10 PUNTO LABAN SA PAGMIMINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Minsan
na akong nakasama sa rali sa harap ng tanggapan ng isang kilalang
korporasyong nangunguna sa pagmimina. Noong Marso 12, 2014, kasama ako
sa grupong Sanlakas na nagrali sa harapan ng tanggapan ng Philex Mining
Corporation sa #27 Brixton St., Brgy, Capitolio, Pasig City upang
kondenahin ang 19 na taon ng disgrasya sa mamamayan dulot ng walang
habas na pagmimina.
Ipinahayag pa ng Sanlakas, kasama ang Alyansa Tigil Mina (ATM), na dapat magkaroon ng katarungan ang mga biktima ng malawakang pagmimina at dapat nang palitan ang RA 7942 o Mining Act of 1995, at palitan ito ng AMMB (Alternative Mineral Resources Bill) na nakasalang ngayon sa Kongreso. Makikita sa mga plakard ang mga panawagang tulad ng: "Notice of Closure for Philex Mining Corporation!", "Ibasura ang Mining Act of 1995 (RA 7942), at "Katarungan sa lahat ng biktima ng disgrasya ng pagmimina!"
Ipinahayag pa ng Sanlakas, kasama ang Alyansa Tigil Mina (ATM), na dapat magkaroon ng katarungan ang mga biktima ng malawakang pagmimina at dapat nang palitan ang RA 7942 o Mining Act of 1995, at palitan ito ng AMMB (Alternative Mineral Resources Bill) na nakasalang ngayon sa Kongreso. Makikita sa mga plakard ang mga panawagang tulad ng: "Notice of Closure for Philex Mining Corporation!", "Ibasura ang Mining Act of 1995 (RA 7942), at "Katarungan sa lahat ng biktima ng disgrasya ng pagmimina!"
Noon
namang Agosto 15, 2014 ay sumama rin ang inyong lingkod sa rali sa
harap ng tanggapan ng internasyunal na kumpanyang Glencore sa Ortigas.
Dala ang panawagang "Glencore: World-Class Human Rights Abuser!", ang
nasabing pagkilos ay bilang paggunita sa naganap na masaker ng 34 na
manggagawa sa minahan noong Agosto 16, 2012 sa Lonmin Mining Property sa
Marikana, South Africa. Hinihiling ng mga manggagawa na itaas ang
kanilang sahod ngunit ang natanggap nila'y punglo, kamatayan.
Ang
Lonmin Mining Property ng South Africa ay pag-aari ng kumpanyang
Glencore, na siya rin umanong may-ari ng Sagittarius Mines sa Tampakan,
South Cotabato dito sa bansa. May masaker ding nangyari sa Tampakan
dahil sa mariing pagtutol ng mga katutubo sa pagmimina sa kanilang
lugar. Ang nangyaring iyon sa Marikana ay naging isang dokumentaryong
pinamagatang "Miners Shot Down" na ipinalabas na sa maraming bansa, at
ipinalabas din dito sa Pilipinas noong Agosto 13, 2014. Iniugnay rin ang
nangyaring iyon sa naganap na masaker sa Tampakan sa South Cotabato
noong Oktubre 2012, kung saan pinaslang ang pamilyang Kapeon na tutol sa
pagmimina sa kanilang lugar. Ang Agosto 16 ng bawat taon ay
idineklarang Global Day of Remembrance (Pandaigdigang Araw ng Paggunita)
sa mga pinaslang na manggagawa sa Marikana.
Nitong
Nobyembre 19-21, 2014 ay nakasama ako sa 3-araw na environmental and
workers rights training sa isang anti-mining area sa Zambales. Ako ang
kinuhang tagatala ng mga usapan o minutero ng buong tatlong araw na
pagsasanay ng mga manggagawa mula sa iba't ibang minahan sa Zambales.
Ang kanilang isyu - sila ay tinanggal sa trabaho, at kung may trabaho
man, hindi sila regular, mababa ang sahod, at walang TIN, SSS, at
PhilHealth. Sa ikatlong araw ng aktibidad na ito'y naitatag ang Mining
Workers for the Environment Association (MWEA). Ito'y binubuo ng mga
manggagawa mula sa apat na malalaking kumpanya sa pagmimina, na Benguet
Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals Inc. (EMI), Zambales
Diversified Metals Corporation (ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining
Corporation / LnL Archipelagic Minerals, Inc. (FMC/LAMI). Ang nasabing
aktibidad ay pinangunahan ng Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales
(CCOS) sa pangunguna ni Dr. Ben Molino, Bukluran ng Manggagawang
Pilipino (BMP), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Alyansa
Tigil Mina (ATM), at dumating din doon bilang tagapagsalita si Mr. Max
de Mesa ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA).
Kinabukasan, Nobyembre 22, 2014, ay inilunsad naman ang isang talakayan
sa umaga, na pinamagatan nilang "Ang Kapaligiran, ang Batas at
Pagmimina, at Kagalingan ng Mamamayan".
Nito
lang Marso 10, 2015 ay dalawang dekada na ang Batas Republika 7942, na
mas kilala bilang Mining Act of 1995 ng Pilipinas. Isa umano itong batas
na magdudulot ng paglago ng ekonomya, sustenableng pag-unlad,
oportunidad na magkatrabaho ang marami, at lubusang magamit ang yamang
mineral ng bansa. Ngunit hindi iyon ang naganap. Ang mga pangako’y
napako, dahil na rin marahil pangako iyong walang katiyakan at nakabatay
sa pagwasak ng ating kapaligiran Pagkat dalawampung taon na ay hindi
pag-unlad ang nakamit ng bansa, kundi pagkawasak ng kalikasan, pagkaapi,
pagkataboy, at kamatayan ng mga katutubong naninirahan sa paligid ng
minahan.
Ano
na nga bang kinahinatnan ng mga imbestigasyon sa naganap sa Marcopper
sa Marinduque? Sa iba pang lugar ng pagmimina, tulad sa Didipio?
Sa
mga nangyayaring iyon, may inilatag na sampung punto ng karapatang
pantao hinggil sa pagmimina (Ten-Point Human Rights Agenda on Mining)
ang iba't ibang grupong makakalikasan, sa pangunguna ng Alyansa Tigil
Mina (ATM).
Ang sampung punto o kahilingan, o gabay sa pagkilos, ay ang mga sumusunod, pati na ang kanilang paliwanag:
1. IBASURA ANG MINING ACT OF 1995! ISABATAS ANG ALTERNATIVE MINERALS MANAGEMENT BILL (AMMB)! Hindi
buti kundi pagkawasak ng likas-yaman ang dulot ng pagpapatupad ng Batas
Republika 7942 (o ang Batas sa Pagmimina ng 1995). May depekto ang
batas na ito, at hindi nito kinikilala ang karapatan ng pamayanan, lokal
na pamahalaan, at mga katutubo na epektibong makalahok sa pagpapasya
kung tatanggapin ang pagmimina o hindi. Kinakailangan ng isang bagong
batas sa pagmimina na magtataguyod hindi lamang ng karapatang
pang-ekonomya ng mga Pilipino sa pamamagitan ng makatarungang
pagbabahaginan ng mga benepisyong galing sa mga mineral, kundi isang
makatwirang paraan ng pagpapahalaga at pamamahala ng ating mga mineral
patungo sa pambansang industriyalisasyon
2. ITIGIL ANG MALAWAKANG PAGMIMINA! Tuluyan
nang winawasak ng malawakang pagmimina ang kalikasan, binabago na ang
kapaligiran, at pati na pamumuhay ng mga tao, bukod pa sa ito'y nagiging
dahilan ng maraming pang-aabuso at paglabas sa karapatang pantao. Ang
mga malawakang pagmiminang ito ay inaari at pinatatakbo ng mga lokal at
transnasyunal na korporasyon sa pamamagitan ng paggamit ng dahas,
panlilinlang, pang-uuto, panunuhol, mga pwersang paramilitar at kahit na
pagpatay upang mapatahimik lamang ang mga tumututol sa mga proyektong
pagmimina. Malaki rin ang negatibong epekto ng malawakang pagminina sa
buhay at kabuhayan ng mga pamayanang nakapaligid dito, tulad ng
pagkataboy sa tirahan, di-tiyak na trabaho, pagkawala ng kultura,
pagkawasak ng kapaligiran.
3. IGALANG, PROTEKTAHAN AT IPATUPAD ANG KARAPATAN SA SARILING PAGPAPASYA NG MGA LUMAD (FPIC)! Isa
sa mga matitinding isyu laban sa pagmimina ay ang kabiguan nitong
humingi sa mga katutubo ng malaya, una, at ganap na pagsang-ayon, o
yaong FPIC (free, prior and informed consent), na nakalatag sa IPRA
(Indigenous People's Rights Act).
4. PROTEKTAHAN ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATANG PANTAO NG MGA KABABAIHAN AT MGA LUMAD NA BABAE SA MGA LUGAR NG PAGMIMINA! Ang
mga kababaihan, taganayon man o lumad, ang siyang pangunahing nakaharap
sa labanan, lalo na sa pakikibaka upang protektahan ang pamayanan laban
sa salot ng pagmimina. Dama nilang tungkulin nilang ipagtanggol ang
pamayanan upang manatiling buhay sila at ang kanilang lugar. Ngunit may
banta sa kanilang kaligtasan. Nariyan ang pagpaslang noong Oktubre 2012
kay Juvy Capion na isang lider ng tribung B’laan.
5. ITIGIL ANG PAGSASAMANTALA SA MGA MANGGAGAWA SA MGA LUGAR NG PAGMIMINA! Hindi
lamang ang kalikasan ang pinagsasamantalahan ng pagmimina kundi maging
ang ating mga manggagawa. Nakalantad sa maruming kapaligiran, tulad ng
maruming hangin at kakulangan ng proteksyon sa paggawa, ang mga
manggagawa sa minahan. Nariyan pa ang tinatawag na unfair labor practice
(ULP) o hindi makatarungang patakaran sa paggawa, tulad ng salot na
kontraktwalisasyon at kakulangan ng pasahod. Ayon umano sa International
Solidarity Mission on Mining (ISMM), kumikita ng higit sa P36 milyon
ang mga kumpanya sa pagmimina sa dalawang araw na pagtatrabaho ng mga
manggagawang Pinoy sa minahan na nakatatanggap lamang ng P233 na sahod
kada araw, na sadyang kalahati lamang ng P466 na minimum na pasahod kada
araw na natatanggap ng isang manggagawa sa National Capital Region.
Dinudurog din ang pagtatayo ng mga unyon ng manggagawang nagkakaisa
upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
6. PROTEKTAHAN ANG KALIKASAN AT ANG KARAPATAN SA ISANG LIGTAS, MAKATARUNGAN AT BALANSENG EKOLOHIYA! Maraming
mga aplikasyon sa pagmimina, pati na mga proyekto, ang nasa nalalabing
kagubatan ng Pilipinas. Nagdudulot ito ng malaking suliranin pagkat 18%
na lang ng buong kagubatan ang natitira, gayong ang ideyal na bahagdan
dapat ay nasa 50% para sa isang maayos na kapaligiran. Ang mga kontrata
ng pagmimina ay may mga probisyong nagbibigay ng karapatan sa mga
minahan na magtroso sa mga lugar na minimina. Ang maramihang pagpuputol
ng puno at pananalanta nila sa kagubatan, ang paglilihis sa
pinagkukunang tubig, at paglalagay ng imprastruktura sa mga lugar na ito
ay nakasisira sa balanse ng kalikasan. Nanganganib ang kalikasan dahil
sa pangwawasak ng pagmimina. Dahil sa lalong pag-unti ng mga puno ay mas
mahihirapan tayong umangkop at masolusyonan ang banta ng nagbabagong
klima, kaya ang mga dukha'y nahaharap sa panganib na dulot ng mga
kalamidad, tulad ng bagyo, baha, at pagguho ng lupa.
7. ITIGIL ANG MGA PAMAMASLANG! PROTEKTAHAN ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATANG PANTAO! Ang
paglaganap ng operasyon ng pagmimina sa bansa ay kinakitaan ng
pamamaslang sa mga Human Rights Defenders (HRDs) sa larangan ng kanilang
pagtindig laban sa malawakang pagmimina, at pagtataguyod ng adbokasya
para protektahan ang kalikasan. Ang ilan sa mga kilalang taong napaslang
ay sina Fr. Fausto Tentorio ng Hilagang Cotabato at Dr. Gerry Ortega ng
Palawan. Gayundin naman, may mga pinaslang ding mga hindi kilala ngunit
nakibaka para sa kalikasan, tulad ng nangyari kina Genesis Ambason ng
Agusan del Sur, Francisco Canayong ng Leyte, Armin Marin ng Romblon,
Gensun Agustin ng Cagayan, Datu Roy Bagtikan Gallego ng Surigao Sur at
marami pang iba. Ang mga nakikitang direktang responsable sa pamamaslang
ay ang mga pribadong ahensya ng mga gwardya ng kumpanya, ang mga
militar at mga grupong paramilitar, ngunit kasama rin nilang responsable
sa pamamaslang ang mga may-ari ng mga minahan at ang pamahalaan.
8. ITIGIL ANG PAGTATABOY SA MGA TAGANAYON! Protektahan
ang karapatan sa pagkain, tubig, at pagkukunan ng ikabubuhay. Ngunit
dahil sa kakulangan ng konsultasyon at di-pagsisiwalat sa taumbayan ng
impormasyon, ang malawakang pagmimina ay karaniwang nagtataboy sa mga
lumad at iba pang nakatira sa lugar na binigyan ng permisong magmina.
Maraming dokumentadong kaso ang nagpapakita na ang mga operasyon ng mga
nagmimina ay nagdudulot ng takot, pagkabalisa at mga labanan sa mga
apektadong lugar. Pag nagsimula nang minahin ang isang lugar, malaking
panganib na ang dulot nito sa pagkukunan ng maiinom na tubig, tulad ng
ilog, sapa, batis at balon. Napakaraming tubig ang kinakailangan ng mga
nagmimina sa kanilang operasyon at dumudumi pa ang tubig, na siyang
dahilan upang maapektuhang todo ang produksyon ng pagkain at kalusugan
ng mga naninirahan. Ang pagkataboy at paglikas ng mga kababaihan sa
lugar ay nagdudulot ng malaking aalalahanin dahil maaari silang maging
biktima ng sex trafficking.
9. ITIGIL ANG MILITARISASYON AT PAGPAPADALA NG MGA PWERSANG PANDEPENSA PARA SA NEGOSYO! Ang
pagpasok ng mga kumpanya ng pagmimina sa mga pamayanan ay nagdulot ng
militarisasyon sa mga lugar ng katutubo. Madalas na nagpapadala roon ng
mga tropang militar upang depensahan nito ang mga kumpanya ng pagmimina
at magdulot ng takot sa mga tagaroong ayaw sa pagmimina, dahil winawasak
nito ang kanilang lugar, kalikasan at kabuhayan. Gayundin naman, nagbuo
ng sariling pwersang paramilitar ang mga kumpanya ng pagmimina.
Nagdulot ito ng kamatayan at pagkawasak, at di mabilang na paglabag sa
karapatang pantao.
10. KATARUNGAN SA LAHAT NG MGA BIKTIMA NG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO DAHIL SA ISYU NG PAGMIMINA! Wakasan
ang mapagsamantalang pag-unlad! Ang pag-unlad ay nagiging
mapagsamantalang pag-unlad kung ang mamamayan ay nagiging biktima na, at
hindi mga benepisyaryo; kapag binabalewala ang kapakanan at
partisipasyon ng mamamayan sa pagpaplano ng pag-unlad ng kanilang
pamayanan; at kapag ang mamamayan ay itinuturing lang na pain upang
tumubo, imbes na sentro ng pag-unlad. Niyuyurakan ng mapagsamantalang
pag-unlad ang karapatang pantao ng ating mamamayan sa lahat ng aspeto –
sa pang-ekonomya, pampulitika, pangkultura.
Marso 22, 2015
Mga pinaghalawan:
http://alyansatigilmina.net/gallery/tao-muna-hindi-mina-campaign-national-launch/
http://sanlakasfamily.blogspot.com/2014/03/sanlakas-nagrali-sa-tanggapan-ng-philex.html
http://kilusangmasa.blogspot.com/2014/08/kumpanyang-glencore-world-class-human.html
http://alyansatigilmina.net/2015/03/10/atm-statement-for-anti-mining-solidarity-week-9-13-march-2015/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento