Linggo, Pebrero 21, 2016

Kamatayan ng dalawang nobelista

KAMATAYAN NG DALAWANG NOBELISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ika-19 ng Pebrero, 2016, dalawang higanteng nobelista ang namaalam na. Namahinga mang tuluyan ang katawan nina Harper Lee at Umberto Eco, ang kanilang mga nobela ay mananatiling buhay.

Isinilang si Harper Lee sa Monroeville, Alabama sa Estados Unidos noong ika-28 ng Abril, 1926, kung saan doon na rin siya namatay sa gulang na 89. Isinilang naman si Umberto Eco sa Alessandria, Piedmont, sa Italy noong ika-5 ng Enero, 1932, at namatay sa Milan, Lombardy, sa Italy sa gulang na 84.

Kinilala si Harper Lee bilang nobelista nang malathala ang kanyang nobelang "To Kill a Mockingbird" noong 1960. Kinilala naman si Umberto Eco nang malathala naman ang kanyang nobelang  "Il nome della rosa (The Name of the Rose)" noong 1980.

Noong una'y kilala si Harper Lee na nobelistang may iisang nobelang nalathala. Ngunit nitong Hulyo 2015 ay inilathala ang kanyang ikalawang nobela na pinamagatang "Go Set a Watchman", na umano'y isinulat noong kalagitnaan ng 1950s, na sa kalaunan ay sinabing iyon ang unang burador ng nobelang "To Kill a Mockingbird". Nakapagsulat din siya ng mga artikulo para sa iba't ibang magasin, tulad ng "Love—In Other Words" sa magasing Vogue, na nalathala noong 1961, at "Open letter to Oprah Winfrey" sa O: The Oprah Magazine, noong Hulyo 2006. Nagwagi ng Pulitzer Prize noong 1961 ang kanyang nobelang "To Kill a Mockingbird".

Si Umberto Eco naman ay marami pang inilathalang nobela matapos ang The Name of the Rose. At ito'y ang mga sumusunod: Il pendolo di Foucault (1988; isinalin sa Ingles na Foucault's Pendulum, 1989); L'isola del giorno prima (1994; isinalin sa Ingles na The Island of the Day Before, 1995); Baudolino (2000; isinalin sa Ingles na Baudolino, 2001); La misteriosa fiamma della regina Loana (2004; isinalin sa Ingles na The Mysterious Flame of Queen Loana, 2005); Il cimitero di Praga (2010; isinalin sa Ingles na The Prague Cemetery, 2011); at ang Numero zero (2015; isinalin sa Ingles na Numero Zero, 2015). Nagsulat din siya ng iba pang mga aklat na hindi kathang-isip (non-fiction books), antolohiya, at mga aklat pambata.

Si Harper Lee ay nakilala ko noong nasa high school pa ako dahil lagi ko nang nakikita sa mga bookstore ang kanyang nobelang "To Kill A Mockingbird", at sa mga book review. Si Umberto Eco naman ay nakilala ko dahil tinalakay siya ni Edgar Calabia Samar sa aklat nitong "Halos Isang Buhay: Ang Manananggal sa Pagsusulat ng Nobela", kung saan nagbigay pa siya ng isang seksyon dito na may pamagat na "Si Eco at ang Pagsisiyasat sa Kaligirang Historikal".

Dalawang higante ng panitikan. Parehong petsa ng mamatay. Nauna sa kanila'y sabay ding namatay ang dalawa pang higante ng panitikan - sina William Shakespeare at Miguel de Servantes, kung saan sa darating na Abril 23, 2016 ay sabay na gugunitain ng mundo ang kanilang ika-400 anibersaryo ng kamatayan.

Ang pamana nina Lee at Eco ay hindi mamamatay, bagkus mananatili, di lamang sa puso ng kanilang mga tagahanga, kundi sa mga susunod pang mga salinlahing hindi pa sila kilala, ngunit makikilala sila dahil sa kanilang naiwang pamana sa panitikang pandaigdig.

Wika nga ni Isagani Cruz, pangulo ng The Manila Times College: "Writers do not die nor fade away. They live forever in their masterpieces." Isinalin ko ito ng ganito: "Ang mga manunulat ay hindi namamatay o kusang naglalaho. Sila'y nabubuhay magpakailanman sa pamamagitan ng kanilang mga lakang-akda o obra-maestra." 

Siyang tunay, pagkat nabuhay tayong kapiling na natin ang kanilang mga akda, at kung pipiliin nating matiyagang basahin ang kanilang mga obra ay mapagninilayan natin ang timyas ng panitik na kanilang pamana.

Mga pinagsanggunian:
http://www.theguardian.com/books/2016/feb/19/harper-lee-author-to-kill-a-mockingbird-dies-alabama
http://www.theguardian.com/books/2016/feb/20/italian-author-umberto-eco-dies-aged-84
https://en.wikipedia.org/wiki/Harper_Lee
https://en.wikipedia.org/wiki/Umberto_Eco
aklat na Halos Isang Buhay, ni EdgarCalabia Samar

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento