Biyernes, Mayo 2, 2008

Gubyernong Ataul

Ang artikulo kong ito'y nakita kong muli sa yahoogroup ng Teachers Dignity Coalition (TDC) bilang message #22. Matagal ko nang hinahanap ang sinulat kong ito, pero nakita kong muli dahil sa internet. – greg

GOBYERNONG ATAUL 
ni Greg Bituin Jr.

Masdan mo ang ataul. Napakakintab. Kumikinang sa bawat silaw ng liwanag. Ngunit alam natin kung bakit may ataul, at ano ang nakasilid dito.

Ataul – napakakinang ng labas ngnit nabubulok ang loob nito. Inuuod pagkat ang nakasilid dito’y nilalang na matagal nang napugto ang naghingalong hininga. Nilalang na hindi na muling mapagmamasdan ang kalikasang binaboy ng tao, ni mapakinggan ang mga panaghoy ng mga api. Ataul na nagbigay ng katahimikan sa dating pagal na katawan.

Ngunit nang nabubuhay pa ang nilalang na nahimlay sa ataul na ito, tiyak na napagmasid niya na ang gobyernong dati niyang kinabibilangan ay tila din isang ataul. Ang gobyernong napapalamutian ng naggagandahang mga pangako, papuri at pag-asa para sa mga maralitang naghihirap tuwing eleksyon, ngunit bulok at inuuod ang pamunuan dahil sariling interes lamang ang karaniwang iniisip. Nakakalimutan na ang mga ipinangako sa mga naghihirap niyang mamamayan.

Napakaraming magagandang pangako ang namutawi sa mga pulitikong sumumpang maglilingkod sa sambayanan. Mga pangakong gagawin ang ganito at ganoon para sa ikagiginhawa ng buhay ng mga naghihirap. Mga pangakong tutuparin umano nila kapag sila’y inihalal ng taumbayan. Kung ang intensyon nila sa bawat pangakong namumutawi sa kanilang bibig habang nangangampanya para sa darating na halalan ay makakuha ng mga boto, sana’y ang intensyon din ay hindi lamang hanggang sa araw ng botohan, kundi makatapos manumpa, ay gampanan ng mahusay ang mga tungkuling nakaatang sa kanilang balikat, at tuparin ang anumang ipinangako nila sa mga mahihirap hanggang sa matapos ang kanilang termino.

Ngunit kadalasan, ang bawat pangako’y tila laway lamang na tumilamsik at natuyo at naglaho. Madalas na sila’y nakalilimot sa kanilang mga ipinangako noong panahon ng kampanya. Nakakaligtaan na nila ang mga taong kanilang pinaasa. Nakakalimutan na rin nila na sila’y nakipag-usap at nangako sa mga tao sa isang pamayanang kanilang pinagkampanyahan. O baka naman ito’y sadyang kinakalimutan dahil tapos na naman ang halalan at sila’y nanalo na at naupo na sa pwestong kanilang pinakaaasam-asam.

Napakasakit lumatay ng mga pangakong ipinako. Nanunuot sa kalamnan. Lalo na sa maraming taong umasa at naghalal sa kanila. Ang bawat pangako’y tila isang laro na lamang ng mga pulitikong maykayang gastusan ang kanilang kampanya. Ang inakalang ginintuang mga pangako ay naging tanso ng mga walang buhay na mga salita. Sana’y hindi na lamang sila nangako.

At hindi lamang pangako, kundi ang mismong namamahala ay inuuod sa kabulukan. Ito’y dahil na rin sa katusuhan ng mga namumuhunan na ang nasasaisip ay kung paano babaratin ang lakas-paggawa ng mga obrero, at hindi pagbabayad ng tamang halaga ng lakas-paggawa. O kung paano aagawin ang mga lupang kinatitirikan ng bahay ng mga mahihirap at ipapangalan sa kanilang mga sarili. o di kaya’y kung paano sila kikita sa kanilang pailalim na transaksyon. Ang nasasaisip na ba ng mga pulitiko ngayon ay mas madali silang yayaman sa gobyerno kaysa sila’y magnegosyo? Imbes na maglingkod ng tunay sa taumbayang kanilang pinangakuan?

Ang mga salaping nakalaan para sa serbisyo ay naipambabayad pa sa utang panlabas na hindi naman napapakinabangan ng taumbayan. Ang mga salaping dapat ay nakalaan na para sa edukasyon, kalusugan, atbp., ay napupunta sa ibang gugulin, tulad ng pamasahe ng iba’t ibang mga pulitikong nangingibang-bansa upang manood lamang ang laban ng kababayang boksingero, o di kaya’y magliwaliw.

Halos ang mga nahahalal na pulitiko’y pulos nasa hanay ng mga mayayaman, mga pulitikong may-ari ng mga malalaki at maliliit na kumpanyang hindi nagbabayad ng tamang halaga ng lakas-paggawa. Mga pulitikong ang tingin sa maralita ay marurumi, mababaho at magnanakaw, gayong ang kadalasang napapabalitang nagbabalik ng mga malalaking salaping naiiwan sa airport, taxi, mall, at maging sa barangay ay pawang mga mahihirap. Wala pa akong narinig na mayamang nagsoli ng perang hindi kanya.

Kadalasan din, patong-patong ang buwis na ipinapataw sa naghihirap na mamamayan, habang ang mga malalaking kapitalista’y lagi silang nalulusutan. Kahit na sa sistema ng hustisya sa bansa, ang mga mahihirap ay agad na nakukulong sa pagnakaw ng isang tinapay dahil sa gutom, pero hindi agad maikulong ang mga nasa gobyernong nagnanakaw ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng bayan.

Anong klaseng gobyerno ito na ang mga nahahalal upang maglingkod sa taumbayan ay sila pang nagsasamantala sa bayan? Ito ba’y kusang nangyayari sa mga nahahalal? O ito’y dulot na rin ng inuuod na sistema ng pamahalaan? Kung ito’y kusang nangyayari sa mga hinalal, ibig sabihin ay sadyang bulok ang sistemang umiiral pagkat nilalamon nito ang mga nilalang na pumapaloob dito. Sa madaling sabi’y sadyang walang mapapala sa ganitong uri ng gobyerno, sa ganitong uri ng sistemang inuuod sa kaibuturan. Ang mga pumapaloob dito’y tila pumapaloob sa kulungan ng mga baboy.

At kung inuuod na ang gobyerno gaya ng nasa loob ng ataul, dapat lang itong ihatid na sa huling hantungan. At ibaon sa kailaliman ng lupa upang di na ganap na mangamoy pa ang baho nito.

Tulad ng maraming inilibing na, ang inuuod na sistemang hindi karapat-dapat mahalin at gunitain ay dapat na ring kalimutan. Ang hindi lamang makalilimot dito’y ang ilang mga nilalang na nakinabang ng husto at kumapal ang bulsa. Sa ganap na pagkalibing ng bulok na sistema’y tiyak na may panibagong sisibol na kaiba kaysa sa inilibing. Ang bagong sibol na ito’y may dalang pag-asa dahil ito’y magiging totoong makatao, makatarungan, at may pagkakapantay-pantay.

At dito sa bagong sistema, titiyakin natin ang ganap na pagiging marangal nito, kung saan ang ating mga pinapangarap na pagbabago ay tuluyang mabubuo at ang kaunlaran ng lipunan ay mattamasa ng lahat ng walang pag-iimbot.

Oo, panahon na para ilibing ang inuuod na sistema lalo na ang bulok na gobyernong inanak at aanakin pa nito.

Oktubre 11, 1999, sa tanggapan ng Sanlakas, Calderon St., QC

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento