World Heritage site for more than 10 weeks, a Philippine Coast Guard (PCG) official said. PCG Palawan District chief Commodore Enrico Efren Evangelista said the stern of the 68-meter US mine countermeasures ship was lifted off the reef at around 2 p.m. Evangelista, head of the task force that oversees the salvage operations, said the team had worked throughout the Holy Week to remove the four sections of the warship’s wooden hull which included its bow, auxiliary machine room, main machine room (MMR) and the stern." (Tubbataha reef salvage, by Philip C. Tubeza, Philippine Daily Inquirer, Sunday, March 31st, 2013, http://globalnation.inquirer.net/70721/tubbataha-reef-salvage). Pansinin ang kahulugan dito ng salitang "salvage" batay sa pagkakagamit ng mga Amerikano.

Sa ating bansa, ang kahulugan ng salitang "salvage" o pagpaslang ay uminog mula sa salitang Kastilang "salbahe" na ibig sabihin ay masama ang ginagawa sa kapwa. At dahil maraming salitang uminog na napapaghalo natin ang salitang Kastila at Filipino, tulad ng salitang "amin" o pag-amin ay naging "aminado", napasama na rin dito ang salitang Kastilang "salbaje" na naging "salbahe" sa Filipino na naging "salvage" sa Ingles.

Kaya maraming balita sa radyo, dyaryo at telebisyon ang nagsasabing may "na-salvage" na naman, na ibig sabihin, may pinaslang na naman. Sa pambungad na pahina (front page) ng pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon (Hulyo 2, 2013) ay nakasulat: 4 KATAO 'SINALVAGE', NATAGPUAN SA HIGHWAY, at ang kabuuang balita sa pahina 2 ay pinamagatang "4 'sinalvage', natagpuan". Kapuna-puna ang panipi sa salitang "sinalvage" dahil ginawang Filipinisado ang isang salitang Ingles, na sa katotohanan ay mula sa wikang Kastila.

Narito ang ilang saliksik sa media hinggil sa balitang "salvage" matapos ang "salvaging operations" ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Marso 30, 2013. Pansinin kung paano inilarawan ang ginawang pag-salvage:

(1) mula sa GMA News: "Bodies of 2 'salvage' victims found in Manila", April 6, 2013:
The bloodied bodies of two victims of suspected summary execution were found in Manila before dawn Saturday. Both bodies were dumped along Dimasalang Street at about 3 a.m., radio dzBB's Paulo Santos reported. A separate dzBB report said both men were blindfolded with packaging tape, and their hands were tied. One was initially described as wearing blue shorts and an orange shirt, while the other was described as wearing gray shorts and a black shirt. No note or identification was found near the bodies.
http://www.gmanetwork.com/news/story/302676/news/metromanila/bodies-of-2-salvage-victims-found-in-manila

(2) mula sa dyaryong Tempo tabloid: ‘Salvage’ victims dumped in Cavite, posted by Online on Aug 5th, 2013
CAMP GEN, PANTALEON GARCIA, IMUS, Cavite – Two bodies of men, apparently “salvage” victims, were found dumped separately over the weekend in the province. A Police Provincial Office (PPO) report said that the first victim was found on Daanghari Road in Barangay Molino IV, Bacoor City, late Friday night. The victim’s body, with tattoo marks, was found stuffed in a sack by passersby. The body was wrapped with packaging tape.
http://www.tempo.com.ph/2013/08/salvage-victims-dumped-in-cavite/#.UjqC4dJmiSo

Ito naman ang ilang lumang balita:

(1) "2 more ‘salvage’ victims in QC; 8 bodies just this month", by Julie M. Aurelio, Philippine Daily Inquirer, Tuesday, August 21st, 2012
The bodies of two more men believed to be summary execution victims were discovered by the side of a road in Quezon City Tuesday morning. The find brought to eight the number of “salvage” victims found in the city so far for this month. All of them died of strangulation and none of them has been identified.
http://newsinfo.inquirer.net/255056/2-more-salvage-victims-in-qc-8-bodies-just-this-month

(2) "Pangatlong biktima ng 'salvage' sa Cubao ngayong Hunyo", (Pilipino Star Ngayon) | Updated June 19, 2013
MANILA, Philippines – Isang bangkay na naman ng lalaki ang natagpuan sa basurahan sa isang bangketa sa lungsod ng Quezon nitong Martes ng gabi, pangatlo na ito ngayong buwan.
Ayon sa pulisya, natagpuan ng isang basurero ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki bandang alas-11 ng gabi sa Aurora Boulevard sa Cubao. Sinabi ng mga imbestigador na may saksak sa katawan, may mga marka ng pagsakal sa leeg at nakatali ang mga paa ng biktima. Hinala ng mga pulis na biktima ng summary execution ang lalaki na tadtad din ang katawan ng tattoo. Ito na ang pangatlong bangkay na natatagpuan sa Cubao ngayong Hunyo lamang. Nitong Hunyo 12 ay may natagpuan ding katawan ng lalaki sa kahabaan ng Aurora Boulevard na sinundan ng isa pang nakitang bangkay sa tumpok ng mga basura malapit sa EDSA-Cubao footbridge.
http://www.philstar.com/psn-balita-ngayon/2013/06/19/955790/pangatlong-biktima-ng-salvage-sa-cubao-ngayong-hunyo

(3) mula sa pahayagang Remate: "Biktima ng salvage, natagpuan sa Maynila" by Jocelyn Tabangcura-Domenden & Ivan Gaddia, July 19, 2013: NAKATALI ng nylon cord ang leeg, kamay at paa ng isang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution nang matagpuan ito kaninang madaling araw sa Sampaloc, Maynila. Inilarawan ang biktima na nasa edad na 25-30, may taas na 5’4 hanggang 5’5, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng T-shirt na painted at brown khaki short pants. Nauna rito, naglalakad umano sa lugar ang di nagpakilalang tricycle driver nang mapansin ang biktima na nakabalot sa tela at may placard na nakapatong sa kanyang dibdib na “Snatcher ako, huwag pamarisan”.
http://www.remate.ph/2013/07/biktima-ng-salvage-natagpuan-sa-maynila/#.UjqEptJmiSo

Pagpaslang, pagsalbahe sa katawan, pagpapahirap, pagtiyak na wala nang buhay, itinatapon kung saan. Natatagpuan na lamang na malamig nang bangkay. Ang mga biktima ay sinalbahe ng kung sino. Sinalvage sila. Biktima sila ng "summary execution" o "extrajudicial killing".

Sa WikiPedia, ang "summary execution" ay ganito: "Extrajudicial killings in the Philippines are referred to as salvage in Philippine English."
(http://en.wikipedia.org/wiki/Summary_execution)

Sa artikulong "Philippine English" na nalathala sa The News Today (Online Edition) ay nakalista ang 61 mga salita o yaong "terms common only to Philippine English", at ang pang-53 ay "salvage" na ang kahulugan ay "it means to deprive of life; kill".
(http://www.thenewstoday.info/2005/03/15/opinion6.htm)

Sa aklat na "The Activist" ng isang Antonio Enriquez, ganito niya inilarawan ang salitang "salvage": Unknown yet to the public was Davao’s Killing Fields, where those who opposed Dictator Marcos were “salvaged,” a coined word meaning executed. Hundreds of student activists, NPAs, and suspected communists were murdered, after Dictator Marcos’ goons in military uniform tortured them and they were dumped like so many carcasses in the Killing Fields—without a tombstone to mark their graves, or coffins.
(http://www.scribd.com/doc/57252924/The-Activist-by-Antonio-Enriquez)

Kahit sa mga dokumento ng iba't ibang human rights organizations, ang salitang "salvage" ay nangangahulugang "summary execution".

Sa ikawalong kabanatang pinamagatang "To salvage" sa isang aklat ay ganito ang nakasulat: "About 3,000 were killed, 400 to 1,000 were disappeared during the Martial Law. It is believed that the word "salvage" which has original meaning "to save or to rescue" got a different meaning during this time. "Salvage" was used as a euphemism to the act of police and military to assassinate, to execute, to murder suspected enemies of the state." (For Democracy and human Rights: Rekindling Lessons of Martial Law and People Power Revolt, A Public Exhibition, by the Center for Youth Advocacy and Networking or CYAN)

Sa isang libreto naman ng FLAG (Free Legal Assistance Group) na muling inilathala ng PhilRights (Philippine Human Rights Center) ay ganito ang nakasulat:
Ang mga dapat gawin... KUNG SA PALAGAY MO'Y IKAW AY AARESTUHIN O ISA-SALVAGE:
Gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
1. Huwag lumabas nang mag-isa. Tumataas ang panganib ng pagkawala at salvage dahil walang nakakasaksi o walang gustong sumaksi at magpatunay sa pagdakip sa isang taong nawawala o sinalvage.
2....
10. Kung mayroon ka pang mapagkakatiwalaang impormasyon na may planong arestuhin o i-salvage ka, hindi maipapayo na ikaw ay magtago. Sa halip, pakiusapan ang abogado mo o kung sino mang responsableng tao upang itanong kung may warrant para sa iyong pagdakip.

