ANG SEPULTURERO SA PELIKULANG "HINDI PA TAPOS ANG LABAN" NI FPJ
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isa ang karakter na Carding Villamar ni Fernando Poe Jr. sa tumatak sa akin. Ilang beses na binabanggit ang Villamar sa pelikulang "Hindi pa tapos ang laban" dahil iyon ang bukambibig ng mga kontrabida.
Malaki kasi ang tama sa akin ng Villamar ni FPJ dahil Villaram ang gitnang apelyido ko. Villamar at Villaram. Si FPJ at ako si GBJ.
Ang isa pa'y ang Valderama sa pelikulang "Kapag Puno na ang Salop" ni FPJ. Si Eddie Garcia ang Judge Valderama habang si FPJ si Sarhento Guerrero na Hepe ng kapulisan sa bayan ng Buenavista. Villaram, tunog Valderama.
Hindi ko maikukwento ang buo o bawat eksena. Subalit batid ng mga mahilig sa mga pelikula ni FPJ ang ganda ng mga kwento ng bawat pelikula niya, tulad nitong "Hindi pa tapos ang laban."
Dalawang linggo ang nakararaan ay napanood ko ang pelikulang "Ekstra" ni Vilma Santos sa Metropolitan Theater sa Maynila, hapon, habang umaga ay nasa eksibit ako ni National Artist Kidlat Tahimik. Sa pelikulang "Ekstra" ay binigyang halaga ang papel ng mga ekstra sa pelikula. Matapos ang panonood ay may talk back session with Vilma Santos at mga direktor at artista. Tinalakay nila ang kalagayan ng mga ekstra sa pelikula at nabanggit din ang batas na Eddie Garcia Law upang protektahan ang mga ekstra sa pelikula.
Dahil doon, naisipan kong talakayin ang papel ng isang ekstra sa pelikula ni FPJ na "Hindi pa tapos ang laban." Si FPJ ang bidang si Carding Villamar, si Berting Labra si Vicente, si Kongresman Dollente si Johnny Delgado, at sina Paquito Diaz at iba pang kontrabida. Ang ekstra ay si Mang Ambo. Mahaba rin at mahalaga ang kanyang papel bilang sepulturero at mahaba ang ibinigay sa kanyang papel dito.
Bigyang pugay natin ang papel ng mga ekstra, lalo na't kailangan sa pelikula.
Nang magtago si Tonyong Kuba (Dick Israel) sa bahay ng mga Villamar dahil tinatakasan ang mga pulis sa pangunguna ni Hepe (Ruel Vernal). Nang makaalis ang mga pulis, lumabas si Tonyong Kuba at sinabi niya kay Carding Villamar: "May tama sa likod ang kapatid mo. May tama sa likod ang kapatid mo."
Ang kuya ni Carding Villamar ay isang kalabang pulitiko ni Kongresman Dollente. At siya'y namatay sa unang bahagi ng pelikula. Dahil sa sinabi ng kuba ay nagtungo sina Carding at Vicente sa sementeryo at tinungkab ang puntod. Tingnan natin ang dalawang eksena hinggil sa sepulturero.
UNANG EKSENA:
Carding Vilamar: "Mang Ambo, kailangan ko ang tulong ninyo. Maaaring isa ka sa naghawak ng bangkay ng aking kapatid. Ang gusto kong malaman kung sinong mga tao ang nagdala sa kanya dito?"
Mang Ambo: "Vicente, di ako ang humawak sa bangkay ni Pepe."
Carding Villamar: "Kung hindi ikaw, sino ang naririto nang mamatay ang aking kapatid?"
Mang Ambo: "Ewan ko. Nandoon ako sa Baryo Makiling. Nag-anak ako sa binyag. Nag-iinuman kami ng kumpare ko n'ung barilin si Pepe."
Sa galit ay biglang hinablot ni Carding si Mang Ambo at isinalya sa dingding ng sementeryo.
Carding Villamar: "Paano mo nalamang nabaril ang kapatid ko?"
Mang Ambo: "Hindi ko po alam. Hindi ko po alam."
Vicente: "Ambo, Ambo. Nadulas na rin lamang ang dila mo, magsabi ka na ng totoo. Baka ikaw ang ipasok ko sa kabaong."
Mang Ambo: "Carding, Carding. Maawa ka sa akin. Papatayin ako ni Hepe."
Saka binitiwan ni Carding si Mang Ambo.
Vicente: "Konting lamig, Carding. Pulis ang kalaban."
IKALAWANG EKSENA
Kararating lang ni Kongresman Dollente. Matapos ang pakikipag-usap kay Paquito Diaz, nagtungo na si Kongresman sa rest house dahil hinihintay siya ni Hepe.
Magkatabing nakaupo sina Hepe at si Mang Ambo.
Kongresman Dollente: "Maliban doon, ah, meron pa bang naitanong?"
Mang Ambo: "Wala na po. Si Hepe lang po ang nabanggit ko." (sabay lingon kay Hepe) Natakot po ako."
Kongresman: "Wala kang dapat ikatakot. Aayusin natin iyan." (Umupo si Kongresman sa tabi ni Mang Ambo at inakbayan siya.) Bukod sa tinutuluyan mo, wala ka bang ibang kamag-anak?"
Mang Ambo: "Wala po."
Kongresman: "Sa ibang lugar kaya? Sa Maynila?"
Mang Ambo: "Wala rin po."
Kongresman: "Kung ganoon, nag-iisa ka na lang."
Mang Ambo: "Opo."
Kongresman: "Huwag kang mag-alala, Mang Ambo. Ako ang bahala sa iyo." (sabay lingon sa isang tauhan niya) "Isko."
Isko: "Sir."
Kongresman: "Ihatid mo si Ambo, ha. Huwag mong pababayaan."
Mang Ambo: "Maraming salamat po, Kongresman."
Kongresman: "Walang anuman."
Mang Ambo: "Maraming salamat din po, Hepe."
Isko: "Mang Ambo, tayo na."
Mang Ambo: "Tutuloy na ho ako, Kongresman."
Inakbayam naman ni Isko si Mang Ambo, at lumingon si Isko kay Kongresman. Iminwestra naman ni Kongresman ang kanyang hintuturo sa kanyang leeg pababa, na nangangahulugang patayin si Mang Ambo.
Paguito: "Tungkol kay Villamar, pagtatagalin pa ba natin? Ngayong alam na niya ang nangyari sa kanyang kapatid. Tapusin na natin."
Kongresman: "Pag-aralan muna natin ang isda bago natin hulihin. Pag pumalag, saka natin limasin."
ANG MGA EKSTRA
bigyang pagpupugay natin ang mga ekstra
sa pelikula, pagkat kailangan sila
kung wala sila'y walang kwento, walang kwenta
kuba, dancer, sepulturero, simpleng masa
napakahalaga ng papel maliit man
pagkat nabubuo ang kwento't kasaysayan
dapat ngang may ekstra o talent na gagampan
upang istorya'y umikot sa kabuuan
Kuba: "May tama sa likod ang kapatid mo."
pinabatid sa bida kung anong totoo.
si Mang Ambo: "Si Hepe lang ang nabanggit ko."
tapos ay pinatay na ang sepulturero
sa bawat ekstra sa pelikula, salamat
isa man ang eksena, papel n'yo'y kaybigat
at kung wala kayo'y di ko madadaiumat
ang pelikula at kwentong isiniwalat
03.23.2026
















































