Lunes, Pebrero 9, 2015

Silang mga marginalized


SILANG MGA MARGINALIZED
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang margin ang siyang patlang sa gilid ng papel, na karaniwang sa isang short bond paper ay tig-isang pulgada ang liit o laki, habang malapad naman ng anim at kalahating pulgada pahalang at siyam na pulgada pababa ang kabuuan ng papel na masusulatan.

Dito marahil nagsimula ang salitang marginalize, tulad ng pagkakagamit sa salitang marginalized sector. Sila yaong wala sa sentro kundi nasa gilid-gilid, na kumbaga sa pantalon ay nasa laylayan.

Marginalized sector. Nasa gilid. Wala sa sentro. Wala sa gitna. Tulad ng mga maralitang walang sariling tahanan dahil nasa gilid ng tulay, nasa gilid ng kanal, nasa gilid ng riles ng tren, nasa gilid ng mga gusali.

Kaya marahil may mga salitang Pobre's Park, na umano'y mga dukhang nakatira sa Forbes Park. Nariyan din ang DasmariƱas Gilid, na umano'y mga iskwater na nasa gilid ng DasmariƱas Village.

Laging itsapuwera sa gitna, kaya laging nasa gilid. Hindi pinapapasok sa gitna dahil makakagulo lang, kaya hanggang sa gilid lamang sila, marginalized, animo'y walang karapatang pumagitna, walang karapatang pantao gayong pareho silang tao ng nasa gitna.

Itinuring na marginalized sector, kahit sila ang higit na nakararami sa lipunan, ang mga dukha, magsasaka, mangingisda, manggagawa, kabataan, kababaihan, lumad o katutubo, bagamat walang eksaktong depinisyon ito sa batas, lalo na sa Batas Republika Blg. 7941, o mas kilalang "Party-List System Act" na umano'y batas para sa mga marginalized sector.

Isang beses lang nabanggit ang salitang marginalize sa batas na ito. Ayon sa Sec. 2 nito: "The State shall promote proportional representation in the election of representatives to the House of Representatives through a party-list system of registered national, regional and sectoral parties or organizations or coalitions thereof, which will enable Filipino citizens belonging to marginalized and under-represented sectors, organizations and parties, and who lack well-defined political constituencies but who could contribute to the formulation and enactment of appropriate legislation that will benefit the nation as a whole, to become members of the House of Representatives."

Kadikit ng salitang marginalized ang under-represented, na dahil sa salitang "and" at hindi "or" ay ibig sabihin ay yaong nasa gilid na o wala sa sentro ng lipunan, ay bihira pang may kumakatawan sa kanila sa pamahalaan.

Sa Sec. 5 ng batas ay tinukoy ang sinasabing marginalized: "...provided, that the sectors shall include labor, peasant, fisherfolk, urban poor, indigenous cultural communities, elderly, handicapped, women, youth, veterans, overseas workers, and professionals."

Malabo ang tinutukoy na marginalize sa batas, dahil hindi naman lahat ay estapuwera, tulad ng professionals. Paano naging marginalize ang professionals? Mga professional nga sila, eh. Ibig sabihin, may sinasabi. May boses.

Ang mga marginalize ay yaong mga walang boses sa pamahalaan, pagkat ang mga may boses lamang o may kapangyarihang magsalita ay yaong nasa sentro, tulad ng mga mayayaman, elitista, at burgis sa lipunan. Kaya nga pag nagnakaw ng isang balot ng tinapay ang maralita, kung ikukumpara sa mga pulitikong nagnakaw ng pera ng bayan, ay agad nakukulong ang nagnakaw na dukha kahit isang balot lang iyon ng tinapay. Etsapuwera kasi sa lipunan ang mga dukha, hindi kasama sa altasosyedad, mga hampaslupang dapat itapon sa mga malalayong relokasyon.

Ayon sa Merriam-webster dictionary, ang marginalize ay pandiwa (verb) na nangangahulugan ng "to put or keep (someone) in a powerless or unimportant position within a society or group" (dalhin o panatilihin ang sinuman sa isang hindi mahalagang posisyon sa isang lipunan o grupo".

Sa British dictionary naman, ito'y pandiwa rin na ang kahulugan ay "to relegate to the fringes, out of the mainstream; make seem unimportant" o isiksik sa gilid at palitawing walang halaga.

Sa Word Origin and History, ng Dictionary.com, ang marginalize ay pandiwa rin na nangangahulugang "1832, "to make marginal notes," from marginal + -ize. The meaning "force into a position of powerlessness". Kumbaga sa isang papel na may sulat, ang komento ay nasa gilid ng papel, o margin. Komentong pansarili lamang ng tumitingin pagkat wala sa sentro o kabuuan ng papel o sulatin. Walang kapangyarihan o hindi makatatayo bilang kasama ng buong papel dahil nga marginal notes lamang o nasa gilid.

Walang eksaktong kahulugan kundi tinukoy lamang sa blog ng Human Rights Promotion (http://humanrightspromotions.blog.com/sectoral-rights/marginalized-sectors/) kung sino ang mga nasa marginalized sectors. Ayon sa blog na ito: "The marginalized sectors include the self employed or those working in family workshops, jeepney drivers, rural workers like fisherfolks and farmers.  The nature and operation of their work are beyond the scope and reach of government legislation and regulations on labor as there are no employer-employee relationships."

Idinagdag pa nila kung ano ang mga karapatan ng mga marginalized sector. Rights of the Marginalized Sectors: (a) Right to dignity; (b) Right to a Just compensation and observance of rest periods, and holidays; (c) Right to share in the fruits of production; (d) Right to organize; (e) Freedom from exploitation and harassment; (f) Right to Join the mainstream of society; at (g) Right to redress grievances.

Ayon pa rin sa blog, ito naman ang kanilang mga "Issues and concerns: (a) absence of sufficient or alternative employment opportunities; (b) harassment; (c) exploitation; (d) lack of social and political status; (e) lack of standard sets in labor laws; (f) exposure to occupation hazards; (g) absence of organize union; at (h) low production and low wages.

Ngunit ang mabigat na katanungan dito ay bakit nga ba may marginalized, o bakit may mga taong imbes na sa Forbes Park ay sa Pobre's Park nabubuhay? Bakit may naninirahan sa Alabang Gilid, imbes na sa Alabang Village? Bakit kailangang may mga taong etsapuwera? At bakit may mga nasa sentro  gayong hindi naman sila mga hari at reyna? At bakit ba kailangan pang may hari at reyna, gayong pare-pareho naman tayong tao na may pantay na karapatan sa lipunan? Bakit may mga nasa gilid, at walang karapatan sa daigdig na ito?

Napakarami ng marginalize sa lipunan, ngunit kaunti ang kanilang natatanggap na benepisyo, kundi man wala, mula sa lipunang ito. Gayong kung wala sila'y hindi mabubuhay ng maayos ang lipunang ito.

Bakit marginalize ang mga manggagawa sa lipunan gayong sila ang bumubuhay sa lipunang ito? bakit marginalize ang mga magsasaka gayong kung wala sila ay hindi makakakain ang mga tao sa lipunang ito? Bakit ang mga hindi marginalize ang silang nakikinabang sa pawis na likha ng marginalize?

Kumbaga sa isang papel na may margin na isang pulgada ang apat na gilid, bakit nasa gilid at hindi binibigyan ng halaga ang mga anakpawis na bumubuhay sa lipunan? Bakit wala silang kapangyarihan gayong sila ang mayorya sa lipunan.

Marahil, panahon nang ang margin sa isang short bond paper ay maging apat na pulgada bawat gilid, upang ang matira sa mga nasa sentro ay yaong kalahating pulgada ang lapad at tatlong pulgada pababa na lamang. O kaya naman, tanggalin na ng mga nasa marginalized ang margin at okupahin na ang buong papel, dahil sila naman ang bumubuhay sa lipunang ito.

Miyerkules, Pebrero 4, 2015

2 Tula: Republikang Basahan, at Republikang Trapo


REPUBLIKANG BASAHAN (1945)
Teodoro Agoncillo

Republika baga itong busabos ka ng dayuhan?
Ang tingin sa tanikala'y busilak ng kalayaan?

Kasarinlan baga itong ang bibig mo'y nakasusi,
Ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari?

Ang buhay mo'y walang patid na hibla ng pagtataksil
Sa sarili, lipi't angkan, sa bayan mong dumaraing!

Kalayaan! Republika! Ang bayani'y dinudusta.
Kalayaan pala itong mamatay nang abang-aba!

Kasarinlan pala itong ni hindi mo masarili
Ang dangal ng tahanan mong ibo't pugad ng pagkasi.

Malaya ka, bakit hindi? Sa bitayan ikaw'y manhik,
At magbigting mahinahon sa sarili na ring lubid!

Kalayaan - ito pala'y mayro'n na ring tinutubo
Sa puhunang dila't laway, at hindi sa luha't dugo!

Humimbing kang mapayapa, mabuhay kang nangangarap,
Sa ganyan lang mauulol ang sarili sa magdamag.

Lumakad ka, hilain mo ang kadenang may kalansing,
Na sa taynga ng busabos ay musikang naglalambing!

Limutin mo ang nagdaan, ang sarili ay taglayin,
Subalit ang iniisip ay huwag mong bibigkasin!

Magsanay ka sa pagpukpok, sa pagpala at paghukay,
Pagkat ikaw ang gagawa ng kabaong kung mamatay.

Purihin mo ang bayaning may dalisay na adhika,
Ngunit huwag paparisan ang kanilang gawi't gawa.

Republika na nga itong ang sa inyo'y hindi iyo,
Timawa ka at dayuhan sa lupain at bayan mo!

Kalayaan! Malaya ka, oo na nga, bakit hindi?
Sa patak ng iyong luha'y malaya kang mamighati!

Sa simoy ng mga hangin sa parang at mga bundok,
Palipasin mo ang sukal ng loob mong kumikirot.

Kasarinlan! Republika! Kayo baga'y nauulol,
Sa ang inyong kalayaa'y tabla na rin ng kabaong?

Republika! Kasarinlan! Mandi'y hindi nadarama,
Ang paglaya'y sa matapang at sa kanyon bumubuga!

Bawat hakbang na gawin mo sa Templo ng Kalayaan
Ay hakbang na papalapit sa bunganga ng libingan!

Ang paglaya'y nakukuha sa tulis ng isang sibat,
Ang tabak ay tumatalim sa pingki ng kapwa tabak.

Ang paglaya'y isang tining ng nagsamang dugo't luha,
Sa saro ng kagitinga'y bayani lang ang tutungga.

Bawat sinag ng paglayang sa karimlan ay habulin,
Isang punyal sa dibdib mo, isang kislap ng patalim!



REPUBLIKANG TRAPO (2015)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Republika baga itong busabos tayo ng trapo?
Ang tingin sa tanikala'y uliran ng pagbabago?

Kasarinlan baga itong ang trapo ang naghahari
Habang inaapi naman ang hindi nila kauri

Ang buhay ng dukha'y laging naroroon sa hilahil
Mga ibinotong trapo sa bayan ay nagtataksil.

Kalayaan! Republika! Naghahari'y dinastiya!
Kalayaan lamang ito sa naghaharing burgesya

Pagmasdan mo't dinastiya'y naglipana sa gobyerno
Bayan ba'y may napapala sa paghahari ng trapo

Namamahala sa tao'y bakit iisang pamilya
Ganito ang nangyayari sa iba’t ibang probinsya

Ang tatay ay kongresista, ang anak niya'y senador
Asawa'y siyang alkalde, kapatid ay gobernador

Kada eleksyon na lamang ay wala nang pagbabago
Kilalang apelyido lang ang lagi nang nananalo

Wala kasing pagpilian pag dumatal ang halalan
Pulos kasi mayayaman ang nagsisipagtakbuhan

Ang dukha ba dahil dukha'y di maaaring tumakbo
May puso sa paglilingkod, wala ba silang talino

Ang mga trapong may pera, dahil ba nakapag-aral
Dadalhin na tayo nito sa kaunlarang pedestal

Ngunit hindi, dukha pa rin iyang mga mahihirap
Pangarap nilang pag-ahon, nananatiling pangarap

Subalit laging pangako ng trapo pag kampanyahan
Iboto sila'y aahon ang dukha sa kahirapan

Pag-ahon na ba sa hirap kung di binayarang tama
Ang pinagpagurang sahod nitong mga manggagawa

Pag-ahon na ba sa hirap kung ang dukha'y tinataboy
Winawasak ang tahanan, dukha'y nagiging palaboy

Pag-ahon na ba sa hirap kung pamasahe't bilihin
Ay patuloy sa pagtaas, lalo't presyo ng pagkain

Pag-ahon na ba sa hirap ang mahal na edukasyon
Bata pa'y manggagawa na, walang aral, walang baon

Ngunit trapo'y naroroon, sa masa'y ngingiti-ngiti
Lalo't apelyido nila't pamilya'y nabotong muli

Kung trapo ang pinagpala, tao ba'y may napapala
Ang trapo'y tusong kuhila, serbisyo'y di ginagawa

Ngunit tao'y malaya daw, depensa ng mga trapo
Paglayang iyan ay iyo, bahala ka sa buhay mo

Ngunit paglaya ba yaong wala kang pagpipilian
Iboboto'y mga hangal, kandidatong mayayaman

Sa kasaysayan ng bansa, ang masa'y anong napala
Karukhaan ba'y naibsan, ano't kayrami pang dukha

Pagdating ng kampanyahan, trapo'y kayraming pangako
Sa hirap, ang mga dukha'y kanila raw mahahango

Parating ganito na lang, ganito bawat eleksyon
Pangako'y pinako't dukha'y sa dusa ibinabaon

Pag-aralan ang lipunan, bakit trapo'y nahahalal
Dukha'y naghihirap pa rin, at naghahari'y kapital

Kunwari tayo'y malaya sa halalan ng burgesya
Pinipili'y ang papalit, bagong magsasamantala

Kung ganito ang sistema, masa'y walang pakinabang
Republikang trapo'y bulok kaya't dapat nang palitan

Kaya manggagawa, kayong sa lipunan bumubuhay
Magkaisa pagkat kayo'y may lakas na tinataglay

Ang maso'y inyong hawakan, doon sa trapo'y ipukpok
Durugin ang tanikala, lalo ang sistemang bulok

Halina't ating wakasan itong republikang trapo
At sama-samang itayo ang lipunang makatao.

- 2 Pebrero 2015