Huwebes, Agosto 20, 2015

Liit at laki ng letra sa mga polyeto

LIIT AT LAKI NG LETRA SA MGA POLYETO
ni Greg Bituin Jr.

May ilang mga kasama ang nagsasabi na dapat malalaki ang titik o letra ng mga ipinamamahaging polyeto. Ang dahilan: upang basahin daw ng mga pagbibigyan, lalo na yaong mga matatanda na at lumalabo na ang mga mata. 

Kasi umaangal daw yung mga nagbabasa. Maliliit daw ang letra at baka hindi mabasa. Ang liliit daw ng mga font. Kadalasang nasa 10 Times New Roman o Book Antigua, na kadalasang font sa mga pahayagan. Dapat daw nasa 14 o 16 Times New Roman ang laki ng font para daw mabasa.

Sa totoo lang, hindi iyon sa kaliitan ng letra, kundi sa hindi magandang pagkakasulat, kaya hindi interesadong magbasa ang dapat magbasa. Ang totoong dahilan, nakakasawa na ang estilong bulok ng mga nagsusulat ng polyeto. Bakit ka'nyo?

Yung mga matatandang naliliitan kuno sa mga letra ng polyeto, na nais palakihin ang letra, ay yaon ding mga matatanda na mahilig magbasa ng maliliit na letra sa mga tabloid na Tiktik, Hataw, Boso, Abante, Bulgar, at iba pang tabloid. Bakit lagi silang bumibili noon at binabasa ang mga iyon, gayong kayliliit ng mga letra?

Pumunta ka ng mga tambayan, tulad ng barbershop at terminal ng mga dyip at tricycle. May makikita kang dyaryo doon na maliliit ang letra, nasa 10 Times New Roman, o 10 Book Antigua. Bakit nagbabasa ng dyaryo ang mga inaakala nating matatanda na at malalabo na ang mata? Bakit marami ang bumibili ng Inquirer, Philippine Star at Manila Bulletin gayong kayliit ng mga letra nito? Kadalasang nasa 10 Times New Roman ang font.

Interesado kasi sila sa paksa ng mga nakasulat doon. Mga kwentong bold, na inaabangan talaga nila ang istorya. Mga kwentong isports ng inaabangan nilang idolo at koponan. Mga kwentong artista. Mga napapanahong balita.

Pinaglalaanan nila ng P10.00 araw-araw ang paborito nilang tabloid, at P20.00 ang paborito nilang broadsheet.

Hindi pa dahil sa liit o laki ng letra.

Kaya alibi na lang palagi na dapat malaki ang font ng letra sa ating mga polyeto.

Ang problema kasi, hindi na tayo naging creative o malikhain sa pagsusulat. Iisang estilo na lang kasi ang nakikita sa mga polyeto kaya nagsasawa ang mga bumabasa. Para bang kada SONA ay pare-pareho ang nakasulat. Para bang pag tuwing Mayo Uno ay pare-pareho ang isyung nakalathala. Pulos palaban, pulos galit, pulos ibagsak, pulos pare-parehong islogan. Wala nang makitang bago ang mga nagbabasa. Wala nang nakitang kaengga-engganyo na maaakit silang bumasa. Hindi tayo binabasa dahil tingin ng masa, pareho lang ng dati ang kanilang nababasa. Bukod pa sa dapat baguhin ang disenyo o presentasyon ng buong polyeto.

Hindi pa dahil mas kaakit-akit basahin ang kwentong seks, kundi paano ba ang presentasyon natin ng mga isyung napapanahon. Kadalasan, ang papangit ng mga balita sa mga arawang dyaryo dahil pulos krimen at katiwalian ang nilalaman, ngunit bakit mas ito ang binabasa? Dahil ba wala na silang mapagpilian? Kailangan nating pagkunutan ng mga noo. Ano ba ang mas may kaugnayan sa buhay nila kaya nila ito binabasa, o kaya sila nagbabasa noon ay upang maaliw upang pansamantalang makalayo sa kanilang pang-araw-araw na problema? Paano ba tayo mas magiging malikhain?

Hindi ba pwedeng magprotesta ang taumbayan para sabihin sa mga palimbagan ng mga dyaryo na lakihan ang letra upang mabasa ito ng mga malalabo ang mata?

Sa totoo lang, ang istandard o pamantayan sa mga dyaryo ang dapat pamantayan din sa liit o laki ng letra sa mga polyeto, magasin at pahayagan ng kilusan, at hindi ang paboritong alibay na baka hindi mabasa ng mga bibigyan natin ng ating mga babasahin. 

Ang tanong: paano natin gagawing mas interesante sa mambabasa ang ating mga polyeto, dyaryo o anumang babasahin? Mas maging malikhain tayo. 

At kung malikhain na tayo, mas maging malikhain pa tayo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento