ANG TULA BILANG PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Minsan ay sinabi ng dakilang lider at rebolusyonaryong Vietnamese na si Ho Chi Minh, "Poetry should also contain steel and poets should know how to attack."
Kung paglilimiang mabuti ang mga katagang ito, sinasabi ni Ho Chi Minh
na ang makata'y di lang tagahabi ng mga kataga o nagtatahi lang ng mga
salita. Ang makata'y isa ring mandirigma. Ibig sabihin, dapat di pulos
mabulaklak na salita, kundi bakal na tagabandila rin ng katotohanan na
umaatake sa bulok na sistema ang dapat mamutawi sa mga titik ng kanyang
mga tula.
At
sino ang dapat atakehin ng makata? Ang mga naghaharing uri ba o ang mga
inaaping uri? Kanino siya magsisilbi? Marahil ang makata'y mas magiging
kakampi ng inaaping uri. Dahil wala namang pera sa tula. Sino ba namang
tangang kapitalista ang mamumuhunan sa tula gayong alam naman niyang
malulugi siya rito? Pagtutubuan ba ng uring elitista ang mga tula ng
makata? Hindi. Bihira, kundi man kakaunti lang ang bibili nito kaya
tiyak ang kanilang pagkalugi.
Kung
hindi kakampi ng naghaharing uri ang makata, kakampi ba siya ng
inaaping uri? Ang kanyang mga tula, palibhasa'y nasa anyo ng tugma't
sukat, lalo na kung matalinghaga na siyang isang katangian ng tula, ay
maaaring di basahin ng dukha o ng mga manggagawa dahil marahil
mahihirapan silang arukin ang mga ito pagkat di ito ang karaniwan nilang
sinasalita sa araw-araw. Baka isnabin lang nila ito't ituring ding
elitista ang makata. Kaya saan susuling ang makata? Nasa kanya ang
desisyon. Ngunit dahil sa mapanuligsang katangian ng makata sa mga
nangyayaring di dapat sa bayan, mas mapapakinabangan siya ng aping uri
upang mapalaya ang mga ito sa kanilang kaapihan. Kaya may mga makatang
aktibista. Gayunman, marami ang nangingimi, o marahil ay naiirita, sa
mga nililikhang tula ng mga aktibista. Di daw sila sanay magbasa ng
tula, dahil hindi ito pangkaraniwan, at nauumay sila sa tugma nito't
sukat. Kaya nagkakasya na lamang sila sa pagbabasa ng mga prosa o akdang
tuluyan.
Ngunit
ang tula'y pangmatagalan, panghabampanahon, di tulad ng mga polyetong
pinapakalat na ang buhay ay nakadepende sa lumitaw na isyu sa
kasalukuyan, na pagkatapos maresolba ang isyu ay sa bentahan ng papel,
kundi man sa basurahan, ang tungo ng mga polyeto. Ang tulang "Mga Muog
ng Uri" na isinulat ni Amado V. Hernandez sa kulungan ng Muntinlupa
noong Mayo 1952 ay nalathala sa libro, habang wala ka nang makikitang
mga polyetong ipinamahagi noong APEC Conference sa Pilipinas noong 1996.
Ang tulang "Manggagawa" ng makatang Jose Corazon de Jesus na isinulat
noong bandang 1920s (1932 namatay ang makata) ay nagawan pa ng kanta,
habang ang mga polyeto noong Pebrero 2006 laban sa pagrereyna ni Gloria
Macapagal-Arroyo ay di mo na makita ngayon. Wala ka na ring makitang
kopya ng paid advertisement ng mga manggagawang bumuo ng UPACC (Union
Presidents Against Charter Change) sa Philippine Daily Inquirer noong
Mayo ng 1997 o 1998 (di ko na matandaan ang taon).
Makikita
pa ang kopya ng mahabang tulang "Epiko ni Gilgamesh" sa napreserbang 12
tabletang luwad mula sa koleksyon ng aklatan ni Haring Ashurbanipal ng
ika-7 siglo BC. Ito'y orihinal na pinamagatang "Silang Nakakita ng
Kailaliman" (Sha naqba imuru) o Paglaktaw sa Iba Pang mga Hari (Shutur
eli sharri). Ang mahahabang epikong tulang Iliad at Odyssey ni Homer ay
buhay pa rin ngayon. Sa Pilipinas, naririyan ang dalawang mahahabang
tulang tumatalakay sa isyu ng bayang sawi dahil sa mga naghahari-harian
sa lipunan, "Florante at Laura" ni Balagtas, at ang "Sa Dakong Silangan"
ni Huseng Batute (Jose Corazon de Jesus). May maiikli rin namang mga
tula, tulad ng walang kamatayang "The Raven" at "Annabel Lee" ni Edgar
Allan Poe, mga tula ng komunistang si Pablo Neruda, ang "Invictus" ni
William Ernest Henley, ang "Manggagawa" at "Bayan Ko" ni Jose Corazon de
Jesus, "Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan" ni Amado V. Hernandez,
at "Republikang Basahan" ni Teodoro Agoncillo. Nariyan din ang walang
kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" na pinagmulan ng kasabihang "ang di
marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang
isda”, ngunit ayon sa makabagong pananaliksik ay di pala akda ni Gat
Jose Rizal ang naturang tula.
Narito
ang birtud ng tula bilang isang makasaysayang sining at tagabandila ng
kultura ng sibilisasyon noon pang una. Ipinipreserba nito ang
kasaysayan, kaisipan, damdamin at paninindigan ng mga una pang tao sa
pamamagitan ng tula. Di lang ang iniisip ng mga tao noon, kundi kung ano
ang karanasan ng kanilang bayan at nararanasan ng kanilang mamamayan.
Ang ganitong preserbasyon ng mga tula ng mahabang panahon ang isa sa
mahalagang katangian ng tula na makasaysayan at kapaki-pakinabang para
sa mga susunod na henerasyon.
Sa
Pilipinas, nagtunggalian noon ang Sining-para-sa-Sining (art for art's
sake) na kinakatawan ni Jose Garcia Villa laban sa aktibismo sa panitik
na kinakatawan naman ni Salvador P. Lopez. Ito, sa pakiwari ko, ang
pulso ng debate hinggil sa form versus content, o anyo laban sa
nilalaman. Debateng maaari namang pag-ugnayin at hindi paghiwalayin.
Maaari namang magtugma't sukat, o laliman ang talinghaga, kahit na
pulitikal ang nilalaman, upang hindi ito lumabas na nakakaumay sa
panlasa ng mambabasa. Kailangang mas maging mapanlikha o creative pa ang
makata upang basahin at pahalagahan ang kanyang katha.
Sa
sirkulo ng mga aktibista't rebolusyonaryo sa kilusang kaliwa, ang
pagtula ay isang obra maestra ng makata, lalo na yaong nasa mga pook ng
labanan, sa sonang gerilya man iyan, sa pabrika, sa dinemolis na erya ng
iskwater, sa pangisdaan, maging sa paaralan. Ang tula'y kanyang
kaluluwa, kakabit ng kanyang pagkatao, at hindi isang libangan lang. Ang
tula’y propaganda upang patagusin sa kamalayan ng masa ang paninindigan
ng makata.
Nagmula
ang salitang "propaganda" sa Congregatio de Propaganda Fide, na ang
ibig sabihin ay "congregation for propagating the faith," o
"kongregasyon para sa pagpapalaganap ng pananampalataya", isang komite
ng mga kardinal na itinatag noong 1622 ni Gregory XV upang pangasiwaan
ang mga misyon sa ibayong dagat. Nagbago ang kahulugan nito noong Unang
Daigdigang Digmaan, at nagkaroon ng negatibong kahulugan. Gayunman, ang
tunay na kahulugan nito ang ating ginagamit ngayon - pagpapalaganap ng
kaisipan o paniniwala.
Dahil
para sa mga makatang mandirigma, ang tula'y armas sa propaganda, armas
ng pagmumulat sa masa, sandata upang mulatin ang uring manggagawa sa
kanyang mapagpalayang papel upang palitan ang sistemang mapang-api at
mapagsamantala. Ang tula'y kasangkapan ng makatang proletaryado laban sa
burgesya at naghahari-harian sa lipunan.
Sa
ngayon, naitayo ang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK noong
Setyembre 2010 ng ilang mga mapangahas at makatang aktibista na layuning
dalhin ang ideolohiyang sosyalista sa panitikang Pilipino. Lumikha na
rin sila ng blog para sa layuning ito.
Nauna
rito'y prinoyekto ng Aklatang Obrero Publishing Collective na tipunin
ang mga nagawa nang tula, maikling kwento't sanaysay na tinipon ng mga
nasa panig ng RJs. Nailathala na ang tatlong tomo ng aklat na MASO:
Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa mula 2006 hanggang 2008,
dalawang tomo ng KOMYUN: Katipunan ng Panitikang Maralita mula 2007
hanggang 2008, at ang unang aklat ng TIBAK: Katipunan ng Panitikang
Aktibista noong 2008. Walang nailathalang aklat na MASO, KOMYUN at TIBAK
nitong 2009 at 2010, dahil bukod sa kakapusan ng pinansya, ay dahil sa
kakulangan ng akda ng mga literati, tulad ng makata at manunulat ng
maikling kwento, sa kilusang sosyalista. Ang mga susunod na tomo ng mga
aklat na ito'y poproyektuhin na ng grupong Maso at Panitik sa
pakikipagtulungan sa Aklatang Obrero. Kaya asahan ng uring manggagawa at
masa ng sambayanan ang muling paglilimbag ng MASO, KOMYUN at TIBAK.
Higit
pa sa metaporang pagkausap sa mga buwan, bituin, paruparo at bulaklak,
at tigib ng damdaming panaghoy ng pag-ibig ang tungkulin ng tula. Pagkat
ang tula bilang propaganda ay pagmumulat ng mga natutulog na isipan, o
ng mga walang pakialam sa mga nangyayari sa lipunan. Ngunit di naman
lahat ay nagbabasa ng tula, kaya dapat maging mapanlikha ang mga
sosyalistang makata. Ang mga tula nila'y maaaring gawing awitin, o kaya
naman ay bigkasin sa mga rali, sa harap ng mas maraming nagkakatipong
manggagawa't aktibista. Halina’t suriin natin ang ilan sa mga walang
kamatayang saknong at taludtod sa panulaang Pilipino, na nagsilbi upang
mulatin ang maraming Pilipino sa kalagayan ng lipunan at mapakilos sila
tungo sa pagbabago.
Maraming manghihimagsik ang namulat sa kalagayan ng bayan nang mabasa ang ilang saknong ng Florante at Laura, tulad ng:
“Sa loob at labas / ng bayan kong sawi
Kaliluha’y siyang / nangyayaring hari
Kagalinga’t bait / ay nalulugami
Ininis sa hukay / ng dusa’t pighati.”
Ang tulang Manggagawa
ni Jose Corazon de Jesus, na binubuo ng labing-anim na pantig bawat
taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod,
ay tigib ng pagpupugay sa lumilikha ng yaman ng bansa, ang mga
manggagawa.
MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus
16 pantig bawat taludtod
Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 98
Mapagmulat.
Maraming tulang nagsasalaysay na ang tingin ng marami ay simpleng
maikling tulang nagsalaysay lamang sa ilang pangyayari, ngunit pag
niliming maigi ay mapapansin ang hiyas ng diwang naglalarawan na pala ng
tunggalian ng uri sa lipunan. Sa sumusunod na tula’y inilarawan ang
konseptong baluktot na lumukob na sa madla, ngunit sa pamamagitan ng
ilang taludtod lamang ay nagwasak sa kasinungalingan ng mga ideyang
pilit isinaksak ng naghaharing uri sa dukha.
MGA TAGA-LANGIT
ni Gat Amado V. Hernandez
12 pantig bawat taludtod
“Saan ako galing?” ang tanong ng anak,
“Galing ka sa langit” ang sagot ng ina;
“Ang tatang at ikaw, taga-langit din ba?”
“Oo, bunso, doon galing tayong lahat.”
“Masarap ba, inang, ang buhay sa langit?”
“Buhay-anghel: walang sakit, gutom, uhaw,
walang dusa’t hirap, walang gabi’t araw,
abot ng kamay mo ang balang maibig.”
Bata’y nagtatakang tanong ay ganito:
“Kung tayong mag-anak ay sa langit mula
at ang buhay doo’y kung pulot at gata
bakit nagtitiis tayo sa impyerno?”
Sa gayon, ang tanging panagot ng ina,
ay isang malalim na buntong-hininga.
Napakasimple
ng tula ni Gat Amado, ngunit tumatagos sa isip at puso ang kamalian ng
mga ideyang burgis. Sadyang mapagmulat. Ang bata mismo’y nagtataka kung
galing nga ba tayo sa langit? O ang langit na sinasabi’y ang tinatamasa
ng mga naghaharing uri sa lipunan, ang buhay na pulot at gata. Bakit ba
tayo pinabayaan ng langit na sinasabi at dito sa mundo’y pulos hirap.
Sadya ngang higit pa sa pagdala ng makata sa pedestal ng pagsinta sa
nililiyag ang tungkulin at katangian ng tula. Bagkus ito mismo’y
kasangkapan ng aping uri upang mamulat ang mas marami pang kababayang
naghihirap. Hindi lang pagtalakay ng isyu, hindi lang paglalarawan ng
nagaganap sa lipunan, bagkus ay nagpapaliwanag at nangungumbinsi sa
uring api na hindi permanente ang kalagayan ng dukha, na may sisilay
pang panibagong sistemang magbabalik sa dangal ng tao, maging siya man
ay dukha o petiburges. Kailangang wasakin ang mga baluktot na kaisipang
nagpapanatili ng kamangmangan ng tao, tulad ng paniniwala sa pamahiin,
mitolohiya at burgis na advertisements. Kailangang baligtarin natin ang
mga kaisipang nakaangkla sa pagkamal ng tubo, imbes na sa pagpapakatao.
Malaki
ang papel ng pulitika at ekonomya sa buhay ng tao. Mula pa pagkabata'y
sakop na siya ng paaralan, alituntunin ng pamahalaan, kabuhayan, lipunan
at kalinangan. Minomolde ng panitikan bilang bahagi ng kalinangan ng
isang bansa ang kaisipan ng tao. Nariyan ang sanaysay, tula, dula,
maikling kwento, na hindi lamang mababasa sa libro, kundi maririnig sa
radyo at mapapanood sa telebisyon, sinehan, DVD, at mga balita't
dokumentaryo sa mas malawak na saklaw. Alam ng makata na hindi
nahihiwalay ang kanyang mga tula sa lipunan.
Ang
tula bilang propaganda ay pagmumulat. Tagabandila na may nagaganap na
tunggalian ng uri sa lipunan. Walang takot bagkus ay nakaharap na tulad
ng mandirigmang sugatan na nais ipanalo ang isang digmaan. Kung
matatandaan ko pa ay ganito ang sinabi minsan ni Bob Dylan, “Art is not
merely a reflection of reality but it must also subvert reality.” Ibig
sabihin, ang tula bilang sining ay hindi lang tagapaglarawan ng mga isyu
ng lipunan at mga bagay-bagay sa paligid, bagkus ang tula’y
tagapagwasak din, tulad ng pagkawasak ng konsepto ng langit sa isipan ng
bata sa tula ni Gat Amado.
Kaya
kailangang maunawaan ng mga makabagong makata ngayon ang
pangangailangang gamitin nila ang kanilang mga tula para sa pagsulong ng
pakikibaka tungo sa pagpapalit ng sistemang kapitalismo tungo sa
susunod na yugto nito. Sosyalisado na ang produksyon, ngunit pribado pa
rin ang pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon kaya marami pa ring
naghihirap. Tungkulin ng mga aktibista’t rebolusyonaryong makata na
gamitin ang kanilang mga tula sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Ito ang
niyakap na tungkulin ng sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT
PANITIK.
Tulad
ng sinabi ni Ho Chi Minh, tunay na malaki ang tungkulin ng makata sa
pagmumulat, lalo na sa uring manggagawa, upang baguhin ang bulok na
sistemang umiiral sa lipunan. Bilang mandirigmang makata, kinatas ko sa
ilang taludtod ang tungkulin ng tula sa rebolusyon:
TULA AT REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
i.
ano ang silbi ng tula sa rebolusyon
kung di ito nagmumulat ng masa ngayon
dapat ba tula'y ialay lang sa pedestal
ng malaking tubo't kapitalistang hangal
o tula'y pwersang gamit sa pakikibaka
upang mapalitan ang bulok na sistema
dapat ang bawat tula'y sintigas ng bakal
masasandigan, may prinsipyong nakakintal
tula'y malaking silbi sa pakikibaka
lalo sa pagmumulat ng aping masa
di basta-basta mahuhulog sa imburnal
pagkat bawat tula ng makata'y may dangal
tula'y may tindig, naghahangad ng paglaya
ng uring manggagawa at lahat ng dukha
ii.
dapat bawat makata'y alam sumalakay
sa bulok na sistema, gobyerno’t kaaway
makata'y dapat agapay ng pagbabago
at tinig ng mga aping dukha't obrero
sila'y di dapat laging nasa toreng garing
kundi kasama ng dukha't masang magiting
sa laban dapat makata'y kayang tumagal
hindi agad natitinag o hinihingal
dapat alam nila paano umatake
nang matulungang manalo ang masang api
laban sa mga ganid, mapagsamantala
at kumakatawan sa bulok na sistema
makata'y dapat magaling ding umasinta
at kayang durugin ang lahat ng puntirya
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento