Biyernes, Agosto 15, 2014

Ang makabagbag-damdaming dokumentaryong "Miners Shot Down"

ANG MAKABAGBAG-DAMDAMING DOKUMENTARYONG "MINERS SHOT DOWN"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlumpu't apat na minero ang pinaslang habang nagwewelga at humihiling na itaas ang sahod nilang mga manggagawa. Hindi ibinigay ang kahilingan nila. Ang ibinigay sa kanila: bala. Agosto 16, 2012, sa Marikana, South Africa.

Ikalawa ng hapon, Agosto 13, 2014, Miyerkules, ay naroon na ako sa LEARN Workers House sa Brgy. Laging Handa sa Lungsod Quezon upang manood ng dokumentaryong "Miners Shot Down". Ang film showing na ito, batay sa imbitasyong nakita ko sa facebook, ay pinangunahan ng mga grupong SENTRO, Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Alyansa Tigil Mina (ATM), Lilac, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI). Nasa 25 katao kaming mga nanood nito. Nagsimula ang palabas bandang ikalawa't kalahati ng hapon at natapos ng ikaapat ng hapon.

Nakapukaw ng aking pansin sa imbitasyon ang "Watch actual footage of how South African police forces massacred striking miners demanding better wages". Kasabay ng film showing na ito ang isa pang talakayan, na pinangunahan ng BMP hinggil sa Gaza, ngunit nakadalo na ako ng talakayan hinggil sa paksang iyon. Kaya ang film showing ng "Miners Shot Down" ang pinuntahan ko. Napakahalaga ng isyung ito na hindi ko dapat mapalampas. Minsan lang ito at baka hindi ko na mapanood.

Ang "Miners Shot Down" ay isang dokumentaryong dinirihe ni Rehad Desai. Malaki ang nagawa ng media upang makunan ng actual video ang ilang araw na welga bago ang masaker, ang aktwal na masaker, ang pagbaril ng mga pulis, ang mga naghambalang na mga bangkay, ang panayam sa Commission of Inquiry, at ilang mga panayam sa mga abogado ng minahan at mga lider-manggagawa. Kasama rin sa dokumentaryo ang mismong police footages. Naganap ito sa kabundukan ng Marikana, at ang may-ari o namamahala ng minahan ay ang Lonmin Mining Property.

Kaya minsan mapapaisip ka. Paano nila nakunan ang aktwal na masaker? Gayong sa Pilipinas, halimbawa, ang dalawang masaker sa Nobyembre - ang masaker ng pitong manggagawa sa Hacienda Luisita habang nagwewelga noong Nobyembre 16, 2004, at ang masaker ng dalawanpu't anim (26) na sibiliyan at tatlumpu't dalawang (32) manggagawang mamamahayag noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao. Lumabas lang ang balita matapos mangyari ang masaker. Natural iyon dahil wala pang nangyayari.

Ayon sa ilang balita, nagkataong naroon ang direktor na si Rehad Desai upang kunan lamang ang welga ng mga manggagawa ng Lonmin, na ang nais lamang ay gumawa ng pelikula o dokumentaryo hinggil sa di-pantay na pamamalakad na kinakaharap ng mga pamayanang minerong nagmimina ng platinum. Ngunit hindi niya inaasahan ang mga sumunod na mga pangyayari, lalo na nang pagbabarilin ng mga pulis ang mga minero. Ngunit naroon si Desai na nakakuha ng totoong larawan ng buong pangyayari. Sa isang panayam kay Desai, sinabi niya, “I couldn’t ignore it, it was much too big, much too dramatic and upsetting for me. I had to do something for these miners. I just felt that I had to give them a voice. If authority strikes in such a brutal fashion, artists have to pick a side and indicate which side they’re on. (Hindi ko ito maipagwawalang-bahala, napakalaki nito, sobrang nakakaiyak, at napakasakit para sa akin. Dapat akong may gawin sa mga minerong ito. Dapat ko silang bigyan ng boses. Kung kayang pumaslang ng ganito kabrutal ang mga awtoridad, dapat pumili ng papanigan ang mga nasa sining at ipakita nila kung saan silang panig naroon.)”

