ANG MULTONG DAGA SA KISAME
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Minsan,
sa pagpasok ko sa isang opisina dito sa lungsod, naroon ang isang may
katandaan na ring babae na mula sa probinsya. Narito siya sa Maynila
bilang bahagi ng exposure program ng opisina.
Ang
opisina ay pwedeng tulugan sa gabi, lalo na't galing siya sa probinsya
at iyon lang ang pwedeng mauwian. Dalawang buwan ang ilalagi niya sa
opisinang iyon.
Naroon ako para
magtiklop ng ilang babasahin upang ito'y maging aklat. Ilang araw din
ako roon dahil mahigit 200 pahina ang librong dapat kong tiklupin. At
300 ang bilang ng dapat magawang aklat.
Nakakuwentuhan
ko ang matanda. Hindi raw siya makatulog doon pag gabi, dahil
nakakarinig siya ng mga naghahabulan. Palagay daw niya'y may multo.
Aakyat siya ng ikalawang palapag dahil naroon ang tulugan ngunit ganoon
pa rin. Bababa siya sa sala ngunit naririnig pa rin niya ang mga yabag
na iyon.
Tanong ko, "Anong ginagawa nyo pag naririnig nyo iyon?"
Anya, "Nagtatakip na lang ako ng kumot, pero hindi ako natutulog. Minsan, natutulog na lang ako pagdating na ng umaga."
"Hindi nyo ba tiningnan man lamang kung kaninong yabag ang naririnig nyo pag gabi?"
Sagot niya, "Natatakot ako. Baka makita ko yung multo?"
"Naniniwala pala kayo sa multo. Paano kung akyat-bahay pala yung naririnig nyong yabag, at ninanakawan na pala kayo?"
"Hindi ko alam," sabi niya, "Takot talaga ako sa multo."
Ilang
gabi rin akong nakatulog doon. Hanggang isang umaga, nakita ko yung
tubo sa kusina, na daanan ng tubig mula sa alulod, na butas, at pagbukas
ko ng pinto ng kusina, may kung anong itim na parang may buntot ang
dagling pumasok sa butas na iyon. Marahil natakot sa pagbukas ko ng
ilaw.
Tinawag ko ang matanda. Tinuro ko sa kanya ang pinagdadaanan ng daga na siya marahil laging nag-iingay sa kisame pag gabi.
Doon
lang napagtanto ng matanda na hindi pala multo ang naririnig nyang mga
yabag, kundi mga daga. Marahil, dahil madilim sa kisame ay di nito agad
makita ang daraanan at sa kahahanap ay takbo ng takbo. O kaya naman ay
naroon sa isang sulok ng kisame ang kanyang mga bubuwit na pinapakain
niya at hinahanap niya iyon pag gabi.
Mula noon, hindi na umaangal ang matanda sa gabi-gabing yabag sa kisame dahil wala pala talagang multo.
Sabi
ko nga sa kanya, lumaki ako dito sa lungsod, at pag may narinig kaming
mga yabag, hindi namin naiisip ang multo kundi ang magnanakaw o
akyat-bahay na maaaring pumasok sa aming silid. Kaya dapat kaming maging
mapagbantay. Iniisip ay multo pero ninakawan ka na pala ng multong
iniisip mo. Ang masakit, ang multong kinatatakutan mo ay totoo palang
taong papatay sa iyo, lalo na't pag nahuli mo siyang nagnanakaw ng gamit
mo.
Sa totoo lang, nalaman ko
lang ang mga pagkatakot sa multo sa mga sinehan, lalo na yung Shake,
Rattle and Roll, na nakailang bersyon na. Iba't ibang bersyon ng
pelikulang ito ang lumalabas kundi man taun-taon ay kada dalawa o
tatlong taon. Ang huli ngang ipinalabas ay ang Shake, Rattle and Roll
14. Ibig sabihin, pang-14 na bersyon na iyon.
Sabi
naman ng matanda, lumaki siya sa probinsyang usong-uso ang mga
katatakutan kaya pag kumagat na ang dilim ay naroon na sila sa bahay at
hindi na naglalabasan. Maagang matulog sa gabi at maaga ring magigising
upang pumunta sa bukirin.
Naalarma
rin ako na kung may daga sa kisame, maaaring masira nito ang mga
dingding, o mangatngat kahit na mga kable ng kuryente, kaya dapat itong
mawala roon. Kaya ang ginawa namin, binuksan nang tuluyan ang kusina
para makalabas nang tuluyan ang daga sa paghahanap ng pagkain, saka
namin papasakan o kaya'y tatapalan ang butas na tubong tumatagos
papuntang kisame. Kailangang mag-ingat dahil pag namatay ang daga sa
loob ng kisame, tiyak na mamamaho iyon, at magiging malaking abala sa
loob ng opisinang iyon.
Gayunman, sa pagpapaliwanagan, natapos na rin ang takot ng matanda sa multong daga sa kisame.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento