Miyerkules, Hunyo 17, 2015

Si Kasamang Wowie

SI KASAMANG WOWIE
ni Greg Bituin Jr.

Kagimbal-gimbal ang nangyari kay kasamang Wowie, o Ericson Dizon. Natagpuan siyang duguan at wala nang buhay noong umaga ng Hunyo 15, 2015, araw ng Lunes, sa garahe ng opisina ng PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice).

Ayon sa mga ulat, nagtamo si Wowie ng 22 tama ng saksak sa kanyang buong katawan. Hindi mapapatawad ang sinumang gumawa noon.

Si Wowie ay matagal nang naging fulltime staff sa BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino). Bago iyon, nagsimula siya sa pakikibaka laban sa demolisyon sa North Triangle noong 1997. Doon ko siya nakilala. Magkakasama kami nina Ka Roger ng KPML, Arnold ng ZOTO, at ako naman sa Sanlakas, nang magkabatuhan sa demolisyon. Ang lider-maralita nila ay si Moises Talisik. Natapos ang demolisyon. Talo ang maralita. Sa lugar na iyon nina Wowie naitayo ang MRT (Metro Rail Transit), bago pa iyon tayuan ng Trinoma.

Ang mga maralita naman ng North Triangle ay nahati. Ang ilan ay napunta na sa relocation site, at ang iba naman ay nagtirik ng mga tolda at barungbarong sa bakanteng lupa sa harapan ng Kongreso bilang protesta sa demolisyon at nang mapansin ang kanilang abang kalagayan. Tumagal din sila ng ilang taon sa lugar na iyon, na siyang kinatatayuan ngayon ng bagong eskwelahang elementarya.

Noong 1998, si Wowie ay kabilang sa mga tumulong sa BMP sa panahon na tumatakbo ang Sanlakas sa kauna-unahang party list system election sa bansa. Nanalo ang Sanlakas at naging kinatawan ng Sanlakas si Rene Magtubo na pangulo ng unyon ng Fortune Tobacco.

Nariyan pa rin si Wowie nang maging representante ng Sanlakas si JV Bautista noong 2001 at Rene Magtubo naman para sa Partido ng Manggagawa (PM).

Nang maghiwalay ng landas ang PM at Sanlakas noong 2007, si Wowie ay nanatili sa BMP habang ang ilan sa mga kasamahan niyang home boys (o yaong mga technical man ng kilusan) ay napunta naman sa PM.

Umalis siya sa BMP upang magtrabaho bilang assistant sa isang school bus, ngunit nagbalik siya sa BMP nang magma-Mayo Uno ng taong 2013.

Halos kilala ng lahat ng mga kasama, at marahil ay bihira sa mga kasama ang hindi nakakakilala sa kanya.

Nitong 2014 ay lumipat na siya sa PMCJ.

May mga biro rin kami kay Wowie. Nang nasa BMP pa siya ay siya si Wowie de Guzman, kapangalan ng artista, at dahil ang pangulo ng BMP ay si Ka Leody de Guzman. Nang lumipat siya sa PLM at doon naglagi bandang 2010-2011, siya naman si Wowie Melencio dahil ang pangulo ng PLM ay si Ka Sonny Melencio. Nang malipat naman siya sa PMCJ, siya na si Wowie Arances dahil ang national coordinator nito ay si Gerry Arances. Pero iyon ay biruan lang namin, at di naman siya napipikon. Laging nakangiti, kahit na pustiso ang kanyang ngiping pinagawa niya sa tulong ng MAG (Medical Action Group). Tuwing Pebrero 7 nagdiriwang ng kaarawan si Wowie, isang araw matapos ang anibersaryo ng kamatayan ni Ka Popoy, na dating pangulo ng BMP.

Si Wowie ay masipag na kasama, masayahing kausap, matibay ang commitment sa gawain, tagapagdala ng mga liham at kalatas ng BMP sa mga opisina ng unyon. Naging tagapamahagi rin siya ng mga babasahin, tulad ng pahayagang Obrero (na nalathala mula Pebrero 2003 hanggang 2009) at magasing Ang Masa na inilalathala ng PLM (na nakapaglabas ng walong isyu mula Setyembre 2011 hanggang kalagitnaan ng 2012), na pareho kong pinagsulatan ng mga panahong iyon. Tumutulong din siya noon sa pamamahagi ng Workers' Standpoint na inilalathala naman ng Labor Education Collective.

Pag nalalapit na ang mga malalaking pagkilos kada taon, tulad ng Mayo Uno, SONA, at Araw ni Bonifacio, siya ang pangunahing tagapinta ng mga chinese banners ng BMP, na minsan ay umaabot ng ilang araw para magawa ang 50 piraso. Nababawasan na kasi ang mga banner ng BMP pagkatapos ng mga rali, kaya laging gumagawa ng bagong banner.

Laging nasa unahan ng rali si Wowie at tagapagdala ng bandila ng BMP. Katunayan, mayroon siyang mahabang pole na bigay pa ng isang Hapones, na pinagkakabitan niya ng flag ng BMP.

Kahit sa taunang proyektong hamon ng BMP ay napakasipag ni Wowie, at siyang nagdadala ng mga order na hamon sa iba't ibang opisina at komunidad. Nakakaunawa siya sa kanyang trabaho kahit na di siya nakapagtapos ng elementarya at di gaanong nakakabasa.

Ginawan ko siya ng ikalawang facebook account nang hindi na niya mabuksan ang una niyang account. Nakahiligan rin niya ang pagpi-facebook, at natuto rin ng konti sa computer.

Anuman ang kasama niyang grupo, siya ang magiting na tagapagdala ng bandila sa unahan. Hindi na siya inuutusan at kusa na niyang dala ang bandila. Maging siya man ay kasama ng BMP, Sanlakas, KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), PLM (Partido Lakas ng Masa), FDC (Freedom from Debt Coalition), at ito ngang huli ay naging kasama na niya ang PMCJ.

Sa unang dalawang araw (Oktubre 2-3, 2014) ng apatnapung araw na Climate Walk ay nakasama namin si Wowie, mula sa Luneta hanggang Muntinlupa sa unang araw, at mula Muntinlupa hanggang Calamba, Laguna, sa ikalawang araw. Nasugatan pa nga siya sa braso nang sumabit siya sa jeep habang kami'y naglalakad. Mula Calamba ay umuwi na sila nina Kevin ng PMCJ sa Maynila.

Nitong huli ay nakita ko sa facebook na kasama siya nina Atty Aaron Pedrosa ng Sanlakas at PMCJ sa Batangas upang iprotesta ang coal-fired power plant doon.

Si Wowie ay hindi lamang simpleng kasama. Siya ay aming kapatid. Oo, kapatid sa pakikibaka. 

Nakakabigla ang pagkapaslang sa kanya. Hindi ko maapuhap ang mga angkop na salitang maglalarawan ng walang awang pagpatay sa ating kasamang Wowie.

Hustisya kay kasamang Wowie! 

2 komento:

  1. Maraming salamat sa madamdaming paggunita kay Wowie!

    TumugonBurahin
  2. Nakakahinayang ang pagkamatay ng isang gaya ni Wowie. Na sa kabila ng kanyang kakulangan ay nagagawang tumulong sa pag organisa, at may mataas na pag intindi sa abang kalagayan ng mahihirap sa lipunan. Hindi ko man siya personal na kakilala, nais kong makiramay dahil meron malaking nawala sa buong sambayanan ng uring manggagawa, uring inaaapi at sa nilalapastangang kalikasan. Makamit mo nawa ang tunay hustisya.

    TumugonBurahin