Biyernes, Setyembre 9, 2016

Ang piritay sa kulturang Pinoy at ang pangongopya ni Pirena ng anyo ng iba

ANG PIRITAY SA KULTURANG PINOY AT ANG PANGONGOPYA NI PIRENA NG ANYO NG IBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasubaybayan ko rin ng ilang araw ang bagong pantaseryeng Encantadia, na tungkol sa kasaysayan ng apat na magkakapatid na diwata at anak ni Reyna Minea na sina Pirena, Amihan, Danaya at Alena. At nitong huli nga, nasaksihan ng mga tagapanood nito kung paano gayahin ng kontrabidang si Pirena ang anyo ng kanyang kapatid na si Danaya. Siniraan ni Pirena ang kanyang kapatid at gumawa ng mga kaasalang magpapataw ng parusa kay Danaya. Nagawa ito ni Pirena nang kopyahin niya ang anyo ni Danaya at naghasik ng lagim, sinunog ang gamit ng mga karaniwang nilalang sa Encantadia, at pinaghahampas ng yantok at pinagmumura ang mga tauhan nito.

Dahil dito'y naparusahan si Danaya sa kasalanang hindi niya ginawa. Naparusahan siya ng konseho. Hindi alam nina Reyna Amihan at ng konseho na kayang magpalit ng anyo ni Pirena, at siraan ang sarili nitong kapatid upang makuha lamang kay Amihan ang trono. Ipinatapon si Danaya sa mundo ng mga tao bilang parusa.

Ang ginawa ni Pirena ay katulad ng sa piritay, isang malignong kumokopya ng anyo ng isang tao at inililigaw ito sa ilang. Noong bata pa ako, naikwento ng aming tiyahin, si Nanay Roming o Inay Taba, ang hinggil sa Piritay. Isa ito sa mga kinatatakutan noon sa isang nayon sa Batangas. Ang Piritay ay isang uri ng nilalang na kayang kumopya ng anyo ng isang tao, ngunit hindi tao, kundi parang maligno.

Tulad din ito ng diwatang si Pirena na nagbabago ng anyo, at ginagaya ang anyo ng nais niyang gayahin, na akala mo'y yaong taong iyon talaga ang iyong kaharap. Kayang kopyahin ang iyong anyo.

Naalala ko tuloy ang hunyangong nagbabagong anyo, na kinokopya ang kulay ng anumang makapitan nito, tulad ng kulay ng puno o dahon.

Hinagilap ko sa aking naaagiw na isipan ang ikinwento ng namayapang tiyahing si Inay Taba hinggil sa piritay. Kung matatandaan ko pa, ganito niya iyon ikinwento sa amin: May isang taganayon na hinanap niya ang kanyang kapatid. Nakita niya sa bukid, na papuntang bundok ang kanyang kapatid at hinabol niya ito para pauwiin na at makakain. Ngunit ang ginawa ng kanyang kapatid ay nagpahabol. Hanggang sa magkaligaw-ligaw siya sa bundok. Iyon pala ay piritay ang kanyang hinahabol.

Dahil hindi siya umuwi kinagabihan ay hinanap na siya ng kanyang mga kamag-anak. May nakapagsabi sa kanyang mga kamag-anak na nakita siyang pumunta sa bundok kaya doon nagpunta ang kanyang mga kamag-anak, at iba pang taganayon na nakasulo. Nakita siyang nakahandusay sa dawag, may mga sugat.

Kinabukasan ay sinabi ng kanyang kapatid na hindi naman ito lumayo at nagpahabol. Ang sabi naman ng iba pang taganayon na maaaring piritay ang kanyang hinabol at hindi ang kanyang kapatid, dahil nga nakokopya nito ang anyo ng sinumang naisin nito at dalhin sa malayo ang nakatuwaan nito.

Parang ganito rin ang ginawa ni Pirena, na isang tusong diwata, na kahit sariling kapatid ay nais mapahamak makuha lamang ang trono ng Encantadia. Sa Encantadia ay ipinakita rin ang pagbabagong anyo ni Sangre Danaya na nag-anyong aso para lang makatakas kay Pirena na nais siyang paslangin. Nabanggit din ni Danaya sa punong kawal na si Aquil na may kumokopya ng kanyang wangis na dapat nilang malaman kung sino.

Gayunpaman, hindi kaya ang mga malignong tinatawag na piritay ay mga masasamang engkanto tulad ni Pirena ng Encantadia?

Nasa kultura ng mga malalayong lalawigan ang paniniwala sa mga maligno, halimaw, o ibang nilalang na hindi nakikita ng karaniwang tao. Tulad din sa kwento ng Encantadia na hindi alam ng mga tao na ito'y umiiral. Nariyan sa ating kultura ang mga kilalang kwento ng mga aswang, tiyanak, tikbalang, manananggal, at iba pa. At ang di gaanong popular na kwento ng piritay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento