ni Gregorio V. Bituin Jr.
Kasabay
ng ikalawang anibersaryo ng pinakamatinding atake sa mga mamamahayag sa
kasaysayan, ang Maguindanao massacre sa Mindanao, ilulunsad ng iba’t
ibang grupo sa buong mundo ang kauna-unahang pagkilala sa International
Day to End Impunity (IDEI) sa Nobyembre 23, 2011 bilang bahagi ng
pandaigdigang panawagan ng hustisya para sa lahat ng mga pinaslang dahil
sa kanilang karapatang magpahayag.
Matatandaang
noong Nobyembre 23, 2009, walang awang pinaslang ang 57 katao, kabilang
na ang 32 mamamahayag at manggagawa sa media, sa Maguindanao, habang
ang mga ito’y papunta upang samahan ang pamilya Mangudadatu at mga
tagasuporta nito sa pagpa-file ng kandidatura sa pagka-gobernador ni
Esmael Mangudadatu.
Noong
Hunyo 2, 2011, inulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang
2011 special report na pinamagatang “Getting Away with Murder” sa
pandaigdigang pulong ng International Freedom of Expression eXchange
(IFEX) sa Beirut, Lebanon, kung saan tinalakay ang impunidad sa buong
mundo. Doon idineklara ng mga mamamahayag ang Nobyembre 23 bilang
Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Kultura ng Impunidad (International
Day to End Impunity) bilang pag-alala sa kamatayan ng 32 Pilipinong
mamamahayag na napatay sa Maguindanao massacre. Nasa 2011 impunity index
ng CPJ ang mga bansang Pilipinas, Russia, Mexico, Bangladesh, Iraq,
Somalia, Colombia, Pakistan, Brazil, Sri Lanka, Afghanistan at India.
Ayon pa sa CPJ, 882 mamamahayag sa buong mundo ang pinatay mula 1992, at
36 na nitong 2011.
Ang
pandaigdigang aktibidad sa Nobyembre 23 ay pinangungunahan ng
International Freedom of Expression eXchange (IFEX), na nakabase sa
Toronto, Canada, at isang network ng 95 na organisasyon ng mga
mamamahayag sa buong mundo. Sa Pilipinas naman, ito’y pinangungunahan ng
Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).
Ano
nga ba ang impunidad? Ayon sa international law of human rights, ito’y
tumutukoy sa kabiguang dalhin sa hustisya ang mga lumabag sa mga
karapatang pantao, at kung gayon ay pagkakait na mabigyan ng katarungan
ang mga biktima ng karapatang pantao. Ang impunidad ay isang kultura ng
pagpatay at kawalang hustisya. Nariyan ang kaso ng pagpatay at pagdukot
sa mga aktibista, o desaparesidos, na hanggang ngayon ay di pa nakikita.
Ang
Pilipinas ang itinuturing na isa sa mga delikadong lugar sa mga
mamamahayag sa buong mundo. Ayon sa CMFR, may 121 mamamahayag na ang
pinaslang sa Pilipinas pagkatapos ng pag-aalsang Edsa noong 1986. Sa mga
kasong ito, nasa 8% pa lamang ang mga kasong nareresolba.
Dapat mawakasan na ang ganitong mga karahasan at kultura ng kamatayan.
Wakasan na ang impunidad! End Impunity, Now!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento