Biyernes, Marso 29, 2019

Ang tula sa lapida ni Ben Tumbling


ANG TULA SA LAPIDA NI BEN TUMBLING

Nuong nakaraang Marso 28, 2019, nakita ko ang tula sa lapida ni Ben Tumbling sa ulat ni Lourd De Veyra sa programa ng ABC5 na: "Tsismis Noon, History Ngayon" sa https://www.youtube.com/watch?v=qf_DJMphrC4, nasa 11:14 (11 minutes,41 seconds) ng video. Subalit ang tula ay may bandalismo na, kaya di ko na mabasa. Naghanap ako ng malinaw na kopya ng tula, ngunit wala pa akong makita sa internet. Si Ben Tumbling ay kilalang kriminal subalit sa Malabon ay maraming nagmamahal, ayon kay Lourd De Veyra.

Inilabas ko ang katanungang "Ano ang malinaw na nakasulat na tula sa lapida ni Ben Tumbling?" sa facebook. Unang tumugon si kasamang Jilbert Rose. Ang sabi niya: "Puntahan natin greg, Alam ko sa tugatog cementery malabon Yan nkahimlay c Ben tumbling". Ang ikalawang tumugon ay si kasamang Jhuly Panday. Nagpadala siya ng malinaw na litrato ng lapidang kinauukitan ng tulang alay kay Ben Tumbling.

Maraming salamat, kasamang Jhuly, sa maagap mong pagpapadala ng malinaw na liriko ng tula hinggil kay Ben Tumbling. Pero nais ko pa ring puntahan ang sinabi ni kasamang Jilbert upang makita ko mismo ng personal ang lapida.

Sa tulang ito sa lapida ni Ben Tumbling, makikitang ang makatang nagsulat ng tula ay maalam sa tugma at sukat, pagkat ang tula ay binubuo ng labingdalawang pantig bawat taludtod. Pati ang sesura ay sakto sa ikaanim na pantig. Makinis ang pananaludtod.

Sinong makata kaya ang nagsulat ng tulang itong alay kay Ben Tumbling? Marahil siya'y isang makatang taga-Malabon din, subalit hindi kilalang makata. O marahil ay kilalang makata ngunit ayaw amining siya ang sumulat ng tula, at baka balikan siya ng mga nakalaban ni Ben.

Gayunpaman, narito ang kabuuan ng tula kay Ben Tumbling na nakaukit sa lapida.

BEN TUMBLING

IKAW BA'Y MASAMA O ISANG DAKILA
BAKIT BA MARAMI ANG SAYO'Y HUMANGA
MGA MATATANDA, DALAGA AT BATA
SA PAGKAMATAY MO'Y AYAW MANIWALA

BAKIT DI MARINIG SA BIBIG NG TAO
NA KAY BEN GARCIA'Y NAPOPOOT AKO
BAKIT SI BEN TUMBLING AY NAGING IDOLO
GAYONG SA BALITA AY PUSAKAL ITO

BAKIT BA KAYRAMI ANG MGA NALUNGKOT
NG ANG IYONG BUHAY AY AGAD NA NATAPOS
AT BAKIT MARAMING NAGMAGANDANG LOOB
NAG-ABULOY SAYO NG KATAKOT-TAKOT

ANG ALAALA MO AY MAGIGING ARAL
SA TAGA-MALABON AT KARATIG BAYAN
ANG DALANGIN NILA KUNG NASAAN KA MAN
SANA AY KAMTIN MO ANG KAPAYAPAAN

BENJAMIN M. GARCIA
HUNYO 7, 1957
MARSO 13, 1981

Huwebes, Marso 28, 2019

Ano ang malinaw na nakasulat na tula sa lapida ni Ben Tumbling?

Nakita ko ang tula sa lapida ni Ben Tumbling sa ulat ni Lourd De Veyra sa ABC5, "Tsismis Noon, History Ngayon" sa https://www.youtube.com/watch?v=qf_DJMphrC4, nasa 11:14 (11 minutes,41 seconds) ng video. Subalit ang tula ay may bandalismo na, kaya di ko na mabasa. Naghahanap ako ang malinaw na kopya ng tula, ngunit wala pa akong makita sa internet. Si Ben Tumbling ay kilalang kriminal subalit sa Malabon ay maraming nagmamahal, ayon kay Lourd De Veyra.

Marahil, balang araw, baka  magpatulong ako sa ilang kasama sa Malabon upang mapuntahan ko ang libingan niya, makopya ng buo ang nakasulat sa lapida, at marahil ay makilala rin kung sinong umakda ng tula. Ang ilan lang sa malinaw ay:

BEN TUMBLING

IKAW BA'Y MASAMA O ISANG DAKILA
BAKIT BA MARAMI ANG SAYO'Y HUMANGA
MGA ________________________________
SA _________________________________

BAKIT DI MARINIG SA BIBIG NG TAO
NA _____________________________
HA_________________________________
GAYONG SA BALITA AY PUSAKAL ITO

BAKIT BA KAYRAMI ANG MGA NALUNGKOT
NG ____________________NA MATAPOS
AT _______________ MAGANDANG LOOB
NAG-ABULOY SAYO NG KATAKOT-TAKOT

A
SA __________________BAYAN
ANG DALA _____________ KA MAN
SANA AY KAMTIN MO ANG KAPAYAPAAN

BENJAMIN M. GARCIA
HUNYO 7, 1957
MARSO 13, 1981

Linggo, Marso 24, 2019

Si Oriang, ang Lakambini

SI ORIANG, ANG LAKAMBINI

Si Oriang, bayani, asawa
Lakambini ng Katipunan
Matapang na Katipunera
Para sa bayang tinubuan

Ikaw ang mithing binibini
Ng bayani't Supremo Andres
Itinalagang Lakambini
Nang bayan ay di na magtiis

Magkatuwang kayo ni Andres
Sa Katipunang pinagpala
Susupil sa pagmamalabis
Ng mga Kastilang kuhila

Kay Andres, di ka lang asawa
Di ka lang inspirasyon kundi
Kasama sa pakikibaka
At kalayaan ang lunggati

Ang bayan ay inyong hinango
Mula sa hinagpis at luha
Sinindihan ninyo ang sulo
Nang kamtin ng bayan ang laya

- gregbituinjr.

(Binasa sa Rizal Park Open Air Auditorium, Marso 23, 2019. Ang mga litrato ay kuha ng aking asawang si Liberty. Taos-pusong pasasalamat kay Ka Joel Malabanan sa kanyang imbitasyon upang ako'y muling makatula sa Luneta.)




Huwebes, Marso 21, 2019

Ang personal ko'y pulitikal

ANG PERSONAL KO'Y PULITIKAL

nanindigan akong ang personal ko'y pulitikal
kasapi ng lipunang ang mayorya'y nagpapagal
upang makakain kahit alipin ng kapital
kayod-kalabaw, sarili mang buhay ay sinugal

ang personal ko'y pulitikal, kahit sa pagkain
nabubusog lang ba pag kapitalismo'y kainin?
giginhawa lang ba pag komersyalismo'y lunukin?
o sa globalisasyon, dukha'y lalong gugutumin?

pulitikal din kahit ang pag-ihi, bakit kamo
iihi sa C.R. ng mall, ang bayad: sampung piso
pag-ihi man sa C.R. ng simbahan, sampung piso
may presyo rin kasi bawat pag-flush sa inidoro

pulitikal din naman kahit pagpili ng damit
magbabarong tulad ng sa kabangbayan nangupit?
kamisetang kupas tulad ng sa monay nang-umit?
o payak na kasuotan ng dukhang nagigipit?

pulitikal din ang pahinga, paghinga't paghiga
nasa isip ang nangyayari sa pamilya't madla
bakit kahit kayod-kalabaw, kayraming nalikha
ay di pa rin sapat ang sahod nitong manggagawa

pag-aasawa ma'y personal, ito'y pulitikal
kung wala silang trabaho, pag-ibig ba'y tatagal?
kung walang pambili ng bigas, ang isa'y aangal
baka may pag-ibig lang sa unang taon ng kasal

pulitikal din kahit ang pagsakay sa dyip o bus
dapat may pamasahe ka't bulsa'y di kinakapos
karukhaa'y pulitikal, walang dangal sa limos
ayaw rin ng obrero't madla ang binubusabos

ah, buhay ko'y nasa panahon ng pakikibaka
kumikilos para sa uri kaya aktibista
kumikilos para sa bayan, paglaya ang nasa
itinataguyod din ang kagalingan ng masa

kongkreto ring magsusuri sa kongkretong sitwasyon
at kung maaari'y mag-isip ng labas sa kahon
patuloy na oorganisahin ang rebolusyon
na organisadong uring manggagawa ang layon

ang personal ko'y pulitikal, ang buo kong buhay
sa kapakanan ng uri't ng bayan na'y inalay
patuloy akong makikibaka hanggang mamatay
kikilos hanggang sosyalismo'y maipagtagumpay

- gregbituinjr.

Martes, Marso 19, 2019

Pagsasalin ng akda

minsan, nakakatamad magsalin ng isang akda
o anupamang sulating wala kang napapala
walang insentibo, ramdam mong mahirap ka na nga
naaabuso pa ang kakayahan mong kumatha

mas nais kong isalin kung may sosyalistang layon
upang matuto ang manggagawang mag-rebolusyon
kahit libre, walang bayad, para sa uri iyon
hayaan akong magsalin kahit walang panglamon

ngunit kung ibang isyung di para sa sosyalismo
napipilitang magsalin, pakikisama ito
kung walang insentibo, ako ba'y naaabuso
mabuti pang isalin ko'y Marxismo-Leninismo

sana'y makaramdam ang nakasalubong kong langgam
siya naman kung pagmamasdam mo animo'y paham
di ko kasi ugali yaong basta makialam
sabihan ang kausap ko na walang pakiramdam

- gregbituinjr.

Biyernes, Marso 1, 2019

An Ode To Liberty

AN ODE TO LIBERTY

Another fight for the future is at stake
Nefarious pogrom in this country feared indeed
One after another, blood was turned into lake
Due to the rise of another Hitlerian breed!
Enduring the actions of this notorious beast
Towards ending these terrible deeds of terror
On the want for freedom, we rise with clenched fist
Liberty against this tragic acts we longed for!
In the midst of darkness and stupidity
Beneath the eyes of struggle and fearfulness
Entering the years of sorrow and tragedy
Revolting is just right to repeal this madness!
To the future and this present generation:
You are the hope for another revolution!
- gregbituinjr.