“Ang Nagpoprotesta” Bilang 2011 Person of the Year ng Time magazine
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isang
inspirasyon para sa ating mga nakikibaka, sa parlyamento man ng
lansangan o saanmang lugar, ang pagkakadeklara sa bawat nagpoprotesta sa
lansangan bilang Person of the Year ng Time magazine ngayong 2011.
Isang inspirasyong lalong nagbibigay-sigla sa mga nakikibaka na
nagpapatunay na ang tapat na hangarin para sa pagbabago ay wasto at
makabuluhan sa kabila ng mga sakripisyong pinagdaanan, sa kabila ng mga
nabubong pawis at dugo upang mapalaya ang sambayanan.
Walang
indibidwal na mukha ang tinaguriang "Ang Nagpoprotesta (The Protester)"
pagkat ito'y nakapatungkol sa mga mamamayang nakibaka para sa paglaya
mula sa diktadura at mula sa pagkaganid ng mga korporasyon, paglayang
inaasam ng mayorya, lalo na yaong tinaguriang siyamnapu't siyam na
bahagdan o ninety nine percent (99%). Bagamat may di kilalang tao na
nalathala sa front page ng Time magazine, siya'y simbolo lamang ng
libu-libo, kundi man milyun-milyong mga nakikibaka sa iba't ibang bansa
laban sa mga mapagsamantala at mapang-api sa kani-kanilang bayan.
Pumangalawa
sa "The Protester" si Admiral William McRaven, pinuno ng Special
Operations Command Amerika na siyang nakapatay sa pinuno ng Al Qaeda na
si Osama bin Laden. Pumangatlo ang magsisining na si Ai Weiwei, kung
saan ang 81-araw niyang pagkadetine sa isang lihim na kulungan ay
nagpasiklab ng pandaigdigang kilos-protesta. Pang-apat naman ang
Chairman ng Komite sa Budget sa Kongreso ng Amerika na si Paul Ryan.
Kasama rin sa talaan si Kate Middleton, Dukesa ng Cambridge, na naging
asawa ni Prince William ng Great Britain.
Kung
babalikan natin ang nakaraang mga pangyayari nitong 2011, napakaraming
kilos-protesta ang naganap, na siyang nagpabago at nakaapekto sa takbo
ng pulitika at ekonomya ng maraming bansa at ng kanilang mamamayan.
Kumbaga'y nagbigay ng bagong direksyon ang pakikibaka ng mamamayan ng
mundo nitong taon, nakilala ng masa ang kanilang kapangyarihan. Pinakita
ng maraming mamamayan ng mundo hindi lamang ang kanilang boses at
panawagan kundi ang kakayahan nilang baguhin ang mundo. Inilabas ng
sambayanan ang kanilang galit sa kasakiman ng mga korporasyon at
pananatili ng mga diktador sa kani-kanilang bansa. Kumilos ang
sambayanan para sa pagbabago. Pinakita ng mamamayan ang kanilang lakas.
Mula
sa tinaguriang Arab Spring, kilusang Occupy Wall Street, Spanish
Indignados, at ang nangyayari ngayong pagkilos ng mamamayan sa Rusya
laban kay Vladimir Putin, ang mukha ng protesta ang nasa pabalat ng Time
magazine bilang 2011 Person of theYear. Sumiklab ang mga rebolusyon ng
sambayanan sa mga bansang Tunisia at Egypt at pinatalsik ang kanilang
pangulo, nagkaroon ng digmaang sibil sa Libya na ikinabagsak ni Moammar
Gaddafi; pag-aalsa ng mamamayan sa Bahrain, Syria, at Yemen, na
nagresulta sa pagbibitiw ng prime minister ng Yemen; patuloy na
malalaking protesta ng mamamayan sa Algeria, Iraq, Jordan, Kuwait,
Morocco, Lebanon, Mauritania, Saudi Arabia, Sudan, at Kanluraning
Sahara. Sumiklab din ang pag-aalsa ng mamamayan sa pamamagitan ng
pag-okupa sa Wall Street, na siyang pangunahing lugar-pinansyal ng
Amerika. Sinundan ito ng mga kilos-protesta sa iba't ibang bansa, tulad
ng mga Indignados sa bansang Spain, ang protesta ng mamamayan ng Greece,
Italy, Germany, United Kingdom, Ireland, Slovenia, Finland, Chile,
Portugal, at marami pang iba.
May
komon sa bawat protestang ito, at ito'y ang nagkakaisa nilang tinig at
pagkilos para sa pagbabago. Nais ng mamamayan ng radikal na pagbabago,
bagamat karamihan sa kanila ay di kumakatawan sa anumang tradisyunal na
partido. Sadyang galit na ang mamamayan, pagkat ang 1% ng mayayaman ang
kumakawawa sa 99% ng naghihirap na mamamayan ng mundo. Anupa't ang taong
2011 ay isang makasaysayang taon na di na makakatkat sa kasaysayan,
pagkat ang inspirasyong dinala nito sa puso at isipan ng mga mapagmahal
sa kalayaan, ang kanilang galit sa kasakiman sa tubo ng mga korporasyon
at sistemang kapitalismo, ang kanilang sakripisyo para sa pagbabago, ay
patuloy na nagbubunga at nauunawaan ng maraming mamamayan ng daigdig.
Kaya
tama lamang ang pagkakapili ng Time magazine at pagkilala nito sa mga
karaniwang masa sa kanilang mahalagang papel sa pagbabago ng lipunan at
nakaimpluwensya sa pulitika at ekonomya ng kani-kanilang bansa. Kaiba
ito sa ginawa nila noon. Sa unang "people power" na naganap sa Pilipinas
noong 1986, si dating Pangulong Cory Aquino ang nalagay sa pabalat ng
Time magazine imbes na ang taumbayan. Kahit ang mga historyador noon ay
pulos indibidwal na lider, imbes na taumbayan, ang bayani sa kasaysayan,
tulad nina Rizal at Bonifacio. Ngayon lang kinilala ang kolektibong
papel ng taumbayan sa pagbabago ng lipunan. At sinimulan ito ng Time
magazine.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento