Linggo, Pebrero 21, 2016

Kamatayan ng dalawang nobelista

KAMATAYAN NG DALAWANG NOBELISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ika-19 ng Pebrero, 2016, dalawang higanteng nobelista ang namaalam na. Namahinga mang tuluyan ang katawan nina Harper Lee at Umberto Eco, ang kanilang mga nobela ay mananatiling buhay.

Isinilang si Harper Lee sa Monroeville, Alabama sa Estados Unidos noong ika-28 ng Abril, 1926, kung saan doon na rin siya namatay sa gulang na 89. Isinilang naman si Umberto Eco sa Alessandria, Piedmont, sa Italy noong ika-5 ng Enero, 1932, at namatay sa Milan, Lombardy, sa Italy sa gulang na 84.

Kinilala si Harper Lee bilang nobelista nang malathala ang kanyang nobelang "To Kill a Mockingbird" noong 1960. Kinilala naman si Umberto Eco nang malathala naman ang kanyang nobelang  "Il nome della rosa (The Name of the Rose)" noong 1980.

Noong una'y kilala si Harper Lee na nobelistang may iisang nobelang nalathala. Ngunit nitong Hulyo 2015 ay inilathala ang kanyang ikalawang nobela na pinamagatang "Go Set a Watchman", na umano'y isinulat noong kalagitnaan ng 1950s, na sa kalaunan ay sinabing iyon ang unang burador ng nobelang "To Kill a Mockingbird". Nakapagsulat din siya ng mga artikulo para sa iba't ibang magasin, tulad ng "Love—In Other Words" sa magasing Vogue, na nalathala noong 1961, at "Open letter to Oprah Winfrey" sa O: The Oprah Magazine, noong Hulyo 2006. Nagwagi ng Pulitzer Prize noong 1961 ang kanyang nobelang "To Kill a Mockingbird".

Si Umberto Eco naman ay marami pang inilathalang nobela matapos ang The Name of the Rose. At ito'y ang mga sumusunod: Il pendolo di Foucault (1988; isinalin sa Ingles na Foucault's Pendulum, 1989); L'isola del giorno prima (1994; isinalin sa Ingles na The Island of the Day Before, 1995); Baudolino (2000; isinalin sa Ingles na Baudolino, 2001); La misteriosa fiamma della regina Loana (2004; isinalin sa Ingles na The Mysterious Flame of Queen Loana, 2005); Il cimitero di Praga (2010; isinalin sa Ingles na The Prague Cemetery, 2011); at ang Numero zero (2015; isinalin sa Ingles na Numero Zero, 2015). Nagsulat din siya ng iba pang mga aklat na hindi kathang-isip (non-fiction books), antolohiya, at mga aklat pambata.

Si Harper Lee ay nakilala ko noong nasa high school pa ako dahil lagi ko nang nakikita sa mga bookstore ang kanyang nobelang "To Kill A Mockingbird", at sa mga book review. Si Umberto Eco naman ay nakilala ko dahil tinalakay siya ni Edgar Calabia Samar sa aklat nitong "Halos Isang Buhay: Ang Manananggal sa Pagsusulat ng Nobela", kung saan nagbigay pa siya ng isang seksyon dito na may pamagat na "Si Eco at ang Pagsisiyasat sa Kaligirang Historikal".

Dalawang higante ng panitikan. Parehong petsa ng mamatay. Nauna sa kanila'y sabay ding namatay ang dalawa pang higante ng panitikan - sina William Shakespeare at Miguel de Servantes, kung saan sa darating na Abril 23, 2016 ay sabay na gugunitain ng mundo ang kanilang ika-400 anibersaryo ng kamatayan.

Ang pamana nina Lee at Eco ay hindi mamamatay, bagkus mananatili, di lamang sa puso ng kanilang mga tagahanga, kundi sa mga susunod pang mga salinlahing hindi pa sila kilala, ngunit makikilala sila dahil sa kanilang naiwang pamana sa panitikang pandaigdig.

Wika nga ni Isagani Cruz, pangulo ng The Manila Times College: "Writers do not die nor fade away. They live forever in their masterpieces." Isinalin ko ito ng ganito: "Ang mga manunulat ay hindi namamatay o kusang naglalaho. Sila'y nabubuhay magpakailanman sa pamamagitan ng kanilang mga lakang-akda o obra-maestra." 

Siyang tunay, pagkat nabuhay tayong kapiling na natin ang kanilang mga akda, at kung pipiliin nating matiyagang basahin ang kanilang mga obra ay mapagninilayan natin ang timyas ng panitik na kanilang pamana.

Mga pinagsanggunian:
http://www.theguardian.com/books/2016/feb/19/harper-lee-author-to-kill-a-mockingbird-dies-alabama
http://www.theguardian.com/books/2016/feb/20/italian-author-umberto-eco-dies-aged-84
https://en.wikipedia.org/wiki/Harper_Lee
https://en.wikipedia.org/wiki/Umberto_Eco
aklat na Halos Isang Buhay, ni EdgarCalabia Samar

Highway 54 noon, EDSA ngayon


HIGHWAY 54 NOON, EDSA NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa pinakamakasaysayang pook sa ating bansa ang EDSA o Epifacio de los Santos Avenue. Mula sa monumento ni Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan hanggang sa SM Mall of Asia sa Lungsod ng Pasay ang kahabaan ng EDSA. Bago ito tinawag na EDSA, ito'y tinawag munang Highway 54.

Pinangalanan muna itong North and South Circumferential Roas matapos itong magawa noong 1940 na pinangunahan ng mga inhinyerong sina Florencio Moreno at Osmundo Monsod. Ngunit may nagsasabing pinangalanan muna itong Junio 19 bilang pagpupugay sa petsa ng kapanganakan ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal.

Matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan, pinangalanan na itong Highway 54. Subalit bakit Highway 54? Dahil ba ito'y 54 kilometro ang haba. Ngunit ayon sa ilang pananaliksik, ito'y nasa 23.8 kilometro lamang o 14.8 milya.

May nagsasabi namang ang kahabaang ito ng Highway 54 ay itinayo ng 54th Army Engineering Brigade, kung saan kinuha ang numerong 54. Kumbaga ito ang highway na ginawa ng 54th Army Engineering Brigade kaya Highway 54.

Noong ika-7 ng Abril, 1959 ay nilagdaan ang Batas Republika Blg. 2140 kung saan pinangalanang EDSA ang Highway 54. Narito po ang teksto ng isa sa pinakamaikling batas na naisagawa.

Republic Act No. 2140

An Act Changing the Name of Highway 54 in the Province of Rizal to Epifanio de los Santos Avenue in Honor of Don Epifanio de Los Santos, a Filipino Scholar, Jurist and Historian

Section 1. The name of Highway 54 in the Province of Rizal is changed to Epifanio de los Santos Avenue in honor of Don Epifanio de los Santos, a son of said province and the foremost Filipino scholar, jurist and historian of his time.

Section 2. This Act shall take effect upon its approval.

Approved, April 7, 1959.

Inaprubahan ang batas noong ika-7 ng Abril 1959 bilang pagpupugay sa kapanganakan ni Ginoong Epifanio de los Santos, na isinilang noong ika-7 ng Abril, 1871 sa Malabon, at namatay noong ika-28 ng Abril, 1928 sa Maynila. Kilala siya bilang si Don Panyong.

Tiyak na matutuwa ang mga may kaalaman sa wikang Espanyol pag naririnig nila ang pangalang Epifanio de los Santos, na sa Ingles ay nangangahulugang epiphany of the saints. At sa wikang Filipino ay pagpapahayag ng mga banal. Sa Bibliya, ang kwento ng Epiphany ay nakaugnay sa unang tatlong ebanghelista na sina Mateo, Markus at Lukas, at ayon umano sa Mateo 2:1-12, ito ay pagpapahayag ng Kristo sa mga Hentil na kinakatawan ng tatlong Haring Mago.

Si Don Panyong o Epifanio de los Santos ay kilalang Pilipinong historyador, kritiko sa panitikan at sining, dalubhasa sa batas, tagausig, iskolar, arkiwista, pintor, makata, musikero, tagasalin, mamamahayag, patnugot, tagapaglathala, at marami pang iba. Hinirang siya noong 1925 ni Gobernador Heneral Leonard Wood bilang Direktor ng Philippine Library and Museum.

Si Epifanio de los Santos ay itinuturing na isa sa mga pinakamahusay na Pilipino manunulat sa Espanyol ng kanyang panahon at ritinuturing na henyo sa panitikan. Siya ang unang Pilipinong naging kasapi ng  Spanish Royal Academy of Language, Spanish Royal Academy of Literature and Spanish Royal Academy of History in Madrid.

Naglingkod din sa Epifanio de los Santos bilang katulong na patnugot ng rebolusyonaryong pahayagang La Independencia, gamit ang sagisag-panulat niyang G. Solon. Kasapi rin siya ng Kongreso ng Malolos. Isa rin siya sa mga nagtatag ng iba pang pahayagan, tulad ng  La Libertad, El Renacimiento, La Democracia, at La Patria. At nakapaglathala rin ng kanyang akda sa mga publikasyong  Algo de Prosa (1909), Literatura Tagala (1911), El Teatro Tagala (1911) Nuestra Literatura (1913), El Proceso del Dr. José Rizal (1914), at Folklore Musical de Filipinas (1920).

Kasapi rin siya ng "Samahan ng Mga Mananagalog" na pinasimulan ni Felipe Calderon noong 1904, at kinabibilangan din nina Lope K. Santos, Rosa Sevilla, Hermenigildo Cruz, Jaime C. de Veyra at Patricio Mariano. Siya rin ang nagsalin ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas sa wikang Kastila.

Ang ipangalan sa kanya ang isang mahabang kalsada ay isa nang malaking karangalan, pagkat ang mga nagawa niyang ambag sa ating bayan ay hindi matatawaran. Naukit na ang pangalang Epifanio de los Santos sa ating kasaysayan, lalo na noong Rebolusyong EDSA ng 1986, kung saan pinabagsak ng nagkakaisang pagkilos ng mga Pilipino ang kinamumuhiang diktador na dahilan ng maraming pagpatay at pagyurak sa karapatang pantao.

