PAGSAPI SA EX-POLITICAL DETAINEES INITIATIVE (XD)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Una kong nakadaupang palad ang grupong Ex-Political Detainees Initiative (XD) noong Enero 13, 2015 nang sila'y mag-ayuno o fasting sa panahon na paparating si Pope Francis dito sa Pilipinas. Naglagay sila sa kanilang t-shirt ang mga katagang "We are on fasting. Free all political prisoners now!" Nakasulat nga sa isang streamer na kulay puti ay "Palayain ang lahat ng mga biktima ng torture, senior citizen, may karamdaman, at deka-dekada nang detenido at bilanggong pulitikal!" Sa isa pang streamer ay nakasulat ang isang panawagan kay Pope Francis na parating na sa bansa, "Your Holiness, please help and pray for our concern with President Aquino. Free all political detainees and prisoners." Hinihiling nila na nawa'y maging instrumento si Pope Francis upang mapalaya ang mga bilanggong pulitikal.
Ang pangulo ng XD ay si Ka Edwin, na kasama sa Partido Lakas ng Masa (PLM). Isa siya sa mga staff ng Task Force Detainees of the Philippines-National Capital Region (TFDP-NCR) noong panahong ako'y nakapiit sa Pasay City Jail noong taong 2000 dahil sa rali laban sa Visiting Forces Agreement (VFA) at kinasuhan ng pulisya ng direct assault, na dapat ay tatlong taon kong bubunuin. Subalit dahil sa tulong ng TFDP-NCR at ng aking grupong Sanlakas ay nakalaya ako. Hindi ko rin malilimutan ang malaking tulong ni kasamang Judy Ann ng Sanlakas at kasama ko sa nasabing rali habang ako'y nakakulong hanggang sa ako'y lumaya.
Maraming beses na rin akong nagrali, nakatakbo, hindi nahuli, nag-OP-OD, nahuli, nadala sa presinto, nagrali, nabugbog sa rali, nahuli muli, nakalaya. Patuloy ang pagkilos sa kabila ng mga panganib upang prinsipyadong makibaka tungo sa tagumpay ng mga simulain at pangarap na lipunan.
Maraming beses na rin akong nagrali, nakatakbo, hindi nahuli, nag-OP-OD, nahuli, nadala sa presinto, nagrali, nabugbog sa rali, nahuli muli, nakalaya. Patuloy ang pagkilos sa kabila ng mga panganib upang prinsipyadong makibaka tungo sa tagumpay ng mga simulain at pangarap na lipunan.
Kaya nang makilala ko ang XD ay agad akong nagboluntaryong tumulong sa kanilang kampanya. Sumang-ayon naman sina Ka Edwin at ilan pang mga kasama sa XD. Subalit nito lamang Setyembre 2016 talaga ako naging aktibo, lalo nang sumama ako sa ikaapat yatang pagkakataon sa BRAT (Basta Run Against Torture) 2016, isang takbuhan mula sa harapan ng tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) hanggang sa loob ng Quezon Memorial Circle kung saan nagkaroon ng programa. Tumula ako at isa pang kasama bilang kinatawan ng XD sa BRAT.
Ang ilang mga kasama ko sa XD ay nakulong sa Muntinlupa noong panahong kami naman ang dumadalaw sa kanila sa panahon bago mag-Bagong Taon. Binuo nila ang XD noong Nobyembre 17, 2012 sa Bulacan. (Aba, kasabay pala ito ng ika-71 kaarawan ng aking ama.)
Isang aktibidad bilang kasapi ng XD ang tila baga nagpatibay sa aking paninindigan, lalo na sa usapin ng mga bilanggong pulitikal at karapatang pantao. Naganap iyon noong Setyembre 24-25 nang naimbitahan ako sa Balay Rehabilitation Center bilang isa sa apat na kinapanayam at ginawan ng talambuhay bilang mga dating bilanggo hinggil sa naranasan naming tortyur nang kami'y mapiit. Setyembre 27, 2016, ika-31 anibersaryo ng Balay, ay binasa ang aming mga talambuhay sa harap ng maraming tao sa isinagawa nilang programa na ginanap sa Bantayog ng mga Bayani. Doon ay hinandugan ko naman ng tula ang Balay para sa kanilang ika-31 anibersaryo. Pakiramdam ko'y mas naging matikas ang aking pagiging mandirigma matapos ang programang iyon.
Mula noon ay nagpatuloy na ang aking pagkilos sa loob ng XD at itinalaga rin nila ako bilang opisyal na kinatawan ng XD sa grupong iDefend, lalo na sa Komite sa Edukasyon nito. Sa ngayon ay nagsasagawa ako ng ilang mga sulatin para sa XD.
Gayunman, tila malayo pa ang aking lalakbayin upang magampanan ng taospuso ang mga itinalagang gawain sa akin ng XD dahil na rin sa iba ko pang samahang kinikilusan, tulad ng pagiging pultaym sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Tumutulong din ako sa Sanlakas, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), at grupong IDefend para sa ilang gawain. Subalit hindi naman magkahiwalay ang paninindigan ng XD sa mga grupong ito dahil nagkakaisa pa rin kami sa prinsipyo't panawagang itayo ang isang lipunang makatao kung saan wala nang tortyur at nakukulong dahil lang sa kanilang pulitikal na paniniwala.