Biyernes, Setyembre 14, 2018

Tula sa ika-25 anibersaryo ng BMP

TULA SA IKA-25 ANIBERSARYO NG BMP
ni Greg Bituin Jr.
- tulang akrostika, binubuo ng 15 pantig bawat taludtod

Pagpupugay sa Anibersaryong Pilak (ika-25) ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)

Bukluran ng Manggagawang Pilipino - B.M.P.
Unyunismo, sosyalismo, taas-kamao kami
Kapitalismong salot ang kalabang anong tindi
Lulupigin ito kaya kami'y nagpaparami
Upang itayo ang lipunang tunay na may silbi

Rebolusyon ay isang daan tungong pagbabago
At edukasyon ay paraan para sa obrero
Na ang welga'y paaralan na dapat unawa mo
Na pagkakaisa nila'y mahalagang totoo
Gaano man kahirap ay magwawagi rin tayo

Manggagawa, magkaisa, ang aming panawagan
At manggagawa ang magpapalaya nitong bayan
Na kahit na matindi ang mga nararanasan
Ginagawa ang nararapat ng may katapatan
Ginigising ang bayan nang mabago ang lipunan

Ating itataguyod ang kapakanan ng uri
Gulugod ang prinsipyong tangan, layunin at mithi
Atin ding dudurugin ang pribadong pag-aari
Wakasan ang burgesya't elitistang paghahari
At ibabagsak na ang sistemang mapang-aglahi

Nanggugulang lagi itong kapitalistang ulol
Ginugulangan ang masang di marunong tumutol
Pangil ng kapitalismo'y gawin nating mapurol
Ibagsak ang burgesyang may buntot na buhol-buhol
Lupigin ang kapital na asong kahol ng kahol

Igawad ang pamumuno sa uring manggagawa
Pagkaisahin natin ang hukbong mapagpalaya
Isipin natin paano haharapin ang sigwa
Ng kapitalismong nagdulot ng hirap at luha
Organisadong manggagawa ang ating adhika

* Ang tula'y nilikha ika-14 ng Setyembre 2018, kasabay ng pagdiriwang ng ika-25 taon ng BMP.