Kahit ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio S. Almario ay isinulat din ito nang kanyang tinalakay ang tulang "Katapusang Hibik" (na sa ibang bersyon ay may pamagat na "Katapusang Hibik ng Filipinas sa Inang España" bilang ikatlong dugtong sa dalawang tula ng ibang makata na naunang lumabas) ni Gat Andres Bonifacio "hinggil sa parusang kinamit ng mga Filipino sa kamay ng mga Espanyol". Ani Almario sa tulang ito: "Ano ang ikaiiba dito ng mga makahayop na torture at salvaging ngayon? Ngunit hindi ang realismo lamang ng paglalarawan ni Bonifacio ang dapat limiin; hindi rin lamang ang mga historikal na saligan ng mga inilatag na pruweba. Ang higit na makabuluhan sa pagbasang ito ngayon ay ang talim ng pagsipat sa isinagawang paglapastangan ng kolonyalismo sa katawan at katauhan ng sakop. Bukod sa hindi makatao ay mistulang hindi tao ang mananakop. Sa kabilang dako, waring imposibleng maging tao ang sakop dahil sa tinamong mga kahayupan." (Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), Virgilio S. Almario, pahina 71)

Balikan natin ang ilang saknong na tinutukoy ni Almario sa tulang "Katapusang Hibik" ni Bonifacio na naglalarawan nito (Ibid. p. 145):

"Gapuring mahigpit ang mga tagalog
Hinain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?

Ipabilanggo mo't sa dagat itapon
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin sa lahat ng kampon?

Aming tinitiis hanggang sa mamatay
Bangkay nang mistula ayaw pang tigilan
Kaya kung ihulog sa mga libingan
Linsad na ang buto't lamuray ang laman."

Nasa kamalayan na nga ng masa ang pag-unawa sa salitang "salvage" bilang pagpaslang, bilang isang gawaing salbahe, pagsalbahe sa kapwa, pagsalbahe sa pagkatao, na isinagawa ng mga salbahe. Nasa media na rin ito, at nasa panitikan.

Una kong nalaman ang paggamit ng salitang "salvage" bilang “pagpaslang” noong 1989, pagkabalik ko rito sa Pilipinas mula sa anim-na-buwang pago-OJT sa ibang bansa, nang maging front page sa magasing Philippines Free Press ang pagkakapatay ng isang Patrolman Rizal Alih kay Heneral Batalla sa Zamboanga. At nakasulat sa malaking titik: "SALVAGING A GENERAL". May nabasa rin akong artikulo noon na ganito naman ang pamagat: "Salvaging Bonifacio" at itinuring ng artikulong iyon na "first celebrated salvage victim" si Gat Andres Bonifacio. Talagang sinalbahe sila ng kanilang mga kalaban.

Naghahanap ako ng mga lumang panitikan kung saan ginamit ang salitang pagsalbahe, sinalbahe, sumalbahe, nanalbahe, bilang paglalarawan sa nangyaring pagpatay. Halimbawa, ang isang taong nakitang nakahandusay sa ilog na may tama ng bala ay sinalbahe ng kung sino. Sino ang sumalbahe sa taong iyon? Mula doon ay maaari nating mahalukay pa ang pinag-ugatan o pinag-inugan ng salitang "salvage" na alam ng marami ngayon.

Ang salitang "salvage" na pagpaslang ay isang pabalbal na salita o masasabi nating salitang nauunawaan ng karaniwang tao, ng masa. Pumunta ka nga lang sa isang lugar na maraming tao at sabihin mo sa isa roon na isa-salvage mo siya na ang iniisip mo ay ang kahulugan sa Ingles na “save”, ingat, dahil baka bugbog sarado ka, buti kung bugbog lang, dahil ang salitang “salvage” nga ay pagpaslang at hindi pagsagip. Sa mga balitang inilatag natin sa itaas, mapapansin nating pawang mga dinukot ang mga biktima saka itinapon na lang kung saan. Kaya bago isinagawa ang "salvaging" sa mga biktima, maaaring ang mga ito muna'y tinortyur o pinahirapan, saka pinaslang ang mga ito at itinapon na lamang sa lugar na sa tingin ng mga dumukot ay magliligaw sa mga imbestigador.

Kaugnay nito, may tatlong batas sa karapatang pantao na naisabatas nitong mga nakaraan, na may kaugnayan sa pagdukot bago isagawa ang tortyur o pagpapahirap, at ang pagdukot na hindi na nakita pa ang katawan ng dinukot. Ang mga batas na ito'y ang Republic Act 9745, o Anti-Torture Act of 2009; ang RA 10353, o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012; at ang RA 10368, o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013. Gayunman, walang nabanggit na "salvage" o "summary execution" sa RA 9745 at RA 10353.

Isang beses namang nabanggit ang "salvage" o "summary execution" sa RA 10368. Ayon sa Chapter 1, Sec. 2, 3rd paragraph ng batas na ito: "Consistent with the foregoing, it is hereby declared the policy of the State to recognize the heroism and sacrifices of all Filipinos who were victims of summary execution, torture, enforced or involuntary disappearance and other gross human rights violations committed during the regime of former President Ferdinand E. Marcos covering the period from September 21, 1972 to February 25, 1986 and restore the victims’ honor and dignity. The State hereby acknowledges its moral and legal obligation to recognize and/or provide reparation to said victims and/or their families for the deaths, injuries, sufferings, deprivations and damages they suffered under the Marcos regime."

Ibig sabihin, wala pang batas talaga na nagpaparusa sa mga nagsagawa ng "salvaging" o "summary execution." Kaya nagsagawa ang ilang mambabatas ng panukalang batas hinggil dito. Noong Hulyo 2009, nagpasa ng panukalang batas si dating House Speaker Prospero Nograles. Ito ang House Bill 6601, na tatawaging "Anti-Salvaging Law". Nito namang Nobyembre 2012, ipinasa naman ni Kongresista Karlo Alexei Nograles (1st District, Davao City) ang House Bill 3079 o ang "The Anti-Summary Execution Act of 2012."

Ngunit sa panahong wala pang batas na nagpaparusa sa "summary execution" ay tiyak na magagamit ang batas hinggil sa "murder" o pagpaslang. Ngunit dapat mas linawin ang kaibahan ng dalawa. Ang "murder" ay pagpatay na isinagawa ng sinuman sa kanyang kapwa, habang ang "salvaging" naman ay isinagawa ng mga ahente ng estado. Paano kung hindi ahente ng estado ang nagsagawa kundi sindikato? Dapat mailinaw ito sa magagawang batas hinggil dito. Maraming aktibista ang pinaslang ng walang awa, mga biktima ng "salvaging", kaya ito'y masasabi nating isang krimeng pulitikal, at hindi lamang simpleng "murder".

Gayunpaman, dapat matigil na ang ganitong karahasan. Ayon nga sa International Convention on Civil and Political Rights: "Every human being has the inherent right to life. This right shall be protected by law. No man shall be deprived of his life arbitrarily." "[The Death] penalty can only be carried out pursuant to a final judgment rendered by a competent court" – ICCPR Articles 6.1 and 6.2.[1]

Ang "salvage" ayon sa Merriam-Webster Dictionary ay (a) compensation paid for saving a ship or its cargo from the perils of the sea or for the lives and property rescued in a wreck; (b) the act of saving or rescuing a ship or its cargo; (c) the act of saving or rescuing property in danger (as from fire). Ayon naman sa Oxford Dictionary, ang kahulugan ng "salvage" ay "the rescue of a wrecked or disabled ship or its cargo from loss at sea". Sa depinisyon ng dalawang diksyunaryo, tumutukoy ang "salvage" sa pagsagip sa barko at sa mga kargong dala nito. Ang kahulugang ito ang ginamit sa ilang Batas Republika ng bansa na tumutukoy sa pagsagip ng barko, tulad ng mga sumusunod:

Republic Act No. 9993 - Philippine Coast Guard, Section 3, Powers and Functions. (h) To issue permits for the salvage of vessels and to supervise all marine salvage operations, as well as prescribe and enforce rules and regulations governing the same;

Republic Act No. 6106 - An Act Amending RA 1047, as amended, to prescribe the rules for financing the acquisition or construction of vessels to be used for overseas shipping, to allow the creation of a maritime lien thereon, and for other purposes. Sec. 1, letter d, number 4. General average or salvage including contract salvage; bottomry loans; and indemnity due shippers for the value of goods transported but which were not delivered to the consignee;

Naglabas din ang Philippine Coast Guard ng Memorandum Circular MC 06-96 (Salvage Regulations) na ang layunin ay: II. PURPOSE: To prescribe guidelines on the salvage of vessels, including cargoes thereof, wrecks, derelicts and other hazards to navigation.

Marahil, matatagalan pa bago tumimo sa kamalayan ng masa ang kahulugang Ingles ng salitang "salvage" (to save or to rescue), pagkat ang etimolohiya o pinagmulang salita ng paggamit ng mga Pinoy sa salitang "salvage" ay ang wikang Kastilang "salvaje", mula sa mga mananakop na salbahe at sumalbahe sa marami nating kababayan. Higit sa lahat, dapat nang matigil ang "salvaging" o pamamaslang na ito, at idaan sa proseso ng batas kung sakaling sila'y may kasalanan na dapat panagutan. Kung di'y nararapat lang sadyang maparusahan ang mga nagsasagawa ng mga "salvaging" na ito dahil hindi ito makatao, at lalong hindi makatarungan.





Martes, Agosto 20, 2013

Ang Multong Daga sa Kisame

ANG MULTONG DAGA SA KISAME
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, sa pagpasok ko sa isang opisina dito sa lungsod, naroon ang isang may katandaan na ring babae na mula sa probinsya. Narito siya sa Maynila bilang bahagi ng exposure program ng opisina.

Ang opisina ay pwedeng tulugan sa gabi, lalo na't galing siya sa probinsya at iyon lang ang pwedeng mauwian. Dalawang buwan ang ilalagi niya sa opisinang iyon.

Naroon ako para magtiklop ng ilang babasahin upang ito'y maging aklat. Ilang araw din ako roon dahil mahigit 200 pahina ang librong dapat kong tiklupin. At 300 ang bilang ng dapat magawang aklat.

Nakakuwentuhan ko ang matanda. Hindi raw siya makatulog doon pag gabi, dahil nakakarinig siya ng mga naghahabulan. Palagay daw niya'y may multo. Aakyat siya ng ikalawang palapag dahil naroon ang tulugan ngunit ganoon pa rin. Bababa siya sa sala ngunit naririnig pa rin niya ang mga yabag na iyon.

Tanong ko, "Anong ginagawa nyo pag naririnig nyo iyon?"

Anya, "Nagtatakip na lang ako ng kumot, pero hindi ako natutulog. Minsan, natutulog na lang ako pagdating na ng umaga."

"Hindi nyo ba tiningnan man lamang kung kaninong yabag ang naririnig nyo pag gabi?"

Sagot niya, "Natatakot ako. Baka makita ko yung multo?"

"Naniniwala pala kayo sa multo. Paano kung akyat-bahay pala yung naririnig nyong yabag, at ninanakawan na pala kayo?"

"Hindi ko alam," sabi niya, "Takot talaga ako sa multo."

Ilang gabi rin akong nakatulog doon. Hanggang isang umaga, nakita ko yung tubo sa kusina, na daanan ng tubig mula sa alulod, na butas, at pagbukas ko ng pinto ng kusina, may kung anong itim na parang may buntot ang dagling pumasok sa butas na iyon. Marahil natakot sa pagbukas ko ng ilaw.

Tinawag ko ang matanda. Tinuro ko sa kanya ang pinagdadaanan ng daga na siya marahil laging nag-iingay sa kisame pag gabi.

Doon lang napagtanto ng matanda na hindi pala multo ang naririnig nyang mga yabag, kundi mga daga. Marahil, dahil madilim sa kisame ay di nito agad makita ang daraanan at sa kahahanap ay takbo ng takbo. O kaya naman ay naroon sa isang sulok ng kisame ang kanyang mga bubuwit na pinapakain niya at hinahanap niya iyon pag gabi.

Mula noon, hindi na umaangal ang matanda sa gabi-gabing yabag sa kisame dahil wala pala talagang multo. 

Sabi ko nga sa kanya, lumaki ako dito sa lungsod, at pag may narinig kaming mga yabag, hindi namin naiisip ang multo kundi ang magnanakaw o akyat-bahay na maaaring pumasok sa aming silid. Kaya dapat kaming maging mapagbantay. Iniisip ay multo pero ninakawan ka na pala ng multong iniisip mo. Ang masakit, ang multong kinatatakutan mo ay totoo palang taong papatay sa iyo, lalo na't pag nahuli mo siyang nagnanakaw ng gamit mo.

Sa totoo lang, nalaman ko lang ang mga pagkatakot sa multo sa mga sinehan, lalo na yung Shake, Rattle and Roll, na nakailang bersyon na. Iba't ibang bersyon ng pelikulang ito ang lumalabas kundi man taun-taon ay kada dalawa o tatlong taon. Ang huli ngang ipinalabas ay ang Shake, Rattle and Roll 14. Ibig sabihin, pang-14 na bersyon na iyon.

Sabi naman ng matanda, lumaki siya sa probinsyang usong-uso ang mga katatakutan kaya pag kumagat na ang dilim ay naroon na sila sa bahay at hindi na naglalabasan. Maagang matulog sa gabi at maaga ring magigising upang pumunta sa bukirin.

Naalarma rin ako na kung may daga sa kisame, maaaring masira nito ang mga dingding, o mangatngat kahit na mga kable ng kuryente, kaya dapat itong mawala roon. Kaya ang ginawa namin, binuksan nang tuluyan ang kusina para makalabas nang tuluyan ang daga sa paghahanap ng pagkain, saka namin papasakan o kaya'y tatapalan ang butas na tubong tumatagos papuntang kisame. Kailangang mag-ingat dahil pag namatay ang daga sa loob ng kisame, tiyak na mamamaho iyon, at magiging malaking abala sa loob ng opisinang iyon.

Gayunman, sa pagpapaliwanagan, natapos na rin ang takot ng matanda sa multong daga sa kisame.

Lunes, Hunyo 10, 2013

Ang Dapat Gunitain ng Manggagawa sa Hunyo 12

ANG DAPAT GUNITAIN NG MANGGAGAWA SA HUNYO 12
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tradisyunal nang ginugunita ng pamahalaan, na kadalasan ay etsapuwera ang masa, ang taunang Hunyo 12, na sinasabi nilang Araw ng Kalayaan. Pero sa simpleng masa o ng karaniwang tao, ginugunita lamang nila ito bilang holiday, at hindi bilang araw ng paglaya. Marahil dahil alam din ng masa, lalo na ng manggagawa, na huwad ang kalayaang ito. Na ito'y paglaya sa Kastila at pagpapailalim sa Amerikano.

Maliwanag ito sa nakasulat sa Acta de Independencia, ang dokumentong nilagdaan ng maraming manghihimagsik bilang patunay umano ng deklarasyon ng kalayaan. Ayon sa dokumento, lumalaya ang Pilipinas mula sa bansang España upang magpailalim naman sa bansang Amerika. Ito ba ang kalayaan? Narito ang patunay: "And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands, that they are and have the right to be free and independent; that they have ceased to have allegiance to the Crown of Spain; that all political ties between them are should be completely severed and annulled..." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)

Ikalawa, ang mga kulay ng iwinawagayway na bandila ng ating bansa ay batay mismo sa kulay ng watawat ng Amerika bilang pagtanaw ng utang na loob ng mga kabig ni Aguinaldo sa imperyalistang bansang iyon. Narito ang patunay: "and the colors of Blue, Red, and White, commemorating the flag of the United States of America, as a manifestation of our profound gratitude towards this Great Nation for its disinterested protection which it lent us and continues lending us." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)

May dapat mas gunitain at gawing pagkilos ang uring manggagawa sa Hunyo 12. Ito'y ang World Day Against Child Labor. (O Labour para sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Britanya, dahil ang Labor ay ispeling sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Amerika.) Ngunit marahil tatanungin ng manggagawa: Bakit child labor, pangkabataan iyan. Dapat isyu lang iyan ng mga batang manggagawa. 

Balikan din natin sila ng tanong: Ang isyu ba ng batang manggagawa ay isyu lang ng bata, o dahil may kakabit itong salitang manggagawa bilang pang-uri, ito'y isyu rin ng uring manggagawa? Taglisin natin: Ang isyu ba ng child labor ay isyu lang ng child, o isyu rin ito ng labor? Kaya ba may adjective na child sa child labor ay dahil isyu lang ito ng child?

Ang usapin ng child labor o ng mga batang manggagawa ay usapin din ng labor o ng paggawa / manggagawa. Mismong ang nagsabi nito'y ang International Labour Organization (ILO), isang pandaigdigang samahan ng mga manggagawa na nasa ilalim ng pamumuno ng United Nations. Patunay na rito ang deklarasyon ng ILO na ang Hunyo 12 ay gunitain bilang World Day Against Child Labour.

Ayon sa pahayagang Philippine Star nitong Mayo 1, 2013, Araw ng Pandaigdigang Paggawa, may lima't kalahating milyong (5.5M) batang manggagawa sa bansa, at may naitalang dalawang daan at labinglimang milyong (215M) batang manggagawa sa buong mundo, higit na dalawang ulit na malaki sa ating populasyon na 94M (2011 data).

"The Philippines has about 5.5 million child laborers (from five to 17 years old) with nearly three million of them doing hazardous tasks, a 2011 survey on children release by the National Statistics Office (NSO) showed. Globally, there are 215 million child laborers, with half of them doing hazardous work, according to the United Nations International Labor Organization (ILO)." http://www.philstar.com/business/2013/05/01/936783/phl-has-5.5-m-child-laborers
Batay pa sa ulat ng Philippine Star, ang ugat ng child labor ay ang kahirapan at kawalan ng disente at produktibong paggawa. "The root of child labor is directly linked to poverty and lack of decent and productive work."

Inilunsad ng International Labour Organization (ILO) ang kauna-unahang World Day Against Child Labour noong Hunyo 12, 2002 bilang paraan nila upang maiparating sa higit na nakararami ang kalagayan ng mga batang ito. Ang paglulunsad ng araw na ito'y ibinatay sa maraming deklarasyon at talakayan, tulad ng ILO Convention No. 182 hinggil sa masasamang anyo ng pagtatrabaho ng mga bata (worst form of child labour) at sa ILO Convention No. 138 hinggil sa minimum na edad ng pagtatrabaho. Ngayong 2013, ang tema ng paggunitang ito ay "No to child labour in domestic work!" Noong 2012, ang tema'y "Human rights and social justice... let's end child labour!"

Ang mga batang manggagawa'y makikitang nasa batilyo, nasa pangingisda gamit ang pampasabog, nasa agrikultura, nasa mga minahan, nasa pabrika’t lansangan. Lantad sila sa panganib at sa mga mapanganib na kagamitan, kemikal, init at lamig ng panahon, at walang pananggalang sa alikabok na maaaring pumasok sa ilong. Maraming nasa lansangan ang naglalako ng paninda tulad ng yosi at mani, habang nasa pabrika naman ng sardinas ang iba. Meron ding nasa murang gulang pa lang ay nagiging katulong na, habang may mga batang nasa edad labinlima pababa ang nasa mga bahay-aliwan. Napagsasamantalahan sila pagkat nagtatrabaho sila sa murang edad at hindi nababayaran ng minimum wage. Nakakamura ng lakas-paggawa ang mga kapitalistang nag-eempleyo sa kanila. Dapat nasa paaralan ang mga batang ito, ngunit dahil sa hirap ng buhay, nagtrabaho sila ng maaga at hindi hustong dinanas ang kasiyahan ng pagiging bata. Wala na silang pagkakataong maglaro at mag-aral. Ganito ba ang kinabukasan nila sa isang sistemang walang pagpapahalaga sa kanila? Kailangan itong mabago. Kailangan nating kumilos. 

Hindi kaya may kaugnayan din ang isyu ng child labor sa isyu ng salot na kontraktwalisasyon? Pinatatrabaho na ng mga nangangapital sa mga batang manggagawa ang mga trabahong mabibigat dahil mura ang paggawa kaysa mga matatandang mahal ang bayad kahit ang mga ito’y kontraktwal. Hindi rin saklaw ng pag-uunyon ang mga batang manggagawa dahil sa kanilang edad.

Ang isyu ng batang manggagawa o ng child labor ay hindi isyu lamang ng mga bata kundi ng manggagawa sa pangkalahatan. Isyu rin ito ng karapatang pantao, na dapat ang mga bata sa kanilang murang gulang ay dapat nasa paaralan at dinaranas ang katuwaan ng pagiging bata, at hindi dapat nagtatrabaho na ng maaga. Marapat lamang na lumabas din at kumilos ang mga manggagawa, kasama ang mga batang manggagawa at ang dukha nilang mga magulang, sa Hunyo 12 upang iparating sa pamahalaan na dapat nang itigil ang child labor sa bansa at dapat na itong solusyunan ng pamahalaan.

Dapat bigyan ng trabaho ang mga magulang ng mga batang manggagawa, at hindi ang mga batang manggagawa ang magtrabaho sa murang edad. Bigyan ng trabaho ang mga magulang, at hindi trabahong kontraktwal na walang kasiguruhan, kundi trabahong regular. Ang isyu ng batang manggagawa ay hindi lang isyu ng mga bata kundi isyu ng mga manggagawa. Ayon nga kay Frances Ann Yap, presidente ng Pagkakaisa ng mga Kabataang Manggagawa para sa Karapatan (PKMK), noong Mayo 1, 2009: “Nais namin sa paaralan. Ayaw namin sa basurahan. Dapat nang itigil ang child labor sa ating bansa upang kaming mga bata ay makapag-aral, makapaglaro at mabuhay bilang malayang bata. Dapat din pong bigyan ng sapat na trabahong makabubuhay ng pamilya ang aming mga magulang. Dapat nang itigil ang pananakit sa mga bata, child trafficking, at ang patuloy na pagdami ng mga batang manggagawa.” Ang PKMK ay nakapaloob sa Child Rights Program (CRP) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).

Ang isyu ng child labor ay isyu rin ng karapatang pantao. Ayon sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), Artikulo 10(3): "Ang mga bata at kabataan ay dapat maprotektahan mula sa pagsasamantalang pang-ekonomya't panlipunan. Ang kanilang pagtatrabahong makasasama sa kanilang moral o kalusugan o mapanganib sa buhay o yaong makapagbabaog sa kanilang normal na pag-unlad ay dapat parusahan ng batas. Dapat ding maglagay ang Estado ng limitasyon sa edad na mababa sa kung saan ang binabayarang trabaho ng batang manggagawa ay pinagbabawal at pinarurusahan ng batas. (Children and young persons should be protected from economic and social exploitation. Their employment in work harmful to their morals or health or dangerous to life or likely to hamper their normal development should be punishable by law. States should also set age limits below which the paid employment of child labour should be prohibited and punishable by law.)"

Ayon sa Convention on the Rights of the Child, Artikulo 32: "Kinikilala ng mga Partidong Estado ang karapatan ng mga bata upang maprotektahan laban sa mga pagsasamantalang pang-ekonomya at mula sa pagsasagawa ng anumang trabahong nakikitang mapanganib, at nakasasama sa kalusugan ng bata at sa kanyang pisikal, mental, ispiritwal, moral, at panlipunang pag-unlad. (States Parties recognize the right of the child to be protected from economic exploitation and from performing any work that is likely to be hazardous or to interfere with the child's education, or to be harmful to the child's health or physical, mental, spiritual, moral or social development.)"

Sa mga batas ng ating bansa, naririyan ang mga batas hinggil sa proteksyon ng mga batang manggagawa ngunit hindi naipatutupad. Dahil kung naipatutupad ito, bakit may 5.5 milyon pang batang manggagawa sa bansa? Nariyan ang Republic Act (RA) 7160 - Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination, Artikulo VIII, Seksyon 12-16; ang RA 9231 na pag-amyenda sa RA 7160 - An Act providing for the Elimination of the Worst Form of Child Labor and affording stronger protection for the working child, amending for this purpose RA 7160. Nariyan din ang RA 7658 - Prohibiting the Employment of Children Below Fifteen (15) Years of Age in Public and Private Undertakings. Ang Artikulo 130-153 ng Labor Code ay hinggil sa espesyal na grupo ng manggagawa, tulad ng bata at kababaihan. Higit sa lahat, nariyan ang Department Order (DO) 46-03 hinggil sa paggunita sa ika-12 ng Hunyo bawat taon bilang Pandaigdigang Araw Laban sa Pagtatrabaho ng mga Bata (World Day Against Child Labor).

Gayunpaman, dapat din nating maunawaan na magkaiba ang child labor sa child work. Sa child work, ang trabaho ay angkop sa edad at kakayahang mental ng bata, habang sa child labor, ang trabaho'y mabigat sa edad, katawan, at kaisipan ng bata. Sa child work, tulad ng mga batang artista, dapat silang kumuha ng Working Child's Permit sa DOLE. Sa child work, ang trabaho ng bata'y naaayon sa batas at kalakaran ng pamilya't pamayanan, habang sa child labor, ang pagtatrabaho ng bata'y labas sa mga umiiral na batas, seguridad at benepisyo. Sa child work, limitado ang oras-paggawa at may oras ang bata upang makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga, habang sa child labor, napakahabang oras ng paggawa ng batang manggagawa, at limitado o wala nang oras para makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga. Dagdag pa, sa child labor, itinulak ng kalagayan o ng ibang tao ang mga bata upang magtrabaho sa murang edad, at ang mga batang manggagawa'y karaniwang naaabuso sa pisikal, sekswal, sikolohikal at berbal.

Ang Hunyo 12 ay paalala sa atin na hindi pa malaya ang mga batang manggagawa, kundi patuloy pa ang pagsasamantala sa kanila. Kaya ang Hunyo 12 ay gawin nating pagkilos ng uring manggagawa sa isyu ng child labor, at hindi tayo dapat magpahinga lamang sa araw na ito dahil idineklarang holiday ng pamahalaan, kundi dapat kumilos tayo dahil ito'y isyu ng paggawa at karapatang pantao. Gunitain nating sama-sama ang World Day Against Child Labor tuwing Hunyo 12 at ating iparating sa buong bansa at sa buong mundo: END CHILD LABOR, NOW!