Ang mapayapang Rebolusyong EDSA na ito na ginawang halimbawa ng marami pang bansa upang ibagsak din ng kanilang mamamayan ang mapaniil nilang pamahalaan. Patunay dito ang Singing Revolution sa Estonia, Latvia at Lithuania (1988), Velvet Revolution sa Czechoslovakia (1989), Bulldozer Revolution sa Yugoslavia (2000), Edsa 2 Revolution sa Pilipinas (2001), Rose Revolution sa Georgia (2003), Orange Revolution sa Ukraine (2004), Cedar Revolution sa Lebanon (2005), Tulip Revolution sa Kyrgystan (2005), Jasmine Revolution sa Tunisia (2011), at Day of Anger Revolution sa Egypt (2011). Bagamat may mga hindi nagtagumpay, tulad ng 8888 Uprising sa Burma (1988), Tiananmen Students Protest sa Tsina (1989), Edsa 3 Urban Poor Revolution sa Pilipinas (2001), at Saffron Revolution sa Burma (2007).

Epifanio de los Santos Avenue. EDSA. Hindi lang ito lansangan na lagi nating naiisip na sobra ang trapik. Lansangan din ito na tunay na makasaysayan sa ating bansa, na ipinangalan sa isang maaari din nating ituring na bayani dahil sa dami ng kanyang nagawa para sa ating bayan.

Mga pinagsanggunian:

http://filipinolibrarian.blogspot.com/2006/02/epifanio-de-los-santos-avenue.html
http://www.answers.com/Q/Why_was_EDSA_named_HIghway_54
http://en.wikipilipinas.org/index.php/Epifanio_de_los_Santos_Avenue
https://en.wikipedia.org/wiki/Epifanio_de_los_Santos

Linggo, Pebrero 14, 2016

Pagmumuni sa Araw ng mga Puso

PAGMUMUNI SA ARAW NG MGA PUSO

Ano po kayang aktibidad sa Heart Center ngayong Araw ng mga Puso?

May magagawa kaya silang pagbabago sa mga pulitikong walang puso? (Wala? Wala ngang puso, eh.)

Sinong kandidato ang napupusuan mo?

Bakit pag kampanyahan, nagiging may puso ang mga pulitikong walang puso? (Syempre, dahil sa boto.) Nakakaarkila kaya sila ng puso kaya sa mga dukha' y muling nangangako?

- gregbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 10, 2016

Aming asong nabikig ng stick ng banana q


AMING ASONG NABIKIG NG STICK NG BANANA Q
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabilaukan kanina ang aming asong si Kristyan, alaga ng BMP. Pumasok sa kanyang ngalangala yung nabaling stick ng banana cue. Hindi niya matanggal. Hindi naman niya alam paano gamitin ang kanyang dalawang unahang paa para tanggalin ang bikig, di tulad nating mga tao na susungkitin lang natin ng daliri ang anumang nakabikig sa atin.

Nag-alala kami ng mga kasama. Nakita kong may dugo na ang kanyang gilagid at ikot ng ikot para matanggal ang stick. Miting kanina ng mga taga-Sanlakas sa Sanlakas ofc, at nagmiryenda ng banana cue at lumpya.

Sino ba ang magtatanggal ng stick sa loob ng bibig ng aso, baka makagat sila o masugatan ng ngipin ng aso. Kailangang dalhin sa beterinaryo para ipatanggal yung stick na nakabikig.

Mas makapal ang stick ng banana cue kaysa stick ng barbecue na lagi niyang binabali ng ngipin. Ikinabit ko muna ang tali niya sa leeg para hindi siya tumakbo at makontrol ko para makuha yung nakabikig sa kanya.

Nagpahanap ako ng plais na long nose para pantanggal nang hindi nasasagi ng ngipin ng aso ang aking kamay. Wala. Ang meron ay hand grip. Mas malaki kaysa long nose na pahaba naman. Pinahawak ko sa isang kasama yung hand grip habang hawak ko naman ang bibig ng aso. Ngunit dahil hindi naman niya alaga iyon ay nag-alala siyang makagat. Dahil atubili siya at di naman niya alaga ang aso, kinuha ko na ang hand grip para matanggal na.

Mabait si Kristyan, habang hawak ko yung tali sa leeg, kinausap ko, buka bibig, at ipinasok yung hand grip, umilag. Ipinasok ko muli at umilag muli. Hanggang naipasok ko na sa bibig niya yung hand grip at nailuwa niya yung 3-inches na stick na nagpahirap sa kanya.

Dali-dali kong binigyan ng tubig si Kristyan, at marahil dahil sa pagod, halos kalahati rin sa inuman niya ang naubos. Malungkot na naman siya kasi kailangan kong umalis para sa ilang gawain.

Aral: Huwag bigyan ng stick ng banana cue ang aso para kanyang paglaruan ng ngipin at bali-baliin upang di na siya muling mabikig.