Ang naganap na masaker ay front page sa lahat ng pahayagan sa Katimugang Aprika, tulad din nang pinag-usapan ang naganap noong masaker sa Hacienda Luisita at sa Maguindanao. Ang Marikana strike massacre ang kauna-unahang trahedya sa South Africa matapos ang Apartheid.

Ilang araw bago ang masaker sa Marikana ay ipinalabas ang panayam sa mga minero, pulitiko, abogado at ilang tao mula sa Farlam Commission of Inquiry. Nais ng mga manggagawa, na makikita sa kanilang mga kayumangging plakard ang panawagan nilang maitaas ang sahod at hiniling nilang R12,500 isang buwan ang kanilang matanggap. Direktor ng kumpanyang Lonmin ang ngayon ay deputy president ng South Africa na si Cyril Ramaphosa. Ipinakita rin sa dokumentaryo ang labanan sa pagitan ng dalawang malalaking samahan ng manggagawa sa minahan - ang Association of Mineworkers and Construction Union (AMCU) at ang National Union of Mineworkers (NUM). Ang mga minero sa welgang iyon ay hindi pinaboran ng NUM, kaya ang inasahan ng minero ay ang AMCU.

Kitang-kita ang ebidensya. Kitang-kita kung paano pinagbabaril ng mga pulis ang 34 na minero. Wika nga ng isang komentarista, "Yes, the police are that hardened, yes the miners are that desperate, yes the capitalists are that greedy. (Oo, napakatigas ng mga pulis, oo, napakadesperado na ng mga minero, oo, napakasakim ng mga kapitalista.)

Ayon sa aming talakayan matapos ang film showing, ang Lonmin Mining Property ng South Africa ay pag-aari ng kumpanyang Glencore, na siya rin umanong may-ari ng Sagittarius Mines sa Tampakan, South Cotabato dito sa bansa. May batas sa South Cotabato na bawal ang open-pit mining o yaong pagbutas sa lupa, dahil na rin sa maraming dahilan, tulad ng biodibersidad pagkat maraming ilahas (species) ang namumuhay rito, narito ang pinagkukunan ng tubig ng buong South Cotabato na masisira pag natuloy ang pagmimina rito, at nakasasagabal din ang minahang ito sa karapatan ng mga katutubong B'laan. May naganap na ring dalawang masaker doon sa Tampakan - ang Kapeon masaker at ang Preay masaker, kung saan ang mga pamilyang ito ay pinaslang dahil sa pagpoprotesta laban sa pagkakaroon ng minahan sa Tampakan.

Ang Agosto 16 ay itinanghal na Global Day of Remembrance bilang paggunita sa mga manggagawang pinaslang sa Marikana. Kaya magkakaroon din ng pagkilos sa Tampakan sa araw na ito, pagpapalabas din doon ng "Miners Shot Down" at talakayan. 

Bago ito, may pagkilos din dito sa Pambansang Punong Rehiyon (NCR) sa Agosto 15, araw ng Biyernes, sa harap ng tanggapan ng Glencore sa Ortigas Center. Walang pasok sa Glencore pag araw ng Sabado at Linggo kaya ginawang Biyernes ang pagkilos. Ang ilan sa mga panawagang napag-usapan sa talakayan: "Glencore is world class human rights abuser!", "Justice for Marikana and Tampakan victims!", "Glencore, Out of Tampakan, Now!", "Justice for Marikana mine workers in South Africa! Justice for Tampakan anti-mining leaders!", at "Stop the Impunity! Treaty Now!" Nais ko palang idagdag, "Raise the mining workers wages in Marikana!" dahil ang isyu talaga ng mga manggagawa rito ay itaas ang kanilang sahod.

Samahan natin ang mga manggagawa sa minahan ng Marikana, South Africa sa paggunita sa trahedyang ito sa Agosto 16, 2014. Marahil ay kahit sa pagtitirik ng kandila katabi ang mga plakard sa isang mataong lugar.

Inirerekomenda kong panoorin din ito ng mga manggagawa, at mag-iskedyul na rin ng film showing ang iba't ibang grupo ng manggagawa hinggil dito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento