Biyernes, Enero 31, 2014

Kung walang rebolusyonaryong teorya

KUNG WALANG REBOLUSYONARYONG TEORYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Without revolutionary theory, there can be no revolutionary movement." - Vladimir Ilyich Lenin, What Is To Be Done?, “Dogmatism and ‘Freedom of Criticism’” (1902)


rebolusyonaryong teorya'y mahalagang sangkap
upang matupad ang ating mga pinapangarap
ngunit kailangan ng kilusang katanggap-tanggap
sa masa, uring manggagawa't mga mahihirap

mahalaga ang teorya sa kilusang paggawa
pagkat ito'y tuntungan kung bakit dapat lumaya
rebolusyonaryong teorya'y pasulong na diwa
nang umangat itong antas ng ating pang-unawa

ito ang batayan bakit binuo ang kilusan
kung bakit may mga adhikang dapat ipaglaban
at organisahin ang pinagsasamantalahan
kung bakit may simulaing baguhin ang lipunan

may rebolusyonaryong papel itong manggagawa
sa ugnayan sa lipunan na tubo ang sumira
rebolusyonaryong teorya'y mahalagang diwa
upang pagkaisahin yaong manggagawa't dukha

kung wala ang rebolusyonaryong teoryang ito
walang prinsipyong tatanganan ang mga obrero
teoryang itong sumusuri sa kapitalismo
at landas patungo sa pangarap na sosyalismo

halina't rebolusyonaryong teorya'y namnamin
at ilapat sa lipunang dapat nating baguhin
sa takbo ng kasaysayan, ang dapat nating gawin
teoryang ito'y aralin, angkinin, pagyamanin

Linggo, Enero 26, 2014

Insureksyon, ayon kay Lenin

INSUREKSYON, AYON KAY LENIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

para magtagumpay ang isang insureksyon
di ito dapat umasa sa konspirasya
ang dapat asahan ay ang abanteng seksyon
ng uring manggagawang dapat magkaisa

asahan din ang nagkaisang mamamayan
na may alab ng rebolusyonaryong poot
lalo'y abangan ang yugto ng kasaysayan
kung saan dagsaan yaong nakikisangkot

sa maraming pagkilos na mapagpalaya
upang obrero't dukha'y ilagay sa tuktok
sabayan ang pagkilos nitong manggagawa
na talagang poot na sa sistemang bulok

mananalo ang insureksyon, ani Lenin
kung uring manggagawa'y pagkakaisahin

"To be successful, insurrection must rely not only upon conspiracy [here Lenin was differentiating Marxism from Blanquism]... but upon the advanced class. That is the first point. Insurrection must rely upon a revolutionary upsurge of the people. That is the second point. Insurrection must rely upon that turning-point in the history of the growing revolution when the activity of the advanced ranks of the people is at its height, and when the vacillations of the ranks of the enemy ... are stronger. That is the third point." - from the book LINKS, No. 20, January to April, 2002, p. 78, with a footnote stating the quote came from V. I. Lenin's Collected Works, Vol. 26, pp. 22-23