Sabado, Oktubre 11, 2008

Minsan na akong naging manggagawa

MINSAN NA AKONG NAGING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan na akong naging manggagawa. Tatlong taon. Machine operator. Muntik maging pangulo ng unyon. Maganda, masaya bagamat masalimuot ang buhay ko noon bilang manggagawa.

Hindi ako nag-aplay bilang manggagawa. Doon na ako dinala ng tadhana. Paano?

Layas ako noon sa aming bahay. Di mapirmi sa tahanan. Hanggang sa kinuha ako ng aking tiyuhin, ang bunsong kapatid ng aking ama, doon sa kanyang tahanan sa Taytay, Rizal, kasama ang iba ko pang mga pinsan. Ipapasok daw ako ng tiyo sa trabaho niya sa National Panasonic. Naroon na rin at tambak na sa kumpanyang iyon ang mga pinsan kong doon nagtatrabaho.

Hanggang sa mabigyan ako ng pagkakataong makapag-aral ng Radio-TV Technician ng anim na buwan sa JVR Technical Center sa Pasay, na pag-aari ng isang JV Del Rosario, na umano'y imbentor ng Karaoke. Ipinasok ako ng tiyo ko doon nang di nakapagpatuloy sa pag-aaral ang 2 sa 40 estudyante doon, isa ako sa naging kapalit. Tatlong buwan pa lang ako doon nang magdesisyon ang eskwelahang iyon na isa ako sa dalawa kong kaklase na pag-aralin bilang OJT (on-the-job-training) ng anim na buwan sa Japan.

Syempre, laking tuwa ko naman. Biro nyo, makakapunta ako ng Japan, at mananatili ako doon ng anim na buwan. Lima kaming pinadala doon, at ginamit naming papeles ng pag-entry ay bilang manggagawa daw ng kumpanyang EEI (Elevator and Excavators Inc.). Dumating kami sa Hanamaki City, sa lalawigan ng Iwate sa Japan noong Hulyo 1988, at nakabalik dito sa Pilipinas nang Enero 1989.

Ilang araw lamang ay tinawagan na ako ng kumpanyang PECCO (Precision Engineered Components Corporation) sa Alabang, Muntinlupa. Isa itong kumpanyang pinamamahalaan ng Pilipino at Hapon. Nagsimula akong magtrabaho bilang machine operator noong Pebrero 1989. Probationary ako ng anim na buwan, at tumagal nang tatlong taon, nagpasyang umalis upang mag-aral muli, kaya nag-resign ako noong Pebrero 1992.

Hindi makikita sa labas ang aming kumpanya, dahil kailangan muna naming pumasok sa tarangkahan ng isa pang kumpanya, ang Kawasaki, bago makapasok sa aming kumpanya. Bilang manggagawa, itinalaga ako sa Metal Press Department kung saan ang mga metal na rolyo ang ipinapasok namin sa makina. Ipapasok namin sa molde na nakasalpak sa AIDA Press Machine para butasan, hatiin ang bawat rolyo sa isang sukat, at imolde upang maging isang pyesa ng floppy disk ng computer. May produktong dadaan sa maraming kamay at makina, tulad ng rotor, stator, at iba pa. Nariyan din ang tinatawag naming C-Guide, na siyang pinakaplato ng floppy disk ng computer, at dumaan ng manwal sa kamay ng pitong manggagawa at pitong makina. May mga pyesang ginawa ng manwal at may automatic.Matapos mamolde ang mga ito’y huhugasan ng tatlong beses sa kumukulong freon upang matanggal ang langis. Ang mga nagawang produkto ay lilihahin sa kabilang departamento upang luminis at di makasugat ang mga kanto ng produkto. At sa iba namang departamento ay pagsasama-samahin at isasalpak ang maliliit na pyesa upang maging floppy disk. Ito naman ang idedeliber sa ibang kumpanya.

Marami akong natutunan sa kumpanya lalo na sa usapin ng pagka-episyente sa trabaho. Isa na rito ang 5 S (seiri - kasinupan; seiton - kaayusan; seiso - kalinisan; seiketsu - pamantayan; at sitsuke - disiplina) na pumapatungkol sa kasinupan sa pagtatrabaho sa kumpanya.

Praktis na namin sa kumpanya ang mag-ehersisyo muna tuwing umaga bago magsimula ang trabaho, pagkatapos noon ay pag-awit ng Lupang Hinirang, at pagtatalumpati ng empleyadong nakatalaga para sa araw na iyon. Isa ako sa nakagamit ng pagtatalumpating iyon upang maupakan ang kantina ng pabrika kung saan may mga nagkasakit na ang tiyan dahil sa kinain ng kasama naming empleyado habang nasa night shift kaming pagtatrabaho. Nagustuhan ng ilan kong katrabaho ang ingles kong speech. Kaya isang kamanggagawang babae, na naging crush ko rin, ang laging nagpapagawa sa akin ng speech o essay para maipasa niya sa school bilang working student. Lagi ko namang pinauunlakan, syempre, dahil akala mo'y diyosa ng kagandahan ang humihiling sa akin na di ko matanggihan.

Nagkaroon din ako ng gawad mula sa kumpanya. May proyekto kasi ang kumpanya na magpasa ang sinumang empleyado ng kanilang ideya upang mapahusay, mapaganda at mapabilis ang trabaho. Kumbaga, parte iyon ng kanilang programa para sa produktibidad. Isa ako sa palaging nagsusumite ng aking mga ideya sa kumpanya. Pansampu ako sa sampung nagawaran ng parangal, isang plake ng pagkilala ang aking natanggap.

Isa sa pinakamatingkad na karanasan ko sa kumpanya ang muntikan ko nang pagtakbo bilang pangulo ng unyon. Nalaman ng aking tiyo na tatakbo ako dahil sa mga ipinasok niyang tao na nagsumbong sa kanya. Ang tiyo ko, na bunsong kapatid ni ama, ang assistant general manager sa kapatid na kumpanya ng pinasukan ko. Kaya sa bispiras ng last day ng pagpa-file ko ng candidacy bilang pangulo ng unyon, kinontak ako ng tiyo ko para pag-usapan ito. Dinala niya ako, kasama ng isa kong kamanggagawa, sa isang restoran at sa isang beerhouse. Nilasing ako. Binigyan ng babaeng kapartner, ngunit hanggang tsansing na lang ako dahil bukod sa antok na'y lasing pa. Sa bahay na ng tiyo ko ako nakatulog, kung saan naroon din ang iba ko pang pinsan na nagtatrabaho sa sister-company ng kumpanyang pinapasukan ko. Sa madaling salita, di na ako nakaabot kinabukasan sa deadline na alas-tres ng hapon, dahil ala-una na ng hapon ako nagising. At tiyak hindi na rin ako aabot dahil sa layo, Taytay, Rizal hanggang sa Alabang, Muntinlupa, bukod pa sa matindi ang hangover ko. Ang aking ikalawang pangulo (bise), na nakapag-file ng candidacy, ang tumakbo at nanalong pangulo ng unyon.

Ang mali ko doon, hindi muna ako nagtala sa candidacy form para kung sakali mang wala ako sa aktwal na pagpa-file, yung kapartido ko na ang maghahain ng aking kandidatura.

Ipinasa ko ang aking resignation paper matapos ang tatlong taon. Ang petsa kung kailan ako nagsimula ang petsa ng aking pagre-resign. Umalis ako ng trabaho dahil nais kong pasukin pa ang ibang larangan. Nagbalik ako sa pag-aaral sa kolehiyo.

Habang tangan ang mga karanasan bilang manggagawa, naging kasapi ako sa pahayagang pangkampus at nagsulat hinggil sa pakikibaka ng mga manggagawa. Dahil pag-graduate namin, tiyak na karamihan sa amin ay magiging manggagawa rin, o empleyado. Hanggang sa maging aktibo ako sa isang aktibistang organisasyon at mahalal na isa sa mga lider nito sa rehiyon ng Kalakhang Maynila at lalawigan ng Rizal.

Dito'y ipinagmamalaki kong isa ako sa mga naging aktibista at mulat na manggagawang naging editor ng pahayagang pangkampus. Sa kalaunan ay naging manunulat ako ng mga publikasyong pangmanggagawa, ang magasing Tambuli at ang pahayagang Obrero.

Sampaloc, Maynila
10 Oktubre 2008

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento