Miyerkules, Abril 6, 2016

Dalawang tulang "Bonifacio" ni Ka Amado V. Hernandez

DALAWANG TULANG "BONIFACIO" NI KA AMADO V. HERNANDEZ
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang tula, iisang pamagat. Kapwa pagninilay sa ating bayaning si Gat Andres Bonifacio. Kung alin ang nauna sa dalawa ay hindi ko na nalaman pagkat walang petsa ang nasabing mga tula. Narito ang magkaibang tula ni Ka Amado V. Hernandez hinggil sa Supremo ng Katipunan. 

Ang isa'y mula sa aklat na Tudla at Tudling, mp. 276-277, na hinati sa tatlong bahagi, na kung susuriin animo'y pinagdugtong na tatlong soneto, at ang bawat taludtod ay tiglalabing-anim na pantig, at may sesura o hati sa pangwalong pantig.  

Ang isa naman ay nasa aklat na Isang Dipang Langit, p. 159, na binubuo ng apat na saknong na may tig-aapat na taludtod, at lalabindalawang pantig, at may sesura o hati sa ikaapat na pantig.

Halina't tunghayan natin at namnamin ang dalawang tulang ito na iisa ang pamagat.


BONIFACIO
ni Amado V. Hernandez

I
Pag malubha na ang init, sumasabog din ang bulkan,
pag labis ang pagkadusta'y naninigid din ang langgam:
at ang bayan, kahit munti, kung inip na sa karimlan,
sa talim ng isang tabak hinahanap ang liwayway!

Walang bagay sa daigdig na di laya ang pangarap,
iyang ibon, kahit ginto ang kulunga'y tumatakas;
kung baga sa ating mata, kalayaan ay liwanag,
at ang bulag, tao't bayan ay tunay na sawingpalad!

Parang isang bahagharing gumuhit sa luksang langit,
ang tabak ni Bonifacio'y tila kidlat na gumuhit
sa palad ng ating bayang "nauuhaw'y nasa tubig."

Sa likuran ng Supremo'y kasunog ang buong lahi,
samantalang libo-libo ang pangiting nasasawi,
sa gitna ng luha't dugo, ang paglaya'y ngumingiti.

II
Ang kalansay ng bayaning nangalagas sa karimlan,
naging hagdan sa dambana ng atin ding kasarinlan;
at ang Araw, kaya pala anong pula ng liwayway,
ay natina sa dumanak na dugo ng katipunan!

Namatay si Bonifacio, subali't sa ating puso,
siya'y mutyang-mutyang kayamanang nakatago;
wari'y kuintas ng bulaklak, nang sa dibdib ay matuyo,
bagkus natin nalalanghap ang tamis ng dating samyo.

Sa Ama ng Katipuna'y kautangan nating lahat
ang dunong na matutunan ng lakas sa kapwa lakas,
batong-buhay, nang magpingki'y may apoy na naglalablab!

Natanto ring kung may tubig na pandilig sa pananim,
ang laya man, kung nais na mamulaklak ay dapat ding
diligin ng isang lahi ng dugong magigiting.

III
Iyang mga baya'y tulad ng isda rin palibhasa,
ang maliit ay pagkain ng malaking maninila;
ang kawawang Pilipinas, pagka't munti at kawawa,
kaya lupang sa tuwina'y apihin ng ibang lupa.

Oh, kay saklap! Anong saklap! Ang sa atin ay sumakop,
isang naging busabos ding tila ibig mangbusabos;
kung kaya ang ating laya'y isa lamang bungang-tulog,
nasa kurus hanggang ngayon itong si Juan de la Cruz!

At ang bayan, sa malaking kasawiang tinatawid,
ang ngalan ni Bonifacio ay lagi nang bukang-bibig,
tinatanong ang panahon kung kailan magbabalik!

Kailan nga magbabalik ang matapang na Supremo?
Tinatawag ka ng bayan: - "Bonifacio! Bonifacio!
isang sinag ng paglaya bawa't patak ng dugo mo!"


BONIFACIO
ni Amado V. Hernandez

Kalupitan ay palasong bumabalik,
kaapiha'y tila gatong, nagliliyab;
Katipuna'y naging tabak ng himagsik,
at ang baya'y sumiklab na Balintawak!

Isang tala ang sumipot sa karimlan,
maralita't karaniwang Pilipino;
ang imperyo'y ginimbal ng kanyang sigaw,
buong lahi'y nagbayaning Bonifacio!

Balintawak, Biak-na-Bato, Baraswain,
naghimala sa giting ng bayang api;
kaalipnan ay nilagot ng alipin,
at nakitang may bathalang kayumanggi.

Republika'y bagong templong itinayo
ng bayan din, di ng dayo o ng ilan;
Pilipinas na malaya, bansang buo,
na patungo sa dakilang kaganapan.

Sabado, Abril 2, 2016

Si Teodoro Asedillo bilang Bayani ng Sariling Wika

SI TEODORO ASEDILLO BILANG BAYANI NG SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago pa maging tagapagtanggol at maging Ama ng Wikang Pambansa si Manuel L. Quezon, may isa nang kilalang guro sa kasaysayan ang unang nagtanggol sa sariling wika, at siya si Teodoro Asedillo.

