PANGITAIN
Nagulat ako sa petsa nang di sinasadyang makita ko muli sa computer kanina ang mga litratong ito namin nina Ka Romy at Wowie, na pawang matatagal ko nang kasama sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ang petsa ng litrato ay June 13, 2013.
JUNE 13, 2013 - tatlo kami nina Wowie at Ka Romy na nagpunta sa UP Diliman upang dumalo sa isang pagtitipon. Dahil maaga pa, naglibot muna kami sa UP at nagkodakan gamit ang aking instamatic camera (sira na iyon ngayon). "When one commits oneself to the struggle, it must be for a lifetime." Makahulugan ang sinabing iyon ng isang Angela Davis, na pumapatungkol din sa aming tatlo na itinalaga na ang buhay sa pakikibaka, at sa tarpouline na iyon na nakasabit ay nagpakuha kami ng litrato, tigalawa lang dahil di ko pa alam mag-selfie sa instamatic camera, buti kung cellphone camera ang aking gamit. Bawal daw ang tatlo, sabi ng iba, na magpakuha ng picture, pero sina Tito, Vic at Joey, pati na Apo Hiking Society ay tatlo, pero buhay pa sila ngayon.
JUNE 5, 2014 - sumakabilang buhay si Ka Romy.
JUNE 14, 2015 - sumakabilang buhay si Wowie.
Isa kada taon sa naglitratuhang iyon ang namatay na.
JUNE 2016 - ako na lang ang natitirang buhay sa tatlong iyon. Pagkalipas ng JUNE ng bawat taon, ako na ba ang susunod?
Hindi ako naniniwala sa mga hula, lalo na't walang batayan, tulad ng pamahiin. Ngunit nagulat talaga ako sa mga petsa magmula ng June 2013. Parang may padron (pattern) na di ko maunawaan. Di ko alam kung makaka-survive ako ngayong June 2016. At sana'y makaabot pa ako ng July 2016 para masabi kong hindi totoo ang padron na ito. Marami pa akong plano, tulad ng paghahanda ng mga aklat ng tula at saliksik, na nais kong nagawa at malathala.
Gayunman, hindi natin hawak ang ating tadhana kung kailan tayo mamamatay. Biglaan kung dumating si Kamatayan. Kung sakali mang ako na ang susunod ngayong JUNE 2016, narito ang isa kong tula na nilikha ko ilang taon na ang nakararaan, at nalathala noong Disyembre 2011 sa aklat kong "Markang Putik, 7 sanaysay, 49 tula". Pinamagatan ko iyong "Una Kong Pamamaalam" na sarili kong bersyon ng "Huling Paalam" ni Dr. Jose Rizal. Ang tula'y may petsang Mayo 3, 2010, na kasabay ng pagdiriwang ng International Press Freedom Day. Nawa'y maipamahagi ang tula kong ito sa aking burol, kung sakali mang totoo na masama ang tatlo sa pagkokodakan, at di ko na maabutan pa ang July 2016.
UNA KONG PAMAMAALAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod
Malugod kong inihahandog sa sambayanan ang buhay ko’t bisig
Upang baguhin ang lipunan at sa sinuman ay di palulupig
Kalakip ang prinsipyong sa pagkakapantay ng lahat nasasalig
Kasama ng maraming aktibistang sariling dugo’y idinilig
Ito ako, mga kaibigan, kasama, pamilya, iniibig
Ako’y nalulugmok habang nakikitang ang bayan ay nagdurusa
Habang nagpapasasa sa yaman ang iilang trapo’t elitista
Magpapatuloy akong lingkod nyo sa larangan ng pakikibaka
Habang tangan-tangan ko sa puso’t diwa ang prinsipyong sosyalista
Ako’y handang mamatay sa paglaban sa uring mapagsamantala
Mamamatay akong nababanaag ko ang tagumpay ng obrero
Laban sa kasakiman nitong masibang sistemang kapitalismo
Mamamatay akong nakikibaka laban sa kayraming berdugo
Na nagpapayaman sa dugo’t pawis ng manggagawa’t dukhang tao
Aktibista akong lalaban hanggang dulo, lalabang taas-noo
Noong ako’y musmos pa’t bagong nagkakaisip, aking pinangarap
Na upang umunlad sa buhay na ito, ako’y sadyang magsisikap
Magsisipag ako sa trabaho’t babatahin ang lahat ng hirap
Ngunit habang lumalaki’y napagtanto kong kayraming mapagpanggap
Habang sanlaksa ang dukhang kahit konting ginhawa’y di maapuhap
Sa eskwelahan, pinag-aralan ko ang historya’t matematika
Pinag-aralan pati na agham, wika, panitikan, at iba pa
Natutunan kong nabibili ang edukasyon ng mga maykaya
Kaybaba ng sahod ng manggagawa, walang lupa ang magsasaka
Ang babae’y api, demolisyon sa dukha, habol ang manininda
Sa mura kong isipan noon, kayraming umuukilkil na tanong
Bakit kayrami ng dukha, at may iilang nagpapasasang buhong
Kaya sa paglaon, sa mga naghihirap, pinili kong tumulong
Laban sa kasakiman ng iilan na bayan na ang nilalamon
Sa kabulukan nila, ang sigaw ng pagbabago’y nagsilbing hamon
Sa sarili kong paraan, tumulong akong sa puso’y may ligaya
Hanggang sa kalaunan, ang lipunang ito’y pinag-aralan ko na
Sumama ako sa mga rali at naging ganap na aktibista
Pinasok ang paaralan, mga komunidad at mga pabrika
Sa puso’t diwa’y sigaw: babaguhin natin ang bulok na sistema
Nag-organisa’t nagsulat akong sa puso’y may namumuong galit
Sa sistema ng lipunang sa ating kapwa tao’y sadyang kaylupit
Napakaraming isyung laging ang tanong ko sa isipan ay bakit
Bakit tinanggal kayo sa pabrika, bakit ang lupa nyo’y inilit
Bakit uso ang kontraktwalisasyon, bakit mundo’y pawang pasakit
Tiniis kong lahat kahit mawalay pa sa kinagisnang pamilya
Tiniis pati pagod, bugbog at pukpok sa gaya kong aktibista
Tiniis ang gutom, kawalang pera, basta’t makaugnay sa masa
Dahil ako’y aktibistang nakibaka upang kamtin ang hustisya
Para sa manggagawa’t dukha tungo sa pagbabago ng sistema
Halina’t pagsikapan nating itayo ang lipunang makatao
Gibain na natin ang mga dahilan ng kaapihan sa mundo
Pangunahing wawasakin ang relasyon sa pag-aaring pribado
At iaangat sa pedestal ang hukbong mapagpalayang obrero
Habang dinudurog ang mga labi ng sistemang kapitalismo
Pagpupugay sa lumilikha ng yaman, kayong uring manggagawa
Magkaisang tuluyan kayong ang taguri’y hukbong mapagpalaya
Magkabuklod kayong lagutin ang nakapulupot na tanikala
Magkapitbisig sa pagdurog sa elitista’t burgesyang kuhila
Pagkat nasa mga kamay nyo ang pag-asa ng masang kinawawa
Sa tunggaliang ito’y may mga magagapi’t may magtatagumpay
Ngunit kung sakali mang sa labanang ito’y tanghalin akong bangkay
Ako’y nakahanda na sa pagtigil sa mahaba kong paglalakbay
Pagkat natapos na rin sa wakas ang buhay kong sakbibi ng lumbay
Sa oras na iyon, panahon nang katawan kong pagal ay humimlay
Di na mahalaga kung mga tulad ko’y tuluyang malimutan na
Basta’t mabuhay pa rin ang pangarap nating sosyalismo sa masa
Kung sakaling mabuhay ako dahil sa tula ng pakikibaka
Ipinagpapasalamat ko itong labis sa mga nagbabasa
Na ako pala’y nakatulong magmulat kahit sa mundo’y wala na
Paalam, mga kasama, kapatid, kapamilya, at kaibigan
Mananatili akong sosyalista sa aking puso at isipan
Mamamatay akong aktibista, kahit na ako’y abang lilisan
Taas-kamao akong aalis nang walang bahid ng kahihiyan
Paalam, paalam, magpatuloy man ang mga rali sa lansangan
3 Mayo 2010, International Press Freedom Day
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento