Sabado, Agosto 2, 2014

Ang salitang "maralitang lungsod" sa KPML

ANG SALITANG "MARALITANG LUNGSOD" SA KPML
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mali daw ang salitang "maralitang lungsod", sabi ng isang kakilala. Syntax error daw ito. Pinupuna niya ang pangalan ng KPML, o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, o sa Ingles ay Congress of Unity of the Urban Poor, na kadalasang nababasa nila sa mga polyeto, pahayag, press statements, at press releases. Ito ang orihinal na pangalan ng KPML na makikita sa mga lumang dokumento nito. Ngunit minsan ay pinaghihiwalay pa namin ang salitang "maralitang lungsod" upang maging Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod, dahil hindi pa ito maipaliwanag noon ng maayos. Kailangang magsaliksik, kailangang maghanap ng angkop na paliwanag. Mali nga ba ang nagpasimula ng KPML sa kanilang inaprubahang pangalan nang itatag ito noong 1986?

Ayon sa aking kakilala, pag sinabing "maralitang lungsod", ito'y hindi tumutukoy sa tao, kundi sa uri ng lungsod. Sa ibang salita, ang "maralitang lungsod" ay katumbas ng salitang "mahirap na lungsod". Sa kanya, ang salitang "lungsod" ang pangngalan (noun) at ang salitang "maralita" ay pang-uri (adjective) na naglalarawan lamang sa lungsod. Kaya ang tama raw na salita ay "maralitang tagalungsod". Tagalungsod na walang gitling (-), na siyang tamang gamit, at hindi taga-lungsod. [Ginagamitan lang ng gitling ang "taga" pagkasunod ng pangngalang pantangi (proper noun), tulad ng pangalan ng lugar, halimbawa, taga-Maynila, taga-Antipolo, at hindi sa mga pangngalang pambalana (common noun), tulad ng tagalaba, tagaluto, tagapunas, tagabundok, taganayon, tagalungsod.] Ibig pa niyang sabihin, ang tamang salin sa wikang Filipino ng salitang "urban poor" ay "maralitang tagalungsod".

Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming hindi taga-KPML ang isinusulat ito na Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Tagalungsod. KPMT ito, at hindi KPML. Ang iba naman, para lumapat lang sa KPML ay isinusulat itong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang taga-Lungsod. Parehong mali. Hindi na sila nag-abala pang magtanong pa o magsaliksik. Mahilig sila sa akala.

Gayunman, kung sasang-ayunan natin ang aking kakilala na mali ang salitang "maralitang lungsod", mali na rin ang mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat" at "batang lansangan". Gayon din ang mga salitang "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye".

Mali nga ba ang "maralitang lungsod"? Suriin natin.

Ang salitang "maralitang lungsod" ay binubuo ng dalawang salita. Ang una ay tungkol sa tao, at ang ikalawa ay tungkol sa lugar. Ang una'y pangngalan, at ang ikalawa’y pang-uri, na salungat sa pagtingin ng aking kakilala. Tulad din ng mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye", ang una'y pangngalan, at ang ikalawa’y pang-uri.

Ang maralita ay tao, na singkahulugan din ng salitang "mahirap". Ang mahirap ay maaaring tao o kalagayan. Mahirap ako, at mahirap ang buhay ko. Gayundin ang maralita. Nagdaralita ang maralita. Depende sa pagkakagamit.

Kung ang tama ay "maralitang tagalungsod", dapat ang "manggagawang bukid" ay "manggagawang tagabukid", ang "dalagang bukid" ay "dalagang tagabukid", ang "taong bundok" ay "taong tagabundok", ang "taong gubat" ay "taong tagagubat", ang "batang lansangan" ay "batang tagalansangan". Gayon din ang mga salitang "paruparong bukid" na dapat ay "paruparong tagabukid", "pusang bundok" na dapat ay "pusang tagabundok", at "asong kalye" na dapat ay "asong tagakalye".

At kung mangyayari ito, mababago na ang sadyang kahulugan ng mga nasabing salita. Ang manggagawang bukid ay mga trabahador sa bukid, na maaring hindi naman tagaroon, habang ang manggagawang tagabukid ay manggagawang doon na sa bukid nakatira. Ang dalagang bukid ay karaniwang tumutukoy sa magandang dalagang mahinhin at hindi makabasag pinggan, lalo na't sa lalawigan lumaki, na siya ring tinutukoy ng batikang manunulat na si Jun Cruz Reyes sa kanyang aklat-nobelang "Ang Huling Dalagang Bukid". Ang dalagang tagabukid ay tumutukoy lamang sa dalagang tagaroon sa bukid at hindi dahil sa kanyang kagandahan at kahinhinan. Iba naman ang isdang pinangalanang dalagangbukid na magkadikit ang dalawang salita.

Ang taong bundok ay tumutukoy sa mga maiilap na katutubong marahil ay nakabahag pa at may hawak na pana at sibat, at hindi simpleng tumutukoy lamang sa taong nakatira sa bundok. Ang mga rebelde ay nakatira sa bundok ngunit hindi naman sila tinatawag na taong bundok. Si Tarzan o ang katutubong si Og at si Barok ay taong gubat, at si Ka Berting ay taong tagagubat dahil doon na siya nakatira sa maliit niyang tahanan sa gubat. Bukod pa roon, hindi mo na gagamitin ang mga salitang "taong tagabundok" o "taong tagagubat", kundi simpleng "tagabundok" o "tagagubat", dahil tumutukoy na ito sa tao.

Ang batang lansangan ay tumutukoy sa mga batang gala, na kadalasan ay perwisyo sa komunidad, na maaaring nakatira sa isang barungbarong, at umuuwi lamang sa gabi, habang pag sinabing batang tagalansangan, ito'y tumutukoy sa batang nakatira sa lansangan. Dagdag pa, mali ang salitang "tagalansangan" dahil hindi naman tirahan ang lansangan.

May popular na katutubong awiting "Paruparong Bukid", na mahihirapan nang palitan ng "Paruparong Tagabukid" dahil klasiko na ang awiting ito. Bukod pa roon, bagamat nakikita ang paruparo sa bukid, hindi naman natin sinasabing ito'y tagabukid, dahil kadalasang tumutukoy lamang ang salitang "tagabukid" sa tao.

Ang "pusang bundok" ay tumutukoy sa mga maiilap na uri ng pusa na kadalasang matatagpuan lamang sa bundok, tulad ng musang at alamid, na kaiba sa mga pusang nakikita sa karaniwang bahay, habang ang pusang tagabundok naman ay maaaring tumutukoy sa mga karaniwang pusa sa bahay na nakatira sa isang bahay sa bundok.

Ang "asong kalye" ay tumutukoy sa asong gala at walang nag-aalaga, kaya palaboy-laboy sa kalsada, at ang asong tagakalye naman ay tumutukoy sa asong nakatira sa kalye. Gayunpaman, mali ang salitang "tagakalye", dahil hindi naman tirahan ang kalye. Sa lungsod ay nakapagtatayo ng bahay, ganoon din sa bukid, bundok, at gubat. Ngunit hindi naglalagay ng bahay sa lansangan o kalye kaya hindi ginagamit ang mga salitang tagalansangan at tagakalye, kahit sa mga dukhang nakatira pa sa kariton.

Ang "maralitang lungsod" ay tumutukoy sa mga maralitang hindi naman talaga tagalunsod, kundi mula sa pinanggalingang probinsya na kaya nagpunta ng lungsod ay dahil sa kahirapan ng buhay nila sa probinsya. Sa lungsod na nakipagsapalaran upang matamo ang kanilang pangarap na ginhawa. Nagkataon lamang na naroon na sila napatira sa lungsod, kaya tinawag na tagalungsod, na sa mas popular ay maralitang lungsod.

Ang mga salitang "maralitang lungsod", "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "paruparong bukid", "pusang bundok", "asong kalye" at kapareho nito ay palasak na sa ating kamalayan bilang Pilipino, at nakaukit na sa ating kultura, pati na sa ating mga aklat at nakasulat na panitikan. Kaya nga palasak itong ginagamit ng mga Pilipino sa pang-araw-araw na buhay.

Umuunlad din ang mga salita, ngunit ang mahalaga’y nauunawaan natin kung paano ito ginagamit ng mga panahong iyon, na angkop pa rin at nagagamit pa natin sa ngayon. Tulad ng mga salita sa panahon nina Balagtas, ng Katipunan, panahon ng pananakop ng mga Kastila, Amerikano at Hapon, panahon ng batas-militar, hanggang sa kasalukuyan.

Mali nga ba ang salitang "maralitang lungsod"? Hindi. Tulad din ng hindi mali ang mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye". Hindi rin naman mali ang salitang "maralitang tagalungsod" dahil may mga maralita naman talagang nakatira na sa lungsod. Kaya depende sa gamit. Parehong tama at magagamit ang "maralitang lungsod" at "maralitang tagalungsod".

Kaya hindi mali ang mga tagapagtatag ng KPML noong Disyembre 18, 1986, nang aprubahan nila ang pangalang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod. At dahil walang mali sa salitang "maralitang lungsod", hindi rin mali kung patuloy nating ginagamit ang orihinal na pangalan ng KPML, kung saan tayo nakilala. Kung sakali man, ang ilulunsad na Kongreso ng KPML pa rin ang magbabago nito, bagamat nakilala na ang KPML sa orihinal nitong pangalan, at siyang ginagamit pa rin natin sa mga polyeto, at iba pang babasahin.

Biyernes, Hulyo 18, 2014

Ang tula bilang tungkuling pulitikal

ANG TULA BILANG TUNGKULING PULITIKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi ko personal iyon, pagkat ang mga iyon ang inangkin kong gawaing pulitikal. Nakikita lang nilang personal na krusada iyon pagkat ang gamit ko'y tula. Ngunit hindi ako tumutula para sa aking sarili. Ang mga tulang iyon ay bahagi ng gawaing pagmumulat, mga gawaing pulitikal, mga tulang pulitikal.

Iyon ang kanilang bintang, akusasyon o puna, o marahil ay laging nakikita sa akin. Na ang pagtula ko'y personal na krusada ko lamang, na para bang hindi ito isang pulitikal na tungkulin.

Oo't may mga personal akong tula, na pumapaksa sa pag-ibig, ngunit ang mayorya'y pulitikal, na pumapaksa sa lipunan, karukhaan, pakikibaka, kababaihan, rebolusyon, dukha, uring manggagawa, bulok na sistema, at pagnanasang pagbabago.

Ang anyo lamang marahil ang personal, dahil mas minarapat kong daanin sa pagtula ang mga komento sa iba't ibang isyung panlipunan, pati na paniniwala, prinsipyo't ideyolohiyang aking tinanganan. Na karaniwan ang tula'y nasa anyong tugma at sukat, na para sa iba'y mahirap gawin kaya nagkakasya na lang sila sa malayang taludturan (verso libre sa wikang Kastila o free verse sa wikang Ingles).

Ang anyo marahil ang personal pagkat iyon ang aking piniling gamitin. Ngunit ang nilalaman ay pulitikal pagkat nais kong ibahagi ang mga komento't puna ko sa kalakarang panlipunan, pati na ang kaakibat na prinsipyo't diwang nais kong yakapin din ng mga naghahangad ng pagbabago.

Ang nakikita'y anyo at hindi ang nilalaman. Ngunit kung babasahin lamang nila iyon, hindi ang anyo ang tatatak sa kanilang diwa kundi kung ano ang ipinahayag sa tula. Kumbaga sa tinapay na maganda ang pagkabalot, mananamnam lamang ito kung masarap o mapakla pag ito na'y kinain. Tulad din ng tulang di dapat tingnan lamang ang anyo kundi namnamin din ang kaibuturan nito, upang malasahan kung nakakaumay na o masarap ang pagkakatimpla ng tula.

Ang tula'y pagmumulat. Ang panawagang pagbabago upang malunasan ang karukhaan ng nakararaming mamamayan ay isang tungkuling mahirap gampanan ngunit kailangan. Kailangan ng sipag at talino upang maipamulat sa masa ang pangangailangan ng pagkakaisa upang mabago ang sistema ng lipunan, upang mabago ang mga kagamitan sa produksyon, upang mabago ang ugnayan ng mga tao nang wala nang nagsasamantala at walang pinagsasamantalahan.

Magpapatuloy ako sa pagtula sa anyong tugma't sukat dahil naipagpapatuloy ko ang nakagisnan nang anyo nina Balagtas at Batute, mga makatang makamasa at batikan sa paglalaro ng salita. Si Balagtas, na kumatha ng mahabang tulang Florante at Laura, at si Batute, na kumatha ng mas mahabang tulang Sa Dakong Silangan. Dalawang kathang pawang pulitikal at nakapagmumulat sa sinumang babasa nito sa kanilang tungkulin sa sambayanan.

Pangarap kong makagawa ng tulang tulad ng katha nina Balagtas at Batute, isang tulang mahaba rin, ngunit pumapaksa sa kasaysayan at pakikibaka ng uring manggagawa. Palagay ko, pag nagawa ko ito at nailathala ay maaari na akong mamatay na masaya.

Huwebes, Hulyo 3, 2014

Ang vendor ba ay kapitalista o proletaryado?

ANG VENDOR BA AY KAPITALISTA O PROLETARYADO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Utak-kapitalista, pero buhay proletaryado. Ganito nga ba maaaring ilarawan ang vendor?

Utak-kapitalista dahil nag-iisip sila ng tubo sa kanilang munting negosyo, tulad ng buy and sell na karaniwan nilang trabaho. Ngunit buhay proletaryado sila dahil wala silang pag-aaring mga pabrika, maliban sa kanilang mga paninda. Kadalasan sa kanila'y nakatira sa mga lugar ng iskwater, mga danger zones, dahil doon na ipinadpad ng tadhana.

Mga vendor silang nagsisikap maghanapbuhay ng marangal, nagtitinda-tinda upang tumubo lamang ng kakarampot. Kumbaga'y mga palpak silang kapitalista kung mahigit na silang sampung taon sa pagnenegosyo ay vendor pa rin, at walang sariling negosyong maipagmamalaki.

Nagsimula sa pagiging vendor ang mayayamang kapitalistang sina Henry Sy at Lucio Tan. Si Henry Sy ay nagsimula sa pagtitinda ng sapatos, at naitayo niya ang Shoe Mart. Si Lucio Tan naman ay nagsimula sa paggawa ng sigarilyo, at naitayo ang pabrika ng Fortune Tobacco.

Ngunit hindi lahat ng vendor ay ganito. Dahil bihira ang tulad nila. May gintong kamay ba sila sa paghawan ng landas tungo sa pag-unlad? Anong uri ng diskarte at anong klaseng utak mayroon sila upang marating ang kinalalagyan nila ngayon? Vendor noon, tycoon ngayon.

Karamihan ng mga vendor ngayon sa bansa ay nabubuhay sa sariling diskarte, buy-and-sell, pagbabakasakali upang makakain bawat araw at hindi magutom ang pamilya. Kilala ang Divisoria at Baclaran sa maraming vendor, na pati ang kalsada ay hindi na madaanan ng mga sasakyan dahil sa nakahambalang nilang paninda.

Dumating pa ang panahong ang mga vendor sa Kalakhang Maynila ay itinuring na animo'y may ketong. Ipinagbawal na sa kanila ang magtinda, itinaboy sa mga bangketang nagmistulang kanilang tindahan, sinusunog ang kanilang mga paninda upang hindi na makabalik muli sa lugar na pinagtitindahan nila. Idineklara sila ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa pamumuno ni Bayani Fernando, na mga hudyong dapat malipol. Kaya itinuring din nila si Bayani Fernando na Hitler.

Sa kasagsagan ng bakbakang ito laban sa mga vendor ay naitayo ang Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) noong Agosto 30, 2002 sa UP Diliman. Nagkaisa ang mga vendor upang ipagtanggol ang kanilang mga kabuhayan, na siyang tama naman at marapat gawin. Dahil hindi sagot ang hindi pag-imik na kahit nasasaktan na ay oo na lang ng oo.

Kung ating susuriin, ang pagiging vendor ay usapin pa ng survival, usapin kung paano lalamnan ang tiyan ng pamilya bawat araw. Hindi pa ito usapin ng pag-hire ng mga trabahador para magtrabaho sa kanyang negosyo. Dahil usapin ito ng survival at dahil karaniwan ng mga vendor ay nakatira sa mga lugar ng iskwater o mahihirap, hindi pa sila ganap na kapitalista kahit kung mag-isip sila'y tulad ng kapitalista, magkaroon ng tubo ang kanilang pinuhunan. Biktima rin sila ng kapitalismo. Dahil kailangan nilang mabuhay sa ilalim ng umiiral na sistema, ang pagvevendor ang naisipan nilang trabaho. Wala man silang amo, matindi naman ang kotong sa kanila, dahil kung hindi sila magbibigay ng tong, hindi sila makakapagtinda sa lugar.

Sa ngayon, ang vendor ay maaaring ituring na bahagi ng proletaryado, o mga taong walang pribadong pag-aari maliban sa kanilang lakas-paggawa. Bagamat sila'y negosyo na ang nasa isip dahil kailangan nilang buhayin ang kanilang pamilya. Nagbabakasakaling sa pamamagitan ng negosyong ang puhunan ay sariling sikap at kaunting salapi ay magkaroon ng maayos na buhay ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng marangal na paghahanapbuhay.

Biyernes, Abril 4, 2014

Yakov Sverdlov, Dakilang Organisador, Bayani ng Rebolusyong 1917

YAKOV SVERDLOV ~ DAKILANG ORGANISADOR, BAYANI NG REBOLUSYONG 1917
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(Halaw sa "Speech in Memory of Y. M. Sverdlov" ni Vladimir Lenin noong Marso 18, 1919.)

pangunahin siyang organisador na nagsilbi
upang magtagumpay yaong Rebolusyong Oktubre
magaling sa plano't pagkilos, nakasama'y saksi
tunghan mo ang luksampati nina Lenin at Trotsky

bata pa'y inalay na ang buhay sa paglilingkod
iniwan ang pamilya, ginhawa't anumang lugod
buong panahong ang rebolusyon ang tinaguyod
masa'y inorganisa't kaysipag niyang kumayod

isa siyang propesyunal na rebolusyonaryo
tinanganang husay ang rebolusyong proletaryo
bagamat tulad niya'y kinondena ng tsarismo
kinulong, pinatapon, ay ginamit ang talento

mahusay na organisador si Yakov Sverdlov
nahuli mang ilang ulit ay malakas ang loob
sa pagpapalawak ng kasapi’y sadyang marubdob
dahil sa mga tulad niya, tsarismo'y tumaob

sirkulo ng pag-aaral kanyang inorganisa
pinatibay ang puso't diwa ng bawat kasama
unawa pati pulso ng manggagawa't ng masa
mula sa ibaba, pinalakas niya ang pwersa

matinding organisador at lider ng Bolshevik
diwang Bolshevismo sa masa'y kanyang inihasik
kaya ang sosyalismo'y maalab na tinangkilik
lumawak ang kasapian, rebolusyon ang hibik

namuno sa pagkilos na sa tsarismo'y sumakal
pati sa gawaing lihim at sirkulong ilegal
tagumpay ay tiniyak nang Bolshevik ang itanghal
namuno rin sa Lahat-na-Rusong Komite Sentral

sa kasaysayan, ang ngalan mo'y naukit nang tunay
O, bunying Bolshevik, sa iyo kami'y nagpupugay
sadyang inspirasyon ang nagawa mo't talambuhay
dakilang Yakov Sverdlov, mabuhay ka, mabuhay!

Martes, Marso 25, 2014

Kung paano naging Leninista si Ho Chi Minh

KUNG PAANO NAGING LENINISTA SI HO CHI MINH
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Ang rebolusyonaryong Ho Chi Minh minsa'y nagtanong
laman ng isipan ay sinabi sa isang pulong:

"Aling internasyunal ang dapat panigan natin
na sa mga mamamayang kinolonya'y panig din?"

Agad tumugon ang ilang kasama: "Ang ikatlo!
Di ang ikalawang internasyunal na naburo."

Isang kasama ang nagbigay ng aklat ni Lenin:
pamagat: "Tesis sa pambansa't kolonyang usapin"

Binasa niya iyon ngunit kayraming salita
na pawang pulitikal na di niya maunawa

Hanggang sa binasa niya iyong paulit-ulit
at ang diwa niyon sa isipan niya'y pumagkit

Bigla niyang nadama sa kanyang kaibuturan
ang sigla, liwanag, katapatan ng nilalaman

At dumaloy sa pisngi yaong luha ng ligaya
Napahiyaw bagamat sa silid ay nag-iisa

Hiyaw na tila sa mga kasama'y talumpati
Nakita na ang tatapos sa kanilang pighati:

"Kababayan, ito ang ating kailangang lubha,
ang landas patungo sa ating tunay na paglaya!"

Kaya si Ho Chi Minh sa artikulo'y isinulat
Leninista siya, sa mambabasa'y pagtatapat

Mula noon, tinanganan niya ang Leninismo
nang lumaon, rebolusyon nila’y naipanalo

- ang tula'y ibinatay sa akdang "The Path Which Led Me To Leninism" ni Ho Chi Minh, na nalathala noong 1960

Miyerkules, Pebrero 5, 2014

Tula - Paglalakbay sa Quiapo

PAGLALAKBAY SA QUIAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tigib sa pakikipagsapalaran ang Quiapo
tila ba lahat ng lansangan ay doon patungo
pagkat ito'y sentro ng makasaysayang pangako
ng mga namamanatang may pusong nagdurugo

ang ngalan nito'y halamang ilog ang pinagmulan
maraming paroo't parito, mataong lansangan
karamihan ay patungo sa tanyag na simbahan
umaasang mapatawad sa mga kasalanan

puno ng tao ang simbahan ng Bathalang Itim
habang sa gilid nito'y tindahan ng anting-anting
maglakad kita't kayraming panturistang tanawin
mga kalinangan ng iba't ibang bayan natin

sa pusod nito'y naroroon ang Plaza Miranda
isang malayang parisukat ng nakikibaka
lunsaran ng mga rali't talumpati ng masa
na pinasabugan noong panahong diktadurya

Quiapo'y sentro ng kalakalan ng mahihirap
bagsakan ng murang produkto, bungang masasarap
nakakabili ng tingi, baratin ang kausap
listo ka't baka pera mo'y palitan ng kaharap

pamparegla't pampalaglag ay kayrami rin dito
bagamat ang D.O.H. ay di ito aprubado
laksa ang tindang gamit sa underpass at Carriedo
habang sakayan ng dyip ay naroon sa Hidalgo

kung nais mo'y elektroniko, punta lang sa Raon
kung nais mo'y D.V.D., marami ring tinda roon
sa Quiapo'y mag-ingat din habang naglilimayon
baka ka madukutan ay magdusa ka maghapon

noong panahon ni Marcos, itinayo ang Mosque
na sa Metro Manila'y siyang pinakamalaki
alay sa pagdating ng taga-Libyang si Khaddafi
sa mga kapatid nating Muslim, Mosque'y nagsilbi

Bahay Nakpil-Bautista'y isa ring makasaysayan
na sa biyuda ni Bonifacio'y naging tahanan
dito nilagak ang Nazareno noong digmaan
at sa Kilusang Kartilya'y nagsilbi ring pulungan

pista ng Quiapo ang ikasiyam ng Enero
na sa panahong ito'y abot ng milyon ang tao
pawang nakaapak ang deboto ng Nazareno
umaga hanggang gabi'y ipinuprusisyon ito

kita'y tumungo sa Quiapo, doon maglagalag
sa bahagi ng lungsod na tila gubat sa dawag
tiyakin lang na karapatan nati'y di malabag
ng mga sangganong lipana't tila di matinag

kasama ka namin sa maraming tuwa't siphayo
kasaysayan mo sa aming diwa'y di maglalaho
bahagi ka na ng pagkatao, aming Quiapo
nakaukit ka na sa aming dugo, diwa't puso

Sabado, Pebrero 1, 2014

Tayo'y internasyunalista, ani Lenin

TAYO'Y INTERNASYUNALISTA, ANI LENIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Capital is an international force. To vanquish it, an international workers' alliance, an international workers' brotherhood, is needed. We are opposed to national enmity and discord, to national exclusiveness. We are internationalists." ~ Lenin, Letter to the Workers and Peasants of the Ukraine (1919)


isang liham sa manggagawa't pesante sa Ukraine
ang pinadala ng rebolusyonaryong si Lenin

naglalaman ang liham ng mensaheng matalisik
na sa linamnam ay tiyak sa utak nga'y sisiksik:

"ang kapitalismo'y isang pandaigdigang pwersa
na patuloy na yumuyurak sa dangal ng masa

upang pandaigdigang kapitalismo'y mawala
isang pandaigdigang samahan ng manggagawa

ang dapat mabuo bilang matatag na samahan
manggagawang nagkasama sa isang kapatiran

tayo'y laban sa pambansang mga away at alit
at pambansang pagkakabukod na di naman sulit

pagkat tayong rito'y mga internasyunalista
obrero'y walang bansa, daigdig ang bansa nila"

napakagandang mensahe at pamana sa atin
kapwa'y walang limitasyon ng bansa, ani Lenin

sa pinakapayak, di sapat maging makabayan
pagkat bawat tao'y may pakialam kaninuman

kaya makipagkaisa tayo sa manggagawa
sa lahat ng bansa't dapat makipag-isang diwa

at ibagsak ang pandaigdigang kapitalismo
at itayo ng manggagawa ang lipunan nito

isaisip ang pagiging internasyunalista
isapuso rin at sa kapwa'y ating ipakita

Biyernes, Enero 31, 2014

Kung walang rebolusyonaryong teorya

KUNG WALANG REBOLUSYONARYONG TEORYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Without revolutionary theory, there can be no revolutionary movement." - Vladimir Ilyich Lenin, What Is To Be Done?, “Dogmatism and ‘Freedom of Criticism’” (1902)


rebolusyonaryong teorya'y mahalagang sangkap
upang matupad ang ating mga pinapangarap
ngunit kailangan ng kilusang katanggap-tanggap
sa masa, uring manggagawa't mga mahihirap

mahalaga ang teorya sa kilusang paggawa
pagkat ito'y tuntungan kung bakit dapat lumaya
rebolusyonaryong teorya'y pasulong na diwa
nang umangat itong antas ng ating pang-unawa

ito ang batayan bakit binuo ang kilusan
kung bakit may mga adhikang dapat ipaglaban
at organisahin ang pinagsasamantalahan
kung bakit may simulaing baguhin ang lipunan

may rebolusyonaryong papel itong manggagawa
sa ugnayan sa lipunan na tubo ang sumira
rebolusyonaryong teorya'y mahalagang diwa
upang pagkaisahin yaong manggagawa't dukha

kung wala ang rebolusyonaryong teoryang ito
walang prinsipyong tatanganan ang mga obrero
teoryang itong sumusuri sa kapitalismo
at landas patungo sa pangarap na sosyalismo

halina't rebolusyonaryong teorya'y namnamin
at ilapat sa lipunang dapat nating baguhin
sa takbo ng kasaysayan, ang dapat nating gawin
teoryang ito'y aralin, angkinin, pagyamanin

Linggo, Enero 26, 2014

Insureksyon, ayon kay Lenin

INSUREKSYON, AYON KAY LENIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

para magtagumpay ang isang insureksyon
di ito dapat umasa sa konspirasya
ang dapat asahan ay ang abanteng seksyon
ng uring manggagawang dapat magkaisa

asahan din ang nagkaisang mamamayan
na may alab ng rebolusyonaryong poot
lalo'y abangan ang yugto ng kasaysayan
kung saan dagsaan yaong nakikisangkot

sa maraming pagkilos na mapagpalaya
upang obrero't dukha'y ilagay sa tuktok
sabayan ang pagkilos nitong manggagawa
na talagang poot na sa sistemang bulok

mananalo ang insureksyon, ani Lenin
kung uring manggagawa'y pagkakaisahin

"To be successful, insurrection must rely not only upon conspiracy [here Lenin was differentiating Marxism from Blanquism]... but upon the advanced class. That is the first point. Insurrection must rely upon a revolutionary upsurge of the people. That is the second point. Insurrection must rely upon that turning-point in the history of the growing revolution when the activity of the advanced ranks of the people is at its height, and when the vacillations of the ranks of the enemy ... are stronger. That is the third point." - from the book LINKS, No. 20, January to April, 2002, p. 78, with a footnote stating the quote came from V. I. Lenin's Collected Works, Vol. 26, pp. 22-23

Huwebes, Nobyembre 28, 2013

Ang mga mapagpalayang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao"


ANG MGA MAPAGPALAYANG AWITING "BAYAN KO" AT "LIPUNANG MAKATAO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao" ang dalawa sa mga paborito't mapagpalayang awiting inaawit sa maraming pagtitipon. Ang "Bayan Ko" ay popular sa pagtitipon ng mga aktibista, lalo na yaong nasa kilusang makabayan. Ang "Lipunang Makatao" naman ay popular sa pagtitipon ng mga manggagawa't dukha, lalo na yaong nasa kilusang sosyalista.

Dalawang awiting mapagpalaya. Dalawang awiting dapat isapuso at kantahin ng sinumang mapagmahal sa kalayaan at ayaw sa lipunang mapagsamantala.

Ang awiting "Bayan Ko" ay isa sa mga tula ng makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, at naging Hari ng Balagtasan. Ang awiting ito'y nalathala sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, na pinamatnugutan ni Virgilio S. Almario, na nasa pahina 184-185.

Ayon sa talababa blg. 63 sa nasabing aklat, na nasa pahina 200: "Ang pagtaya na sinulat ang titik ng awit na ito sa taong 1929 ay batay sa isang sipi ng musikang nasa pag-iingat ng balo ni Corazon at limbag ng Perlas Music Store, Bustos, Maynila."

BAYAN KO
ni Jose Corazon de Jesus


Ang bayan kong Pilipinas,
Lupain ng ginto't bulaklak;
Pag-ibig ang sa kanyang palad,
Nag-alay ng ganda't dilag.

At sa kanyang yumi at ganda,
Dayuhan ay nahalina;
(Bayan ko ay binihag ka,
Nasadlak sa dusa!)

Ibon mang may layang lumipad,
Kulungin mo at umiiyak;
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas...

Pilipinas kong minumutya,
Pugad ng luha ko't dalita,
Aking adhika:
Makita kang sakdal laya!


Ang "Lipunang Makatao" naman ay mula sa panulat ng isang Resty Domingo na nagwagi sa unang gantimpala sa timpalak sa awit na pinamahalaan ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) noong 1988. Ito'y nilagyan ng himig nina Mar Laguna, Bobet Mendoza, Joey Asidera, at Elena Cruz. Ang instrumentalista ay sina Noel Cabangon para sa gitara (nylon, steel), synthesizer, (strings); Angelo Villegas para sa gitara (bass); at Rene Santos para sa drum set. Ang umawit naman nito ay si Razel Amisola para sa solo at ang grupong Teatro Pabrika para sa koro.

Ang liriko ng awiting ito ay sinipi mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.

LIPUNANG MAKATAO
ng Teatro Pabrika


Solo:
Luha'y dumadaloy sa mugto mong mga mata
Larawan mo'y kalungkutan at kawalan ng pag-asa
Magagandang pangarap sa buhay mo'y di makita
Nabubuhay ka sa panahong mapagsamantala.

Koro:
Gumising ka, kaibigan, ang isip mo'y buksan
Dapat mong tuklasin ang tunay na kadahilanan
Bakit may naghihirap na gaya mo sa lipunan
At sa dako roo'y hanapin ang kasagutan.

Tama ka, kaibigan, sila nga ang dahilan
Ang mapagsamantalang uri sa lipunan
Likhang yaman natin, sila ang nangangamkam
Na dapat mapasaatin at sa buong sambayanan.

Koro:
Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya
Panahon nang wakasan ang pagsasamantala
Sa diwa ng layunin tayo'y magkaisa
Lipunang makatao'y itindig ng buong sigla
Buong Sigla.

(Instrumental)
(Acapela ng koro)
(Ulitin ang koro kasama ng instrumento)

Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya.


Ang awiting "Lipunang Makatao" dahil na rin sa mapagpalayang nilalaman nito ay mas dapat kantahin sa maraming pagtitipon o pagkilos, tulad ng rali, konsyerto, talakayan, pulong-bayan, atbp. Dapat itong maisapuso, tulad ng pagsasapuso ng awiting "Bayan Ko".

Ang "Bayan Ko" ay hinggil lamang sa pagmamahal sa bayan, at ang nakikitang suliranin batay sa liriko ng awitin ay dayuhan. At upang lumaya ay dapat mawala ang mga dayuhan. Kaibang-kaiba ang awiting "Lipunang Makatao" na ang nakikitang suliranin ay ang mapagsamantalang uri sa lipunan, at hindi lang simpleng dayuhan.

Ang "Bayan Ko" ay pambansa. Ang "Lipunang Makatao" ay pandaigdigan. Ang "Bayan Ko" ay laban sa dayuhan. Ang "Lipunang Makatao" ay laban sa uring mapagsamantala. Sa "Bayan Ko", lalaya lang tayo kung mapapalayas na ang mga dayuhan, kahit naririyan ang mga Pilipinong naghaharing uri't nagsasamantala. Sa "Lipunang Makatao", lalaya tayo kung mawawala, hindi lang ang mga dayuhan, kundi higit pa roon, ay mawala ang mga Pilipinong naghaharing uri at nagsasamantala, at tuluyan nang mawakasan ang pagsasamantala ng tao sa tao. Ang "Bayan Ko" ay kinagigiliwang awitin ng mga aktibista at ng mga panggitnang uri sa lipunan, lalo na sa mga pagtitipon, tulad ng anti-pork barrel, ati-PDAF at anti-DAP. Ang "Lipunang Makatao" ay tiyak na aawitin ng mga aktibista ngunit hindi pa ng mga panggitnang uri sa lipunan.

Gayunman, hindi natin dapat paglabanin o pagpilian kung alin ang magandang awitin o magaling sa dalawa, dahil pareho silang mapagmulat at dapat nating awitin. Hindi dapat "Bayan Ko" lamang dahil hindi naman natatapos ang suliranin ng bayan pag napalayas na ang dayuhan. Dapat na taos-puso rin nating awitin ang "Lipunang Makatao" dahil hindi lamang dayuhan ang problema, kundi mga kababayan din, at higit sa lahat, ang sistemang mapagsamantala. Ayon nga sa awitin, panahon nang wakasan ang pagsasamantala, at tayo'y magkaisa't magsama-sama upang kamtin ang dakilang adhikaing ito, hindi lang para sa kasalukuyan, kundi para sa kinabukasan, at para sa mga susunod pang henerasyon.

Magandang pagnilayan natin ang kaibahan ng bayan at lipunan sa nakasulat sa aklat na "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman:

"Marami ang nag-aakalang ang “bansa” ang mismong “lipunan”. Ito ang turo ng gubyerno at iskwelahan. Kung ang “lipunan” ay siya mismong “bansa”, natural, hindi na pag-uusapan kung gusto nating maging myembro. Pero ang “bansa” at “lipunan” ay di iisa’t parehas na bagay. Ang “bansa” ay binubuo ng nagkakaisang lahi. Ang “lipunan” ay binubuo ng magkakaibang uri. Wala sa lahi ang pagkakaiba sa uri. Wala sa dugo ang tatak ng uri. Wala sa kalikasan ng bansa kundi nasa sistema ng lipunan. Walang kinalaman ang ating pagiging Pilipino sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin. Mayaman o mahirap, tayo’y Pilipino. Isinilang sa isang bansa. May diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pagawaan o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan. Pati pagkamakatao. Ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri."

Mungkahi kong sa bawat mapagpalayang pagtitipon ay hindi lamang "Bayan Ko" ang inaawit kundi huwag ding kalimutang awitin ang "Lipunang Makatao" upang mas maipatagos pa natin sa mas marami pa na hindi lamang pagmamahal sa bayan ang mahalaga, kundi ang pagpawi sa uring mapagsamantala at pagtatayo ng isang lipunang makatao.

Halina't awitin natin ang dalawang mapagpalayang awiting ito sa maraming pagtitipon, at ipaabot din natin sa mas marami pa ang kahulugan at kahalagahan ng dalawang ito sa kamulatan ng bawat isa tungo sa pagkakaroon ng mas maunlad na pagbabago sa bansa at sa lipunan, nang kasama ang lahat sa pag-unlad at hindi lamang ang iilan.

Linggo, Oktubre 13, 2013

Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad


Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong buwan matapos ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa maraming lugar sa Pilipinas noong Setyembre 26, 2009, idineklara naman ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (United Nations General Assembly) noong Disyembre 21, 2009 na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction). Layunin ng paggunitang ito na maiangat ang kamalayan kung ano ang mga isinasagawang paraan ng mamamayan, saanmang bansa sila naroroon, upang mabawasan ang panganib na kakaharapin nila kung sakaling dumating ang mga kalamidad. Ang mga kalamidad na binabanggit ay tulad ng bagyo, biglaang pagbaha, pagpasok ng tubig sa bahay, lindol, buhawi, ipu-ipo at iba pang likas na kalamidad.

Gayunman, noong una'y bahagya akong naguluhan sa termino, dahil mas kilala natin ang katagang DRR o disaster risk reduction, na karaniwang ibinibigay na programa sa ilang samahan dito sa Pilipinas. Disaster risk reduction o pagbawas sa panganib na dulot ng kalamidad, at hindi disaster reduction na pagbawas sa kalamidad. Hindi kasi natin mababawasan ang kalamidad dahil ito'y kalikasan at hindi gawa ng tao. Ang kaya nating bawasan bilang tao ay ang epekto ng kalamidad sa tao. Kung dati ay binabaha ang iyong tahanan, aba'y taasan mo ang lupang tinutuntungan ng iyong bahay, o kaya'y lumipat ka ng tahanan. Pero bakit nga ba disaster reduction ang mas piniling katawagan sa pandaigdigang araw na iyon, imbes na disaster risk reduction. Nais ko itong hanapan ng sagot. Marahil, ang DRR ay paraan upang mabawasan ang panganib habang ang disaster reduction ay paglalarawan sa isang nakaambang panganib.

Batay sa Resolusyon Bilang 44/236 noong Disyembre 22, 1989 ng PKNB, idineklara nila ang ikalawang Miyerkules ng Oktubre bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang mga Likas na Panganib (International Day for Natural Disaster Reduction), ngunit ito'y inobserbahan lamang sa loob ng sampung taon, mula 1990 hanggang 1999 dahil ang dekadang ito'y idineklarang Pandaigdigang Dekada upang Mabawasan ang mga Kalamidad (International Decade for Natural Disaster Reduction). Gayunpaman, umikli ang katawagan sa pandaigdigang araw na iyon nang sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 64/200 noong Disyembre 21, 2009, pinagtibay ng PKNB na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay paggunita sa Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction).

Iba't iba ang tema ng bawat taon mula nang italaga ang pandaigdigang araw na ito noong 2009. Isa-isahin natin.

Tema ng 2009 - "Ligtas ang mga ospital sa kalamidad" (Hospitals safe from disaster). Napakahalagang ligtas ang mga ospital dahil sa iba't ibang kalamidad sa Pilipinas, Vietnam, Tsina, Samoa, Indonesia at Silangang Aprika, na hindi lamang buhay ang mga nawala, kundi nasira din ang mga pasilidad at imprastrakturang pangkalusugan. Kaya minungkahi ng UN sa lahat na magtayo ng mga bagong ospital na hindi kayang yanigin ng mga kalamidad

Tema ng 2010 - "Naghahanda na ang aking Lungsod!" (My city is getting ready!) Ipinanawagan ng UN sa mga kasapi nito na dapat silang maging aktibo sa pagprotekta sa mga lungsod laban sa mga kalamidad. Nang taong iyin, maraming bansa ang sinalanta ng mga kalamidad, tulad ng lindol sa mga bansang Haiti, Chile, at New Zealand; pagbaha at bagyo sa Pilipinas, Pakistan, Silangang Europa, Mozambique, ay ilan pang lugar sa Aprika; ang mga pagkasunog ng kagubatan sa Rusya; at pagputok ng bulkan sa Indonesia at Iceland, kung saan nagdulot ito ng maramihang pagkawasak ng lugar, at matinding hirap sa mga tao.

Tema ng 2011 - "Ang mga Bata at Kabataan ay Katuwang sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad: Humakbang tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Children and Young People are partners for Disaster Risk Reduction: Step Up for Disaster Risk Reduction!) Tatlong kabataan ang naging tagapagsalita sa Pandaigdigang Plataporma tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Global Platform for Disaster Risk Reduction) sa Geneva na dinaluhan ng 2,600 kinatawan mula sa iba't ibang bansa.Ang tatlong batang ito'y sina Andre, edad 16, at Alicia, 14, ng Pilipinas, at Johnson, 17, mula sa Kenya. Dito'y inilunsad nila ang limang puntong Kasulatang Pinagkayarian ng mga Kabataan tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad (Children's Charter for Disaster Risk Reduction), na mula sa konsultasyon sa mahigit 600 kabataan mula sa 21 bansa.

Ang limang puntong ito sa Kasulatan ay ang mga sumusunod: (1) Dapat ligtas ang mga paaralan - at hindi nagagambala ang pag-aaral. (2) Pangunahin ang proteksyon sa mga bata, bago, habang, at matapos ang kalamidad. (3) Ang mga bata at kabataan ay may karapatang lumahok at makakuha ng impormasyong kinakailangan nila. (4) Dapat ligtas ang anumang imprastraktura sa komunidad, at ang pagtulong at pagtatayo muli ng mga nawasak ay dapat makatulong upang mabawasan ang panganib ng kalamidad. (5) Ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay dapat makarating sa mga matinding tatamaan ng kalamidad.

Tema ng 2012 - "Ang mga kababaihan at batang babae ay may kapangyarihang magtaguyod ng pagbabago." (Women and girls are powerful agents of change.) Ang kawalan ng pagkakantay dahil sa magkaibang kasarian ang naglalagay sa mga babae, bata at sa buong pamayanan sa panganib pag dumating na ang kalamidad. Kaya marapat lamang ang edukasyon upang maging pantay ang pagtingin sa bawat isa, at isama ang mga kababaihan at batang babae sa buhay ng lipunan. Ito'y dahil wala namang pinipiling kasarian ang kalamidad, kaya dapat lahat ay maging kasama sa paghahanda, lalo na ang mga kababaihan at batang babae. Sila'y mga epektibong daluyan ng impormasyon upang lahat ay magkaunawaan at magkatulungan, lalo na sa oras ng kalamidad.

Tema ng 2013 - "Pamumuhay kasama yaong may kapansanan at kalamidad (Living with Disability and Disasters). Ang mga taong may kapansanan ay hindi ligtas sa kalamidad, dahil sa kanilang kalagayan at karamihan sa kanila'y mahihirap, ay may kakulangang makakuha ng edukasyon, maayos na kalusugan, tirahan, pagkain at paggawa, bago pa tumama ang kalamidad. Karaniwang wala silang mahalagang papel sa proseso ng pagpaplano paano mababawasan ang panganib ng kalamidad, mapigil ang kalamidad o kaya'y magtayo ng masiglang pamayanan. Karaniwan din ay hindi sila nakakatanggap ng tulong na kailangan nila kapag may kalamidad, at hindi rin kaagad sila nakakabangon.

Ayon nga kay Ban Ki-moon, Pangkalatang Kalihim ng Nagkakaisang Bansa, "Nakakapagligtas ng buhay ang paglahok. At pinatatatag nito ang mga taong may kapansanan upang angkinin nila ang kanilang sariling kaligtasan - pati na ang kanilang pamayanan." (Inclusion saves lives. And it empowers persons with disabilities to take ownership of their own safety – and that of their community.)

May ilang mga dokumentong mahahalaga hinggil sa pagbabawas ng panganib ng kalamidad. Nariyan ang Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig (Yokohama Strategy and Plan of Action for a Safer World) ng 1994, ang Balangkas ng Pagkilos para sa Pagpapatupad ng Pandaigdigang Istratehiya tungo sa Pagbabawas ng Kalamidad (Framework for Action for the Implementation of the International Strategy for Disaster Reduction) ng 2001, ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) mula 2005-2015, at marami pang resolusyon ng Pangkalahatang Kapulungan.

Ang dokumentong Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig ang resulta ng pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Yokohama, Japan noong Mayo 23-27, 1994. Inilatag nito ang ilang patakaran hinggil sa pagpigil sa kalamidad, kahandaan at pagbabawas (mitigasyon). Ang unang bahagi ng dokumento ay naglalarawan ng mga alituntunin kung saan nakabatay ang istratehiya ng pagbabawas ng panganib. Ang ikalawang bahagi ang pinagkaisahang gabay ng pagkilos ng mga kasaping estado ng Nagkakaisang Bansa. At ang ikatlo naman ang naglalatag ng mga bagay hinggil sa mga susunod pang pagkilos.

Ito namang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) ang unang planong nagpapaliwanag, naglalarawan, at nagbibigay ng detalye sa kinakailangang mga pagkilos ng iba't ibang sektor at siyang kumikilos upang mabawasan ang mga mawawala sa kalamidad. Layunin nitong mabawasan ang mga pagkamatay dulot ng kalamidad at mabawasan din ang mga maaapektuhan sa usaping panlipunan, pang-ekonomya't pangkapaligiran kapag nariyan na ang kalamidad. Naisagawa ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo sa isang pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Lungsod ng Kobe, sa lalawigan ng Hyogo, sa bansang Japan, mula Enero 18 hanggang 22, 2005. May nakasaad na limang puntong nakapaloob sa Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo. Ito'y ang mga sumusunod:

1. Pagtiyak na ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay isang pambansa at isang lokal na prayoridad nang may matatag na batayang institusyonal sa pagsasakatuparan nito.

2. Tukuyin, suriin at subaybayan ang mga panganib ng kalamidad at patindihin ang maagang babala ng kalamidad.

3. Gamitin ang kaalaman, pagkamalikhain at edukasyon upang itatag ang isang kultura ng kaligtasan at katatagan sa lahat ng antas.

4. Pagbabawas ng mga batayang salik ng panganib.

5. Pagpapatibay ng kahandaan sa kalamidad para sa epektibong pagtugon sa lahat ng antas.

Napakarami nang bagyong nanalanta sa ating bayan, at napakarami nang tao ang nagbuwis ng buhay. Sa datos ng ating PAGASA, nariyan ang bagyong Uring noong Nobyembre, 1991 na 5,080 katao ang namatay, 292 ang nasaktan, habang may nawawalang 1,264 katao; bagyong Nitang noong Setyembre 1984, na 1,029 ang namatay, 2,681 ang nasaktan, at 464 ang nawawala. Sa mga nawasak ng bagyo, nariyan ang bagyong Rosing noong 1995 na sumira sa imprastrakturang nagkakahalaga ng P1.726B at agrikulturang nagkakahalaga ng P9.037B. Ang bagyong Loleng naman noong 1998 ay sumira ng imprastrakturang nagkakahalaga ng P6.787B at agrikulturang P3.695B.

Sa nakaraang dekada naman, umabot sa 337 ang namatay sa Ondoy (ABS-CBN, 100909), 102 namatay sa mga bagyong Pedring at Quiel (GMA News, 101011), 278 ang namatay sa bagyong Sendong sa Mindanao (Inquirer, 121711), 98 ang namatay sa Habagat (ABS-SBN, 081312). Umabot ng 1,621 ang namatay sa lindol noong Hulyo 16, 1990, at 847 naman ang namatay sa pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991 kung saan 364 komunidad at 2.1 milyong katao ang apektado.

Malaki ang nawawala. Ari-arian at buhay, kaya dapat nating maging handa kung sakali mang dumating ang mga kalamidad. Kailangang magsuri at maging mapanlikha upang maging akma ang mga gagawing solusyon. Ang mahalaga, mabawasan ang maaapektuhan ng kalamidad dahil nagawa natin ang nararapat, tulad ng adaptasyon, o pag-aangkop sa sitwasyon upang mabawasan ang panganib, tulad ng paglipat sa mataas na lugar pag nagbaha o pagpapatibay ng bahay kung sakaling marupok na ang mga haligi nito.

Kailangang laging handang kumilos ang mga awtoridad at mga tao sa komunidad, lalo na yaong nasa nanganganib na lugar, at may kaalaman sila at kapabilidad para sa epektibong paggampan sakaling nariyan na ang kalamidad. Lalo na sa Pilipinas na taun-taon na lamang ay dinadalaw ng bagyo't binabaha. Kailangan nating laging maging handa, hindi lamang simpleng mga pag-angat ng gamit sa ating mga tahanan sakaling magbaha, kundi ang kahandaan ng kalooban at kaalaman, kung sakaling tayo na ang sinasalanta ng kalamidad, at kahandaang tumulong sa iba pang sinalanta. Napakahalaga ng bayanihan ng taumbayan sa panahong ito ng kalamidad.

Ang Oktubre 13 bilang pandaigdigang araw ay dapat magpagunita sa atin ng taal na diwa ng bayanihan, kahandaan, pagtutulungan, at pakikipagkapwa-tao. Mahalaga ang bawat buhay, kaya mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa sa anumang mga kalamidad pang darating. Kailangang maging handa ng bawat isa sa mga darating pang kalamidad. Higit sa lahat, magtulungan at magbayanihan tayo upang masagip natin ang anumang buhay na maaaring mawala dahil sa kalamidad.

Mga pinagsanggunian:
http://www.un.org/en/events/disasterreductionday/, http://www.unisdr.org/2013/iddr/, http://kidlat.pagasa.dost.gov.ph/cab/tc_frame.htm, http://en.wikipedia.org/wiki/Typhoons_in_the_Philippines, http://www.abs-cbnnews.com/nation/10/09/09/death-toll-ondoy-rises-337, http://www.gmanetwork.com/news/story/234832/news/nation/pedring-quiel-death-toll-hits-102-ndrrmc, http://newsinfo.inquirer.net/112849/180-dead-nearly-400-missing-in-storm, http://rp1.abs-cbnnews.com/nation/08/13/12/95-killed-34-million-affected-habagat-rains, http://en.wikipedia.org/wiki/Mount_Pinatubo

Biyernes, Oktubre 11, 2013

Ang Limang Pandaigdigang Deklarasyon sa Kababaihan


ANG LIMANG PANDAIGDIGANG DEKLARASYON SA KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Pilipinas, ang kadalasang malakihang raling nagaganap taun-taon ay tuwing Marso 8 (Pandaigdigang Araw ng Kababaihan), Mayo 1 (Pandaigdigang Araw ng Paggawa), SONA (State of the Nation Address) tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo, at ang Nobyembre 30 (Kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio). Sa dalawang pandaigdigang araw na nabanggit, wala ang Mayo Uno bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa kalendaryo ng Nagkakaisang Bansa (United Nations). Bakit kaya? 

Gayunman, nakatala roon ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. At hindi lamang isang deklarasyon hinggil sa kababaihan ang nasa kalendaryo ng UN, may iba pa. At ito'y ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day) tuwing Hunyo 23, ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women) tuwing Oktubre 15, ang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence Against Women) tuwing Nobyembre 25, at ang pinakabago'y ang Pandaigdigang Araw para sa Batang Babae (International Day for the Girl Child) tuwing Oktubre 11.

Napakahalaga ng mga deklarasyong ito hinggil sa kababaihan, dahil halos kalahati ng populasyon ng mundo ay pawang mga babae. Pinahahalagahan natin ang mga babae dahil bawat isa sa ating narito sa kasalukuyan, maging ang ating mga ninuno, ay nanggaling sa tiyan ng bawat ina, babae.

Isa-isahin natin ang kasaysayan o pinanggalingan ng pagdedeklara ng araw na ito.

Marso 8

Mga sosyalista ang nagpasimula ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women's Day). Gayunman, sari-sari ang mga petsa bago naitalaga ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Noong 1909, ang unang Pambansang Araw ng Kababaihan ay pinagdiwang sa Estados Unidos sa petsang Pebrero 28. Itinalaga ang petsang ito ng Sosyalistang Partido ng Amerika bilang parangal sa welga ng kababaihang mananahi sa Nuweba York, kung saan nagprotesta ang mga kababaihan laban sa hindi magandang kalagayan sa pabrika. Noong 1910, sa pulong ng Pandaigdigang Sosyalista (Socialist International) na dinaluhan ng mahigit 100 kababaihan mula sa 17 bansa, idineklara nila ang isang Araw ng mga Kababaihan na pandaigdigan ang sakop, bilang parangal sa mga kilusan para sa karapatan ng kababaihan at upang makamit ang karapatan ng kababaihang maghalal at mahalal. Ginamit din ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang mekanismo upang iprotesta ang Unang Daigdigang Digmaan (WWI). At noong Marso 8 ng 1917 sa Rusya, nagprotesta't nag-aklas ang mga kababaihan para sa "Pagkain at Kapayapaan" na tumapat sa Marso 8 sa kalendaryong Gregorian, bagamat ginagamit ng Rusya sa panahong iyon ay kalendaryong Julian na tumapat sa Pebrero. Noong 1975, na siyang Pandaigdigang Taon ng Kababaihan (International Women's Year), sinimulan nang ipagdiwang ng UN ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8. 

Hunyo 23 

Ayon sa tala ng UN, libu-libong kababaihan ang mga nakaligtas sa dyenosidyo sa bansang Rwanda noong 1994 (1994 Rwandan genocide), mga kababaihang pawang namatayan ng asawa dahil sa digmaan. Lahat ay matinding natigatig, marami ang nagahasa, ang ilan ay nagkaroon ng HIV at marami sa kanila ang nakasaksi sa pagpatay sa kanilang pamilya. Mula 1994, nakikibaka na ang mga babaeng ito at ang mga organisasyong tumutulong sa kanila upang mabago ang pakikitungo sa mga kababaihan sa Rwanda, itinaguyod ang pagkakaroon ng madaliang pagkakaroon ng serbisyong medikal, pinansyal at pagpapayo, pati na rin pagbabago sa mga batas hinggil sa pag-aari, kasal, at karapatan sa mana ng kababaihan. Mula sa mga pangyayaring ito, idineklara ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (UN General Assembly) nitong Disyembre 21, 2010, sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 61/189, ang Hunyo 23 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day). Ayon kay UN Sec Gen. Ban Ki-moon,"Walang babaeng dapat mawalan ng karapatan pag namatay ang kanyang asawa - ngunit tinatayang 115 milyong balo o biyuda ang nabubuhay sa karalitaan, at 81 milyon naman ang pisikal na naaabuso. Maaaring mangyari rin ito sa mga babaeng may asawang mas matatandang lalaki. Gamitin natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda upang itaguyod ang karapatan ng lahat ng mga balo o biyuda upang gumaan ang kanilang buhay at mapagtanto nila ang kanilang malaking kakayahang makapag-ambag pa sa ating daigdig.

Oktubre 11

Nitong Disyembre 19, 2011, sa ika-89 na pulong plenaryo ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN General Assembly) ay pinagtibay ang resolusyon Bilang 66/170 na nagdedeklarang ang Oktubre 11 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw ng Batang Babae (International Day of the Girl Child). Ito'y bilang pagkilala sa karapatan ng mga batang babae at sa mga panibagong hamon na kanilang kakaharapin, pagtataguyod ng kakayahan ng mga batang babae, at pagtiyak na ang kanilang karapatan ay tunay na nasasaalang-alang. Kinikilala ng UN na may mga diskriminasyon pa ring nangyayari sa mga batang babae sa maraming panig ng mundo. 

Bagamat ang karapatan ng mga batang babae ay nakapaloob na sa Convention on the Rights of the Child, at sa paglaki nila'y sa iba pang pandaigdigang deklarasyon ng kababaihan, hindi sila hiwalay o hindi dapat inihihiwalay sa karapatan ng kababaihan sa kabuuan, ngunit binibigyang diin lamang o pokus ang mga batang babae sa deklarasyong ito, lalo na sa aspekto ng edukasyon, at karapatan ng mga bata. 

Oktubre 15

Noong Disyembre 18, 2007, sa pamamagitan ng Resolusyon 62/136, pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN GA) ang pagtatalaga sa Oktubre 15 bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women). Ito'y bilang pagkilala sa matinding papel at ambag ng mga kababaihan sa kanayunan, kasama na ang mga lumad o katutubo, sa paglilinang ng kaunlaran sa agrikultura at nayon, pagpapaunlad ng seguridad sa pagkain, at pagpawi ng kahirapan sa kanayunan. Ang tema ng ika-57 sesyon ng Komisyon sa Kalagayan ng Kababaihan (nitong Marso 4-15, 2013) ay: "Pagpawi at pagpigil sa lahat ng uri ng karahasan laban sa mga kababaihan at batang babae."

Nobyembre 25

Noong 1960, pinaslang ng diktadurya ni Rafael Trijillo ang tatlong magkakapatid na babaeng sina Patria Mercedes Mirabal (Pebrero 27, 1924-Nobyembre 25, 1960), María Argentina Minerva Mirabal (Marso 12, 1926-Nobyembre 25, 1960), at Antonia María Teresa Mirabal (Ocktubre 15, 1935-Nobyembre 25, 1960). Ang natira na lamang sa magkapatid ay si Bélgica Adela "Dedé" Mirabal-Reyes (isinilang - Marso 1, 1925). Mula 1981, idineklara na ng mga kababaihang aktibista ang Nobyembre 25 bilang araw laban sa karahasan. Noong Disyembre 20, 1993, pinagtibay ng PKNB ang Resolusyon Blg. 48/104 na siyang Pahayag para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (Declaration on the Elimination of Violence against Women).Naging ganap itong pandaigdigang araw noong Disyembre 17, 1999 sa pamamagitan ng Resolusyon 54/134 ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa nang ideklara nito ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence against Women).

Ilang pagninilay

Bagamat halos lahat ng deklaradong pandaigdigang araw sa UN ay pangkalahatan, babae man o lalaki, ang mga pandaigdigang araw para sa kababaihan ay hindi lamang para sa mga babae, kundi para rin sa kalalakihan, upang magkaunawaan ang bawat isa. Binigyang diin lamang dito ang pagtataguyod sa karapatan ng kasariang sa matagal na panahon ng pagsulong ng lipunan ay napabayaan at halos hindi natatamasa ang kanilang karapatan.

Sa palagay ko, dapat isama rin ang Mother's Day sa mga pandaigdigang deklarasyon, pagkat wala pa ito sa talaan ng United Nations. Gayunman, bagamat ito'y hindi pa nakaukit sa pandaigdigang deklarasyon, tiyak na nakaukit ito sa puso ng bawat isang nagmamahal sa ating mga ina.

Sa Pilipinas ngayon, mas kilala ng kababaihan ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan dahil taon-taon itong ginagawa. Kita ito sa malalaking rali ng kababaihan sa araw na ito. Bago lamang ang ilan pang deklarasyon. Bagamat nasimulan na rin sa Pilipinas ang pagkilala sa Nobyembre 25 ay bihira pa rin ang nakakaalam ng araw na ito. Gayunman, nasimulan na rin ilang taon na ang nakararaan ang mga malawakang pagkilos ng kababaihan pag sumasapit ang Nobyembre patungong Mendiola, sa lugar ng makasaysayang protesta. 

Bagamat bago pa lamang ang deklarasyon ng Oktubre 11 para sa mga batang babae, Oktubre 15 para sa mga babae sa kanayunan, at Hunyo 23 para sa mga biyuda, dapat bigyan din ang mga petsang ito ng kapantay na halaga, tulad ng Marso 8 at Nobyembre 25. Kailangan din itong gunitain bilang pagkilala sa mga babae, anuman ang katayuan nito sa buhay, bilang pantay ng lahat ng tao sa karapatan at hindi dapat nakakaranas ng karahasan. Kailangan pa ang mga deklarasyong ito sa ngayon habang marami pang nagaganap na karahasan sa kababaihan bilang paalala sa bawat isa ang paggalang sa karapatang pantao.

Ang mga pandaigdigang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi lamang dapat kababaihan ang gumunita at magsikilos, kundi kaming mga kalalakihan din. Pagkat ang bawat karapatan ay dapat tamasahin ng lahat ng tao, anuman ang kanyang kasarian upang matiyak nating ang daigdig na ito'y may paggalang sa bawat isa, iginagalang ang dignidad at pagkatao ng bawat isa, at hindi dinarahas, hindi niyuyurakan, o binabalewala ninuman. Higit sa lahat, ang bawat isa'y nagpapakatao, nakikipagkapwa-tao at iginagalang ang dangal at pagkatao ng bawat isa.

Lunes, Setyembre 16, 2013

Dapat Aquino Patalsikin (DAP)

Dapat Aquino Patalsikin!

Nalublob na sa maraming krimen ang pangulong hindi na nagsisilbi sa sambayanan kundi sa interes na lang ng kanyang mga kauri. Nalublob na sa maraming isyu ang anak ng dalawang itinuturing na bayani ng bayan. Habang lublob pa rin sa putik ng kahirapan ang sambayanan.
Ang huling kontrobersyang naglublob kay Aquino ay ang Disbursement Acceleration Program (DAP). Ito ang mga pondong galing sa kaban ng bayan na ginawang savings ng ehekutibo dahil hindi ginamit ng mga ahensyang pinaglaanan ng pondo. Aba'y Dinakma Ang Pondo! At ang DAP na ito'y nagtila Distributing Aquino's Pork. Nauna sa isyung ito ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), isa sa sistema ng pork barrel na ginamit ng mga kongresista't senador para sa sariling interes.
Ayon sa Korte Suprema, unconstitutional ang ilang probisyon ng DAP. Ibig sabihin, Deklaradong Ang Pork na ito ay lumalabag sa Saligang Batas.
Dumepensa Ang Palasyo. Hindi raw masama ang DAP dahil napunta naman daw sa mabuti ang pondo. Tulad ng may malaking pondo para sa paninirahan, ngunit hindi ginamit sa maralitang walang tirahan, kinuha ang pondo, ginawang savings, upang magamit daw para sa pabahay ng maralita. Tulad ng pagbabawas ng kalahati sa P10,000 dapat tanggapin ng mga guro. P5,000 na lang sa guro at ang natirang P5,000 ay ginawang savings para ilaan sa iba. Kawawang guro!
Defending Aquino's Presidency. Nagtalumpati ang pangulo at sinabing mali ang 13-0, 1-abstain, na desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP. Pinasaringan niya ang Korte Suprema. Gumanti ang mga kaalyado ng pangulo, at balak distrungkahin ang pondo ng hudikatura - ang Judicial Development Fund o JDF. “Dahil Ako'y Pangulo, dapat makinig kayo!" ang ipinahiwatig na mensaheng ipinaaabot ni Noynoy.
Ano ang epekto ng mga pinaggagagawang ito ng Pork Barrel King sa sambayanan?
Dukha Ang Pilipino. Ang mga numerong nagsasabing umangat na ang ekonomya ay hanggang papel lamang. Hindi naman ito naramdaman ng karaniwang Pilipino. Sa katunayan, nagtaasan pa nga ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang isang kilong bawang, na nagkakahalaga noong nakaraang taon ng P60-P70 kada kilo ay sumirit ng ilang triple at naging P350-P400 kada kilo. Nagtaasan din ang presyo ng bigas, karne, isda, kuryente at tubig, habang hindi naman tumaas ang sahod ng karaniwang manggagawa.
Dinemolis Ang Paninirahan. Maraming mga maralita ang tinanggalan ng paninirahan mula sa danger zone ay dinala sa death zone, tulad sa relokasyon sa Calauan, Laguna, sa mga bundok ng Tanay o Baras sa Rizal, sa San Jose del Monte o Bocaue sa Bulacan at ang iba nama’y sa Trece Martires sa Cavite. Dinemolis ang maraming maralitang nakatira sa estero, ilalim ng tulay at malapit sa ilog, lalo na sa 8 major waterways ng San Juan, Pasig, Tullahan, Manggahan floodway, Maricaban creek, Maypajo, Estero Tripa de Galina, at Estero de Sunog Apog. Ngunit ano ang ibinigay na relokasyon? Hindi maaring tirhan ang mga relocation sites, ang karamihan sa mga ito ay minadaling itayo. Walang sapat na suplay ng tubig at kuryente, walang ring mga drainage, at  kilo-kilometro pa ang layo ng pinakamalapit na paaralan, pagamutan, at palengke.
Dininig Ay Pribatisasyon. Isinapribado na sa panahon ni Aquino ang maraming serbisyong publiko. Kamakailan lang ay naging pag-aari na ng Koreano ang Angat Dam na pinagkukunan ng Metro Manila. Ang Meralco ay pag-aari na ng isang tycoon sa Indonesia. Balak pang isapribado ang 71 pampublikong ospital, tulad ng Philippine Children's Medical Center sa Lungsod Quezon. Tinatanggal na sa kamay ng pamahalaan ang dapat niyang serbisyo upang ibenta sa mga pribadong korporasyon, na kadalasan ay dayuhang kapitalista.
Dinistrungka Ang Panata. "Kayo ang Boss Ko" ang sabi niya noong maupo sa pwesto, ngunit hindi pala ang masa ang kanyang boss kundi ang mga kapitalista at naghaharing uri sa lipunan. "Dadalhin ko kayo sa tuwid na daan" ngunit ang tuwid na daan pala'y patungo sa impyerno. Hindi pa rin matanaw ng sambayanan ang pagkaalpas nila sa kumunoy ng karukhaan. "Kung walang corrupt, walang mahirap" na ang ibig sabihin, "kung maraming mahirap, marami pa ring corrupt". Ayon sa survey ng SWS nito lamang Enero, nasa 55% ang nagsabing naghihirap pa rin sila.
Diktador Ang Postura. Nais ni Pangulong Aquino na baguhin ang Saligang Batas at Dapat Ay Palawigin ang kanyang termino. Kabaligtaran ito sa kasaysayan at paninindigan ng kanyang ama't ina noong kapanahunan ng mga ito. Nilabanan ni Ninoy Aquino ang nais na ikatlong termino ni Marcos, na upang mapalawig ang termino ay binago ang Saligang Batas. Sa panahon naman ni Cory, ginawang isang anim na taon lamang ang termino ng pangulo sa bagong Saligang Batas. Nilabanan nina Ninoy at Cory ang diktadura, ngunit si Noynoy na kanilang anak, nag-aastang maging diktador!
Dusa At Pahirap. Mas dininig pa ng pangulo ang bulong ng mga kapitalistang ipalaganap ang salot na kontraktwalisasyon at mababang sahod sa mga manggagawa. Patuloy ang mga demolisyon ng bahay ng maralita. Patuloy ang mataas na presyo ng mga batayang pangangailangan ng tao, tulad ng bigas, karne, isda, kuryente, tubig, Patuloy ang pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo. Panahon nang manawagan dapat nang tapusin ang mga dusa at pahirap na ito.
Dakpin Ang Pusakal. Hindi lang sina Tanda at BonJing ang dapat makulong dahil sila'y nasa oposisyon, kundi lahat ng sangkot sa katiwalian, mapa-administrasyon man o oposisyon. Sinumang mapatunayang may kasalanan ay dapat makulong sa bilangguan at hindi sa ospital.

Hindi na siya nakatupad sa kanyang mga pangako sa sambayanan, nais pa niyang baguhin ang Saligang Batas at palawigin ang termino. Hindi na siya nagsisilbi sa sambayanang Pilipino, nais pa niyang isapribado ang mga serbisyong pampubliko. Kailangang palitan na ang pamahalaang Aquino ng isang gobyernong maglilingkod sa sambayanan at hindi sa iilan. Isang gobyernong para sa sambayanan, at pinatatakbo ng sambayanan. Panahon na! Dapat Aquino Patalsikin!

Huwebes, Agosto 29, 2013

Ang Internasyunalismo ng Kartilya ng Katipunan

ANG INTERNASYUNALISMO NG KARTILYA NG KATIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi lang pam-Pinoy ang Kartilya ng Katipunan. Magagamit ito ng sinuman, anuman ang kanyang nasyunalidad, upang mapabuti ang kanyang kalagayan, pagkat ang Kartilya ay mga alituntunin ng kagandahang asal na dapat isapuso ng sinuman. Ang Kartilya ng Katipunan ay nakapaloob sa polyetong "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito" na inilabas noon ng Katipunan bilang gabay sa pangangalap ng mga katipunerong lalaban para sa kalayaan ng bayan.

Kaya Aleman ka man, Pranses, Indones, Malay, o anupamang lahi, ay magagamit ang Kartilyang ito. Dahil wala namang naka-ispesipiko na pam-Pinoy lang ito. Nang isinalin ito sa wikang Ingles, o anupamang wika o diyalekto, at huwag lalagyan ng pamagat o pinanggalingan nito, mahihinuha mong ito'y unibersal o panlahat ng tao. Nakalahad sa ibaba ang sipi ng Kartilya ng Katipunan na may salin sa wikang Ingles, na inayos ng Kamalaysayan noong Hulyo 1992 para sa Katipunan, Sandaan!, at isinalin sa English ng yumaong Paula Carolina Santos-Malay. (mula sa kawing na http://kartilya-katipunan.blogspot.com/ at sa http://filipinos4life.faithweb.com/K-review.htm)

Kaya ang isinulat noon ni Emilio Jacinto na Kartilya ng Katipunan ay di lang pambansa, kundi pandaigdigan, pang-unibersal. Ibig sabihin, internasyunalismo ang Kartilya ng Katipunan, at hindi lamang para sa mga makabayang Pinoy. ito'y mga gabay ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Nagkataon lang na Katipunero ang nagsulat nito, at dito tayo sa bansang ito isinilang. Kaya kung susuriin natin ang Kartilya ng Katipunan, ito'y gabay na magagamit kahit na ng hindi kasapi ng Katipunan. Tulad ngayon na hindi na umiiral ang Katipunan na itinayo ni Bonifacio, ngunit ang mga aral nito ay mapaghahalawan pa natin ng aral, at matatagpuang hindi lang ito pambansa kundi pangkalahatan.

Kung maipapalaganap ang bersyong Ingles ng Kartilya ng Katipunan, lalo na sa mga taga-ibang bansa, tiyak na matutuwa ang marami sa mga ito, at maaaari nilang angkinin. Sa gayon, ang unibersalidad ng Kartilya ng Katipunan ay magiging ganap. At ito ang isa sa dapat nating gawin: ipalaganap ang Kartilya ng Katipunan sa daigdig at may salin sa iba't ibang wika upang mas tumagos ito sa puso't diwa ng higit na nakararami.

Halina't namnamin natin ang timyas ng mga pananalitang gabay ng Kartilya ng Katipunan sa ating pagkatao at mula doon ay atin itong isapuso't isadiwa. Pagnilayan din natin ang salin nito sa wikang Ingles na maaari rin nating ipamahagi sa mga kaibigang banyaga, o sa mga dayuhan.

1. “Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi (man) damong makamandag." (A life that is not dedicated to a noble cause is like a tree without a shade or a poisonous weed.)

2. "Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan." (A deed lacks nobility if it is motivated by self-interest and not be a sincere desire to help.)

3. "Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuwiran." (True piety consists of being charitable, loving one's fellowmen, and being judicious in behavior, speech and deed.)

4. "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mang­yayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao." (All [persons] are equal, regardless of the color of their skin. While one could have more schooling, wealth or beauty than another, all that does not make one more human than anybody else.)

5. "Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri." (A person with a noble character values honor above self-interest, while a person with a base character values self-interest above honor.)

6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." (To a [person] of honor, his/her word is a pledge.)

7. "Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring mag­balik; ngunit panahong nagdaan na'y di na muli pang magda­daan." (Don't waste time; lost wealth can be retrireved, but time lost is lost forever.)

8. "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi." (Defend the oppressed and fight the oppressor)

9. "Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim." (The wise man is careful in all he has to say and is discreet about things that need to be kept secret.)

10. "Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang uma­akay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." (Ang simula nito'y obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, ang katumbas nito ay ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa samâ, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.") (In the thorny path of life, the man leads the way and his wife and children follow. If the leader goes the way of perdition, so do the followers.)

11. "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasang­gulan.” (Never regard a woman as an object for you to trifle with; rather you should consider her as a partner and helpmate. Give proper considerations to a woman's frailty and never forget that your own mother, who brought you forth and nurtured you from infancy, is herself such a person.)

12. "Ang di mo ibig gawin (ng iba) sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba." (Don't do to the wife, children and brothers and sisters of others what you do not want done to your wife, children and brothers and sisters.)

13. "Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangu­ngusap, may dangal at puri, yaong di nagpa­paapi't di nakikiapi; yaong marunong mag­dam­dam at marunong lumingap sa bayang tinubuan." (A (person's) worth is not measured by his/her station in life, neither by the height of his nose nor the fairness of skin, and certainly not by whether he is a priest claiming to be God's deputy. Even if he is a tribesman/tribeswoman from the hills and speaks only his/her own tongue, a (person) is honorable if he/she possesses a good character, is true to his/her word, has fine perceptions and is loyal to his/her native land.)

14. "Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang mag­kakalahi't magkakapatid, ng ligayang walang kata­pusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan." (When these teachings shall have been propagated and the glorious sun of freedom begins to shine on these poor islands to enlighten a united race and people, then all the loves lost, all the struggle and sacrifices shall not have been in vain.)