ANG SALIN NG "COMMUNISM IS THE DOCTRINE..." NI F. ENGELS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sa
tanong na "What is communism?", ganito ang isinulat ni Friedrich
Engels, "Communism is the doctrine of the conditions of the liberation
of the proletariat."
Ang
inaasahan kong sagot ay "Communism is the system of society which ...",
ngunit ang sinabi ni Engels, "Communism is the doctrine..."
Bagong
kahulugan para sa tulad kong lumaki sa turong ang komunismo ay isang
sistema ng lipunan, at hindi isang "doctrine" o sa wikang Filipino ay
doktrina.
Ang pagkakasalin ko ay ito: "Ang komunismo ang aralin sa kalagayan ng paglaya ng proletaryado."
Ang
tanong na iyon ang una sa dalawampu't limang tanong na sinagot at
ipinaliwanag ni Engels sa kanyang mahabang artikulong "The Principles of
Communism".
Ang
buong artikulong "The Principles of Communism" ay isinalin ko sa wikang
Filipino at isinama sa 16 na akda ng Bolshevismo, Unang Aklat.
Kailangang
isalin kung ano ang angkop, hindi pa kung ano ang eksaktong salin. Ang
salin ng doctrine ay doktrina, turo, aral, aralin, paniniwala, atbp.
Sa
Wikipedia ay ito ang kahulugan ng doctrine: "Often doctrine
specifically suggests a body of religious principles as it is
promulgated by a church, but not necessarily; doctrine is also used to
refer to a principle of law, in the common law traditions, established
through a history of past decisions, such as the doctrine of
self-defense, or the principle of fair use, or the more narrowly
applicable first-sale doctrine."
Dagdag
pa nito: "In some organizations, doctrine is simply defined as "that
which is taught", in other words the basis for institutional teaching of
its personnel internal ways of doing business."
Sa Merriam-Webster, ang doctrine ay "1. teaching, instruction, 2. something that is taught".
Kailangang pag-aralang mabuti ang tamang salin, dahil iyon ang unang tanong sa artikulo, at nakasalalay doon ang buong artikulo.
Doktrina nga ba ang komunismo? Kung doktrina, tulad ba ito ng gamit ng salitang doktrina sa relihiyon?
Hindi
ko isinalin ang doctrine sa doktrina dahil ang salitang "doktrina" ay
malimit na nakaugnay sa relihiyon, lalo na sa Pilipinas. Kaya kung
gagamitin ko sa pagsasalin ng doctrine ay doktrina, at naging ganito:
"Ang komunismo ang doktrina sa kalagayan ng paglaya ng proletaryado",
baka mapagkamalang isang relihiyon ang komunismo.
Hindi
ko ginamit ang salitang "turo" dahil magiging ganito ang salin: "Ang
komunismo ang turo sa kalagayan ng paglaya ng proletaryado." Hindi
angkop. Kahit ang salitang "aral" ay hindi angkop.
Mas
angkop sa palagay ko ang "aralin" na may bahagyang pagkakapareho sa
"aral" bagamat hindi tungkol sa "lesson" ang aralin. "That which is
taught" at "1. teaching, instruction, 2. something that is taught".
Tama
bang salin ng doctrine ay aralin? Sa pagkakagamit ni Engels sa doctrine
at sa napili kong salin, ang salitang aralin ang sa palagay ko'y mas
angkop.
"Communism
is the doctrine of the conditions of the liberation of the
proletariat." "Ang komunismo ang aralin sa kalagayan ng paglaya ng
proletaryado."
Nakakabigla
sa una pag narinig nating ang komunismo ay isang aralin, kung paanong
nakakabigla rin ang sinabi ni Engels na ang komunismo ay "doctrine" at
hindi "system".
Ang
ibig sabihin ni Engels sa ang komunismo ay aralin, bukod sa hindi pa
ito ganap na sistemang umiiral sa panahong isinulat niya iyon, ang
pangunahing larangan ng labanan ay nagsisimula sa isipan. Kailangang
mabago ang pananaw ng proletaryado mula sa burgis na kaisipan kaya dapat
pag-aralan nito ang kanyang kalagayan. Kapag maraming tao ang nag-aral,
sinuri at pinag-isipan ang kalagayan ng proletaryado, makikita nilang
ang manggagawa'y pinagsasamantalahan kaya dapat palayain.
Dagdag
pa rito ang hulaping "ismo" sa komunismo, tulad ng materyalismo,
imperyalismo, kapitalismo, sosyalismo, at iba pa. Tumutukoy ang ismo sa
namamayaning kaisipan sa isang sistema.
Labanan
sa isipan, labanan sa pananaw. Ito ang unang larangan ng tunggalian ng
uri. Ito ang unang larangan na dapat maipagwagi ng uring manggagawa.
Kailangang maunawaan ng proletaryado ang kanyang kalagayan sa lipunan.
Habang maraming manggagawa ang nag-aaral hinggil sa kanilang katayuan,
mapapagtanto nilang marami ang dapat mangarap, kumilos, at magkaisa
upang ganap na matamo ng uring manggagawa ang inaasam nilang paglaya.
Sa
ganitong mga pagmumuni ko napagpasyahang ang doktrinang tinutukoy ni
Engels ay isalin ko sa salitang aralin. At sa palagay ko, ito ang mas
madaling maunawaan ng manggagawang Pilipino, lalo na't sila'y nagnanais
lumaya.
Nawa'y
nabigyan ko ng hustisya ang sa palagay ko'y angkop na salin ng
"Communism is the doctrine of the conditions of the liberation of the
proletariat."