Lunes, Abril 20, 2009

Bulok na Kamatis

BULOK NA KAMATIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bulok na kamatis. Isang kasabihan ng mga matatanda, o yaong mga may gulang na, na hindi dapat mahaluan ng kahit isang bulok na kamatis ang isang kaing na puno ng kamatis, dahil mahahawa at mabubulok din ang iba nito. Kaya nararapat na tanggalin kaagad, at di manatili kahit isang minuto pa, ang mga bulok na kamatis.

Nakakahawa ang kabulukan, kaya dapat iwasan. Ganito ang bulok na kamatis. Gayundin naman sa sistema ng lipunan. Nakakahawa ang kabulukan kaya dapat iwasan. Nakakahawa ang mga katiwalian, kabalbalan, anomalya, pangungurakot, at iba pang kabalbalan, kaya dapat tanggalin ang mga bulok. Nakakahawa ang mga pulitikong tiwali kaya ang ibang baguhang nais maglingkod sa bayan ay natututo ng katiwalian.

Hindi dapat ihalo sa mga sariwang kamatis ang isang bulok. Gayundin naman, hindi na dapat pang maiboto muli o kaya'y maitalaga sa mataas na katungkulan sa pamahalaan ang mga napatunayan nang bulok na pulitiko. Ilang beses na ba nating napanood sa telebisyon na binato ng bulok na kamatis ang mga pulitikong tiwali at mga sinungaling?

Pero bakit nga ba bulok na kamatis ang paboritong ipambato sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno? Madaling makita ang mensahe. Binato ng bulok na kamatis ang isang pulitiko dahil ang pulitikong ito ay bulok kaya binato. Ibig sabihin, ang pulitiko'y may nagawang kasalanan o kamalian sa kanyang mga pinaggagawa bilang lingkod-bayan. Katiwalian, katarantaduhan, kabalbalan, anomalya, pangungurakot, kasinungalingan, pagsasamantala sa katungkulan, at iba pang kabulukan.

Marami nang lider ng gobyerno ang pinagbabato na ng bulok na kamatis dahil ayaw magsabi ng katotohanan sa taumbayan. Marami pang mga sinungaling ang nais pang batuhin ng bulok na kamatis dahil sa kanilang ginawang kasalanan.

Dalawang lider na ng bansa ang maituturing na halimbawa ng kabulukan ang tinanggal ng taumbayan. Ang isa'y diktador na namatay nang hindi nakulong dahil sa kasalanang ginawa sa sambayanan. Ang isa naman ay sugarol na nahatulang guilty ngunit agad na pinalaya ng kauri niyang elitista.

Nalalapit na naman ang eleksyon. Tiyak na marami na namang mangangako. Tiyak marami na namang paaasahin sa mga pangako. Ang mga mayayamang pulitiko ay makikipagbeso-beso na naman sa maralita, at makikituntong muli sa mga lugar ng iskwater dahil sa boto, pero pagkatapos ng botohan at nanalo, ang pinasukang lugar ng iskwater ay pinandidirihan na.

Ang mga bulok na kamatis, tulad ng mga bulok na pulitiko, ay walang pakinabang para sa kabutihan ng lahat. Dapat lang silang mawala.

Kawawang kamatis. Ang mga nabubulok sa hanay nila ang paboritong gamitin ng mga raliyista upang ipukol sa mukha ng mga mandurugas, mapanlinlang, mga ganid, mandaraya, at higit sa lahat, bulok na pulitiko dahil sa katiwalian, kasinungalingan, at pagsasamantala nila sa mamamayan.

Ngunit mas kawawa ang taumbayan. Ang mga bulok na pulitiko sa hanay ng naghaharing uri ay nagpapatuloy, hindi maalis-alis. Marami kasing magkakamag-anak na nagtutulong-tulong. Marami kasing magkakauri na hindi ang kapakanan ng taumbayan ang nasasaisip kundi kung paano mabubuhay ang kanilang sariling uri - ang uring elitista o yaong tinatawag na naghaharing uri. Tanging ang makaaalis lamang sa mga bulok na pulitiko'y kung mababago ang sistemang naging dahilan kung bakit sila naging tiwali at sinungaling, kung mababago ang sistemang siyang dahilan kung bakit may mahihirap at mayayaman.

Hindi dapat ipagsiksikan pa ang bulok na kamatis sa kaing ng magaganda at sariwang kamatis. Gayundin naman, hindi dapat ipagsiksikan pa ang mga bulok na pulitiko sa gobyerno dahil baka mahawaan pa nila ng kanilang kabulukan ang mga totoong lingkod ng bayan.

Kung nais natin ng maayos na buong kaing na kamatis, tiyakin nating matanggal ang mga bulok. Kung nais nating maging matino ang gobyerno, dapat nating tanggalin ang mga bulok na pulitiko't lingkod-bayan, at baguhin mismo ang sistema ng gobyernong nagluwal ng mga kabulukang ito. Kung nais natin ng matinong lipunan para sa kinabukasan ng ating mga anak at ng mga susunod pang henerasyon, magtulong-tulong tayong baguhin ang sistemang nagluwal at patuloy na nagluluwal ng mga kabulukan ng kasalukuyang mapag-imbot na sistema ng lipunan.

Wala bang pakinabang ang mga bulok na kamatis? Meron. Kung ibabaon natin sila ng tuluyan sa lupa.

Oo, ang mga bulok na kamatis ay dapat ibaon sa lupa upang pakinabangan ng mga uod na makakatulong para lumusog ang lupa. Mga bulok na kamatis na magiging pataba sa lupa. Gayundin naman, ang mga bulok na pulitiko ay dapat na ring ibaon (sa limot) upang sa kangkungan ng kasaysayan na sila pulutin.

Higit sa lahat, ang bulok na kamatis ay pambato sa mga pulitikong sinungaling at puno ng katiwalian. Tutal pareho naman silang bulok kaya magsama sila.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento