Biyernes, Agosto 23, 2013

Kung Bakit Salbahe ang Salitang "Salvage"


KUNG BAKIT SALBAHE ANG SALITANG "SALVAGE"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wikang Ingles ang salitang "salvage" na ang ibig sabihin ay "save" o isalba, sagipin, iligtas. Ginagamit ito lalo na sa pagsagip ng isang barko. Ngunit sa wikang Filipino, hindi pagsagip, pagligtas at pagsalba ang ibig sabihin ng salitang "salvage" kundi ang kabaligtaran nito - pagpatay, pagpaslang, pagsalbahe sa katauhan at katawan ng isang tao. Sa kahulugang ligal, ang "salvage" ay "summary execution" o "extrajudicial killing". Sa ating bansa lamang masasabi na ang salitang "salvage" ay nangangahulugang pagpaslang.

Nang sumadsad ang barkong USS Guardian ng US Navy sa Tubbataha Reef sa Palawan hanggang sa pagtanggal ng barko nitong Marso 30, 2013, narinig natin ang pag-uusap hinggil sa pag-salvage ng barko, na ibig sabihin ay pagsalba. Tingnan natin ang balitang ito: "(CNN) -- The Guardian is gone. What was left of the former U.S. Navy minesweeper was lifted off a Philippine reef on Saturday. "As the hull has been removed, the team is now shifting their effort to collecting minor debris that remains on the reef," the head of the salvage operation, Navy Capt. Mark Matthews, said in a statement. "Every salvage operation presents unique challenges. It has been difficult to extract the Guardian without causing further damage to the reef, but the U.S. Navy and SMIT salvage team with support from other companies and the government of the Philippines have really done a superb job. I could not be more proud," Matthews said. (Minesweeper lifted from Philippine reef, By Brad Lendon, CNN March 30, 2013 http://edition.cnn.com/2013/03/30/world/us-navy-ship-reef/index.html)

Ganito naman ang balita sa Pilipinas: "MANILA, Philippines—The salvage team working on the USS Guardian, which ran aground in Tubbataha Reef, removed the warship’s last remaining section early Saturday afternoon after being stuck on the Unesco World Heritage site for more than 10 weeks, a Philippine Coast Guard (PCG) official said. PCG Palawan District chief Commodore Enrico Efren Evangelista said the stern of the 68-meter US mine countermeasures ship was lifted off the reef at around 2 p.m. Evangelista, head of the task force that oversees the salvage operations, said the team had worked throughout the Holy Week to remove the four sections of the warship’s wooden hull which included its bow, auxiliary machine room, main machine room (MMR) and the stern." (Tubbataha reef salvage, by Philip C. Tubeza, Philippine Daily Inquirer, Sunday, March 31st, 2013, http://globalnation.inquirer.net/70721/tubbataha-reef-salvage). Pansinin ang kahulugan dito ng salitang "salvage" batay sa pagkakagamit ng mga Amerikano.

Sa ating bansa, ang kahulugan ng salitang "salvage" o pagpaslang ay uminog mula sa salitang Kastilang "salbahe" na ibig sabihin ay masama ang ginagawa sa kapwa. At dahil maraming salitang uminog na napapaghalo natin ang salitang Kastila at Filipino, tulad ng salitang "amin" o pag-amin ay naging "aminado", napasama na rin dito ang salitang Kastilang "salbaje" na naging "salbahe" sa Filipino na naging "salvage" sa Ingles.

Kaya maraming balita sa radyo, dyaryo at telebisyon ang nagsasabing may "na-salvage" na naman, na ibig sabihin, may pinaslang na naman. Sa pambungad na pahina (front page) ng pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon (Hulyo 2, 2013) ay nakasulat: 4 KATAO 'SINALVAGE', NATAGPUAN SA HIGHWAY, at ang kabuuang balita sa pahina 2 ay pinamagatang "4 'sinalvage', natagpuan". Kapuna-puna ang panipi sa salitang "sinalvage" dahil ginawang Filipinisado ang isang salitang Ingles, na sa katotohanan ay mula sa wikang Kastila.

Narito ang ilang saliksik sa media hinggil sa balitang "salvage" matapos ang "salvaging operations" ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Marso 30, 2013. Pansinin kung paano inilarawan ang ginawang pag-salvage:

(1) mula sa GMA News: "Bodies of 2 'salvage' victims found in Manila", April 6, 2013:
The bloodied bodies of two victims of suspected summary execution were found in Manila before dawn Saturday. Both bodies were dumped along Dimasalang Street at about 3 a.m., radio dzBB's Paulo Santos reported. A separate dzBB report said both men were blindfolded with packaging tape, and their hands were tied. One was initially described as wearing blue shorts and an orange shirt, while the other was described as wearing gray shorts and a black shirt. No note or identification was found near the bodies.
http://www.gmanetwork.com/news/story/302676/news/metromanila/bodies-of-2-salvage-victims-found-in-manila

(2) mula sa dyaryong Tempo tabloid: ‘Salvage’ victims dumped in Cavite, posted by Online on Aug 5th, 2013
CAMP GEN, PANTALEON GARCIA, IMUS, Cavite – Two bodies of men, apparently “salvage” victims, were found dumped separately over the weekend in the province. A Police Provincial Office (PPO) report said that the first victim was found on Daanghari Road in Barangay Molino IV, Bacoor City, late Friday night. The victim’s body, with tattoo marks, was found stuffed in a sack by passersby. The body was wrapped with packaging tape.
http://www.tempo.com.ph/2013/08/salvage-victims-dumped-in-cavite/#.UjqC4dJmiSo

Ito naman ang ilang lumang balita:

(1) "2 more ‘salvage’ victims in QC; 8 bodies just this month", by Julie M. Aurelio, Philippine Daily Inquirer, Tuesday, August 21st, 2012
The bodies of two more men believed to be summary execution victims were discovered by the side of a road in Quezon City Tuesday morning. The find brought to eight the number of “salvage” victims found in the city so far for this month. All of them died of strangulation and none of them has been identified.
http://newsinfo.inquirer.net/255056/2-more-salvage-victims-in-qc-8-bodies-just-this-month

(2) "Pangatlong biktima ng 'salvage' sa Cubao ngayong Hunyo", (Pilipino Star Ngayon) | Updated June 19, 2013
MANILA, Philippines – Isang bangkay na naman ng lalaki ang natagpuan sa basurahan sa isang bangketa sa lungsod ng Quezon nitong Martes ng gabi, pangatlo na ito ngayong buwan.
Ayon sa pulisya, natagpuan ng isang basurero ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki bandang alas-11 ng gabi sa Aurora Boulevard sa Cubao. Sinabi ng mga imbestigador na may saksak sa katawan, may mga marka ng pagsakal sa leeg at nakatali ang mga paa ng biktima. Hinala ng mga pulis na biktima ng summary execution ang lalaki na tadtad din ang katawan ng tattoo. Ito na ang pangatlong bangkay na natatagpuan sa Cubao ngayong Hunyo lamang. Nitong Hunyo 12 ay may natagpuan ding katawan ng lalaki sa kahabaan ng Aurora Boulevard na sinundan ng isa pang nakitang bangkay sa tumpok ng mga basura malapit sa EDSA-Cubao footbridge.
http://www.philstar.com/psn-balita-ngayon/2013/06/19/955790/pangatlong-biktima-ng-salvage-sa-cubao-ngayong-hunyo

(3) mula sa pahayagang Remate: "Biktima ng salvage, natagpuan sa Maynila" by Jocelyn Tabangcura-Domenden & Ivan Gaddia, July 19, 2013: NAKATALI ng nylon cord ang leeg, kamay at paa ng isang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution nang matagpuan ito kaninang madaling araw sa Sampaloc, Maynila. Inilarawan ang biktima na nasa edad na 25-30, may taas na 5’4 hanggang 5’5, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng T-shirt na painted at brown khaki short pants. Nauna rito, naglalakad umano sa lugar ang di nagpakilalang tricycle driver nang mapansin ang biktima na nakabalot sa tela at may placard na nakapatong sa kanyang dibdib na “Snatcher ako, huwag pamarisan”.
http://www.remate.ph/2013/07/biktima-ng-salvage-natagpuan-sa-maynila/#.UjqEptJmiSo

Pagpaslang, pagsalbahe sa katawan, pagpapahirap, pagtiyak na wala nang buhay, itinatapon kung saan. Natatagpuan na lamang na malamig nang bangkay. Ang mga biktima ay sinalbahe ng kung sino. Sinalvage sila. Biktima sila ng "summary execution" o "extrajudicial killing".

Sa WikiPedia, ang "summary execution" ay ganito: "Extrajudicial killings in the Philippines are referred to as salvage in Philippine English."
(http://en.wikipedia.org/wiki/Summary_execution)

Sa artikulong "Philippine English" na nalathala sa The News Today (Online Edition) ay nakalista ang 61 mga salita o yaong "terms common only to Philippine English", at ang pang-53 ay "salvage" na ang kahulugan ay "it means to deprive of life; kill".
(http://www.thenewstoday.info/2005/03/15/opinion6.htm)

Sa aklat na "The Activist" ng isang Antonio Enriquez, ganito niya inilarawan ang salitang "salvage": Unknown yet to the public was Davao’s Killing Fields, where those who opposed Dictator Marcos were “salvaged,” a coined word meaning executed. Hundreds of student activists, NPAs, and suspected communists were murdered, after Dictator Marcos’ goons in military uniform tortured them and they were dumped like so many carcasses in the Killing Fields—without a tombstone to mark their graves, or coffins.
(http://www.scribd.com/doc/57252924/The-Activist-by-Antonio-Enriquez)

Kahit sa mga dokumento ng iba't ibang human rights organizations, ang salitang "salvage" ay nangangahulugang "summary execution".

Sa ikawalong kabanatang pinamagatang "To salvage" sa isang aklat ay ganito ang nakasulat: "About 3,000 were killed, 400 to 1,000 were disappeared during the Martial Law. It is believed that the word "salvage" which has original meaning "to save or to rescue" got a different meaning during this time. "Salvage" was used as a euphemism to the act of police and military to assassinate, to execute, to murder suspected enemies of the state." (For Democracy and human Rights: Rekindling Lessons of Martial Law and People Power Revolt, A Public Exhibition, by the Center for Youth Advocacy and Networking or CYAN)

Sa isang libreto naman ng FLAG (Free Legal Assistance Group) na muling inilathala ng PhilRights (Philippine Human Rights Center) ay ganito ang nakasulat:
Ang mga dapat gawin... KUNG SA PALAGAY MO'Y IKAW AY AARESTUHIN O ISA-SALVAGE:
Gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
1. Huwag lumabas nang mag-isa. Tumataas ang panganib ng pagkawala at salvage dahil walang nakakasaksi o walang gustong sumaksi at magpatunay sa pagdakip sa isang taong nawawala o sinalvage.
2....
10. Kung mayroon ka pang mapagkakatiwalaang impormasyon na may planong arestuhin o i-salvage ka, hindi maipapayo na ikaw ay magtago. Sa halip, pakiusapan ang abogado mo o kung sino mang responsableng tao upang itanong kung may warrant para sa iyong pagdakip.

Kahit ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio S. Almario ay isinulat din ito nang kanyang tinalakay ang tulang "Katapusang Hibik" (na sa ibang bersyon ay may pamagat na "Katapusang Hibik ng Filipinas sa Inang España" bilang ikatlong dugtong sa dalawang tula ng ibang makata na naunang lumabas) ni Gat Andres Bonifacio "hinggil sa parusang kinamit ng mga Filipino sa kamay ng mga Espanyol". Ani Almario sa tulang ito: "Ano ang ikaiiba dito ng mga makahayop na torture at salvaging ngayon? Ngunit hindi ang realismo lamang ng paglalarawan ni Bonifacio ang dapat limiin; hindi rin lamang ang mga historikal na saligan ng mga inilatag na pruweba. Ang higit na makabuluhan sa pagbasang ito ngayon ay ang talim ng pagsipat sa isinagawang paglapastangan ng kolonyalismo sa katawan at katauhan ng sakop. Bukod sa hindi makatao ay mistulang hindi tao ang mananakop. Sa kabilang dako, waring imposibleng maging tao ang sakop dahil sa tinamong mga kahayupan." (Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), Virgilio S. Almario, pahina 71)

Balikan natin ang ilang saknong na tinutukoy ni Almario sa tulang "Katapusang Hibik" ni Bonifacio na naglalarawan nito (Ibid. p. 145):

"Gapuring mahigpit ang mga tagalog
Hinain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?

Ipabilanggo mo't sa dagat itapon
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin sa lahat ng kampon?

Aming tinitiis hanggang sa mamatay
Bangkay nang mistula ayaw pang tigilan
Kaya kung ihulog sa mga libingan
Linsad na ang buto't lamuray ang laman."

Nasa kamalayan na nga ng masa ang pag-unawa sa salitang "salvage" bilang pagpaslang, bilang isang gawaing salbahe, pagsalbahe sa kapwa, pagsalbahe sa pagkatao, na isinagawa ng mga salbahe. Nasa media na rin ito, at nasa panitikan.

Una kong nalaman ang paggamit ng salitang "salvage" bilang “pagpaslang” noong 1989, pagkabalik ko rito sa Pilipinas mula sa anim-na-buwang pago-OJT sa ibang bansa, nang maging front page sa magasing Philippines Free Press ang pagkakapatay ng isang Patrolman Rizal Alih kay Heneral Batalla sa Zamboanga. At nakasulat sa malaking titik: "SALVAGING A GENERAL". May nabasa rin akong artikulo noon na ganito naman ang pamagat: "Salvaging Bonifacio" at itinuring ng artikulong iyon na "first celebrated salvage victim" si Gat Andres Bonifacio. Talagang sinalbahe sila ng kanilang mga kalaban.

Naghahanap ako ng mga lumang panitikan kung saan ginamit ang salitang pagsalbahe, sinalbahe, sumalbahe, nanalbahe, bilang paglalarawan sa nangyaring pagpatay. Halimbawa, ang isang taong nakitang nakahandusay sa ilog na may tama ng bala ay sinalbahe ng kung sino. Sino ang sumalbahe sa taong iyon? Mula doon ay maaari nating mahalukay pa ang pinag-ugatan o pinag-inugan ng salitang "salvage" na alam ng marami ngayon.

Ang salitang "salvage" na pagpaslang ay isang pabalbal na salita o masasabi nating salitang nauunawaan ng karaniwang tao, ng masa. Pumunta ka nga lang sa isang lugar na maraming tao at sabihin mo sa isa roon na isa-salvage mo siya na ang iniisip mo ay ang kahulugan sa Ingles na “save”, ingat, dahil baka bugbog sarado ka, buti kung bugbog lang, dahil ang salitang “salvage” nga ay pagpaslang at hindi pagsagip. Sa mga balitang inilatag natin sa itaas, mapapansin nating pawang mga dinukot ang mga biktima saka itinapon na lang kung saan. Kaya bago isinagawa ang "salvaging" sa mga biktima, maaaring ang mga ito muna'y tinortyur o pinahirapan, saka pinaslang ang mga ito at itinapon na lamang sa lugar na sa tingin ng mga dumukot ay magliligaw sa mga imbestigador.

Kaugnay nito, may tatlong batas sa karapatang pantao na naisabatas nitong mga nakaraan, na may kaugnayan sa pagdukot bago isagawa ang tortyur o pagpapahirap, at ang pagdukot na hindi na nakita pa ang katawan ng dinukot. Ang mga batas na ito'y ang Republic Act 9745, o Anti-Torture Act of 2009; ang RA 10353, o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012; at ang RA 10368, o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013. Gayunman, walang nabanggit na "salvage" o "summary execution" sa RA 9745 at RA 10353.

Isang beses namang nabanggit ang "salvage" o "summary execution" sa RA 10368. Ayon sa Chapter 1, Sec. 2, 3rd paragraph ng batas na ito: "Consistent with the foregoing, it is hereby declared the policy of the State to recognize the heroism and sacrifices of all Filipinos who were victims of summary execution, torture, enforced or involuntary disappearance and other gross human rights violations committed during the regime of former President Ferdinand E. Marcos covering the period from September 21, 1972 to February 25, 1986 and restore the victims’ honor and dignity. The State hereby acknowledges its moral and legal obligation to recognize and/or provide reparation to said victims and/or their families for the deaths, injuries, sufferings, deprivations and damages they suffered under the Marcos regime."

Ibig sabihin, wala pang batas talaga na nagpaparusa sa mga nagsagawa ng "salvaging" o "summary execution." Kaya nagsagawa ang ilang mambabatas ng panukalang batas hinggil dito. Noong Hulyo 2009, nagpasa ng panukalang batas si dating House Speaker Prospero Nograles. Ito ang House Bill 6601, na tatawaging "Anti-Salvaging Law". Nito namang Nobyembre 2012, ipinasa naman ni Kongresista Karlo Alexei Nograles (1st District, Davao City) ang House Bill 3079 o ang "The Anti-Summary Execution Act of 2012."

Ngunit sa panahong wala pang batas na nagpaparusa sa "summary execution" ay tiyak na magagamit ang batas hinggil sa "murder" o pagpaslang. Ngunit dapat mas linawin ang kaibahan ng dalawa. Ang "murder" ay pagpatay na isinagawa ng sinuman sa kanyang kapwa, habang ang "salvaging" naman ay isinagawa ng mga ahente ng estado. Paano kung hindi ahente ng estado ang nagsagawa kundi sindikato? Dapat mailinaw ito sa magagawang batas hinggil dito. Maraming aktibista ang pinaslang ng walang awa, mga biktima ng "salvaging", kaya ito'y masasabi nating isang krimeng pulitikal, at hindi lamang simpleng "murder".

Gayunpaman, dapat matigil na ang ganitong karahasan. Ayon nga sa International Convention on Civil and Political Rights: "Every human being has the inherent right to life. This right shall be protected by law. No man shall be deprived of his life arbitrarily." "[The Death] penalty can only be carried out pursuant to a final judgment rendered by a competent court" – ICCPR Articles 6.1 and 6.2.[1]

Ang "salvage" ayon sa Merriam-Webster Dictionary ay (a) compensation paid for saving a ship or its cargo from the perils of the sea or for the lives and property rescued in a wreck; (b) the act of saving or rescuing a ship or its cargo; (c) the act of saving or rescuing property in danger (as from fire). Ayon naman sa Oxford Dictionary, ang kahulugan ng "salvage" ay "the rescue of a wrecked or disabled ship or its cargo from loss at sea". Sa depinisyon ng dalawang diksyunaryo, tumutukoy ang "salvage" sa pagsagip sa barko at sa mga kargong dala nito. Ang kahulugang ito ang ginamit sa ilang Batas Republika ng bansa na tumutukoy sa pagsagip ng barko, tulad ng mga sumusunod:

Republic Act No. 9993 - Philippine Coast Guard, Section 3, Powers and Functions. (h) To issue permits for the salvage of vessels and to supervise all marine salvage operations, as well as prescribe and enforce rules and regulations governing the same;

Republic Act No. 6106 - An Act Amending RA 1047, as amended, to prescribe the rules for financing the acquisition or construction of vessels to be used for overseas shipping, to allow the creation of a maritime lien thereon, and for other purposes. Sec. 1, letter d, number 4. General average or salvage including contract salvage; bottomry loans; and indemnity due shippers for the value of goods transported but which were not delivered to the consignee;

Naglabas din ang Philippine Coast Guard ng Memorandum Circular MC 06-96 (Salvage Regulations) na ang layunin ay: II. PURPOSE: To prescribe guidelines on the salvage of vessels, including cargoes thereof, wrecks, derelicts and other hazards to navigation.

Marahil, matatagalan pa bago tumimo sa kamalayan ng masa ang kahulugang Ingles ng salitang "salvage" (to save or to rescue), pagkat ang etimolohiya o pinagmulang salita ng paggamit ng mga Pinoy sa salitang "salvage" ay ang wikang Kastilang "salvaje", mula sa mga mananakop na salbahe at sumalbahe sa marami nating kababayan. Higit sa lahat, dapat nang matigil ang "salvaging" o pamamaslang na ito, at idaan sa proseso ng batas kung sakaling sila'y may kasalanan na dapat panagutan. Kung di'y nararapat lang sadyang maparusahan ang mga nagsasagawa ng mga "salvaging" na ito dahil hindi ito makatao, at lalong hindi makatarungan.





Martes, Agosto 20, 2013

Ang Multong Daga sa Kisame

ANG MULTONG DAGA SA KISAME
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, sa pagpasok ko sa isang opisina dito sa lungsod, naroon ang isang may katandaan na ring babae na mula sa probinsya. Narito siya sa Maynila bilang bahagi ng exposure program ng opisina.

Ang opisina ay pwedeng tulugan sa gabi, lalo na't galing siya sa probinsya at iyon lang ang pwedeng mauwian. Dalawang buwan ang ilalagi niya sa opisinang iyon.

Naroon ako para magtiklop ng ilang babasahin upang ito'y maging aklat. Ilang araw din ako roon dahil mahigit 200 pahina ang librong dapat kong tiklupin. At 300 ang bilang ng dapat magawang aklat.

Nakakuwentuhan ko ang matanda. Hindi raw siya makatulog doon pag gabi, dahil nakakarinig siya ng mga naghahabulan. Palagay daw niya'y may multo. Aakyat siya ng ikalawang palapag dahil naroon ang tulugan ngunit ganoon pa rin. Bababa siya sa sala ngunit naririnig pa rin niya ang mga yabag na iyon.

Tanong ko, "Anong ginagawa nyo pag naririnig nyo iyon?"

Anya, "Nagtatakip na lang ako ng kumot, pero hindi ako natutulog. Minsan, natutulog na lang ako pagdating na ng umaga."

"Hindi nyo ba tiningnan man lamang kung kaninong yabag ang naririnig nyo pag gabi?"

Sagot niya, "Natatakot ako. Baka makita ko yung multo?"

"Naniniwala pala kayo sa multo. Paano kung akyat-bahay pala yung naririnig nyong yabag, at ninanakawan na pala kayo?"

"Hindi ko alam," sabi niya, "Takot talaga ako sa multo."

Ilang gabi rin akong nakatulog doon. Hanggang isang umaga, nakita ko yung tubo sa kusina, na daanan ng tubig mula sa alulod, na butas, at pagbukas ko ng pinto ng kusina, may kung anong itim na parang may buntot ang dagling pumasok sa butas na iyon. Marahil natakot sa pagbukas ko ng ilaw.

Tinawag ko ang matanda. Tinuro ko sa kanya ang pinagdadaanan ng daga na siya marahil laging nag-iingay sa kisame pag gabi.

Doon lang napagtanto ng matanda na hindi pala multo ang naririnig nyang mga yabag, kundi mga daga. Marahil, dahil madilim sa kisame ay di nito agad makita ang daraanan at sa kahahanap ay takbo ng takbo. O kaya naman ay naroon sa isang sulok ng kisame ang kanyang mga bubuwit na pinapakain niya at hinahanap niya iyon pag gabi.

Mula noon, hindi na umaangal ang matanda sa gabi-gabing yabag sa kisame dahil wala pala talagang multo. 

Sabi ko nga sa kanya, lumaki ako dito sa lungsod, at pag may narinig kaming mga yabag, hindi namin naiisip ang multo kundi ang magnanakaw o akyat-bahay na maaaring pumasok sa aming silid. Kaya dapat kaming maging mapagbantay. Iniisip ay multo pero ninakawan ka na pala ng multong iniisip mo. Ang masakit, ang multong kinatatakutan mo ay totoo palang taong papatay sa iyo, lalo na't pag nahuli mo siyang nagnanakaw ng gamit mo.

Sa totoo lang, nalaman ko lang ang mga pagkatakot sa multo sa mga sinehan, lalo na yung Shake, Rattle and Roll, na nakailang bersyon na. Iba't ibang bersyon ng pelikulang ito ang lumalabas kundi man taun-taon ay kada dalawa o tatlong taon. Ang huli ngang ipinalabas ay ang Shake, Rattle and Roll 14. Ibig sabihin, pang-14 na bersyon na iyon.

Sabi naman ng matanda, lumaki siya sa probinsyang usong-uso ang mga katatakutan kaya pag kumagat na ang dilim ay naroon na sila sa bahay at hindi na naglalabasan. Maagang matulog sa gabi at maaga ring magigising upang pumunta sa bukirin.

Naalarma rin ako na kung may daga sa kisame, maaaring masira nito ang mga dingding, o mangatngat kahit na mga kable ng kuryente, kaya dapat itong mawala roon. Kaya ang ginawa namin, binuksan nang tuluyan ang kusina para makalabas nang tuluyan ang daga sa paghahanap ng pagkain, saka namin papasakan o kaya'y tatapalan ang butas na tubong tumatagos papuntang kisame. Kailangang mag-ingat dahil pag namatay ang daga sa loob ng kisame, tiyak na mamamaho iyon, at magiging malaking abala sa loob ng opisinang iyon.

Gayunman, sa pagpapaliwanagan, natapos na rin ang takot ng matanda sa multong daga sa kisame.

Lunes, Hunyo 10, 2013

Ang Dapat Gunitain ng Manggagawa sa Hunyo 12

ANG DAPAT GUNITAIN NG MANGGAGAWA SA HUNYO 12
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tradisyunal nang ginugunita ng pamahalaan, na kadalasan ay etsapuwera ang masa, ang taunang Hunyo 12, na sinasabi nilang Araw ng Kalayaan. Pero sa simpleng masa o ng karaniwang tao, ginugunita lamang nila ito bilang holiday, at hindi bilang araw ng paglaya. Marahil dahil alam din ng masa, lalo na ng manggagawa, na huwad ang kalayaang ito. Na ito'y paglaya sa Kastila at pagpapailalim sa Amerikano.

Maliwanag ito sa nakasulat sa Acta de Independencia, ang dokumentong nilagdaan ng maraming manghihimagsik bilang patunay umano ng deklarasyon ng kalayaan. Ayon sa dokumento, lumalaya ang Pilipinas mula sa bansang España upang magpailalim naman sa bansang Amerika. Ito ba ang kalayaan? Narito ang patunay: "And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands, that they are and have the right to be free and independent; that they have ceased to have allegiance to the Crown of Spain; that all political ties between them are should be completely severed and annulled..." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)

Ikalawa, ang mga kulay ng iwinawagayway na bandila ng ating bansa ay batay mismo sa kulay ng watawat ng Amerika bilang pagtanaw ng utang na loob ng mga kabig ni Aguinaldo sa imperyalistang bansang iyon. Narito ang patunay: "and the colors of Blue, Red, and White, commemorating the flag of the United States of America, as a manifestation of our profound gratitude towards this Great Nation for its disinterested protection which it lent us and continues lending us." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)

May dapat mas gunitain at gawing pagkilos ang uring manggagawa sa Hunyo 12. Ito'y ang World Day Against Child Labor. (O Labour para sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Britanya, dahil ang Labor ay ispeling sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Amerika.) Ngunit marahil tatanungin ng manggagawa: Bakit child labor, pangkabataan iyan. Dapat isyu lang iyan ng mga batang manggagawa. 

Balikan din natin sila ng tanong: Ang isyu ba ng batang manggagawa ay isyu lang ng bata, o dahil may kakabit itong salitang manggagawa bilang pang-uri, ito'y isyu rin ng uring manggagawa? Taglisin natin: Ang isyu ba ng child labor ay isyu lang ng child, o isyu rin ito ng labor? Kaya ba may adjective na child sa child labor ay dahil isyu lang ito ng child?

Ang usapin ng child labor o ng mga batang manggagawa ay usapin din ng labor o ng paggawa / manggagawa. Mismong ang nagsabi nito'y ang International Labour Organization (ILO), isang pandaigdigang samahan ng mga manggagawa na nasa ilalim ng pamumuno ng United Nations. Patunay na rito ang deklarasyon ng ILO na ang Hunyo 12 ay gunitain bilang World Day Against Child Labour.

Ayon sa pahayagang Philippine Star nitong Mayo 1, 2013, Araw ng Pandaigdigang Paggawa, may lima't kalahating milyong (5.5M) batang manggagawa sa bansa, at may naitalang dalawang daan at labinglimang milyong (215M) batang manggagawa sa buong mundo, higit na dalawang ulit na malaki sa ating populasyon na 94M (2011 data).

"The Philippines has about 5.5 million child laborers (from five to 17 years old) with nearly three million of them doing hazardous tasks, a 2011 survey on children release by the National Statistics Office (NSO) showed. Globally, there are 215 million child laborers, with half of them doing hazardous work, according to the United Nations International Labor Organization (ILO)." http://www.philstar.com/business/2013/05/01/936783/phl-has-5.5-m-child-laborers
Batay pa sa ulat ng Philippine Star, ang ugat ng child labor ay ang kahirapan at kawalan ng disente at produktibong paggawa. "The root of child labor is directly linked to poverty and lack of decent and productive work."

Inilunsad ng International Labour Organization (ILO) ang kauna-unahang World Day Against Child Labour noong Hunyo 12, 2002 bilang paraan nila upang maiparating sa higit na nakararami ang kalagayan ng mga batang ito. Ang paglulunsad ng araw na ito'y ibinatay sa maraming deklarasyon at talakayan, tulad ng ILO Convention No. 182 hinggil sa masasamang anyo ng pagtatrabaho ng mga bata (worst form of child labour) at sa ILO Convention No. 138 hinggil sa minimum na edad ng pagtatrabaho. Ngayong 2013, ang tema ng paggunitang ito ay "No to child labour in domestic work!" Noong 2012, ang tema'y "Human rights and social justice... let's end child labour!"

Ang mga batang manggagawa'y makikitang nasa batilyo, nasa pangingisda gamit ang pampasabog, nasa agrikultura, nasa mga minahan, nasa pabrika’t lansangan. Lantad sila sa panganib at sa mga mapanganib na kagamitan, kemikal, init at lamig ng panahon, at walang pananggalang sa alikabok na maaaring pumasok sa ilong. Maraming nasa lansangan ang naglalako ng paninda tulad ng yosi at mani, habang nasa pabrika naman ng sardinas ang iba. Meron ding nasa murang gulang pa lang ay nagiging katulong na, habang may mga batang nasa edad labinlima pababa ang nasa mga bahay-aliwan. Napagsasamantalahan sila pagkat nagtatrabaho sila sa murang edad at hindi nababayaran ng minimum wage. Nakakamura ng lakas-paggawa ang mga kapitalistang nag-eempleyo sa kanila. Dapat nasa paaralan ang mga batang ito, ngunit dahil sa hirap ng buhay, nagtrabaho sila ng maaga at hindi hustong dinanas ang kasiyahan ng pagiging bata. Wala na silang pagkakataong maglaro at mag-aral. Ganito ba ang kinabukasan nila sa isang sistemang walang pagpapahalaga sa kanila? Kailangan itong mabago. Kailangan nating kumilos. 

Hindi kaya may kaugnayan din ang isyu ng child labor sa isyu ng salot na kontraktwalisasyon? Pinatatrabaho na ng mga nangangapital sa mga batang manggagawa ang mga trabahong mabibigat dahil mura ang paggawa kaysa mga matatandang mahal ang bayad kahit ang mga ito’y kontraktwal. Hindi rin saklaw ng pag-uunyon ang mga batang manggagawa dahil sa kanilang edad.

Ang isyu ng batang manggagawa o ng child labor ay hindi isyu lamang ng mga bata kundi ng manggagawa sa pangkalahatan. Isyu rin ito ng karapatang pantao, na dapat ang mga bata sa kanilang murang gulang ay dapat nasa paaralan at dinaranas ang katuwaan ng pagiging bata, at hindi dapat nagtatrabaho na ng maaga. Marapat lamang na lumabas din at kumilos ang mga manggagawa, kasama ang mga batang manggagawa at ang dukha nilang mga magulang, sa Hunyo 12 upang iparating sa pamahalaan na dapat nang itigil ang child labor sa bansa at dapat na itong solusyunan ng pamahalaan.

Dapat bigyan ng trabaho ang mga magulang ng mga batang manggagawa, at hindi ang mga batang manggagawa ang magtrabaho sa murang edad. Bigyan ng trabaho ang mga magulang, at hindi trabahong kontraktwal na walang kasiguruhan, kundi trabahong regular. Ang isyu ng batang manggagawa ay hindi lang isyu ng mga bata kundi isyu ng mga manggagawa. Ayon nga kay Frances Ann Yap, presidente ng Pagkakaisa ng mga Kabataang Manggagawa para sa Karapatan (PKMK), noong Mayo 1, 2009: “Nais namin sa paaralan. Ayaw namin sa basurahan. Dapat nang itigil ang child labor sa ating bansa upang kaming mga bata ay makapag-aral, makapaglaro at mabuhay bilang malayang bata. Dapat din pong bigyan ng sapat na trabahong makabubuhay ng pamilya ang aming mga magulang. Dapat nang itigil ang pananakit sa mga bata, child trafficking, at ang patuloy na pagdami ng mga batang manggagawa.” Ang PKMK ay nakapaloob sa Child Rights Program (CRP) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).

Ang isyu ng child labor ay isyu rin ng karapatang pantao. Ayon sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), Artikulo 10(3): "Ang mga bata at kabataan ay dapat maprotektahan mula sa pagsasamantalang pang-ekonomya't panlipunan. Ang kanilang pagtatrabahong makasasama sa kanilang moral o kalusugan o mapanganib sa buhay o yaong makapagbabaog sa kanilang normal na pag-unlad ay dapat parusahan ng batas. Dapat ding maglagay ang Estado ng limitasyon sa edad na mababa sa kung saan ang binabayarang trabaho ng batang manggagawa ay pinagbabawal at pinarurusahan ng batas. (Children and young persons should be protected from economic and social exploitation. Their employment in work harmful to their morals or health or dangerous to life or likely to hamper their normal development should be punishable by law. States should also set age limits below which the paid employment of child labour should be prohibited and punishable by law.)"

Ayon sa Convention on the Rights of the Child, Artikulo 32: "Kinikilala ng mga Partidong Estado ang karapatan ng mga bata upang maprotektahan laban sa mga pagsasamantalang pang-ekonomya at mula sa pagsasagawa ng anumang trabahong nakikitang mapanganib, at nakasasama sa kalusugan ng bata at sa kanyang pisikal, mental, ispiritwal, moral, at panlipunang pag-unlad. (States Parties recognize the right of the child to be protected from economic exploitation and from performing any work that is likely to be hazardous or to interfere with the child's education, or to be harmful to the child's health or physical, mental, spiritual, moral or social development.)"

Sa mga batas ng ating bansa, naririyan ang mga batas hinggil sa proteksyon ng mga batang manggagawa ngunit hindi naipatutupad. Dahil kung naipatutupad ito, bakit may 5.5 milyon pang batang manggagawa sa bansa? Nariyan ang Republic Act (RA) 7160 - Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination, Artikulo VIII, Seksyon 12-16; ang RA 9231 na pag-amyenda sa RA 7160 - An Act providing for the Elimination of the Worst Form of Child Labor and affording stronger protection for the working child, amending for this purpose RA 7160. Nariyan din ang RA 7658 - Prohibiting the Employment of Children Below Fifteen (15) Years of Age in Public and Private Undertakings. Ang Artikulo 130-153 ng Labor Code ay hinggil sa espesyal na grupo ng manggagawa, tulad ng bata at kababaihan. Higit sa lahat, nariyan ang Department Order (DO) 46-03 hinggil sa paggunita sa ika-12 ng Hunyo bawat taon bilang Pandaigdigang Araw Laban sa Pagtatrabaho ng mga Bata (World Day Against Child Labor).

Gayunpaman, dapat din nating maunawaan na magkaiba ang child labor sa child work. Sa child work, ang trabaho ay angkop sa edad at kakayahang mental ng bata, habang sa child labor, ang trabaho'y mabigat sa edad, katawan, at kaisipan ng bata. Sa child work, tulad ng mga batang artista, dapat silang kumuha ng Working Child's Permit sa DOLE. Sa child work, ang trabaho ng bata'y naaayon sa batas at kalakaran ng pamilya't pamayanan, habang sa child labor, ang pagtatrabaho ng bata'y labas sa mga umiiral na batas, seguridad at benepisyo. Sa child work, limitado ang oras-paggawa at may oras ang bata upang makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga, habang sa child labor, napakahabang oras ng paggawa ng batang manggagawa, at limitado o wala nang oras para makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga. Dagdag pa, sa child labor, itinulak ng kalagayan o ng ibang tao ang mga bata upang magtrabaho sa murang edad, at ang mga batang manggagawa'y karaniwang naaabuso sa pisikal, sekswal, sikolohikal at berbal.

Ang Hunyo 12 ay paalala sa atin na hindi pa malaya ang mga batang manggagawa, kundi patuloy pa ang pagsasamantala sa kanila. Kaya ang Hunyo 12 ay gawin nating pagkilos ng uring manggagawa sa isyu ng child labor, at hindi tayo dapat magpahinga lamang sa araw na ito dahil idineklarang holiday ng pamahalaan, kundi dapat kumilos tayo dahil ito'y isyu ng paggawa at karapatang pantao. Gunitain nating sama-sama ang World Day Against Child Labor tuwing Hunyo 12 at ating iparating sa buong bansa at sa buong mundo: END CHILD LABOR, NOW!

Miyerkules, Hunyo 20, 2012

Ang aklat ng pagsasalin

ANG AKLAT NG PAGSASALIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang mapagpalayang araw itong nakaraang Hunyo 16 para sa akin. Dahil nagkaroon ako ng libro hinggil sa pagsasalin (translation) na sinulat mismo ng mga Pilipino at nakasulat sa sariling wika. Noong Hunyo 11, inanunsyo ng aking kaibigang manunulat na si Beverly Siy sa grupong Panitikan sa facebook na may Book for Sale sa Chef's Bistro, na nagkakahalaga lang ng P35 isa, agad kong nakita ang kailangan kong aklat. Nilathala niya sa FB ang iba't ibang pamagat ng mga aklat at nakadikit ang presyong P35. 

Unang-una sa talaan ay nakasulat: P35.00 patnubay sa pagsasalin, virgilio almario, teo antonio, mario miclat, etc. Ito lang ang napili ko sa talaan, kaya nagpadala agad ako ng mensahe sa kanya na gusto kong mabili ang libro. Syempre, hard-to-find book iyon. Bihira sa mga bookstores.

Si Beverly Siy, o Bebang sa kanyang mga kaibigan, ay isang magaling na manunulat at makata. Katunayan, ang kanyang huling libro, ang "It's a Men's World" kung baga sa pelikula, ay patok sa takilya. Best-seller ito, ika nga. Isa siya sa pasimuno ng Book for Sale na iyon, at ang kikitain sa aktibidad na iyon ay para kay Ava, isang kapwa manunulat na nangangailangan ng suportang pinansya para sa kanyang pagpapagamot. Di ko kilala si Ava ngunit ang makatulong sa kapwa manunulat sa oras ng pangangailangan nito ay mahalaga at napakalaking bagay na.

Hunyo 16 ng katanghaliang tapat, mga bandang alas-dose y media, nang makarating ako sa Chef's Bistro, na nasa Sct. Gandia, malapit sa Tomas Morato sa Lungsod Quezon.  Marahil dahil oras ng pananghalian iyon. Nagkita kami ni Bebang at siya pala ang tumatao sa isang booth ng book for sale. May apat pang may paninda ring libro.Kaunti lang ang tao, hindi nga siksikan. Agad kong nilapitan si Bebang at hinanap ang libro. Sabi niyang nakangiti, bumili muna ako ng libro sa ibang booth, kaya nilapitan ko muna yung ibang booth at naghanap. Napili ko ang librong Sudoku, P35, at isang college workbook sa algebra, P5 lang. Saka ako nagbalik kay Bebang at binayaran ang libro. Kaya sa kabuuan, nalagasan ako ng P75 ngunit sulit naman. Pagkabili ko ng mga aklat, agad kong pinuntahan ang nakaiskedyul kong pagdalo sa isang talakayan, mula ikalawa hanggang ikalima ng hapon. Dahil sa trapik at malakas na ulan, nakarating ako sa tinutuluyan ko ng bandang ikapito ng gabi. Agad kong binuklat ang aklat at binasa.

Ang aklat na ito'y may pamagat na "Patnubay sa Pagsasalin", at sa bandang itaas nito ay nakasulat ang "Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining" o sa wikang Ingles ay National Commission for Culture and the Arts. (NCCA). Sa gawing kanan, ibabang bahagi ay nakasulat ang mga pangalan ng sampung may-akda: Virgilio S. Almario, Teo T. Antonio, Aurora E. Batnag, Paz M. Belvez, Pamfilo D. Catacataca, Andres Cristobal Cruz, Clemencia C. Espiritu, Teresita F. Fortunato, Maria Victoria A. Gugol, at Mario I. Miclat. May 174 pahina ang buong pagtalakay hinggil sa pagsasalin, may anim na kabanata, talasanggunian, at dalawang apendiks.

Masarap basahin ang anim na kabanata dahil magaan ang pagkakasulat sa sariling wika. Ang anim na kabanata'y ang mga sumusunod: 1. Kasaysayan ng Pagsasalin; 2. Mga Simulain at Pagsasalin; 3. Kaalamang Pangwika; 4. Paghahanda sa Pagsasalin; 5. Aktuwal na Pagsasalin; at 6. Ebalwasyon ng Pagsasalin. Malaking tulong sa akin ang aklat, lalo na sa aking gawaing pagsasalin.

Noong taon 2007 ay nakapaglathala ako ng dalawang libro ng pagsasalin hinggil sa mga sulatin ng rebolusyonaryong si Che Guevara. Wala akong nabasang gabay sa pagsasalin nang magsimula ako sa gawaing ito, maliban sa isang diksyunaryo - ang makapal na librong English-Tagalog dictionary ni Fr. Leo James English na nabili ko ng ilang taon na. Bandang 2010 ay nawala na lang ang diksyunaryong ito sa aking lalagyan at walang makapagsabi kung nasaan ito o kung sinong humiram. May kumuhang hindi nagpaalam at hindi na ito naibalik sa akin. Gayunpaman, patuloy pa rin ako sa gawaing pagsasalin.

Gumawa na rin ako ng sariling blog sa internet ng mga naisalin kong artikulo nina Marx, Engels, Lenin, Ka Popoy, at iba pa. May iba't ibang organisasyon din ang kinokontak ako para maisalin mula sa wikang Ingles ang kanilang ilang dokumento upang mas maunawaan ito ng mga kasapi nilang masang maralita. Kahit press statement, press release at mga polyeto sa rali, pero mas ginagamit ko na sa mga polyeto ang paraan ko ng pagsusulat, imbes na eksaktong pagsasalin ng akda.

Sa isa ngang pambansang samahan ng maralita kung saan boluntaryo akong tumutulong sa gawaing impormasyon at pahayagan, pag nagbigay ka ng Ingles na babasahin, sasabihin pa sa akin ng mga lider-maralita, "Paki-Tagalog mo naman ito." Pati na ang counter-thesis ni Ka Popoy Lagman ay naisalin ko na rin sa wikang Filipino. Nasimulan ko na ring isalin sa wikang Filipino ang "The Housing Question" ni Friedrich Engels dahil kahilingan ito ng ilang lider-maralita. Ang unang limang kabanata ng Sining ng Digma ni Sun Tzu ay naisalin ko na rin.

May isinasalin din akong dalawang klasikong libro ng mga kilalang manunulat, ang isa rito ay nagkamit ng Nobel Prize for Literature. Kaya kinausap ko si Bebang na may isinasalin akong dalawang aklat, ngunit hindi ko sinabi sa kanya kung ano eksakto ang mga iyon. Kaya pinayuhan niya ako. Magpaalam muna ako sa awtor ng isasalin kong aklat, o kung klasiko naman, pwede namang isalin ito. At para makatiyak ako, pinasapi niya ako sa Filipinas Copyright Licensing Society, Inc. (FILCOLS), at agad naman akong pumirma.

Palagay ko naman, may karapatan akong pumirma at maging kasapi. Dahil bukod sa itinayo ko at pinamamahalaang Aklatang Obrero Publishing Collective, nakapaglathala na ako ng mga aklat ko ng mga tula, kwento at sanaysay, tulad ng Fire in the Pen, Asin sa Sugat, Mga Sugat sa Kalamnan, at Tula.45, Markang Putik, at Taludtod at Makina. Nailathala ko na rin ang mga sulatin ng maraming kasama sa pakikibaka, tulad ng tatlong aklat ng sulatin ni Ka Popoy Lagman, na dati kong boss sa kilusang sosyalista, isang libro ng mga kasama hinggil sa kanya, at anim na libro ng katipunan ng panitikan ng mga kasama sa kilusang sosyalista.

Kaya ang aklat ng pagsasalin na aking nabili sa murang halagang P35 lamang ay napakamahal na sa akin, hindi dahil sa presyo kundi sa halaga nito sa aking gawain, upang mas magkaroon pa ako ng mas malalim na pag-unawa sa gawaing pagsasalin. Kaya maraming salamat, kaibigang Bebang, dahil talagang malaking tulong sa akin ang nasabing aklat.

Miyerkules, Abril 18, 2012

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa, Kapartido ni Ninoy Aquino sa LABAN (1978)

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa, Kapartido ni Ninoy Aquino sa LABAN (1978)
Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa ikawalong isyu ng magasing Ang Masa, Abril 16-Mayo 15, 2012, pahina 18.)

Kilalang manggagawa si Ka Alex Boncayao. Isa siya sa kapartido ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr., nang tumakbo ito para sa halalan noong 1978 para sa Interim Batasang Pambansa.Ang Lakas ng Bayan, na pinaikling LABAN, ang partido pulitikal na inorganisa ng nakakulong pa noon na si Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.  Kalaban nilang mahigpit dito ang KBL (Kilusang Bagong Lipunan). Ang ilan sa mga kumandidato rito ay sina Alex Boncayao (kinatawan ng manggagawa), Trinidad "Trining" Herrera (kinatawan ng maralita) at Jerry Barican (kinatawan ng kabataan). Sa 165 kandidato, 137 ang nakuha ng KBL, ngunit walang naipanalo kahit isa ang LABAN. Ngunit sino nga ba si Alex Boncayao, ang lider-manggagawa? Bakit ang pangalan niya ay mas sumikat, hindi pa sa halalan, kundi nang ipinangalan sa kanya ang isang brigadang kinatakutan noon ng burgesya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB)?

Ayon sa ilang pananaliksik, tubong Agos, sa bayan ng Bato, sa lalawigan ng Camarines Sur si Alex Boncayao na mula sa pamilya ng mga magsasaka. Dahil namulat sa kahirapan sa kanayunan, sa murang gulang ay nilisan niya ang pinagmulang bayan upang makapag-aral at makapagtapos sa kolehiyo. Pagdating niya ng lungsod, naghanap siya ng iba't ibang trabaho upang mabuhay. Siya'y naging tricycle driver, naging dyanitor at naging assistant chemist sa pabrikang Solid Mills.

Panahon ng batas militar nang maging tagapangulo siya sa unyon ng Solid Mills. Pinangunahan niya ang mga welga't sama-samang pagkilos ng mga manggagawa ng Solid Mills noong 1976-77. Noong 1975-76, isa si Alex sa mga responsableng lider ng naunang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na namuno sa militanteng kilusang manggagawa upang labanan ang diktadurya ng  rehimeng Marcos.

Kasama siya sa mga tumakbong kandidato, sa pangunguna ni Senador Ninoy Aquino, sa ilalim ng bandera ng LABAN, sa halalan ng Interim Batasang Pambansa (IBP). Kasama ni Alex Boncayao sa mga kandidato ng Laban ang mga kilalang pulitikong sina Ernesto Maceda, Ramon Mitra, Jr., Nene Pimentel, Soc Rodrigo, Charito Planas at Neptali Gonzales. Walang nakalusot ni isa sa dalawampu't isang kandidato ng LABAN.

Dahil sa malawakan at lantarang dayaan sa halalan at panghuhuli ng diktaduryang Marcos sa mga kandidato ng LABAN, nagpasyang mamundok si Alex. Tumungo si Alex sa kanayunan at nagpasyang lumahok sa armadong pakikibaka. Sumapi si Alex Boncayao sa Bagong Hukbong Bayan (NPA) sa Nueva Ecija at nag-organisa ng mga manggagawang bukid. Hunyo 19, 1983, isang buwan bago paslangin si Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport, napatay si Alex Boncayao ng mga sundalo ng rehimeng Marcos sa isang engkwentro sa Nueva Ecija.

Isang taon pagkamatay niya, noong 1984, binuo ng Metro Manila Rizal Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines ang isang brigadang ipinangalan sa kanya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB) na may layuning magkaroon ng level playing field bilang armadong hukbong tagapagtanggol ng mga manggagawa laban sa mga goons ng kapitalista, at maging tagapagtanggol ng mga inaapi. Ngunit sa pagdaan ng panahon, ang ABB ay kinatakutan ng burgesya’t mayayamang mapang-api sa masa habang lihim namang nagpapalakpakan, sa ayaw man natin o sa gusto, ang masang kaytagal na pinagsamantalahan ng bulok na sistema.

Si Alex Boncayao, tulad ng iba pang martir ay hindi makakalimutan ng kilusang sosyalista at ng kilusang paggawa. Ang pangalan niya'y naging simbolo ng paglaban sa pang-aabuso at pagsasamantala. 

Ang kanyang mga makabuluhang ambag para sa pagsusulong ng pagbabago ay hindi matatawaran. Isa siyang tunay na martir ng uring mapagpalaya. Mabuhay si Alex Boncayao, manggagawa!

Mga Pinaghalawan:
(a) aklat na Ulos, Mayo 2002
(b) Wikipedia articles
(c) filipinovoices.com
(d) matangapoy.blogspot.com
(e) Taliba ng Bayan, 1992


PAHIMAKAS KAY ALEX BONCAYAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Nagpapatuloy pa ang pakikibaka
Ng maraming api sa gabi at araw.
Sa tinig sa ilang ng luha at dusa
Ang ngalan mo'y tila umaalingawngaw.

Kasama mo noon si Ninoy Aquino
Kandidato kayo sa partidong Laban
At tumakbo kontra pasistang gobyerno
Upang ang bayang api’y mapaglingkuran.

At nang matapos nang ganap ang eleksyon
Ay pumalaot ka tungong kanayunan
Sumama ka na doon sa rebolusyon
Ang masa'y kapiling at pinagsilbihan.

Prinsipyo’y matatag, hindi nadudungo
Magiting kang lider ng masa't obrero
Ngunit pinaslang ka ng pasistang punglo
Kaytindi ng iyong isinakripisyo.

Kaya nang mapaslang ka’y naging imortal
Sa ngalan mo’y natatag isang brigada
Misyo’y durugin kapitalistang hangal
Na sa manggagawa’y nagsasamantala.

Ang ngalan mo yaong umaalingawngaw
Sa dakong iyon ng bulok na sistema
Bayani kang tunay, Ka Alex Boncayao
Tulad mong obrero'y tunay na pag-asa.

Martes, Abril 3, 2012

Pinatawad ko na sila

PINATAWAD KO NA SILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwan na sa mga manunulat, lalo na't siya rin ay makata, na isulat at isiwalat ang kanyang mga nakikita at napupuna sa kanyang kapaligiran, at sa lipunan niyang ginagalawan. Hindi lang iyon mula sa isip, kundi maging sa kanyang nadarama.

Kaya kung galit ka, minsan ay naisusulat mo iyon, na kahit malay ka ay di mo namamalayan. Na sa kalaunan ay pagsisisihan mo at bakit mo ba iyon naisulat, na siyang nagpalala pa ng problema.

Kailangang magpatawad. Kailangang patawarin na ang lahat ng nagkasala sa iyo kung nais mong makapagsulat ng maayos. Ito'y upang maging obhetibo ka sa iyong mga paksa, upang walang poot na lumabas sa iyong panulat.

Ganito ang aking ginawa ilang panahon na rin ang nagdaan. Ako'y nagpatawad. Pinatawad ko na ang mga taong nagkasala sa akin, gaano man kasakit sa aking damdamin ang kanilang ginawa. Dahil kung malinis ang iyong budhi, wala kang poot na basta na lamang isusulat na sa bandang huli'y iyong pagsisisihan.

Kailangang patawarin ko ang mga taong bumugbog sa akin noong ako'y bata pa. Kailangang patawarin ko ang mga gagong umapi sa akin. Kailangang patawarin ko ang mga nang-onse o nandaya sa akin. Kailangan kong patawarin ang mga nangutang sa akin na hanggang ngayon ay di na nakapagbayad, dahil di na sila makita o dahil mas mahirap pa sila kaysa akin. Noon ay sinasabi ko pa na ang utang nila ay abuloy ko na lang pag namatay sila. Mali pala iyon.

Pinatawad ko na ang mga nanungayaw sa akin. Pinatawad ko na ang mga pulis na nanakit sa akin sa rali. Pinatawad ko na ang mga kasamang nakagawa ng pagkakasala sa akin. Pinatawad ko na ang mga kaibigang nang-iwan sa akin sa ere. Pinatawad ko na ang mga siga sa kanto na minsan ay nangikil sa akin. Pinatawad ko na ang mga kapustahan ko sa tses o sa anumang laro na hindi nagbayad sa akin. Pinatawad ko na ang tindero sa Quiapo na nagpalit ng aking P100 at sinabing P20 lang daw ang aking ibinigay, gayong wala naman akong P20 sa bulsa, at kaya ako bumili sa kanya ay para mapabaryahan na rin ang aking P100 dahil wala akong baryang pamasahe. Pinatawad ko na ang karibal ko noon sa isang babae na nagpadugo ng aking ilong sa aming suntukan, bagamat may pasa rin siya. Pinatawad ko na ang tsuper na nakaaway ko dahil hindi ako sinuklian ng tama.

Mahirap alagaan ang kimkim na poot. Para kang nag-aalaga ng leyon o tigre sa dibdib. Kailangan na itong mawala  bago pa ito maging apoy o granadang bigla na lang sasabog.

Nagpatawad ako dahil hindi naman mabigat na krimen o heinous crime ang kanilang ginawa sa akin. Dahil kung ganoon nga, ibang usapan na iyon. Kailangan ng husgado at kailangan mong makamit ang hustisyang nararapat para sa iyo. Kumbaga, hindi iyon mga mortal sin, kundi pawang mga venial sin.

Nagpatawad ako dahil na rin sa pagyakap ko sa Kartilya ng Katipunan nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto, na pawang gabay sa pakikitungo sa kapwa at disiplina sa sarili.

Higit sa lahat, nagpatawad ako alang-alang sa aking mga akda at aakdain pa. Na bilang manunulat ay aking maisulat ng wasto, ng obhetibo, ng walang halong poot, ang bawat akda. Mahirap ang may kargang mabigat sa damdamin dahil hindi ka makapag-isip ng tama, at nagiging repleksyon lamang ang iyong mga akda ng iyong galit sa mundo at poot sa sarili. Kailangang tanggalin lahat ng bagahe. At malaking bagahe ang poot. Kailangang magpatawad. Kailangan.

Totoo naman na paminsan-minsan ay may emosyon ang iyong mga akda, lalo na sa kwento at tula. Lalo na't tumatalakay ka sa ilang maseselang paksa na may emosyon, upang maging buhay na buhay sa mambabasa ang iyong akda. Ngunit emosyon iyon ng mga tauhan mo sa iyong akda, hindi iyon emosyon mo. Hindi iyon salamin ng iyong poot o pag-uugali. Ang galit sa iyong kwento ay galit ng tauhan dahil sa iyong ginawang banghay (plot) ng kwento. Kailangang may damdamin ang bawat tauhan, dahil hindi sila mga robot..

Kaya sa aking mga kwento, sanaysay at tula, pinilit kong iwasan kung ano mang poot na maaaring lumabas, maliban na lamang kung ang poot na iyon ang mismong aking paksa sa akda. Kaya bago ko ilabas ang akda ay pinatutulog ko muna ng ilang araw para pag binalikan ko ay masuri ang kaayusan at kahandaan nito para sa mambabasa.

Mahalaga ang pagpapatawad. Mahalagang walang tinik na nakabara sa iyong lalamunan. Mahalagang malinis ang iyong budhi, at kung hindi pa man, ay magpatawad upang wala na itong anumang banil na nakakabigat sa damdamin.

Masarap magsulat nang wala kang kinikimkim na galit sa iyong kapwa. Maliwanag ang iyong utak at malinis ang iyong budhi. Tanda ito ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at kailangan ito ng isang manunulat.

Linggo, Marso 18, 2012

Ang Komyun ng Paris - Unang Gobyerno ng Manggagawa

Komyun ng Paris (Marso 18 - Mayo 21, 1871)
UNANG GOBYERNO NG URING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang buwan lamang ang itinagal ng Komyun ng Paris, ang itinuturing na unang gobyernong pinamahalaan ng mga manggagawa, ngunit ang kasaysayan nito'y hindi matatawaran. 

Sa loob ng dalawang buwang iyon na pinangunahan ng mga manggagawang kababaihan ng Paris, pinamahalaan ng mga manggagawa ang bagong anyo ng lipunan, ang lipunan ng uring manggagawa. Ngunit nakabalik ang pwersa ng burgesya, at tatlumpung libong (30,000) manggagawa ang minasaker ng tropa ng gobyernong pinamamahalaan ni Adolpe Thiers. Nagbubo ng dugo ang mga manggagawa ng Paris ngunit ang kanilang ginawa'y nagmarka na sa kasaysayan ng uring manggagawa sa daigdig. Sa akdang The Civil War in France (1871) ni Karl Marx, kanyang isinulat na ang Komyun ng Paris ang “the finally discovered political form under which the economic emancipation of labor could take place” (nadiskubre na ang isang pormang pulitikal kung saan ang pang-ekonomyang kaligtasan ng paggawa ay maaari nang maganap.) 

Kalagayan ng Pransya bago ang Komyun ng Paris

Nasa gitna ng digmaan ang Pransya laban sa bansang Prussia (na Germany ngayon) na pinamumunuan ni Otto von Bismarck. Ang digmaang ito, na kilalang Franco-Prussian war ng 1870-71, ay digmaan sa pagitan ng Ikalawang Imperyong Pranses at ng Kaharian ng Prussia. 

Nasakop na ng Prussian Army ang Paris, ngunit hindi nakipagmabutihan ang mga manggagawa ng Paris sa mga sundalo ng Prusya. Bumagsak ang Paris sa kamay ng Prussian Army noong Enero 28, 1871. Nagkaroon ng halalan sa Pransya noong Pebrero 8, 1871, na di alam ng mayorya ng populasyon; Pebrero 12 nang maitayo ang bagong Pambansang Asambleya; Pebrero 16 nahalal si Adolphe Thiers bilang punong ehekutibo ng Pransya; Pebrero 26 nang nilagdaan sa Versailles nina Thiers at Jules Favre ng Pransya, at ni Otto von Bismarck ng Germany, ang isang preliminary peace treaty sa pagitan ng France at Germany. Isinuko ng France ang Alsace at East Lorraine sa Germany, at nagbayad sila ng bayad-pinsalang nagkakahalaga ng 5Bilyong Francs. Unti-unting aalis ang German army pag naibigay na ang kinakailangang bayad-pinsala. Mayo 10, 1871 nang nilagdaan ang final peace treaty sa Frankfort-on-Main.

Noong Marso 1871, kumalas na sa pamumuno ni Thiers ang Pambansang Gwardya at sumama na sa mga manggagawa ng Paris, at itinayo ang isang Komite Sentral. Inilagay naman ni Thiers kanyang pamahalaan sa Versailles noong Marso 20.

Ang Komyun ng Paris

Noong Marso 18, 1871, sa permiso ng Prussia, pinadala ni Thiers ang hukbong Pranses upang kumpiskahin ang mga nagkalat na armas sa Paris na hawak ng mga manggagawa upang tiyaking hindi na lalaban ang mga manggagawa ng Paris sa hukbo ng Prusya. Balak dalhin ni Theirs ang mga makukumpiskang armas sa Versailles. Ngunit tinanggihan ito ng mga manggagawa. Pagdating pa lang ng umaga, hinarangan na ng mga manggagawang kababaihan ang pagdating ng hukbong Pranses na inatasan ni Thiers na nagtangkang kumpiskahin ang mga kanyon at iba pang armas. Hanggang sa magdatingan na ang taumbayan at pinalayas ang hukbong Pranses. 

Kahit na inatasan ni Thiers, di sumunod ang mga sundalo sa atas nitong pagbabarilin ang mga tao. Sina Heneral Claude Martin Lecomte at Heneral Jacques Leonard Clement Thomas ay pinaslang ng kanilang sariling mga tauhan. Apat na ulit inatas ng araw na iyon ni Heneral Lecomte na pagbabarilin ang mga tao, at pinakita naman ni Heneral Thomas ang kanyang brutalidad at pagkareaksyunaryo, at nahuli pa siyang nag-eespiya sa barikadang itinirik ng mga tao. Nag-alisan na rin ang maraming tropang sundalo habang may ilang natira sa Paris. Dahil dito'y nagalit si Thiers, at nagsimula na ang Digmaang Sibil sa Pransya.

Nang sumunod na araw, Marso 19, 1871, nagising ang mamamayan ng Paris sa kanilang kalayaan, at masaya nilang tinanggap ang natamong kalayaan. Ang tanging namamahala na rito ay ang Komite Sentral ng Pambansang Gwardya, na binubuo ng mga matatapat na tao, na hindi mga pulitiko, at ng mga manggagawa ng Paris. Marso 23, 1871, nagpahayag ang International Workingmen’s Association at Federal Council of Parisian Sections ng pagkakaisa at panawagang magkaroon ng halalan sa Marso 26, habang ipinapana-wagan ang ganap na paglaya ng mga manggagawa, at matiyak ang ganap na halaga ng kanilang lakas-paggawa. Tinawag nila ang Komyun ng Paris na isang Rebolusyong Komyunal. 

Noong Marso 26, 1871, inihalal ng mamamayan ng Paris ang konsehong tinawag na nilang Komyun ng Paris, na binubuo ng mga manggagawa, kasama ang mga kasapi ng Unang Internasyunal. Ipinroklama ang Komyun ng Paris noong Marso 28, 1871, kaya umani ang mga manggagawa ng Paris ng mabilis at malawak na suporta sa buong Pransya. Direktang kalahok sa pag-aalsang manggagawa ang mga lider ng internasyunal na kilusang manggagawa. Sa araw ding iyon ay umalis na sa pwesto ang Komite Sentral ng Pambansang Gwardya nang isinabatas nito ang paglalansag sa "Morality Police". 

Marso 30 nang nilansag ng Komyun ang sapilitang pagpapalingkod sa hukbo at ang mismong hukbo; ang tanging armadong hukbo lamang ay ang Pambansang Gwardya. Kinumpirma na rin ang pagkakahalal sa Komyun ng mga dayuhan, dahil "ang bandila ng Komyun ang bandila ng Daigdigang Republika". Idineklara naman noong Abril 1 na lahat ng kasapi ng Komyun ay tatanggap lamang ng kaparehong sweldo ng manggagawa, maging ito'y nasa pamahalaan o karaniwang manggagawa.

Ipinahayag din ng Komyun ang paghihiwalay ng simbahan at ng gobyerno, at ang pagpawi ng lahat ng kabayaran ng gobyerno para sa layuning pangrelihiyon, pati na ang transpormasyon ng lahat ng pag-aari ng simbahan upang gawing pambansang pag-aari. Idineklara ang relihiyon bilang pribadong bagay na lamang. 

Nagsagawa rin ang Komyun ng isang kautusan upang di barilin ng gobyernong Pranses ang mga kasapi ng Komyun. Sa kautusang ito, lahat ng mga taong mapapatunayang nakikipag-ugnayan sa gobyernong Pranses ay ituturing na bihag o hostages. Ngunit di ito naisagawa. Isang guillotine, o pamarusahang pamugot ng ulo ng nasentensyahan ng kamatayan, ang inilabas ng ika-137 batalyon ng Pambansang Gwardya, at sinunog sa harap ng taumbayan, na ikinasiya ng marami. Isa pang kautusang ipinatupad ng Komyun ang pagtanggal sa lahat ng paaralan ng lahat ng simbolong relihiyoso, litrato, dogma, dasal, at "lahat ng nasa ispero ng indibidwal na budhi". Agad itong ipinatupad.

Upang madurog ang Komyun, nagpasaklolo si Thiers kay Bismark upang gamitin sa Versailles Army ang mga binihag na hukbong Pranses na sumuko sa Sedan at Metz. Kapalit ng 5Bilyong Francs na bayad-pinsala, sumang-ayon si Bismarck. Kaya nilusob na ng hukbo ni Thiers ang Paris.

Umatras ang mga umatakeng tropa ni Thiers sa katimugang Paris nang malagasan sila ng maraming tauhan.

Abril 16, ipinahayag ng Komyun ang pagpapaliban sa lahat ng utang sa loob ng tatlong taon at pagpawi ng interes sa mga ito. Nag-atas din ang Komyun ng pagtatala ng lahat ng mga pabrikang isinara ng mga kapitalista at nagsagawa sila ng plano kung paano ito patatakbuhin ng mga manggagawang dating nagtatrabaho sa mga ito, na kanilang oorganisahin sa mga kooperatibang samahan, at planong pag-oorganisa ng lahat ng kooperatibang ito sa iisang unyon.

Tinanggal ng Komyun ang panggabing trabaho ng mga panadero, pati na mga registration card ng manggagawa, na inisyu ng Ikalawang Imperyo. Itinatag ng Komyun ang walong-oras ng trabaho bawat araw. Binuksan nila ang mga nakasarang pabrika, nagsagawa ng bagong patakaran sa pasahod at kontrata, at nagtayo ng konseho ng manggagawa sa mga pabrika. Binigyan ng tamang pasahod ang mga manggagawang delikado ang trabaho. Tinanggal ang mga multa sa manggagawa na nagkakamali.

Abril 30, inatas ng Komyun ang pagsasara ng mga sanglaan (pawnshops) sa batayang ang mga ito'y pribadong pagsasamantala sa paggawa, na balintuna sa karapatan ng mga manggagawa sa kanilang kasangkapan sa paggawa.

Mayo 10, 1871, nilagdaan ang Treaty of Frankfurt, isang tratadong pangkapayapaan bilang pagwawakas ng Franco-Prussian War.

Mayo 17, 1871 ng gabi, ipinatawag ang pulong ng Central Committee of the Union of Women, upang organisahin ang mga delegadong dadalo sa pagtatayo ng isang “federal chamber of workingwomen”.

Pagkadurog ng Komyun

Mayo 21, 1871, nakapasok ang tropa ng Versailles sa Paris. Ginugol ng French army ang walong araw hanggang Mayo 28 sa pagmasaker sa mga manggagawa, pinagbabaril ang mga sibilyang makita. Ang operasyong iyon ay pinangunahan ni Marchal MacMahon, na sa kalaunan ay naging pangulo ng Pransya. Tatlumpung librong Communards, manggagawa at mga walang armas na sibilyan at mga bata ang pinagpapatay; 38,000 ang ibinilanggo, at 7,000 ang sapilitang ipinatapon sa ibang bansa.

Saan nga ba nagkulang ang mga lumahok sa Komyun ng Paris? Bakit ito nadurog sa loob ng dalawang buwan lamang? Maraming mga ibinigay na rason ang mga nakasaksi noon.

Una, may kakulangan sa paghahanda ang mga manggagawa upang depensahan ang Komyun kung sakaling magkaroon ng paglusob sa lungsod, bagamat may ilang mga barikadang naitayo. Ikalawa, mas inuna nito ang pagtatatag ng mas maayos na hustisya sa buong Paris, imbes na durugin muna ang mga kaaway nito, lalo na ang tropa ni Thiers, upang di na muling makabalik sa kapangyarihan. Dapat ay naglunsad na sila ng opensiba laban sa hukbo ni Thiers na nasa Versailles upang di na ito magkaroon pa ng panahong makabawi. 

Ayon kay Marx, "Ang Komyun ng Paris, sa esensya, ay isang gobyerno ng uring manggagawa. Ang hukbo ng gobyerno ay pinalitan ng armadong mamamayan, ang kapangyarihan ng lehislatibo at ehekutibo ay hinawakan ng mga kinatawan ng manggagawa, na hinalal, may pananagutan at maaaring tanggalin anumang oras, at ang sahod para sa lahat ng opisyal na gawain sa pamahalaan ay kapantay ng sahod ng karaniwang manggagawa."

Para kay Lenin, hindi nasyunalismo kundi internasyunalismo ang ipinakita ng Komyun ng Paris. Ani Lenin, mahalaga ang paghihiwalay ng kaisipang nasyunalismo sa uring manggagawa: "Hayaan nyo ang burgesya sa pananagutan nito sa pambansang humilyasyon - ang tungkulin ng manggagawa ay pakikibaka para sa sosyalistang paglaya ng paggawa." Idinagdag pa ni Lenin, "Ispontanyo ang pagkakatatag ng Komyun. Noong una, ito'y isang kilusang may kalituhan. Ngunit nagkahiwa-hiwalay na ang mga uri sa takbo ng mga pangyayari. At tanging mga manggagawa lamang ang nanatiling matapat sa Komyun hanggang sa huli."

Mga Tampok na Isinagawa ng Komyun 

Ang Komyun ng Paris, bagamat sa loob lamang ng Pransya, ay hindi isang makabayang pakikibaka. Ito'y isang makauring pakikibaka ng manggagawa laban sa burgesya, laban sa kapitalismo, laban sa kapital. Ang Komyun ng Paris ay isang makasaysayang paglaban ng mga manggagawa ng Paris, isang pagsulong tungo sa pandaigdigang rebolusyon ng manggagawa, isang pagtatangkang wasakin ang burgis na makinarya ng gobyerno, at ito rin ang siyang dapat pumalit sa makinarya ng estado.

Ang Komyun ang unang tangka ng proletaryong rebolusyon na wasakin ang burges na makinaryang estado at ito rin ang siyang dapat pumalit sa winasak na makinaryang estado. Ang mga tampok at mahahalagang hakbang na ipinatupad ng Komyun ay ang mga sumusunod:

a. Pagbuwag ng regular na hukbong militar at pagtatayo kapalit nito ng armadong mamamayan.

b. Pagtatakda na ang lahat ng opisyales ay ihahalal subalit maaaring alisin sa pwesto anumang oras.

c. Pagtatanggal ng lahat ng pribilehiyo at pagbawas ng pasahod o alawans sa lahat ng naglilingkod sa estado upang ipantay sa antas ng pasahod sa mga manggagawa.

d. Ang pagwasak sa pulitika’t parlyamentaryo ng burgesya, mula sa isang talking shop ay naging isang working institution, isang institusyon ng paghaharing sabay na gumagampan ng gawaing ehekutibo at lehislatibo.

e. Ang organisasyon ng pambansang pagkakaisa. Itinayo ang mga Komyun hanggang sa antas ng pinakamaliit na komunidad. Isinentralisa ang mga Komyun sa isang sentralisadong kapangyarihan, upang ganap na wasakin ang paglaban ng mga kapitalista at ipatupad ang paglilipat ng pribadong ari-arian — pabrika, mga lupain, at iba pa — sa kamay ng buong bayan.

Mga Aral

Sa pagkadurog ng Komyun, maraming aral ang idinulot nito sa atin:

a. Hindi sapat ang pagkubkob lamang sa mga makinarya ng estado upang gamitin ng mga manggagawa, kundi ang buong estado'y dapat tuluyang wasakin upang di na makabalik pa ang burgesyang pinalitan ng Komyun. Dapat tiyakin ng Komyun kung paano mapoprotektahan nito ang kanyang sarili mula sa kanyang mga kaaway.

b. Kailangan ng maagap na pagdedesisyon kung paanong di na makakabalik at makakaporma pa ang burgesya. Maraming oportunidad ang Komyun para madurog ang mahinang pwersa ng gobyerno sa Versailles, ngunit dahil hindi maagap na nakapagdesisyon dito, sila’y binalikan at agad na dinurog. 

c. Dapat maitaas pa ang kamalayang makauri ng mga manggagawa upang maitayo nila ang sarili nilang lipunan.

d. Ang pag-aalinlangan ng Komyun na tuluyang durugin ang banta ng kaaway ay nagbigay pa ng panahon sa burgesya upang muling maorganisa (regroup), magpalakas ng pwersa, at makipag-kasundo sa mga Prussians. Masyado pang mabait ang mga manggagawa sa mga kapitalista’t burgesya.

e. Kailangan ng Komyun ng isang rebolusyonaryo, sosyalistang partido na magtitiyak ng tagumpay nito hanggang sa transisyon patungong sosyalismo.

f. Dapat kinumpiska agad ng mga manggagawa ang mga bangko, lalo na ang Bank of France, na siyang sentro ng kapitalistang yaman, na siyang ginamit ng kapitalista laban sa Komyun. Dapat isentralisa sa Komyun ang mga bangko upang tustusan ang rebolusyon.

g. Dapat nakagawa ng paraan ang mga manggagawa upang maging alyado ang mga pesante. Dahil ang mga pesante ang ginamit ng burgesya at ng hukbo ni Thiers upang durugin ang Komyun.

Ang Diktadurya ng Proletaryado

Sa karanasan ng Komyun ng Paris hinalaw ni Marx ang teorya ng diktadurya ng proletaryado. Ito ang papalit sa diktadurya ng burgesya o kapitalistang estado. Ang diktadurya ng proletaryado ay isang sosyalistang lipunang pinamu-munuan ng uring manggagawa, o proletaryado. 

Kongklusyon:

Ang Komyun ng Paris ang isa sa pinakadakila at inspiradong yugto sa kasaysayan ng uring manggagawa. Pinalitan ng mga manggagawa ng Paris ang kapitalistang estado ng sarili nilang gobyerno at tinanganan nila ang kapangyarihang ito ng dalawang buwan. Nagsikap ang mga manggagawa ng Pransya, sa kabila ng mga kahirapan, na wakasan na ang mga pagsasamantala at pambubusabos ng lipunan, at maitayo ang isang lipunan sa isang bagong batayan at pamantayan. Ang mga aral nito’y nagtiyak ng tagumpay ng Rebolusyong 1917 sa Rusya na pinangunahan ni V. I. Lenin, at naitayo ang isang Unyon ng Sobyet (konseho) na binubuo ng manggagawa.

Ang dakilang aral ng Komyun ng Paris ay isang malaking hamon sa uring manggagawa sa kasalukuyang panahon. Kailangan natin ng mas mataas na antas ng daigdigang pagkakaisa at mas matalas na kamalayang makauri upang matiyak na maipapanalo natin ang lipunang sosyalismong ating hinahangad para sa ating kagalingan at ng mga susunod pang henerasyon ng manggagawa.

Mga Sanggunian:

(a) The Civil War in France, Marso-Mayo 1871, Karl Marx; (b) Introduction on The Civil War in France, by Frederick Engels, 1891; (c) Lessons of the Paris Commune, Leon Trostky, Pebrero, 1921; (d) History of the Paris Commune, Prosper Olivier Lissagaray, 1876