Sabado, Oktubre 11, 2008

Minsan na akong naging manggagawa

MINSAN NA AKONG NAGING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan na akong naging manggagawa. Tatlong taon. Machine operator. Muntik maging pangulo ng unyon. Maganda, masaya bagamat masalimuot ang buhay ko noon bilang manggagawa.

Hindi ako nag-aplay bilang manggagawa. Doon na ako dinala ng tadhana. Paano?

Layas ako noon sa aming bahay. Di mapirmi sa tahanan. Hanggang sa kinuha ako ng aking tiyuhin, ang bunsong kapatid ng aking ama, doon sa kanyang tahanan sa Taytay, Rizal, kasama ang iba ko pang mga pinsan. Ipapasok daw ako ng tiyo sa trabaho niya sa National Panasonic. Naroon na rin at tambak na sa kumpanyang iyon ang mga pinsan kong doon nagtatrabaho.

Hanggang sa mabigyan ako ng pagkakataong makapag-aral ng Radio-TV Technician ng anim na buwan sa JVR Technical Center sa Pasay, na pag-aari ng isang JV Del Rosario, na umano'y imbentor ng Karaoke. Ipinasok ako ng tiyo ko doon nang di nakapagpatuloy sa pag-aaral ang 2 sa 40 estudyante doon, isa ako sa naging kapalit. Tatlong buwan pa lang ako doon nang magdesisyon ang eskwelahang iyon na isa ako sa dalawa kong kaklase na pag-aralin bilang OJT (on-the-job-training) ng anim na buwan sa Japan.

Syempre, laking tuwa ko naman. Biro nyo, makakapunta ako ng Japan, at mananatili ako doon ng anim na buwan. Lima kaming pinadala doon, at ginamit naming papeles ng pag-entry ay bilang manggagawa daw ng kumpanyang EEI (Elevator and Excavators Inc.). Dumating kami sa Hanamaki City, sa lalawigan ng Iwate sa Japan noong Hulyo 1988, at nakabalik dito sa Pilipinas nang Enero 1989.

Ilang araw lamang ay tinawagan na ako ng kumpanyang PECCO (Precision Engineered Components Corporation) sa Alabang, Muntinlupa. Isa itong kumpanyang pinamamahalaan ng Pilipino at Hapon. Nagsimula akong magtrabaho bilang machine operator noong Pebrero 1989. Probationary ako ng anim na buwan, at tumagal nang tatlong taon, nagpasyang umalis upang mag-aral muli, kaya nag-resign ako noong Pebrero 1992.

Hindi makikita sa labas ang aming kumpanya, dahil kailangan muna naming pumasok sa tarangkahan ng isa pang kumpanya, ang Kawasaki, bago makapasok sa aming kumpanya. Bilang manggagawa, itinalaga ako sa Metal Press Department kung saan ang mga metal na rolyo ang ipinapasok namin sa makina. Ipapasok namin sa molde na nakasalpak sa AIDA Press Machine para butasan, hatiin ang bawat rolyo sa isang sukat, at imolde upang maging isang pyesa ng floppy disk ng computer. May produktong dadaan sa maraming kamay at makina, tulad ng rotor, stator, at iba pa. Nariyan din ang tinatawag naming C-Guide, na siyang pinakaplato ng floppy disk ng computer, at dumaan ng manwal sa kamay ng pitong manggagawa at pitong makina. May mga pyesang ginawa ng manwal at may automatic.Matapos mamolde ang mga ito’y huhugasan ng tatlong beses sa kumukulong freon upang matanggal ang langis. Ang mga nagawang produkto ay lilihahin sa kabilang departamento upang luminis at di makasugat ang mga kanto ng produkto. At sa iba namang departamento ay pagsasama-samahin at isasalpak ang maliliit na pyesa upang maging floppy disk. Ito naman ang idedeliber sa ibang kumpanya.

Marami akong natutunan sa kumpanya lalo na sa usapin ng pagka-episyente sa trabaho. Isa na rito ang 5 S (seiri - kasinupan; seiton - kaayusan; seiso - kalinisan; seiketsu - pamantayan; at sitsuke - disiplina) na pumapatungkol sa kasinupan sa pagtatrabaho sa kumpanya.

Praktis na namin sa kumpanya ang mag-ehersisyo muna tuwing umaga bago magsimula ang trabaho, pagkatapos noon ay pag-awit ng Lupang Hinirang, at pagtatalumpati ng empleyadong nakatalaga para sa araw na iyon. Isa ako sa nakagamit ng pagtatalumpating iyon upang maupakan ang kantina ng pabrika kung saan may mga nagkasakit na ang tiyan dahil sa kinain ng kasama naming empleyado habang nasa night shift kaming pagtatrabaho. Nagustuhan ng ilan kong katrabaho ang ingles kong speech. Kaya isang kamanggagawang babae, na naging crush ko rin, ang laging nagpapagawa sa akin ng speech o essay para maipasa niya sa school bilang working student. Lagi ko namang pinauunlakan, syempre, dahil akala mo'y diyosa ng kagandahan ang humihiling sa akin na di ko matanggihan.

Nagkaroon din ako ng gawad mula sa kumpanya. May proyekto kasi ang kumpanya na magpasa ang sinumang empleyado ng kanilang ideya upang mapahusay, mapaganda at mapabilis ang trabaho. Kumbaga, parte iyon ng kanilang programa para sa produktibidad. Isa ako sa palaging nagsusumite ng aking mga ideya sa kumpanya. Pansampu ako sa sampung nagawaran ng parangal, isang plake ng pagkilala ang aking natanggap.

Isa sa pinakamatingkad na karanasan ko sa kumpanya ang muntikan ko nang pagtakbo bilang pangulo ng unyon. Nalaman ng aking tiyo na tatakbo ako dahil sa mga ipinasok niyang tao na nagsumbong sa kanya. Ang tiyo ko, na bunsong kapatid ni ama, ang assistant general manager sa kapatid na kumpanya ng pinasukan ko. Kaya sa bispiras ng last day ng pagpa-file ko ng candidacy bilang pangulo ng unyon, kinontak ako ng tiyo ko para pag-usapan ito. Dinala niya ako, kasama ng isa kong kamanggagawa, sa isang restoran at sa isang beerhouse. Nilasing ako. Binigyan ng babaeng kapartner, ngunit hanggang tsansing na lang ako dahil bukod sa antok na'y lasing pa. Sa bahay na ng tiyo ko ako nakatulog, kung saan naroon din ang iba ko pang pinsan na nagtatrabaho sa sister-company ng kumpanyang pinapasukan ko. Sa madaling salita, di na ako nakaabot kinabukasan sa deadline na alas-tres ng hapon, dahil ala-una na ng hapon ako nagising. At tiyak hindi na rin ako aabot dahil sa layo, Taytay, Rizal hanggang sa Alabang, Muntinlupa, bukod pa sa matindi ang hangover ko. Ang aking ikalawang pangulo (bise), na nakapag-file ng candidacy, ang tumakbo at nanalong pangulo ng unyon.

Ang mali ko doon, hindi muna ako nagtala sa candidacy form para kung sakali mang wala ako sa aktwal na pagpa-file, yung kapartido ko na ang maghahain ng aking kandidatura.

Ipinasa ko ang aking resignation paper matapos ang tatlong taon. Ang petsa kung kailan ako nagsimula ang petsa ng aking pagre-resign. Umalis ako ng trabaho dahil nais kong pasukin pa ang ibang larangan. Nagbalik ako sa pag-aaral sa kolehiyo.

Habang tangan ang mga karanasan bilang manggagawa, naging kasapi ako sa pahayagang pangkampus at nagsulat hinggil sa pakikibaka ng mga manggagawa. Dahil pag-graduate namin, tiyak na karamihan sa amin ay magiging manggagawa rin, o empleyado. Hanggang sa maging aktibo ako sa isang aktibistang organisasyon at mahalal na isa sa mga lider nito sa rehiyon ng Kalakhang Maynila at lalawigan ng Rizal.

Dito'y ipinagmamalaki kong isa ako sa mga naging aktibista at mulat na manggagawang naging editor ng pahayagang pangkampus. Sa kalaunan ay naging manunulat ako ng mga publikasyong pangmanggagawa, ang magasing Tambuli at ang pahayagang Obrero.

Sampaloc, Maynila
10 Oktubre 2008

Lunes, Oktubre 6, 2008

Ang Pagsagip ng Punong Gumamela sa Aking Kapatid

ANG PAGSAGIP NG PUNONG GUMAMELA SA AKING KAPATID
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May mga nagtatanong. Paano daw ba ako napasali sa mga samahang makakalikasan?

Naging marubdob ang hangarin kong pangalagaan ang kalikasan at maging aktibo sa gawaing ito dahil sa isang karanasang nagbigay-aral sa akin upang pangalagaan ko ang kalikasan, kumilos, maging bahagi, at maging aktibo sa mga samahang may adbokasya sa kalikasan.

Mahilig sa halaman ang aking ina. Kaya nga nuong bata pa kami, pulos mga halamang nakalagay sa paso, o sa malalaking lata ng biskwit at gatas, ang makikita sa labas ng bahay, sa mismong bangketa, bukod pa sa may tanim din kaming puno ng gumamela sa bangketa sa loob ng isang kwadradong sementadong pilapil na may apat na talampakan ang haba habang isang talampakan ang luwang. Paglabas ng pinto ay makikita agad ang sari-saring halaman, may orchids din. Lagi itong dinidiligan ni Inay tuwing umaga, at kadalasang ako ang kanyang inuutusang magdilig ng halaman.

Isa kami sa mga nakatirang may mga halamang tanim sa parteng iyon ng Balic-Balic sa Lungsod ng Maynila, habang karamihan ay wala. Lumaki ako sa isang lugar na ang kalikasan ay palibot ng gusali, pader, semento at aspaltadong kalsada, at madalas ang pagbaha kapag umuulan. Masikip na syudad dahil puno ng iba't ibang uri ng tao. May basketball court din sa kalsada. Kaya masarap balikang ang tulad kong lumaki sa sementadong mundo ay pinalaki ng aming inang may pagmamahal sa paghahalaman at sa kalikasan.

Nang minsang bumaha hanggang hita sa amin dahil sa bagyo, lubog ang mga kalsada, tinangay ang ilang halaman. Pinahanap sa akin ng nanay ko yung ilang orchids kung natangay na ng tuluyan ng baha. Nadampot ko naman, ngunit kulang ng isa. Nakita ko sa mata ng aking ina ang paghihinayang.

Ang aking ina ang tinuturing kong una kong guro sa kalikasan. Bata pa lang ako'y pinagdidilig na niya ako ng kanyang mga tanim. Hanggang isang araw, umalis ang aking mga magulang at may pinuntahan. Boboto raw sila. Kaya ako ang pinagbantay nila sa aking bunso pa noong kapatid - si Vergel, panglima sa magkakapatid, dahil di pa naipapanganak noon si Ian, na siyang aming bunso ngayon. Siyam na taon ang agwat nila ni Vergel.

Bakasyon noon at kung matatandaan ko pa, magi-Grade 6 na ako sa pasukan. Sa ikalawang palapag ng aming bahay ay nakatulog kaming magkapatid. Ngunit nagising siya't sa kalikutan, ang tatlong taong gulang pa lang na kapatid ko ay nahulog mula sa ikalawang palapag ng aming bahay.

Di ko naman akalaing makalulusot siya sa bintana dahil may mga nakaharang doong kahoy na uno por dos o kaya'y dos por dos na nakapakong pahalang sa apat na bintanang bakal na may salamin.

Nagising akong ikinwento na lang sa akin ng aking ina ang nangyari. Nanikip ang aking dibdib. Di ko alam ang aking gagawin. Pakiramdam ko ay patay na ang aking kapatid. Nanginginig akong bumaba ng bahay at lumabas.

Maya-maya ay nakita ko ang aking ama, tangan sa kamay ang aking kapatid, galing sila ng tindahan. Ayon sa kwento ng aking ama, nagsisigawan ang mga tao sa labas na mahuhulog ang bata. Di nila naagapang sagipin si Vergel, hanggang sa mahulog sa bintana. Una raw ang ulo, ngunit mabuti na lamang at sinalo siya ng punong gumamela, kaya pagbagsak niya sa lupa ay una ang paa.

Mabuti na lamang. Mabuti na lang.

Kung wala ang gumamelang iyon, at ang mga tanim na halaman ng aking ina, tiyak na sa sementadong bangketa ang lagpak ni Vergel, at sakali mang nabuhay pa siya ay tiyak na baldado siya, at sa kalaunan ay mahirapan lamang siya.

Salamat at sinalo siya ng punong gumamela, ang kanyang tagapagligtas. Ilang araw o linggo lamang makalipas ang pangyayaring iyon ay unti-unti nang bumagsak ang punong gumamela at namatay. Tila ba ipinalit ng punong gumamela ang kanyang buhay sa buhay ng aking kapatid na si Vergel. Salamat, salamat sa inaalagaang mga halaman ni Inay. Sinagip nito si Vergel mula sa maagang kamatayan.

Pag naaalala ko ang pangyayaring iyon, naaalala ko ang pagmamahal ng aming ina. Hindi akalain ni Inay na ang kanyang pag-aalaga ng iba't ibang halaman sa labas ng bahay ay malaki pala ang maitutulong upang magligtas ng buhay. Kaya napamahal na rin sa akin ang paghahalaman at inunawa ko ang kalikasan, bagamat laking lungsod ako, lumaking pulos aspaltado't sementado ang kapaligiran, bagamat bihira akong magtanim.

Wala na ang punong gumamelang iyon sa aming bahay, habang si Vergel naman ay nakapagtapos na sa kolehiyo at may sarili nang pamilya. Ngunit ang pangyayaring iyon ay di na nawala sa alaala ng sinuman sa aming pamilya, at iyon ang itinuturing kong unang dahilan ng pagyakap ko sa usaping pangkalikasan.

Kalabisan mang sabihin, ngunit pag nakakakita ako ng punong gumamela ngayon, ay hindi ko maiwasang sabihin sa hangin, "Salamat", na marahil ay ihihihip naman ng hangin sa punong gumamelang namumula sa bulaklak.

Maraming salamat sa aking butihing ina na nagsesermon lagi sa akin na magdilig ng halaman. Ang kanya palang mga sermon ay makabubuti sa aming mga magkakapatid, at nakapagligtas pa ng buhay.

Kaya kung napakaaktibo ko sa iba't ibang isyung may kaugnayan sa kalikasan, ito'y dahil isa na itong commitment at pasasalamat sa buhay, di lang ng aking kapatid, kundi sa buhay ng ating kapwa.