Dapat ituring na bayani ng wikang pambansa ang rebolusyonaryong guro na si Teodoro Asedillo. Ayon sa kasaysayan, labing-isang taon naglingkod bilang guro si Maestro Asedillo sa mababang paaralan ng Longos sa lalawigan ng Laguna, mula taong 1910 hanggang 1921. Bilang guro, itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.

Nang panahong iyong sakop ng Amerika ang bansa, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika sa pagtuturo, at yaong gumagamit nito'y pinarurusahan. Noong elementarya ako'y naranasan ko rin ang ganito sa aming paaralan, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika, at may parusa ang magsasalita ng sariling wika, gayong mahigit na kalahating siglo na yaong nakararaan sa panahon ni Asedillo. Matutunghayan natin ang eksenang ito sa unang bahagi ng pelikulang Asedillo na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr. na ibinase sa kanyang buhay.

Isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro. 

Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo. Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto. 

Anong saklap na pangyayari! Nang dahil sa pagtatanggol sa sariling wika na dapat gamitin sa pagtuturo, siya pa ang natanggal.

Naging masalimuot ang buhay ni Asedillo mula noon. Hinirang siya ng alkalde sa bayang San Antonio bilang hepe ng pulisya roon, ngunit nabiktima ng pang-iintirga at natanggal bilang hepe.

Nang maitatag ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong 1929, sumapi rito si Asedillo nang nagkatrabaho na siya bilang magsasaka sa taniman ng kape. Hanggang siya'y atasaan ng pamunuan ng KAP na lumuwas sa Maynila upang mag-organisa ng mga manggagawa partikular sa unyon ng La Minerva Cigar and Cigarette Factory sa Tondo, hanggang sa ang mga manggagawa rito ay nagwelga. Sa welgang iyon ay pinagtangkaan siyang arestuhin ng Konstabularya ngunit nakatakas siya patungong Laguna, ang kanyang probinsya. 

Bumalik siya sa Laguna kung saan may base ng magsasaka ang KAP. Muli siyang nag-organisa. Napagtanto niyang hindi na maaari ang parlamentaryong paraan lamang ng protesta. Hindi na libro, plakard at araro ang hawak-hawak, kundi baril, bilang isang mandirigma ng masa. Ipinakita niya ang kahusayan sa pamumuno, at nagsagawa sila ng repormang agraryo, pinababa ang buwis o upa sa lupa.

Sumanib si Asedillo sa mga pwersa ni Nicolas Encallado, na kilala sa tawag na Kapitan Kulas.

Naging alamat si Asedillo sa mga lugar na pinaglalabas-masukan niya noon sa Laguna at Tayabas. Siya’y katulad ni Robin Hood na ang kinukuha sa mayayaman ay ibinibigay sa mahihirap. Sinasabing araw na araw ay ligtas siyang nakakapaglakad sa mga kalye ng pinagmulan niyang bayan, at pinakakain siya ng taumbayan at pinatutuloy sa kanilang bahay.

Noong Disyembre 31, 1935, pagkaraan ng mahigpit na paghahanap ng mga tropa at ahente ng gubyerno kina Asedillo at Encallado, natagpuan nila ang pinagtataguan ni Asedillo sa Cavinti, Laguna. Sa labanang nangyari, napatay si Asedillo at ang dalawa niyang badigard. Pagkaraa’y inilibot ng Konstabularya sa bayan-bayan ang bangkay ni Asedillo na tadtad ng bala. Ang buong ngitngit ng kaaway ay ipinadama kahit sa kanyang luray na bangkay. Kinaladkad sa mga poblasyon, sa harap ng mga presidencia ng mga bayang kanyang kinilusan, upang ipagyabang na patay na si Asedillo. Si Asedillo ay itinulad kay Kristong ipinako sa krus hanggang sa mamatay.

Marahas na wakas ang nangyari kay Teodoro Asedillo, guro at tagapagtanggol ng sariling wika. Ngunit ang halimbawa niya bilang tagapagtanggol ng sariling wika, una pa kay Manuel Quezon, ay hindi dapat mabaon sa limot. Dapat siyang itaguyod sa panahong ito na dinedelubyo ng globalisasyon ang edukasyon at K-12 upang huwag nang pag-aralan ng sambayanang Pilipino ang sariling wika, at matuto na lang ng wikang dayuhan upang maging alipin sa ibang bansa.

Noong kanyang panahon ay wala pang idinedeklarang wikang pambansa, ngunit ang pagtataguyod niya ng sariling wikang nakagisnan niya ay malaking bagay na upang kilalanin siyang tagapagtanggol ng sariling wika at hindi ng wika ng dayo.

Dapat itaguyod ang simulan ni Teodoro Asedillo, hindi lamang ang kanyang paninindigan noong siya'y kasapi ng KAP, kundi higit sa lahat, bilang tagapagtanggol ng sariling wika.

Dapat siyang kilalanin at gawan ng bantayog bilang ganap na pagkilala sa kanya at ituring siyang bayaning nakibaka laban sa mga dayuhan at bayaning nanindigan para sa sariling wika. Halina't tayo'y magkaisa upang bigyang parangal si Asedillo bilang una pa kay Quezon sa pagtataguyod ng sariling wika.

Mabuhay si Teodoro Asedillo, rebolusyonaryo, tagapagtanggol ng api, at bayani ng sariling wika!