ni Gregorio V. Bituin Jr.
Tradisyunal
nang ginugunita ng pamahalaan, na kadalasan ay etsapuwera ang masa, ang
taunang Hunyo 12, na sinasabi nilang Araw ng Kalayaan. Pero sa simpleng
masa o ng karaniwang tao, ginugunita lamang nila ito bilang holiday, at
hindi bilang araw ng paglaya. Marahil dahil alam din ng masa, lalo na
ng manggagawa, na huwad ang kalayaang ito. Na ito'y paglaya sa Kastila
at pagpapailalim sa Amerikano.
Maliwanag
ito sa nakasulat sa Acta de Independencia, ang dokumentong nilagdaan ng
maraming manghihimagsik bilang patunay umano ng deklarasyon ng
kalayaan. Ayon sa dokumento, lumalaya ang Pilipinas mula sa bansang
EspaƱa upang magpailalim naman sa bansang Amerika. Ito ba ang kalayaan?
Narito ang patunay: "And having as witness to the rectitude of our
intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection
of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America,
we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of
the people of these Philippine Islands, that they are and have the right
to be free and independent; that they have ceased to have allegiance to
the Crown of Spain; that all political ties between them are should be
completely severed and annulled..."
(http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)
Ikalawa,
ang mga kulay ng iwinawagayway na bandila ng ating bansa ay batay mismo
sa kulay ng watawat ng Amerika bilang pagtanaw ng utang na loob ng mga
kabig ni Aguinaldo sa imperyalistang bansang iyon. Narito ang patunay:
"and the colors of Blue, Red, and White, commemorating the flag of the
United States of America, as a manifestation of our profound gratitude
towards this Great Nation for its disinterested protection which it lent
us and continues lending us."
(http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)
May
dapat mas gunitain at gawing pagkilos ang uring manggagawa sa Hunyo 12.
Ito'y ang World Day Against Child Labor. (O Labour para sa mga bansang
impluwensyado ng Ingles ng Britanya, dahil ang Labor ay ispeling sa mga
bansang impluwensyado ng Ingles ng Amerika.) Ngunit marahil tatanungin
ng manggagawa: Bakit child labor, pangkabataan iyan. Dapat isyu lang
iyan ng mga batang manggagawa.
Balikan
din natin sila ng tanong: Ang isyu ba ng batang manggagawa ay isyu lang
ng bata, o dahil may kakabit itong salitang manggagawa bilang pang-uri,
ito'y isyu rin ng uring manggagawa? Taglisin natin: Ang isyu ba ng
child labor ay isyu lang ng child, o isyu rin ito ng labor? Kaya ba may
adjective na child sa child labor ay dahil isyu lang ito ng child?
Ang
usapin ng child labor o ng mga batang manggagawa ay usapin din ng labor
o ng paggawa / manggagawa. Mismong ang nagsabi nito'y ang International
Labour Organization (ILO), isang pandaigdigang samahan ng mga
manggagawa na nasa ilalim ng pamumuno ng United Nations. Patunay na rito
ang deklarasyon ng ILO na ang Hunyo 12 ay gunitain bilang World Day
Against Child Labour.
Ayon
sa pahayagang Philippine Star nitong Mayo 1, 2013, Araw ng
Pandaigdigang Paggawa, may lima't kalahating milyong (5.5M) batang
manggagawa sa bansa, at may naitalang dalawang daan at labinglimang
milyong (215M) batang manggagawa sa buong mundo, higit na dalawang ulit
na malaki sa ating populasyon na 94M (2011 data).
"The
Philippines has about 5.5 million child laborers (from five to 17 years
old) with nearly three million of them doing hazardous tasks, a 2011
survey on children release by the National Statistics Office (NSO)
showed. Globally, there are 215 million child laborers, with half of
them doing hazardous work, according to the United Nations International
Labor Organization (ILO)."
http://www.philstar.com/business/2013/05/01/936783/phl-has-5.5-m-child-laborers
Batay
pa sa ulat ng Philippine Star, ang ugat ng child labor ay ang kahirapan
at kawalan ng disente at produktibong paggawa. "The root of child labor
is directly linked to poverty and lack of decent and productive work."
Inilunsad
ng International Labour Organization (ILO) ang kauna-unahang World Day
Against Child Labour noong Hunyo 12, 2002 bilang paraan nila upang
maiparating sa higit na nakararami ang kalagayan ng mga batang ito. Ang
paglulunsad ng araw na ito'y ibinatay sa maraming deklarasyon at
talakayan, tulad ng ILO Convention No. 182 hinggil sa masasamang anyo ng
pagtatrabaho ng mga bata (worst form of child labour) at sa ILO
Convention No. 138 hinggil sa minimum na edad ng pagtatrabaho. Ngayong
2013, ang tema ng paggunitang ito ay "No to child labour in domestic
work!" Noong 2012, ang tema'y "Human rights and social justice... let's
end child labour!"
Ang
mga batang manggagawa'y makikitang nasa batilyo, nasa pangingisda gamit
ang pampasabog, nasa agrikultura, nasa mga minahan, nasa pabrika’t
lansangan. Lantad sila sa panganib at sa mga mapanganib na kagamitan,
kemikal, init at lamig ng panahon, at walang pananggalang sa alikabok na
maaaring pumasok sa ilong. Maraming nasa lansangan ang naglalako ng
paninda tulad ng yosi at mani, habang nasa pabrika naman ng sardinas ang
iba. Meron ding nasa murang gulang pa lang ay nagiging katulong na,
habang may mga batang nasa edad labinlima pababa ang nasa mga
bahay-aliwan. Napagsasamantalahan sila pagkat nagtatrabaho sila sa
murang edad at hindi nababayaran ng minimum wage. Nakakamura ng
lakas-paggawa ang mga kapitalistang nag-eempleyo sa kanila. Dapat nasa
paaralan ang mga batang ito, ngunit dahil sa hirap ng buhay, nagtrabaho
sila ng maaga at hindi hustong dinanas ang kasiyahan ng pagiging bata.
Wala na silang pagkakataong maglaro at mag-aral. Ganito ba ang
kinabukasan nila sa isang sistemang walang pagpapahalaga sa kanila?
Kailangan itong mabago. Kailangan nating kumilos.
Hindi
kaya may kaugnayan din ang isyu ng child labor sa isyu ng salot na
kontraktwalisasyon? Pinatatrabaho na ng mga nangangapital sa mga batang
manggagawa ang mga trabahong mabibigat dahil mura ang paggawa kaysa mga
matatandang mahal ang bayad kahit ang mga ito’y kontraktwal. Hindi rin
saklaw ng pag-uunyon ang mga batang manggagawa dahil sa kanilang edad.
Ang
isyu ng batang manggagawa o ng child labor ay hindi isyu lamang ng mga
bata kundi ng manggagawa sa pangkalahatan. Isyu rin ito ng karapatang
pantao, na dapat ang mga bata sa kanilang murang gulang ay dapat nasa
paaralan at dinaranas ang katuwaan ng pagiging bata, at hindi dapat
nagtatrabaho na ng maaga. Marapat lamang na lumabas din at kumilos ang
mga manggagawa, kasama ang mga batang manggagawa at ang dukha nilang mga
magulang, sa Hunyo 12 upang iparating sa pamahalaan na dapat nang
itigil ang child labor sa bansa at dapat na itong solusyunan ng
pamahalaan.
Dapat
bigyan ng trabaho ang mga magulang ng mga batang manggagawa, at hindi
ang mga batang manggagawa ang magtrabaho sa murang edad. Bigyan ng
trabaho ang mga magulang, at hindi trabahong kontraktwal na walang
kasiguruhan, kundi trabahong regular. Ang isyu ng batang manggagawa ay
hindi lang isyu ng mga bata kundi isyu ng mga manggagawa. Ayon nga kay
Frances Ann Yap, presidente ng Pagkakaisa ng mga Kabataang Manggagawa
para sa Karapatan (PKMK), noong Mayo 1, 2009: “Nais namin sa paaralan.
Ayaw namin sa basurahan. Dapat nang itigil ang child labor sa ating
bansa upang kaming mga bata ay makapag-aral, makapaglaro at mabuhay
bilang malayang bata. Dapat din pong bigyan ng sapat na trabahong
makabubuhay ng pamilya ang aming mga magulang. Dapat nang itigil ang
pananakit sa mga bata, child trafficking, at ang patuloy na pagdami ng
mga batang manggagawa.” Ang PKMK ay nakapaloob sa Child Rights Program
(CRP) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).
Ang
isyu ng child labor ay isyu rin ng karapatang pantao. Ayon sa
International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR),
Artikulo 10(3): "Ang mga bata at kabataan ay dapat maprotektahan mula
sa pagsasamantalang pang-ekonomya't panlipunan. Ang kanilang
pagtatrabahong makasasama sa kanilang moral o kalusugan o mapanganib sa
buhay o yaong makapagbabaog sa kanilang normal na pag-unlad ay dapat
parusahan ng batas. Dapat ding maglagay ang Estado ng limitasyon sa edad
na mababa sa kung saan ang binabayarang trabaho ng batang manggagawa ay
pinagbabawal at pinarurusahan ng batas. (Children and young persons
should be protected from economic and social exploitation. Their
employment in work harmful to their morals or health or dangerous to
life or likely to hamper their normal development should be punishable
by law. States should also set age limits below which the paid
employment of child labour should be prohibited and punishable by law.)"
Ayon
sa Convention on the Rights of the Child, Artikulo 32: "Kinikilala ng
mga Partidong Estado ang karapatan ng mga bata upang maprotektahan laban
sa mga pagsasamantalang pang-ekonomya at mula sa pagsasagawa ng anumang
trabahong nakikitang mapanganib, at nakasasama sa kalusugan ng bata at
sa kanyang pisikal, mental, ispiritwal, moral, at panlipunang pag-unlad.
(States Parties recognize the right of the child to be protected from
economic exploitation and from performing any work that is likely to be
hazardous or to interfere with the child's education, or to be harmful
to the child's health or physical, mental, spiritual, moral or social
development.)"
Sa
mga batas ng ating bansa, naririyan ang mga batas hinggil sa proteksyon
ng mga batang manggagawa ngunit hindi naipatutupad. Dahil kung
naipatutupad ito, bakit may 5.5 milyon pang batang manggagawa sa bansa?
Nariyan ang Republic Act (RA) 7160 - Special Protection of Children
Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination, Artikulo VIII,
Seksyon 12-16; ang RA 9231 na pag-amyenda sa RA 7160 - An Act providing
for the Elimination of the Worst Form of Child Labor and affording
stronger protection for the working child, amending for this purpose RA
7160. Nariyan din ang RA 7658 - Prohibiting the Employment of Children
Below Fifteen (15) Years of Age in Public and Private Undertakings. Ang
Artikulo 130-153 ng Labor Code ay hinggil sa espesyal na grupo ng
manggagawa, tulad ng bata at kababaihan. Higit sa lahat, nariyan ang
Department Order (DO) 46-03 hinggil sa paggunita sa ika-12 ng Hunyo
bawat taon bilang Pandaigdigang Araw Laban sa Pagtatrabaho ng mga Bata
(World Day Against Child Labor).
Gayunpaman,
dapat din nating maunawaan na magkaiba ang child labor sa child work.
Sa child work, ang trabaho ay angkop sa edad at kakayahang mental ng
bata, habang sa child labor, ang trabaho'y mabigat sa edad, katawan, at
kaisipan ng bata. Sa child work, tulad ng mga batang artista, dapat
silang kumuha ng Working Child's Permit sa DOLE. Sa child work, ang
trabaho ng bata'y naaayon sa batas at kalakaran ng pamilya't pamayanan,
habang sa child labor, ang pagtatrabaho ng bata'y labas sa mga umiiral
na batas, seguridad at benepisyo. Sa child work, limitado ang
oras-paggawa at may oras ang bata upang makapag-aral, makapaglaro at
makapagpahinga, habang sa child labor, napakahabang oras ng paggawa ng
batang manggagawa, at limitado o wala nang oras para makapag-aral,
makapaglaro at makapagpahinga. Dagdag pa, sa child labor, itinulak ng
kalagayan o ng ibang tao ang mga bata upang magtrabaho sa murang edad,
at ang mga batang manggagawa'y karaniwang naaabuso sa pisikal, sekswal,
sikolohikal at berbal.
Ang
Hunyo 12 ay paalala sa atin na hindi pa malaya ang mga batang
manggagawa, kundi patuloy pa ang pagsasamantala sa kanila. Kaya ang
Hunyo 12 ay gawin nating pagkilos ng uring manggagawa sa isyu ng child
labor, at hindi tayo dapat magpahinga lamang sa araw na ito dahil
idineklarang holiday ng pamahalaan, kundi dapat kumilos tayo dahil ito'y
isyu ng paggawa at karapatang pantao. Gunitain nating sama-sama ang
World Day Against Child Labor tuwing Hunyo 12 at ating iparating sa
buong bansa at sa buong mundo: END CHILD LABOR, NOW!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento