Miyerkules, Mayo 4, 2011

Ideyolohiya at Dangal sa Pagkatha

IDEYOLOHIYA AT DANGAL SA PAGKATHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ideyolohiya. Ito ang kaisipang sinusunod ng isang tao, dahil naroroon ang kanyang mga pangarap na nais niyang maabot o makamtan.

Dangal o puri ng isang tao. Walang dungis o batik. Na pag nawala ang dangal na ito'y para ka nang hayop na nilalayuan.

Bagamat maraming dapat isulat, umiinog sa dalawang ito ang tema ng mga paksang karaniwan kong sinusulat, sa kwento man, sa sanaysay at lalo na sa pagtula. At ang mahalaga ay ang pagsasabuhay ng dalawang ito. Napakalawak na ng dalawang ito na kahit ano yatang paksa'y maaaring taglayin ang dalawang nabanggit. At hindi dapat mawala ang dalawang ito bilang salaminan ng mga natapos na katha. Ano ang ideyolohiya ng tula kong "Higanteng Tulog ang Manggagawa" na nalathala sa pahayagang Obrero bandang 2004 o 2005? Anong dangal ang mararamdaman ng manggagawa habang binabasa niya ang tula? Kikilos ba siya o mananatiling higanteng tulog?

Sa usapin ng manggagawa, may ideyolohiyang kaakibat iyan, dahil sa kasalukuyang panahon, sila'y mga sahurang alipin. Anong lipunan ang kanilang nais na dapat silang maging pantay-pantay ng kalagayan at hindi na sila magiging sahurang alipin? Sa usapin ng mga maralitang lungsod, mananatili ba silang dukha habambuhay, na ipamamana nila sa kanilang mga anak at apo? Magkakasya lang ba sila sa pagtaya sa huweteng o lotto na nagbabakasakaling makatsamba at yumaman? Anong dangal ang kanilang maipagmamalaki kung dahil sa hirap at kagutuman ay gagawa sila ng mga diskarteng makasisira sa kanilang pagkatao, tulad ng pagdidyamper ng kuryente, pagtira sa bahay na nasa ilalim ng tulay o sa barungbarong sa gilid ng ilog na pag bumaha ay umaapaw?

Isa ang Kartilya ng Katipunan sa taimtim kong sinusunod na disiplina sa buhay. Ito ang sinulat ni Emilio Jacinto at ipinalaganap ng Katipunan sa kanilang kasapian. Matutunghayan dito ang panuntunan ng kabutihang asal na dapat taglayin ng bawat Katipunero. Bilang manunulat at kasapi ng Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), ang pagsasabuhay ng Kartilya ay isa sa mga pagbabagong aking nakamit, dahil ang panuntunang naririto'y magpapalaya sa iyong magulong buhay at isipan. Ramdam ko iyon. Kaya pag nagkikita kami ng kapwa ko manunulat na si Sir Ding Reyes, na siyang pasimuno ng Kamalaysayan, ang aming batian ay "Mabuhay ka at ang ating panata!"

Paborito ko ring sundan hinggil sa usapin ng dangal ang Bushido ng mga Hapones. Ito'y paraan ng mga mandirigmang samurai kung saan ang Bushido ang pinagmumulan ng kabutihang asal na inaasahan sa kanila, tulad ng pagiging makatwiran, magiting, magalang, mapagkawanggawa, matapat. Handa rin silang mamatay hanggang sa dulo na ipaglaban ang katwiran, at ang kabiguan ay wala sa kanilang bokabularyo. Dahil ang pagkabigo sa tungkulin o sa anupamang larangan ay pagkawala ng dangal at may katapat na seppuku, o yaong ritwal ng marangal na pagpapakamatay upang maibalik ang nawalang dangal.

Nariyan din ang chivalric code o yaong panuntunan ng mga Knights o yaong mga Kabalyero sa panahong midyibal. Knight ang simbolo ng paaralang aking pinasukan ng apat na taon sa hayskul. Kaya nakaukit sa akin ang panuntunan sa buhay ng mga Kabalyero - ang kabayanihan, kusang pagpapaunlad ng sarili, at paglilingkod sa kapwa. lalo na ay ipagtanggol ang maliliit. Di lang dapat malakas ang katawan at buhay ang isipan ng bawat kabalyero ngunit dapat na sila mismo'y disiplinado. Sumumpa ang bawat Kabalyero na magiging tapat sa tungkulin, mapagbigay, at marangal. Ganyan ang tinatawag nga nilang may Dugong Arriba.

Naalala ko pa ang pahayag namin sa Boy Scout noong elementarya. Ang Boy Scout ay mapagkakatiwalaan, matapat, palakaibigan, maginoo, magiting, masipag, mapagbigay, disiplinado, may pagsasarili, at kapatid ng bawat Scout.

May panuntunan din ng disiplina ang mga aktibistang tulad ko, at maipagmamalaki kong hindi pa ako nagkakaroon ng DA (disiplinary action) sa aking halos dalawang dekada na sa kilusang mapagpalaya, kasama ang mga manggagawa't maralita.

Nariyan din ang Journalists' Code of Ethics, ang Poets' Code of Ethics, at iba pang etika para naman sa tulad kong manunulat, na dapat alam din ng sinumang mahilig magsulat upang sila'y hindi maagrabyado. Bagamat alam nating napakarami nang pinapaslang na mamamahayag, di lang sa ating bansa, kundi sa iba pang bansa. Mahalagang maiulat ang katotohanan, gaano man ito kapanganib. Dahil ang pagsisinungaling sa pag-uulat ay pagkayurak mismo ng iyong dangal.

Lahat ng iyan ang umukit sa aking pagkatao na sinusunod ko hanggang ngayon. Bagamat may ilang kamalian sa mga nakaraan, tulad ng away naming magkapatid, isang aral iyong dapat na hindi na maulit. Kaya ang pagtalima sa Kartilya, at mga aral at panuntunan ng Bushido, Kabalyero, Boy Scout, at aktibismo, ay malaking bagay na umukit ngayon sa aking pagkatao, na siya ko ring naging panuntunan sa bawat pagkatha ng tula, sanaysay, at maikling kwento, at pagsulat ng balita at mga artikulo.

Habang niyayakap ko ang mga panuntunang iyon at isinasabuhay bilang taong may dangal ay niyayakap ko rin ang ideyolohiyang ang layunin ay itayo ang isang lipunang makatao para sa lahat, isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, isang lipunang may paggalang sa karapatan ng bawat isa, isang lipunang ang pangunahin ay ang kapakanan ng tao at ng kalikasan, at hindi ng tubo para sa iilan.

Sa marami kong katha ay masasalamin ang mga sulatin ng mga dakilang lider-paggawa, pati na kasaysayan ng lipunan. Na karaniwan ay ginagawan ko ng tula ang ilang mahahalagang pahayag at pangyayari. Dahil naniniwala akong bilang manunulat at makata ay may tungkulin akong ipaliwanag sa higit na nakararami kung bakit may mahirap at mayaman, kung bakit may nagpapasasa sa yaman ng lipunan at napakaraming nanlilimahid sa kagutuman, kung bakit tama ang sinabi ni Marx sa kanyang Tesis kay Feuerbach na "marami nang nagpaliwanag ng daigdig sa iba't ibang paraan, ang mahalaga ay ang baguhin ito."

At ito ang nais kong gawin bilang manunulat at makata, ang makatulong sa pagtatayo ng lipunang pantay-pantay ang kalagayan ng tao, dahil ang yaman ng lipunan ay ibinabahagi sa lahat, at mahalaga lalo na ang tao'y maging ganap na tao, at hindi makina o aliping nabubuhay lang sa mumo ng iba. Sadyang kailangan ng matinong ideyolohiyang kakapitan ng manunulat sa kanyang paglalakbay at pag-ukit ng mga titik di lang para sa kasalukuyan, kundi sa mga susunod pang henerasyon hanggang sa maitayo ang isang tunay na lipunang makatao.

Mahalaga na pag-aralan ang lipunan, at magkaroon ng kongkretong pagsusuri sa kongretong kalagayan. At lalong mahalaga na kilala mo ang iyong sarili. Ika nga ni Sun Tzu sa kanyang "Sining ng Digma": "Dapat kilala mo ang iyong kaaway at ang iyong sarili at maipapanalo mo ang iyong laban nang walang gaanong panganib." Kaya sa iyong pagsusulat, dapat kilala mo ang iyong isinusulat at kilala mo rin ang iyong sarili. Kaya mo bang panindigan at ipaglaban ang iyong isinulat? Kung sampahan ka ng libelo, kaya mo bang ipagtanggol ang iyong sarili at ang pinagmulan ng balita? Paano kung may nasasagasan ka na sa iyong mga isinusulat? Kung pader na ang iyong binabangga, maso ka bang titibag sa pader o lindol? Paano mo ipagtatanggol ang iyong paniniwala sa sinumang nais sumira nito o nais kang sirain?

Mahalaga ang dangal dahil kahit sa iyong pagsusulat ay tinitingnan mo rin, di lang ang paksa, kundi ang pahiwatig ng kabuuang akda, kung ito ba'y makasisira sa iba o magsisilbing inspirasyon sa makababasa. Mahalaga ang ideyolohiya sa iyong isinusulat dahil sinasalamin niyon ang iyong paniniwala at adhikain sa buhay na nais mong makamit at maitaguyod din ng iba.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento