Linggo, Oktubre 13, 2013

Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad


Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong buwan matapos ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa maraming lugar sa Pilipinas noong Setyembre 26, 2009, idineklara naman ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (United Nations General Assembly) noong Disyembre 21, 2009 na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction). Layunin ng paggunitang ito na maiangat ang kamalayan kung ano ang mga isinasagawang paraan ng mamamayan, saanmang bansa sila naroroon, upang mabawasan ang panganib na kakaharapin nila kung sakaling dumating ang mga kalamidad. Ang mga kalamidad na binabanggit ay tulad ng bagyo, biglaang pagbaha, pagpasok ng tubig sa bahay, lindol, buhawi, ipu-ipo at iba pang likas na kalamidad.

Gayunman, noong una'y bahagya akong naguluhan sa termino, dahil mas kilala natin ang katagang DRR o disaster risk reduction, na karaniwang ibinibigay na programa sa ilang samahan dito sa Pilipinas. Disaster risk reduction o pagbawas sa panganib na dulot ng kalamidad, at hindi disaster reduction na pagbawas sa kalamidad. Hindi kasi natin mababawasan ang kalamidad dahil ito'y kalikasan at hindi gawa ng tao. Ang kaya nating bawasan bilang tao ay ang epekto ng kalamidad sa tao. Kung dati ay binabaha ang iyong tahanan, aba'y taasan mo ang lupang tinutuntungan ng iyong bahay, o kaya'y lumipat ka ng tahanan. Pero bakit nga ba disaster reduction ang mas piniling katawagan sa pandaigdigang araw na iyon, imbes na disaster risk reduction. Nais ko itong hanapan ng sagot. Marahil, ang DRR ay paraan upang mabawasan ang panganib habang ang disaster reduction ay paglalarawan sa isang nakaambang panganib.

Batay sa Resolusyon Bilang 44/236 noong Disyembre 22, 1989 ng PKNB, idineklara nila ang ikalawang Miyerkules ng Oktubre bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang mga Likas na Panganib (International Day for Natural Disaster Reduction), ngunit ito'y inobserbahan lamang sa loob ng sampung taon, mula 1990 hanggang 1999 dahil ang dekadang ito'y idineklarang Pandaigdigang Dekada upang Mabawasan ang mga Kalamidad (International Decade for Natural Disaster Reduction). Gayunpaman, umikli ang katawagan sa pandaigdigang araw na iyon nang sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 64/200 noong Disyembre 21, 2009, pinagtibay ng PKNB na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay paggunita sa Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction).

Iba't iba ang tema ng bawat taon mula nang italaga ang pandaigdigang araw na ito noong 2009. Isa-isahin natin.

Tema ng 2009 - "Ligtas ang mga ospital sa kalamidad" (Hospitals safe from disaster). Napakahalagang ligtas ang mga ospital dahil sa iba't ibang kalamidad sa Pilipinas, Vietnam, Tsina, Samoa, Indonesia at Silangang Aprika, na hindi lamang buhay ang mga nawala, kundi nasira din ang mga pasilidad at imprastrakturang pangkalusugan. Kaya minungkahi ng UN sa lahat na magtayo ng mga bagong ospital na hindi kayang yanigin ng mga kalamidad

Tema ng 2010 - "Naghahanda na ang aking Lungsod!" (My city is getting ready!) Ipinanawagan ng UN sa mga kasapi nito na dapat silang maging aktibo sa pagprotekta sa mga lungsod laban sa mga kalamidad. Nang taong iyin, maraming bansa ang sinalanta ng mga kalamidad, tulad ng lindol sa mga bansang Haiti, Chile, at New Zealand; pagbaha at bagyo sa Pilipinas, Pakistan, Silangang Europa, Mozambique, ay ilan pang lugar sa Aprika; ang mga pagkasunog ng kagubatan sa Rusya; at pagputok ng bulkan sa Indonesia at Iceland, kung saan nagdulot ito ng maramihang pagkawasak ng lugar, at matinding hirap sa mga tao.

Tema ng 2011 - "Ang mga Bata at Kabataan ay Katuwang sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad: Humakbang tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Children and Young People are partners for Disaster Risk Reduction: Step Up for Disaster Risk Reduction!) Tatlong kabataan ang naging tagapagsalita sa Pandaigdigang Plataporma tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Global Platform for Disaster Risk Reduction) sa Geneva na dinaluhan ng 2,600 kinatawan mula sa iba't ibang bansa.Ang tatlong batang ito'y sina Andre, edad 16, at Alicia, 14, ng Pilipinas, at Johnson, 17, mula sa Kenya. Dito'y inilunsad nila ang limang puntong Kasulatang Pinagkayarian ng mga Kabataan tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad (Children's Charter for Disaster Risk Reduction), na mula sa konsultasyon sa mahigit 600 kabataan mula sa 21 bansa.

Ang limang puntong ito sa Kasulatan ay ang mga sumusunod: (1) Dapat ligtas ang mga paaralan - at hindi nagagambala ang pag-aaral. (2) Pangunahin ang proteksyon sa mga bata, bago, habang, at matapos ang kalamidad. (3) Ang mga bata at kabataan ay may karapatang lumahok at makakuha ng impormasyong kinakailangan nila. (4) Dapat ligtas ang anumang imprastraktura sa komunidad, at ang pagtulong at pagtatayo muli ng mga nawasak ay dapat makatulong upang mabawasan ang panganib ng kalamidad. (5) Ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay dapat makarating sa mga matinding tatamaan ng kalamidad.

Tema ng 2012 - "Ang mga kababaihan at batang babae ay may kapangyarihang magtaguyod ng pagbabago." (Women and girls are powerful agents of change.) Ang kawalan ng pagkakantay dahil sa magkaibang kasarian ang naglalagay sa mga babae, bata at sa buong pamayanan sa panganib pag dumating na ang kalamidad. Kaya marapat lamang ang edukasyon upang maging pantay ang pagtingin sa bawat isa, at isama ang mga kababaihan at batang babae sa buhay ng lipunan. Ito'y dahil wala namang pinipiling kasarian ang kalamidad, kaya dapat lahat ay maging kasama sa paghahanda, lalo na ang mga kababaihan at batang babae. Sila'y mga epektibong daluyan ng impormasyon upang lahat ay magkaunawaan at magkatulungan, lalo na sa oras ng kalamidad.

Tema ng 2013 - "Pamumuhay kasama yaong may kapansanan at kalamidad (Living with Disability and Disasters). Ang mga taong may kapansanan ay hindi ligtas sa kalamidad, dahil sa kanilang kalagayan at karamihan sa kanila'y mahihirap, ay may kakulangang makakuha ng edukasyon, maayos na kalusugan, tirahan, pagkain at paggawa, bago pa tumama ang kalamidad. Karaniwang wala silang mahalagang papel sa proseso ng pagpaplano paano mababawasan ang panganib ng kalamidad, mapigil ang kalamidad o kaya'y magtayo ng masiglang pamayanan. Karaniwan din ay hindi sila nakakatanggap ng tulong na kailangan nila kapag may kalamidad, at hindi rin kaagad sila nakakabangon.

Ayon nga kay Ban Ki-moon, Pangkalatang Kalihim ng Nagkakaisang Bansa, "Nakakapagligtas ng buhay ang paglahok. At pinatatatag nito ang mga taong may kapansanan upang angkinin nila ang kanilang sariling kaligtasan - pati na ang kanilang pamayanan." (Inclusion saves lives. And it empowers persons with disabilities to take ownership of their own safety – and that of their community.)

May ilang mga dokumentong mahahalaga hinggil sa pagbabawas ng panganib ng kalamidad. Nariyan ang Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig (Yokohama Strategy and Plan of Action for a Safer World) ng 1994, ang Balangkas ng Pagkilos para sa Pagpapatupad ng Pandaigdigang Istratehiya tungo sa Pagbabawas ng Kalamidad (Framework for Action for the Implementation of the International Strategy for Disaster Reduction) ng 2001, ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) mula 2005-2015, at marami pang resolusyon ng Pangkalahatang Kapulungan.

Ang dokumentong Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig ang resulta ng pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Yokohama, Japan noong Mayo 23-27, 1994. Inilatag nito ang ilang patakaran hinggil sa pagpigil sa kalamidad, kahandaan at pagbabawas (mitigasyon). Ang unang bahagi ng dokumento ay naglalarawan ng mga alituntunin kung saan nakabatay ang istratehiya ng pagbabawas ng panganib. Ang ikalawang bahagi ang pinagkaisahang gabay ng pagkilos ng mga kasaping estado ng Nagkakaisang Bansa. At ang ikatlo naman ang naglalatag ng mga bagay hinggil sa mga susunod pang pagkilos.

Ito namang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) ang unang planong nagpapaliwanag, naglalarawan, at nagbibigay ng detalye sa kinakailangang mga pagkilos ng iba't ibang sektor at siyang kumikilos upang mabawasan ang mga mawawala sa kalamidad. Layunin nitong mabawasan ang mga pagkamatay dulot ng kalamidad at mabawasan din ang mga maaapektuhan sa usaping panlipunan, pang-ekonomya't pangkapaligiran kapag nariyan na ang kalamidad. Naisagawa ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo sa isang pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Lungsod ng Kobe, sa lalawigan ng Hyogo, sa bansang Japan, mula Enero 18 hanggang 22, 2005. May nakasaad na limang puntong nakapaloob sa Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo. Ito'y ang mga sumusunod:

1. Pagtiyak na ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay isang pambansa at isang lokal na prayoridad nang may matatag na batayang institusyonal sa pagsasakatuparan nito.

2. Tukuyin, suriin at subaybayan ang mga panganib ng kalamidad at patindihin ang maagang babala ng kalamidad.

3. Gamitin ang kaalaman, pagkamalikhain at edukasyon upang itatag ang isang kultura ng kaligtasan at katatagan sa lahat ng antas.

4. Pagbabawas ng mga batayang salik ng panganib.

5. Pagpapatibay ng kahandaan sa kalamidad para sa epektibong pagtugon sa lahat ng antas.

Napakarami nang bagyong nanalanta sa ating bayan, at napakarami nang tao ang nagbuwis ng buhay. Sa datos ng ating PAGASA, nariyan ang bagyong Uring noong Nobyembre, 1991 na 5,080 katao ang namatay, 292 ang nasaktan, habang may nawawalang 1,264 katao; bagyong Nitang noong Setyembre 1984, na 1,029 ang namatay, 2,681 ang nasaktan, at 464 ang nawawala. Sa mga nawasak ng bagyo, nariyan ang bagyong Rosing noong 1995 na sumira sa imprastrakturang nagkakahalaga ng P1.726B at agrikulturang nagkakahalaga ng P9.037B. Ang bagyong Loleng naman noong 1998 ay sumira ng imprastrakturang nagkakahalaga ng P6.787B at agrikulturang P3.695B.

Sa nakaraang dekada naman, umabot sa 337 ang namatay sa Ondoy (ABS-CBN, 100909), 102 namatay sa mga bagyong Pedring at Quiel (GMA News, 101011), 278 ang namatay sa bagyong Sendong sa Mindanao (Inquirer, 121711), 98 ang namatay sa Habagat (ABS-SBN, 081312). Umabot ng 1,621 ang namatay sa lindol noong Hulyo 16, 1990, at 847 naman ang namatay sa pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991 kung saan 364 komunidad at 2.1 milyong katao ang apektado.

Malaki ang nawawala. Ari-arian at buhay, kaya dapat nating maging handa kung sakali mang dumating ang mga kalamidad. Kailangang magsuri at maging mapanlikha upang maging akma ang mga gagawing solusyon. Ang mahalaga, mabawasan ang maaapektuhan ng kalamidad dahil nagawa natin ang nararapat, tulad ng adaptasyon, o pag-aangkop sa sitwasyon upang mabawasan ang panganib, tulad ng paglipat sa mataas na lugar pag nagbaha o pagpapatibay ng bahay kung sakaling marupok na ang mga haligi nito.

Kailangang laging handang kumilos ang mga awtoridad at mga tao sa komunidad, lalo na yaong nasa nanganganib na lugar, at may kaalaman sila at kapabilidad para sa epektibong paggampan sakaling nariyan na ang kalamidad. Lalo na sa Pilipinas na taun-taon na lamang ay dinadalaw ng bagyo't binabaha. Kailangan nating laging maging handa, hindi lamang simpleng mga pag-angat ng gamit sa ating mga tahanan sakaling magbaha, kundi ang kahandaan ng kalooban at kaalaman, kung sakaling tayo na ang sinasalanta ng kalamidad, at kahandaang tumulong sa iba pang sinalanta. Napakahalaga ng bayanihan ng taumbayan sa panahong ito ng kalamidad.

Ang Oktubre 13 bilang pandaigdigang araw ay dapat magpagunita sa atin ng taal na diwa ng bayanihan, kahandaan, pagtutulungan, at pakikipagkapwa-tao. Mahalaga ang bawat buhay, kaya mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa sa anumang mga kalamidad pang darating. Kailangang maging handa ng bawat isa sa mga darating pang kalamidad. Higit sa lahat, magtulungan at magbayanihan tayo upang masagip natin ang anumang buhay na maaaring mawala dahil sa kalamidad.

Mga pinagsanggunian:
http://www.un.org/en/events/disasterreductionday/, http://www.unisdr.org/2013/iddr/, http://kidlat.pagasa.dost.gov.ph/cab/tc_frame.htm, http://en.wikipedia.org/wiki/Typhoons_in_the_Philippines, http://www.abs-cbnnews.com/nation/10/09/09/death-toll-ondoy-rises-337, http://www.gmanetwork.com/news/story/234832/news/nation/pedring-quiel-death-toll-hits-102-ndrrmc, http://newsinfo.inquirer.net/112849/180-dead-nearly-400-missing-in-storm, http://rp1.abs-cbnnews.com/nation/08/13/12/95-killed-34-million-affected-habagat-rains, http://en.wikipedia.org/wiki/Mount_Pinatubo

Biyernes, Oktubre 11, 2013

Ang Limang Pandaigdigang Deklarasyon sa Kababaihan


ANG LIMANG PANDAIGDIGANG DEKLARASYON SA KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Pilipinas, ang kadalasang malakihang raling nagaganap taun-taon ay tuwing Marso 8 (Pandaigdigang Araw ng Kababaihan), Mayo 1 (Pandaigdigang Araw ng Paggawa), SONA (State of the Nation Address) tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo, at ang Nobyembre 30 (Kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio). Sa dalawang pandaigdigang araw na nabanggit, wala ang Mayo Uno bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa kalendaryo ng Nagkakaisang Bansa (United Nations). Bakit kaya? 

Gayunman, nakatala roon ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. At hindi lamang isang deklarasyon hinggil sa kababaihan ang nasa kalendaryo ng UN, may iba pa. At ito'y ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day) tuwing Hunyo 23, ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women) tuwing Oktubre 15, ang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence Against Women) tuwing Nobyembre 25, at ang pinakabago'y ang Pandaigdigang Araw para sa Batang Babae (International Day for the Girl Child) tuwing Oktubre 11.

Napakahalaga ng mga deklarasyong ito hinggil sa kababaihan, dahil halos kalahati ng populasyon ng mundo ay pawang mga babae. Pinahahalagahan natin ang mga babae dahil bawat isa sa ating narito sa kasalukuyan, maging ang ating mga ninuno, ay nanggaling sa tiyan ng bawat ina, babae.

Isa-isahin natin ang kasaysayan o pinanggalingan ng pagdedeklara ng araw na ito.

Marso 8

Mga sosyalista ang nagpasimula ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women's Day). Gayunman, sari-sari ang mga petsa bago naitalaga ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Noong 1909, ang unang Pambansang Araw ng Kababaihan ay pinagdiwang sa Estados Unidos sa petsang Pebrero 28. Itinalaga ang petsang ito ng Sosyalistang Partido ng Amerika bilang parangal sa welga ng kababaihang mananahi sa Nuweba York, kung saan nagprotesta ang mga kababaihan laban sa hindi magandang kalagayan sa pabrika. Noong 1910, sa pulong ng Pandaigdigang Sosyalista (Socialist International) na dinaluhan ng mahigit 100 kababaihan mula sa 17 bansa, idineklara nila ang isang Araw ng mga Kababaihan na pandaigdigan ang sakop, bilang parangal sa mga kilusan para sa karapatan ng kababaihan at upang makamit ang karapatan ng kababaihang maghalal at mahalal. Ginamit din ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang mekanismo upang iprotesta ang Unang Daigdigang Digmaan (WWI). At noong Marso 8 ng 1917 sa Rusya, nagprotesta't nag-aklas ang mga kababaihan para sa "Pagkain at Kapayapaan" na tumapat sa Marso 8 sa kalendaryong Gregorian, bagamat ginagamit ng Rusya sa panahong iyon ay kalendaryong Julian na tumapat sa Pebrero. Noong 1975, na siyang Pandaigdigang Taon ng Kababaihan (International Women's Year), sinimulan nang ipagdiwang ng UN ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8. 

Hunyo 23 

Ayon sa tala ng UN, libu-libong kababaihan ang mga nakaligtas sa dyenosidyo sa bansang Rwanda noong 1994 (1994 Rwandan genocide), mga kababaihang pawang namatayan ng asawa dahil sa digmaan. Lahat ay matinding natigatig, marami ang nagahasa, ang ilan ay nagkaroon ng HIV at marami sa kanila ang nakasaksi sa pagpatay sa kanilang pamilya. Mula 1994, nakikibaka na ang mga babaeng ito at ang mga organisasyong tumutulong sa kanila upang mabago ang pakikitungo sa mga kababaihan sa Rwanda, itinaguyod ang pagkakaroon ng madaliang pagkakaroon ng serbisyong medikal, pinansyal at pagpapayo, pati na rin pagbabago sa mga batas hinggil sa pag-aari, kasal, at karapatan sa mana ng kababaihan. Mula sa mga pangyayaring ito, idineklara ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (UN General Assembly) nitong Disyembre 21, 2010, sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 61/189, ang Hunyo 23 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day). Ayon kay UN Sec Gen. Ban Ki-moon,"Walang babaeng dapat mawalan ng karapatan pag namatay ang kanyang asawa - ngunit tinatayang 115 milyong balo o biyuda ang nabubuhay sa karalitaan, at 81 milyon naman ang pisikal na naaabuso. Maaaring mangyari rin ito sa mga babaeng may asawang mas matatandang lalaki. Gamitin natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda upang itaguyod ang karapatan ng lahat ng mga balo o biyuda upang gumaan ang kanilang buhay at mapagtanto nila ang kanilang malaking kakayahang makapag-ambag pa sa ating daigdig.

Oktubre 11

Nitong Disyembre 19, 2011, sa ika-89 na pulong plenaryo ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN General Assembly) ay pinagtibay ang resolusyon Bilang 66/170 na nagdedeklarang ang Oktubre 11 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw ng Batang Babae (International Day of the Girl Child). Ito'y bilang pagkilala sa karapatan ng mga batang babae at sa mga panibagong hamon na kanilang kakaharapin, pagtataguyod ng kakayahan ng mga batang babae, at pagtiyak na ang kanilang karapatan ay tunay na nasasaalang-alang. Kinikilala ng UN na may mga diskriminasyon pa ring nangyayari sa mga batang babae sa maraming panig ng mundo. 

Bagamat ang karapatan ng mga batang babae ay nakapaloob na sa Convention on the Rights of the Child, at sa paglaki nila'y sa iba pang pandaigdigang deklarasyon ng kababaihan, hindi sila hiwalay o hindi dapat inihihiwalay sa karapatan ng kababaihan sa kabuuan, ngunit binibigyang diin lamang o pokus ang mga batang babae sa deklarasyong ito, lalo na sa aspekto ng edukasyon, at karapatan ng mga bata. 

Oktubre 15

Noong Disyembre 18, 2007, sa pamamagitan ng Resolusyon 62/136, pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN GA) ang pagtatalaga sa Oktubre 15 bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women). Ito'y bilang pagkilala sa matinding papel at ambag ng mga kababaihan sa kanayunan, kasama na ang mga lumad o katutubo, sa paglilinang ng kaunlaran sa agrikultura at nayon, pagpapaunlad ng seguridad sa pagkain, at pagpawi ng kahirapan sa kanayunan. Ang tema ng ika-57 sesyon ng Komisyon sa Kalagayan ng Kababaihan (nitong Marso 4-15, 2013) ay: "Pagpawi at pagpigil sa lahat ng uri ng karahasan laban sa mga kababaihan at batang babae."

Nobyembre 25

Noong 1960, pinaslang ng diktadurya ni Rafael Trijillo ang tatlong magkakapatid na babaeng sina Patria Mercedes Mirabal (Pebrero 27, 1924-Nobyembre 25, 1960), María Argentina Minerva Mirabal (Marso 12, 1926-Nobyembre 25, 1960), at Antonia María Teresa Mirabal (Ocktubre 15, 1935-Nobyembre 25, 1960). Ang natira na lamang sa magkapatid ay si Bélgica Adela "Dedé" Mirabal-Reyes (isinilang - Marso 1, 1925). Mula 1981, idineklara na ng mga kababaihang aktibista ang Nobyembre 25 bilang araw laban sa karahasan. Noong Disyembre 20, 1993, pinagtibay ng PKNB ang Resolusyon Blg. 48/104 na siyang Pahayag para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (Declaration on the Elimination of Violence against Women).Naging ganap itong pandaigdigang araw noong Disyembre 17, 1999 sa pamamagitan ng Resolusyon 54/134 ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa nang ideklara nito ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence against Women).

Ilang pagninilay

Bagamat halos lahat ng deklaradong pandaigdigang araw sa UN ay pangkalahatan, babae man o lalaki, ang mga pandaigdigang araw para sa kababaihan ay hindi lamang para sa mga babae, kundi para rin sa kalalakihan, upang magkaunawaan ang bawat isa. Binigyang diin lamang dito ang pagtataguyod sa karapatan ng kasariang sa matagal na panahon ng pagsulong ng lipunan ay napabayaan at halos hindi natatamasa ang kanilang karapatan.

Sa palagay ko, dapat isama rin ang Mother's Day sa mga pandaigdigang deklarasyon, pagkat wala pa ito sa talaan ng United Nations. Gayunman, bagamat ito'y hindi pa nakaukit sa pandaigdigang deklarasyon, tiyak na nakaukit ito sa puso ng bawat isang nagmamahal sa ating mga ina.

Sa Pilipinas ngayon, mas kilala ng kababaihan ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan dahil taon-taon itong ginagawa. Kita ito sa malalaking rali ng kababaihan sa araw na ito. Bago lamang ang ilan pang deklarasyon. Bagamat nasimulan na rin sa Pilipinas ang pagkilala sa Nobyembre 25 ay bihira pa rin ang nakakaalam ng araw na ito. Gayunman, nasimulan na rin ilang taon na ang nakararaan ang mga malawakang pagkilos ng kababaihan pag sumasapit ang Nobyembre patungong Mendiola, sa lugar ng makasaysayang protesta. 

Bagamat bago pa lamang ang deklarasyon ng Oktubre 11 para sa mga batang babae, Oktubre 15 para sa mga babae sa kanayunan, at Hunyo 23 para sa mga biyuda, dapat bigyan din ang mga petsang ito ng kapantay na halaga, tulad ng Marso 8 at Nobyembre 25. Kailangan din itong gunitain bilang pagkilala sa mga babae, anuman ang katayuan nito sa buhay, bilang pantay ng lahat ng tao sa karapatan at hindi dapat nakakaranas ng karahasan. Kailangan pa ang mga deklarasyong ito sa ngayon habang marami pang nagaganap na karahasan sa kababaihan bilang paalala sa bawat isa ang paggalang sa karapatang pantao.

Ang mga pandaigdigang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi lamang dapat kababaihan ang gumunita at magsikilos, kundi kaming mga kalalakihan din. Pagkat ang bawat karapatan ay dapat tamasahin ng lahat ng tao, anuman ang kanyang kasarian upang matiyak nating ang daigdig na ito'y may paggalang sa bawat isa, iginagalang ang dignidad at pagkatao ng bawat isa, at hindi dinarahas, hindi niyuyurakan, o binabalewala ninuman. Higit sa lahat, ang bawat isa'y nagpapakatao, nakikipagkapwa-tao at iginagalang ang dangal at pagkatao ng bawat isa.