Nagpipinta ng BMP banner dahil may time, at habang nagpipinta ay nag-iisip ng kung anu-ano, bakasakaling makapulot ng piyesa para sa tula at kwento, habang may gumagapang na guyam sa bisig. May nakita akong tilas na nalaglag sa puno, buti't di sa ulo ko nalaglag, tiyak ako'y mangangati. Maitula nga mamaya ang kwento ng guyam at tilas.
Sabado, Marso 25, 2017
Linggo, Marso 19, 2017
SosyalisTULAan bilang bagong simula
SosyalisTULAan bilang bagong simula
ni Greg Bituin Jr.
Ang naghaharing uri nga ba ang nagtatakda ng sining, kultura at panitikan sa isang lipunan? Kung susuriin, marahil ay sila nga, o kaya'y sila lang, lalo na't pinatatampok sa mga komersyal sa telebisyon, at mga istorya sa mga lifestyle section ng mga pahayagan ang kanilang pamamayagpag at panlasa.
Ang namamayaning panitikan ay pilit isinasaksak ng naghaharing uri sa ating mga lalamunan, na halos mabuwalan na tayo ay tinatanggap pa rin ng masa. Marahil dahil di nila nakikita ang alternatiba. O marahil wala namang nagkukusang maging alternatiba.
Hindi naman nakatago ang mga sosyalistang panitikan ngunit hindi naman naipalalaganap. Kung maipalaganap man ay sa maliliit na sirkulo lamang, mga sirkulong hindi mapansin ng madla kahit na magpapansin.
Halimbawa na lamang ang Teatro Pabrika na itinatag noong Nobyembre 1990 na naririnig ang kanilang mga awit sa sirkulo lamang ng maliit na seksyon ng mahigit 40 milyong manggagawa sa Pilipinas, o maliit na porsyento ng organisadong wala pang isang milyong manggagawa. Maganda at makasaysayan na ang kanilang mga naiambag ngunit hindi pa nakakatagos sa kamalayan ng mayorya ng manggagawa. Dagdag pa ang kakulangan ng mga bagong awiting sosyalista.
Paano pa kaya ang mga nasa panitikan o gumagawa ng tula, tulad ng limang makatang magtatanghal sa SosyalisTULAan sa Marso 21 - World Poetry Day.
May mga nabuong maliliit na sirkulo noon sa panitikan. Bandang 2005 nang maitatag ang Association of Progressive Poets (APP) hanggang sa mamatay na lamang ito. Bandang 2010 ay nagkaroon ng facebook group na Maso at Panitik na layuning pagkaisahin ang mga makatang kumikilos sa kilusang sosyalista, at hindi sa kilusang makabayan.
Ngunit kailangang magsimula. Nagsisimula ang isang unos mula sa ambon lamang. Nagsisimulang mapuno ang tibuyô (tagalog ng Kastilang alkansya) ng isang bata kung may inihuhulog siyang piso bawat araw. Nagsisimula sa unang hakbang ang bawat maraming tagumpay. Hindi nagtatagumpay ang isang layuning hindi sinimulan, at hindi tuluy-tuloy upang abutin ang nilalayon.
Kailangang tunggaliin ang sining, kultura at panitikan ng naghaharing uri. Kaya kailangang organisahin at pagkaisahin ang mga manggagawa sa kultura, manunulat at makata. Ang kaaway ay ang internasyunalismo ng kapital, kaaway ng di-pa-naisasagawa-muling internasyunalismo ng uring manggagawa. Kahit sa ating mga isinusulat na tula, kailangan ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan. Ipwesto natin ang ating ikinakatha sa kabuuang kalagayan ng lipunan, lalo na ng uring manggagawa at ng masa ng sambayanan.
Matiyaga nating ipaunawa batay sa ating kakayahan sa pagtula, pag-awit o anupamang uri ng pagtatanghal ang kinapapalooban nating lipunan, habang ang diyalektika ng pagsulong ng lipunan ay inilalantad o ginagawang halimbawa sa bawat katha.
Gayunpaman, kailangan ng taos na pag-unawa sa lipunang ating ginagalawan habang binabakbak natin ang kapitalismong ito kapara ng anay. Kasabay ng pagkilos na ito ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, na isang salik ng sosyalismong ating inaasam, o tinatawag nga nating lipunang makatao. Ang mga kinakatha nating tula, sanaysay, maikling kwento, o maging awit, ay dapat maipaunawa sa madla nang may paggalang sa bawat isa, kusang niyayapos ng madla nang hindi ipinipilit o isinusubo na lang nang hindi nila nauunawaan.
Isang bagong simula itong SosyalisTULAan sa Marso 21 - World Poetry Day na dadaluhan ng ilang piling makatang nais mag-ambag sa panitikan ng uring manggagawa. Hindi man ito ang alternatiba ngunit ang pagsisimulang ito’y unang hakbang.
Martes, Marso 14, 2017
SosyalisTULAan sa Marso 21 - World Poetry Day
SosyalisTULAan sa Marso 21 - World Poetry Day
Ang tula ay hindi lamang para sa mga nasa itaas ng lipunan, o naghaharing uri, o yaong tinatawag na toreng garing (ivory tower). Lalo't higit, dapat nagsisilbi ang tula sa uring manggagawa, at mga sektor, tulad ng OFW, tsuper, konduktor, magsasaka, maralita, kababaihan, vendors, at iba pang nabubuhay sa pagbebenta ng lakas-paggawa.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Poetry Day sa Marso 21, 2017, araw ng Martes, ay maglulunsad tayo ng bigkasan sa pagtula. Gaganapin ito sa BMP office sa ganap na ika-7 hanggang ika-9 ng gabi.
Magbabahagi ng tula sina:
Kuya Jhuly (Partido Lakas ng Masa),
Merck Maguddayao (SUPER Federation),
Anthony Barnedo (KPML-NCRR),
Ver Panganiban (BMP),
Greg Bituin Jr. (BMP),
at iba pa.
Ang iba pang nais magbahagi ng tula ay inaanyayahang dumalo sa SosyalisTULAan. Halina't tulaan natin ang mga manggagawa at ibang aping sektor ng lipunan. Itula natin ang mga inhustisya sa lipunan, pakikibaka laban sa kontraktwalisasyon, pagkasira ng kalikasan, pang-aapi sa kababaihan, kawalang pagkakapantay-pantay, at ang pangarap nating lipunang walang pagsasamantala.
Kasabay nito, ngayong 2017 ang sentenaryo ng Bolshevik Revolution, o ang matagumpay na Rebolusyong Oktubre 1917 na nagpatalsik sa Tsar sa Rusya at nagtatag ng matagumpay na lipunan ng uring manggagawa. Ipagdiwang natin ang pagkilos na ito sa pamamagitan ng pagtula.
Ang tula ay armas natin sa pagmumulat sa uring manggagawa at sa masa ng sambayanan. Ika nga ni Ho Chi Minh, ""Poetry should also contain steel and poets should know how to attack."
- kasamang Greg
Linggo, Marso 5, 2017
Pagtatanghal sa Luneta ng tulang "Ang Katawan ng Babae'y Hindi Makina"
* Ang sumusunod na tula ay binasa ng makata sa Rizal Park Open Air Auditorium sa Maynila noong ika-5 ng Marso 2016, araw ng Sabado. Ang tula ay kasama sa pagtatanghal na pinamagatang "Mga Awit at Tula para sa Kababaihan at Bayan" (Sa Pagdiriwan ng Buwan ng Kababaihan). Kinatha ang tula limang taon na ang nakararaan, noong ika-8 ng Marso 2011.
ANG KATAWAN NG BABAE'Y HINDI MAKINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ang katawan ng babae'y hindi makina
na kung kailan mo nais ay pwede siya
tanungin siya kung anumang iyong nasa
hingiin mong lagi ang pagsang-ayon niya
nais ba ng babae ang anak ng anak
na pag ayaw nya'y sasabayan mo ng upak
babae ba'y pagagapangin mo sa lusak
masunod ka lang kahit siya'y mapahamak
babae ang nakatatalos ng sarili
babae ang may alam kung anong mabuti
ramdam niya kung anong maaring mangyari
kaya pag-usapan kung ano ang maigi
huwag mong ituring na siya'y libangan lang
na sa libog mo, siya'y isang parausan
dapat karapatan ng babae'y igalang
siya ang mapagpasya sa kanyang katawan
8 Marso 2011
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)